Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Abril 26, 2014
MGA BANAL NA SALAMIN NG AWA AT PAGMAMAHAL NG MAYKAPAL: Reflection for the 2nd Sunday of Easter Year A - Feast of Christ, King of Divine Mercy - CANONIZATION OF POPE JOHN PAUL II & POPE JOHN XXIII - April 27, 2014 - YEAR OF THE LAITY
Isang makasaysayang kaganapan sa Simbahan ang mangyayari ngayong araw na ito, ika-27 ng Abril 1014. Dalawang Santo Papa, sa katauhan nina Pope John Paul II at Pope John XXIII, ang hihiranging mga banal at isasama sa hanay ng mga santo at santa ng Simbahan. Kung hindi ako nagkakamali, noong taong May 1, 2011, ikalawang Linggo rin ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon,ay aking pinagnilayan ang pagiging "Blessed" ni Pope John Paul II. Pagkatapos lamang ng humigit kumulang na tatlong taon ay narito naman tayo't nagdiriwang para sa kanyang "canonization" o pagiging santo! Tunay na isang malaking biyaya para sa ating Inang Simbahan! Ang desisyong ito ng ating Santo Papang si Papa Francisco ay isang napapanahong desisyon sapagkat ang dalawang banal na Santo Papang ito ay malinaw na nagpapakita sa atin na ang kabanalan ay posible sa panahong ito na marami na ang hindi nagpapahalaga sa Diyos at namumuhay na isinasantabi na lamang ang relihiyon. Hindi sila mga perpektong tao, kung paanong wala naman talagang santo o santa na masasabi nating perpekto. Lahat ng mga hinirang na banal ay makasalanan din na tulad natin ngunit ang kakaiba sa kanila ay ito, na sa kabila ng kanilang pagiging makasalanan ay kinakikitaan sila na may Diyos na buhay na kapiling natin at nagbibigay sa atin ng pag-asa upang magpatuloy sa ating paglalakabay bilang mga Kristiyano. Kapwa may malaking kaugnayan sa Vatican II ang dalawag santong ito. Si Pope John XXIII ang nagbukas ng "pintuan" ng Vatican II upang iakma ang Simbahan sa makabagong panahon at si Pope John Paul II naman ang "pumasok sa pintuang ito" at gumabay at umalalay sa Simbahan upang maglakbay dito. Kapwa sila mga taong nabuhay sa "modernong panahon" at kapwa sila nagpahayag ng kabutihan, awa at pagmamahal ng Diyos! Kaya nga't naakma na ang paghirang sa kanila upang maging banal ay itinapat sa Kapistahan ni Kristo, Hari ng Banal na Awa. Si Pope John XXIII ay binansagang "Il Papa Buono" (the Good Pope) dahil sa kanyang kahanga-hangang kabaitan na na nagsasalamin ng kabutihan at awa ng Diyos. Si Pope John Paul II naman ay ang santo papang inilaan ang buong buhay sa paglilingkod at nagpakita ng malasakit ng Diyos sa tao lalong lalo na sa mga kabataaan. Tunay ngang salamin ng Banal na Awa ng Diyos ang dalawang Santo Papang ito. Sa Ebanghelo ngayong ikalawang Linggo ng Muling Pagkabuhay ay pinaaalalahanan tayo ng Panginoong Jesus na "mapalad ang mga naniniwala kahit na hindi nakakakita!" At iyon ay patungkol Niya sa ating lahat. Hindi man natin nakikita ang Diyos ay dapat manalig tayo sa kanyang mapagkalingang pagmamahal at walang hanggang awa! Higit sa lahat, katulad ni Pope John Paul II at Pope John XXIII, tinatawagan tayong maging instrumento ng Banal na Awa at pag-ibig ng Diyos para sa lahat. Maging tagapaghatid tayo ng pagpapatawad at pang-unawa sa mga taong nakagawa sa atin ng masama o sa mga taong may sama tayo ng loob. Nawa ay maging inspirasyon natin ang dalawang Santong Papang minahal ng lahat dahil sa kanilang angking kabutihan at mapagkumbabang paglilingkod. Saint Pope John Paul II and Saint Pope John XXIII... PRAY FOR US!
