Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Pebrero 9, 2013
FISHERS OF MEN: Reflection for the 5th Sunday in Ordinary Time Year C - February 10, 2013 - Year of Faith
Merong kwentong pabula (fable) tungkol sa tatlong magkakaibigang manok, baka at baboy na nagpapayabangan kung sino sa kanila ang may "pinakamay-silbi" sa buhay ng tao. Sabi ng manok, "Sa palagay ko ay ako... sapagkat, walang palya kung magbigay ako ng itlog sa mga tao." Sagot ng baka: "May hihigit pa ba sa sariwang gatas na ibinibigay ko araw-araw?" Tahimik ang baboy. Di nga naman siya nangingitlog... at lalong di s'ya nagbibigay ng gatas (ewan ko kung nakatikim ka ng ng gatas ng baboy? hehehe...) pero dahil siya ang bida sa kuwento ay hindi dapat s'ya magpatalo sa dalawa niyang kaibigan kaya sabi nya... "Ako... ang kaya ko lang bigay ay ang aking buong pagkababoy... ang aking karne at dugo! At kapag ibinigay ko yon, yun na!" Ang tawag d'yan sa ingles ay "total commitment". Ito rin ang ipinakita ng mga unang alagad ni Jesus, ang mga mangingisdang sina Simon, Juan at Santiago. "Nang maitabi na nila ang kanilang mga bangka, iniwan nila ang lahat at sumunod kay Jesus." Siguradong hindi naging madali sa kanila ang iwan ang kanilang pamilya at kabuhayan upang sundan ang isang karpentero ng Nazareth. Walang kasiguraduhang naghihintay sa kanila sa pagsunod kay Jesus ngunit nagawa nilang isuko ang lahat para lamang sundan Siya. Ang pagtawag ni Jesus sa mga unang alagad ay pagtawag din para sa ating lahat. Hindi lamang ito para sa mga pari, relihiyoso o mga madre. Ngayong Taon ng Pananampalataya ay pinapaalalahanan tayo na ipinagkaloob sa atin ang "misyon ng pananampalataya" noong tayo ay binyagan. Lahat tayo ay ipinadadala ng Diyos at isinusugo Niya upang gumawa ng kabutihan sa ngalan ng Diyos at para magsalita tungkol sa Diyos. Kung ating pag-iisipan ay hindi lang ito gawain ng pari. Ito ay para sa lahat! Ito ang ating pagiging "mamamalakaya ng tao". At hindi mo kinakailangang lumayo upang maisakatuparan ito. Kung ikaw ay may pamilya ay doon ka ipinapadala ng Diyos. Kung ikaw ay nag-aaral ay ipinapadala ka naman sa iyong paaralan. Kung ikaw ay manggagawa ay ipinapadala ka naman sa lugar na iyong pinagtatrabahuhan. Ibig sabihin ay walang dahilan upang hindi mo magampanan ang pagiging alagad ni Kristo. Kailan ka huling gumawa ng kabutihan para sa iba sa ngalan ng Diyos? Nagawa mo na bang magsalita o magbahagi ng tungkol sa Diyos sa iyong kapwa? Ang hadlang a misyong ito ay ang pag-iisip lang sa ating sarili. Ito ang dapat nating iwaksi at iwanan kung paanong iniwan ni Pedro at ng mga unang alagad ang lahat-lahat. Magagawa rin natin ito kung kinikilala natin na tayo ay makasalanan at hindi karapat-dapat katulad ng pagkilala ni Pedro na siya ay hindi karapat-dapat kay Jesus Sapagkat kung alam natin ito ay maiintindihan natin na ang misyong ibinigay sa atin ay hindi para sa ating sarili kundi ito ay sa Diyos. Tayong lahat ay tiatawagang "manghuli ng mga tao" para sa Kanya sa pamamagitan ng ating mabuting halimbawa at pagsaksi bilang mga tunay na Kristiyano. Tandaan mo... Hindi ka pupunta sa langit o sa impiyerno na nag-iisa... lagi kang may isasama... Saan mo dadalhin ang tropa mo?
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento