Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Agosto 31, 2013
SEASON OF CREATION: Reflection for 22nd Sunday in Ordinary Time Year C - September 1, 2013
Nitong nakaraang buwan lamang ay saksi tayong muli sa mga trahedyang dulot ng malawakang pagbaha. Hindi naman ito ang una ngunit parang sirang plakang paulit-ulit na lang ang problemang dulot tuwing darating ang malakas na buhos ng ulan. Ang may kagagawan? Hindi isang malakas na bagyo ngunit ang hanging HABAGAT. Sabi nga ng isang post na nakita ko sa facebook patungkol kay Habagat: "Dear Habagat, kalma lang please, hangin ka lang. Hindi ka bagyo. Wag kang ASSUMING!" Ngunit si Habagat lang nga ba ang dapat sisihin? Bakit nga ba sa kanya natin ibinubunton ang sisi? Kung susuriin nating mabuti, tayong mga tao ang talagang may sala. Ang walang hambas na pagsira ng mga puno sa mga bundok at pagtatapon ng mga basura sa mga ilog at estero ay ilan lamang sa paglapastangan sa kalikasan na ngayon ay ibinabalik sa atin sa anong trahedya at delubyo. Kaya nga napapanahon na upang pagnilayan natin ang ating mga "kasalanan laban sa kalikasan". Ngayong buwan ng Setyembre ay sinisumulan ng Arkediyosesis ng Maynila ang Season of Creation o ang Panahon ng Paglikha. Ito ang ating kasagutan bilang mga Kristiyano sa mga suliranin na ating kinakaharap sa ating kapaligiran at kalikasan. Ano ba Panahon ng Paglikaha? Una sa lahat, ang Panahon ng Paglikha ay pagbibigay pugay at parangal sa Diyos na Manlilikha na patuloy na nangangalaga sa atin. Ito ang unang pinapahayag natin sa ating Pananampalataya sa tuwing tayo ay nagsisimba pagktapos ng homiliya ng pari. Nararapat lang na ibalik natin sa Diyos ang lahat ng pasasalamat at papuri sapagkat nilikha Niya ang lahat ng "mabuti". Ikalawa, ang Panahon ng Paglikha ay nagbibigay sa atin ng pagninilay na dapat tayong maging mapagkumbaba. Tayo ay ginawa lamang ng Diyos na kanyang mga katiwala o "stewards" kaya wala dapat tayong ipagmalaki o ipagyabang. Tandaan natin ang sinasabi ng Panginoon sa Ebanghelyo ngayong Linggo na ang "nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.” Ang kalikasan ay hindi natin pag-aari. Tagapag-alaga lamang tayo nito kaya nararapat lang na ito ay ating igalang, protektahan at alagaan. Ang mga taong walang pakundangan sa paglapastangan sa kalikasan ay mga taong mayayabang! Ikatlo, sinasabi sa atin ng Panahon ng Paglikha na tayo ay may pananagutan sa kalikasang ipinagkatiwala sa atin ng Diyos bilang tagapamahala. Ecology is our responsibility. Kung ang lahat lamang ay kikilos at magsusumikap na pangalagaan ang kalikasang ibinigay Niya sa atin ay mas magiging maginhawa ang ating pamumuhay. Katulad rin ito ng pag-aalaga natin sa ating katawan. Huwag abusuhin. Bawal ang lahat ng sobra o labis na pagtrato. Bawal ang makasariling pagmamahal. Ang Inang Kalikasan" ay dapat din nating pakitunguhan kung paano natin tinatrato ang ating sarili, pakikitungo na may paggalang at pagmamahal. Mga kapatid, ang Panahon ng Paglikha ay tatagal lamang ng humigit kumulang na isang buwan, mula September 1 hanggang October 6. Ngunit ang ating pag-ako ng responsibilidad na pangalagaan ang mga ibinigay sa atin ng Diyos ay hambambuhay nating gagawin. Sana, sa Taong ito ng Pananampalataya, na kung saan ay sinisimulan natin ang Panahon ng Paglikha ay mapukaw ang ating tulog na damdamin at maging mulat tayo sa hinanaing ng ating Inang Kalikasan na patuloy na dumaraing sapagkat atin itong pinababayaan at pinagsasamantalahan. Sabi ng tema ng Panahon ng Paglikha: "Caring for God's creation is Faith in Action!"