Biyernes, Abril 18, 2014
LIWANAG SA DILIM (Revised) : Reflection for Easter Vigil - April 19, 2014 - YEAR OF THE LAITY
"Ang gabi ay itim. Sa
labas ay madilim. Tumingin ka man, cguradong madilim. Buksan mo man ang yong
mga mata, kulay itim. Nangangahulugan, ang madilim ay itim." Huh? Parang wala ata sa hulog ang gumawa nito. hehe.. Pero totoo nga... madilim ang itim. Wala pa akong nakikitang "maliwanag na itim!" Araw ngayon ng kaliwanagan... napawi na ang dilim ng kamatayan! May dalawang magkaibigan, si haring liwanag at si haring dilim. Lungkot na lungkot si dilim sa kanyang kaharian kaya isang araw ay tinext nya si liwanag: "Hi!" Sagot si liwanag: "Hu u?" Sagot ni dilim: "4get me na alredy? I'm fren... darky!" at me sumunod pang text, "me lonely hir. wanna visit me?" Sagot ni liwanag:" "sure! Ktatkits!" At bumisita si haring liwanag kay haring dilim. Ngunit pagdating sa kaharian ni haring dilim ay wala syang makita. "Wer u na? D2 na me!" Sagot si dilim: "Her me na sa harap mo noh?... can't u c me?" Sa totoo lang walang makikitang dilim si liwanag sapagkat nabalot na ng kanyang kaliwanagan ang kadiliman. Ganito rin ang Muling Pagkabuhay ni Hesus. Ang Muling pagkabuhay ni Kristo ang liwanag na sumakop sa kadiliman ng kasalanan! Hindi nagtapos sa kamatayan ang buhay ni Jesus... S'ya ay Muling Nabuhay! Hindi inaasahan ng mga alagad ang mangyayari pagkatapos ng kanyang kamatayan. Ang akala nila, siya ay patay na. Tapos na ang lahat. Naglaho na ang kanilang pag-asa. Kaya nga't ang hinila nila ay ninakaw ang kanyang katawan ng di nila ito matagpuan sa libingan. Ngunit naguluhan ang kanilang pag-iiisip na makitang iniwang nakaayos ang mga kayong lino na kanyang kasuotan. Hindi ito gawain ng magnanakaw. Nasaan na si Jesus? Si Jesus ay wala na sa libingan. Si Jesus ay wala na sa kadiliman ng kamatayan. Ang libingang walang laman ay nagpapaalala sa atin na Siya ay buhay! Si Jesus ay muling nabuhay upang hanguin din tayo sa dilim ng kamatayan ng ating mga kasalanan. Magalak ka! Niligtas ka na ng Diyos! Tinubos ka na ng kanyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli. Magpupumilit ka pa rin ba sa masasama mong hilig at pag-uugali? Magtitiis ka pa rin ba sa kadiliman? May kuwento ng isang bata na gumawa ng isang laruang bangka. Mahal na mahal niya ito ngunit dahil isa itong bangka ay nilaro niya ito sa isang kanal. Inanod ng agos ng tubig ang bangka at nalayo sa mata ng bata hanggang sa ito ay umabot sa isang ilog. Sinundan ito ng bata ngunit hindi na makita. Kinabukasan ay muli niyang binalikan ang tabing ilog at laking gulat niya ng makita niya ang kanyang bangka sa kamay ng isang lalaki na nagbebenta ng sari-saring kalakal. Pinilit niya itong kunin ngunit ayaw ibigay ng lalaki. Napulot nya raw ito at ito ay kanya na. Kung nais niya itong makuha ay dapat tubusin niya ito at bilhin sa kanya. Labis na nalungkot ang bata. Umuwi siya at sinimulan niyang mag-ipon at nang makarami na sya ng naipon ay muli niyang binalikan ang lalaki, binili niya ang bangka at tuwang-tuwa itong niyakap sa kanyan dibdib. "Akin ka na muli! Ginawa kita, minahal, nalayo ka ngunit tinubos kitang muli! Hindi ka na muling mawawalay sa aking piling!" Mga kapatid, tayo ang bangka at ang Diyos ang nagmay-ari sa atin. Ginawa niya tayo at tinubos mula sa pagkakaalipin sa kamatayan sa pamamgitan ng kanyang pagkamatay at muling pagkabuhay. HIndi pa rin ba natin nauunawaan ang malaking pag-ibig sa ng Diyos sa atin? Ang pagsariwa sa ating binyag ay isang mahalagang bahagi ng pagdiriwang ngayon. Ang tubig ng binyag ay dapat magpaalala sa atin ng ating pagtawid sa dagat ng pagkakasala kung paanong ang mga Israelita ay tumawid sa dagat ng pagkakaalipin. Ang pagtatakwil sa sa demonyo at sa kanyang masasamang gawa at ang ating pagpapahayag ng pananampalataya sa Diyos ay nagpapakita ng ating pagnanais na tumawid mula sa kadiliman patungo sa liwanag. Tapos na ang gabi. Simula na ng liwanag. 'Wag tayong matakot. Si Kristo ay muling nabuhay upang ipakitang "mga anak tayo ng kaliwanagan." Siya ang ating LIWANAG SA DILIM!