Biyernes, Agosto 23, 2013
ANG MAKIPOT NA PINTUAN: Reflection for 21st Sunday in Ordinary Time Year C - August 25, 2013 - YEAR OF FAITH
Ang langit daw ay gantimpala para sa mga taong nabuhay ng mabuti. Ang impiyerno naman ay para sa mga masasama. Ang purgatoryo... para sa mga nasa gitna: mabuting-masama o masamang-mabuti! Kumbaga sa isang apartment na may tatlong palapag, ang langit ay top floor, ang purgatoryo ay middle floor at ang impiyerno ay ang ground floor. May isang lumang kuwento na minsan daw ay may mga kaluluwang napunta sa purgatoryo. Laking pagkagulat nila ng makita ang kanilang kura-paroko doon. "Hala! Padre! Dito ka rin pala... kelan ka pa dito? Akala pa naman namin nasa top floor ka! Dapat ay nasa top floor ka! Kura paroko ka namin!" Sigaw ng kanyang parokyano. "Shhhh... wag kayong maingay! Baka magising ang obispo. Natutulog s'ya sa ibaba!" hehehe. Pasantabi po sa mga obispo. Pero sa ebanghelyo ngayon ay maliwanag ang sinasabi ni Jesus na may mga "nauunang mahuhuli at nahuhuling mauuna." Sabi nga nila, ang langit daw ay puno ng surpresa! Ngunit katulad nga ng sabi ng Panginoon, isa lang naman ang daan papasok sa langit... ang makipot na pintuan! Kaya nga kung ang hanap natin sa pagiging Kristiyano ay "good time" at "pa-easy-easy" lang tayo sa pagsasabuhay ng ating mga tungkulin bilang tagasunod ni Kristo ay nagkakamali tayo... Hindi puwedeng maligamgam tayo sa harapan ng Diyos. Sala sa init... sala sa lamig! Ang pagiging Kristiyano ay isa lang ang hinihingi... ang maging katulad ni Kristo! Ang makipot na pintuan ay dinaraanan natin araw-araw. Laging bukas... nag-aanyaya ngunit dahil nga sa makipot ay ayaw nating daanan. Mahirap magpatawad. Mahirap maging tapat sa trabaho. Mahirap umunawa. Mahirap magbigay. Mahirap magpakatao. Mas madalli ang sumuway sa utos ng magulang. Mas madali ang magnakaw. Mas madali ang mangopya sa exam. Mas madali ang gumala kaysa mag-aral. Mas madali ang mangaliwa kaysa maging tapat sa asawa. Mas madali ang gumawa ng kasalanan kaysa kabutihan. Mas masarap ang alok nito. Walang hirap. Walang pasakit. Ngunit alam din natin ang patutunguhan ng pintuang maluwag... walang hanggang kapahamakan! Maging matalinong kang Kristiyano. Ngayong Taon ng Pananampalataya ay palakasin natin ang ating paniniwala na may gantimpalang naghhintay sa atin kung tayo ay magpapatuloy sa pagiging mabuti. May gantimpalang naghihintay sa atin kung magtitiwala tayo sa kabutihan ng Diyos na hindi tayo pababayaan sa ating pagsisikap dahil mahal Niya tayo. May "langit" tayong mararating kung magsisikap tayong sumunod sa kanyang kalooban. Tandaan mo... isa lang ang daang patungo kay Kristo... at ang hahantungan mo ay nakasalalay sa pintuang pipiliin mo.
Sabado, Agosto 17, 2013
PAGPANIG SA TOTOO, PAGPILI KAY KRISTO: Reflection for 20th Sunday in Ordinary Time Year C - August 18, 2013 - YEAR OF FAITH
Ano ba ang simbolo ng krus para sa iyo? Marahil ang sagot na agad pumnapasok sa ating pag-iisip ay paghihirap, problema, pasanin sa buhay... Walang masama. Tunay nga namang ang daan ng krus ay daan ng paghihirap. Ngunit hindi lamang ito ang ibig sabihin ng krus. Pakinggan ninyo ang kuwentong ito: "May isang batang umakyat sa isang mataas na puno at parang unggoy na lumalambitin sa mga sanga nito. Takot na takot ang mga tao ng makita ito at pilit nilang pinabababa ang bata ngunit ayaw naman niyang makinig. Sunubukan nilang tawagin ang mga magulang ng bata ngunit ayaw pa rin nitong bumaba. Nang biglang napadaan ang isang pari at hiningian nila ng tulong para maibaba ang bata. Pumayag naman ang pari at agad agad ay tiningala ang bata. Itinaas nito ang kanang kamay at pa-krus na binasbasan ang bata. Nang makita ito ng bata ay agad-agad itong bumaba sa puno. Laking pasasalamat ng mga tao sa pari dahil sa kanyang ginawa. Nang kausapin ang bata kung bakit siya bumaba agad ay ito ang kanyang sagot, "Eh, kasi ang pagkakaintindi ko kay Father ay: Ikaw baba o putol puno! Baba o putol puno!" sabay pa-krus na iwinasiwas ang kamay." Ikaw? Ano ang pagkakaintindi mo sa krus? Para sa isang Kristiyano, ang krus ay hindi lamang simbolo ng paghihirap, kamatayan, pagkatalo. Sa pamamagitan ng pagkakatawang tao ng Anak ng Diyos ay pinalitan niya ang masamang kahulugan ng krus. Sa pagkamatay at muling pagkabuhay ni Jesus ay pinalittan niya ang pangit na sinasabi nito. Ang Krus ay naging simbolo ng tagumpay, bagong pag-asa at kaligtasan. Sabi nga sa ikalawang pagbasa sa sulat sa mga Hebreo, "Dahil sa kagalakang naghihintay sa kanya, hindi niya ikinahiya ang mamatay sa krus, at siya ngayo’y nakaluklok sa kanan ng trono ng Diyos." Ngunit sa pag-akong ito ng krus ay nakaranas si Jesus ng pag-uusig at kahirapan. Marahil ay ito rin talaga ang kinahihinatnan ng mga taong nagpapakatotoo sa pagsunod kay Jesus at sa pagpanig sa katotohanan. Ang sinapit ni Propeta Jeremias sa kamay ng mga namumuno ay isang halimbawa ng sinasabi nating pag-uusig. Ngunit hindi lahat ay ganito ang karanasan. May mga pag-uusig na dala ng ating paninindigan bilang mabubuting Kristiyano. Hindi ba't kung minsan ay tayo pang gumagawa ng tama ang napapasama sa ating mga kaibigan, kabarkada o maging kapamilya? Kung minsan ay parang lalamunin ka ng mga taong liko ang pag-iisip dahil nais nilang mabuhay sa kasinungalingan at pagsasamantala sa iba. Kaya nga't napakahirap manindigan sa katotohan. Mahirap manindigan kay Kristo! Ngunit ito ang kahulugan ng "apoy" na nais pag-alabin ni Jesus sa ating buhay! Huwag tayong mahiyang manindigan para sa Katotohanan. Huwang nating itatwa si Kristo upang mapagbigayan lamang ang kaluguran ng iba. Tunay na ang pagpanig kay Jesus ay magdadala sa atin ng pagpili. Handa ka bang magsakripisyo para kay Kristo?
Miyerkules, Agosto 14, 2013
ANG MAGAANG TUMATAAS: Reflection for the Solemnity of the Assumption: August 15, 2013 Year C - YEAR OF FAITH
"Ano ang natatanging katangian ni Maria bakit siya iniakyat sa langit?" Tanong ng katekista sa batang kanyang tinuturuan. "Sister, kasi po... si Maria ay ubod ng gaang... magaang tulad ng isang lobo." Totoo nga naman, ang magaang madaling umangat... ang magaang madaling pumailanlang sa itaas! Kapistahan ngayon ng Pag-aakyat kay Maria sa Langit. Ayon sa ating pananampalataya, katulad ng idineklara ng Simbahan noong Nobyembre 1, 1950 sa pamamagitan ng isang dogma o aral na dapat paniwalaan ng bawat Katoliko na inihayag ni Pope Pius XII , "si Maria, pagkatapos ng kanyang buhay dito sa lupa, ay iniakyat sa kaluwalhatian ng langit katawan at kaluluwa." Ano ba ang "nagpagaang sa Mahal na birhen?" Ayon sa isa pang dogma na nauna ng itinuro ng Simbahan ay "si Maria ay ipinaglihing walang kasalanan." Ibig sabihin, kung bibigyan natin ng pagpapaliwanag ang sagot ng bata na magaang si Maria, ay sapagkat sa kanyang tanang buhay dito sa lupa ay naging tapat siya sa pagtupad ng kalooban ng Diyos at di nabahiran ang kasalanan ang kanyang buhay. Ang nagpagaang sa kanya ay ang kanyang kawalang-kasalanan! Isang karangalan na tanging inilaan lamang ng Diyos sa magiging ina ng Kanyang Anak... Isang gantimpala dahil sa kanyang katapatan sa Diyos! Ang nagpapabigat naman talaga sa ating buhay bilang mga Kristiyano ay ang kasalanan. Ito ang naglalayo sa atin sa Diyos. Kaya nga ang batang santong si Sto. Domingo Savio ay may natatanging motto: "Death rather than sin!"Kamatayan muna bago magkasala! Sa murang edad niyang 15 taon ay naunawaan niya na ang magdadala sa kanyan sa "itaas" ay ang pag-iwas sa kasalanan. Ito rin ay paghamon sa ating mga Kristiyano. Tanggalin natin ang nagpapabigat na kasalanan sa ating buhay. Iwaksi ang paggawa ng masama. Ugaliin ang paggawa ng mabuti. Balang araw, makakamtam din natin ang gantimpalang ibinigay sa Mahal na Birhen na inilaan din sa bawat isa sa atin.. ang kaluwalhatian ng langit! Iaakyat din tayo sa itaas. Tandaan: ang magaang tumataas! Maria, birheng iniakyat sa langit katawan at kaluluwa... ipanalangin mo kami!
Sabado, Agosto 10, 2013
BUHAY NA PANANAMPALATAYA: Reflection for 19th Sunday in Ordinary Time Year C - August 11, 2013 - YEAR OF FAITH
Ngayong Taon ng Pananampalataya, inaanyayahan tayo na huwag lamang palalimin ang ating pananampalataya kundi isabuhay din natin ito. Minsan ay naanyayahan ako sa burol ng anak ng isang kaibigan. Isa siyang Born Again Christian. Paglapit niya pa lang sa akin ay agad agad na sinabi niyang, "Father, I know that my daughter is saved! Ligtas na siya sapagkat sumampalataya siya kay Kristo!" Napansin kong nagtaasan ng kilay ang mga naroroon at ang iba ay nagbulong-bulungan. Napag-alaman kong ang namatay ay nagpatiwakal dahil hindi na niya nakayanan ang kanyang buhay na naging pariwara. Iniwan siya ng kanyang boyfriend na nakabuntis sa kanya. Bago 'yon ay nalulon siya sa maraming bisyo at sa droga at maraming kinasamang lalaki. Hndi niya naipagpatuloy ang kanyang kolehiyo sa kadahilanang nabuntis siya ng kanyang boyfriend na paglipas ng ilang araw ay iniwan naman siya. At ito ang naging mitsa upang kitilin niya ang kanyang sariling buhay. Sa kabila nito patuloy na sumasagi sa aking isip ang sinasabi ng kanyang ina na "My daughter is saved because she accepted Christ as her personal Savior!" Kasabay nito ay ang mga mukha rin ng mga manang na nagbubulong-bulungan na ngayon ay batid ko na ang nilalaman ng kanilang pinag-uusapan. Bagamat hindi tayo nararapat na maghusga sa isang tao, lalong-lalo na kung ang pinag-uusapan ay ang kanyang kaligtasan, ay mapapaisip naman tayo ng dalawang ulit kung pag-uusapan ay ang pagiging tapat na pamumuhay ng iang kristiyano. Ang pananampalatayang ating tinanggap sa Binyag ay nangangailangan ng pagpapatunay o pagibibigay saksi kung tunay ba tayong mga tagasunod ni Kristo. Ang pananampalataya pagkatapos angkinin ay dapat isinasabuhay. Ang tawag natin dito ay PRAKTIKAL NA PANANAMPALATAYA. Kailan natin masasabing praktikal ang isang pananampalataya? Alam natin ang kahulugan nito: paniniwala... pagtitiwala. Pero kalimitan ay nakakaligtaan natin ang ikatlong katangian ng praktikal na pananampalataya at ito ay ang... pagsunod! Kaya nga't madalas ay nakakakita tayo ng mga "doble-karang Kristiyano", magaling sa salita ngunit kulang naman sa gawa, saulado ang kapitulo at bersikulo ng Bibliya ngunit hindi naman isinasabuhay ito. Ano ba ang nais ng Diyos sa atin? Simple lang, ang isabuhay mo ang pinaniniwalaan mo! Maging tulad tayo ng aliping laging handang naghihintay sa pagdating ng Panginoon. Hindi patulog-tulog, tamad, walang ginagawa, nagsasamantala sa kapwa. Ipakita natin ang isang pananampalatayang buhay! Pananampalatayang hindi lamang laman ng mga isinaulong panalangin o kaalaman sa katesismo, ngunit isang pananampalatayang nakikita sa ating pagsaksi bilang mga tagasunod ni Kristo. Huwang lang nating ipangaral ang pag-ibig, pagpapatawad, pagtulong sa mahihirap... isagawa natin ito. Tandaan natin na sa ating pinagkalooban nito ay mas higit ang inaasahan sa atin ng Panginoon. Buhay ba ang pananampalataya mo?
Sabado, Agosto 3, 2013
KASAKIMAN : Reflection for 18th Sunday in Ordinary Time Year C - August 4, 2013 - YEAR OF FAITH
Sa araw na ito ay ipinagdiriwang natin ang kapistahan ni St. John Maria Vianney. Siya ang kinikilalang patron ng mga pari kaya;t sa araw na ito ay atin ding inaalala at pinaparangalan ang mga pari lalong-lalo na ang mga naglilingkod sa ating mga parokya. Ang pagpapari ay isang bokasyon o pagtawag ng Diyos na nangangahulugan ng buong pusong pag-aalay ng sarili sa Diyos. Sa mundong ating ginagalawan ngayon ay napakahirap magtalaga ng buong sarili sa Diyos. Ang lumiliit na bilang ng mga kabataang nais magpari o magmadre ay isang pagpapatunay nito. Ang pagkalulon ng mundo sa komersyalismo at materyalismo na kung saan ay mas nabibigyang halaga ang mga bagay na panadalian at lumilipas ay nagbubusod sa tao sa kasakiman at pagiging makasarili. Isang matandang negosyanteng intsik ang naghihingalo sa kanyang kama. Napapalibutan siya ng kanyang mga kasambahay na lubha naman ang pagkalungkot. Umuungol na tinawag niya ang mga nasa paligid: "Asawa ko, nand'yan ka ba? " Sagot si misis: "Oo mahal, nandito ako." "Ang panganay ko nand'yan ba?" Sagot si kuya: "Opo dad, nandito ako..." Tawag uli siya: "Ang bunso kong babae nan'dyan din ba?" Sagot si ate: "Yes dad, me here!" Biglang napasaigaw ang matanda: "Mga lintek kayo! Nandito kayong lahat... sino ngayon ang tumatao sa tindahan?" hehehe... Tingnan mo nga naman, mamamatay na lang e negosyo pa rin ang iniisip! Taliwas sa mga narinig natin sa mga pagbasa ngayon. Sa unang pagbasa sinabi ng mangangaral: "Walang kabuluhan, walang halaga ang lahat ng bagay!" Hindi niya sinasabing huwag na tayong mabuhay! Kailangan nating magtrabaho para mabuhay. Kailangan nating mag-ipon ng kayamanan para sa ating seguridad. Ngunit ang ipinapaalala sa atin ay mag-ingat sa labis na paghahangad nito at dahil diyan ay hindi na natin alam ang dapat nating pahalagahan. Mag-ingat sa kasakiman! Sa ating Ebanghelyo ngayon ay sinasabihan tayo sa sasapitin ng taong nagtitipon ng kayamanan para sa sarili, ngunit dukha naman sa paningin ng Diyos! Muli ay ibinabalik tayo ni Jesus na suriin ang ating sarili at tingnan kung ano ba ang pinahahalagahan natin sa ating buhay. Marahil ay ipinanganak tayong may kaya. Marahil nagsikap tayo upang umunlad ang buhay natin. Pasalamatan natin ang Diyos! Ngunit hindi natatapos doon. Tingnan din natin kung papaano natin magagamit ang mga ito sa tamang paraan upang mapaunlad ang ating kabuhayan at makatulong din sa mga taong nangangailangan. Tayo ay tagapag-alaga lamang ng mga bagay na bigay sa atin ng Diyos. Sa sandali ng ating kamatayan ay magsusulit tayo sa mga bagay na ipinagkatiwala niya sa atin. Nakakatakot na matawag niya rin tayong "Hangal!" sapagkat naging sakim tayo! Ngayong Taon ng Pananampalataya pagsumikapan nating palalimin ang pagtitiwala sa mga bagay na hindi kumukupas. Sa halip ay pahalagahan natin ang magdadala sa atin sa walang hanggang kaligayahan. Ituon natin ang ating pagitiwala sa Diyos na Siyang simula at katapusan ng na ating buhay. Siya lamang ang makakasupil sa kasakiman ng buhay!
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)