Huwebes, Abril 17, 2014
WHAT IS GOOD IN GOOD FRIDAY? : Reflection for Good Friday Year A - April 18, 2014 - YEAR OF THE LAITY
Ang tawag sa araw na ito ay "Good Friday". Bakit nga ba "good" at hindi "holy" ang tawag natin dito? Ang ibang mga araw ng Holy Week ay tinatawag nating "Holy Monday, Holy Tuesday, Holy Wednesday, Holy Thursday... oppps! Wag kang magkakamali, ang susunod ay... Good Friday! Ano ba ang mabuti sa araw na ito at pinalitan natin ng "good" ang "holy?" Tatlong dahilan: una, "Good" sapagkat sa araw na ito ay ipinahahayag sa atin ang WALANG KAPANTAY NA KABUTIHAN ng Diyos, ang Diyos na nag-alay ng kanyang buhay upang tayo ay maligtas. "God is good all the time... and all the time God is good!" Kahit na sa mga sandaling lugmok tayo sa kahirapan, baon tayo sa problema, at humaharap sa maraming pagsubok SA BUHAY, ang Diyos ay nanatili pa ring MABUTI sa atin! Sapat lang na tingnan natin si Jesus sa krus at mauunawaan natin ang ibig sabihin ng paghihirap, na kung ang Diyos mismo ay dumanas ng paghihirap ay ako pa kaya na isang walang kuwentang alagad ang aangal sa mga ito? Ikalawa, "Good" sapagkat sa araw na ito ay nanaig ang KABUTIHAN sa kasamaan! Sa mata ng tao ay kabiguan ang nangyari kay Jesus ngunit hindi sa Diyos. Ang kanyang kamatayan ay isang tagumpay! Tagumpay sapagkat ang kanyang dugo ang pinantubos niya sa ating mga kasalanan. Tao ang nagkasala ngunit Diyos ang nagbayad-puri. May KABUTIHAN pa bang papantay dito? At huli sa lahat, "Good" sapagkat tayo ay nais niyang MAGPAKABUTI at gumawa ng MABUTI sa ating kapwa. Magkakaroon lamang ng saysay ang kanyang kamatayan kung maipakikita natin na kaya nating tularan ang kanyang KABUTIHAN. Maging mapagpatawad tayo, maunawain, maalalahanin at mapakawanggawa sa ating kapwa. Kung paano Siyang nag-alay ng sarili para sa atin dapat tayo rin ay handang mag-alay ng ating sarili sa iba. Kaya ipakita nating tunay ngang "GOOD" ang araw na ito. Ipahayag natin ang kanyang kabutihan: "God is good all the time and all the time God is good!
Miyerkules, Abril 16, 2014
EUKARISTIYA AT PAGPAPARI: Reflection for Holy Thursday - April 24, 2014 - YEAR OF THE LAITY
Bata pa lang ako ay tinuruan na akong maghugas ng kamay ng aking magulang bago kumain. Tinuruan akong sabunin ang aking mga kamay, sa palad, sa pagitan ng mga daliri, paikut-ikutin pa... (parang commercial lang ng Safeguard...hehe) Pero di ata ako tinuruan na maghugas ng paa bago kumain! Parang weird yun! ... Bago ganapin ni Hesus ang "huling hapunan" ay iniutos ito ni Hesus sa kanyang mga alagad! Pero merong pang mas weirdo... si Jesus na kinikilala nilang Panginoon at Guro ang naghugas sa paa ng kanyang mga alagad. Haller...! Si Jesus ang bigboss nila no? Bakit siya ang naghugas? May nais paratingin sa atin ang Panginoon... nais mong maging lider?... matuto kang maglingkod! Nais mong maging dakila?... Matuto kang magpakumbaba! Napakaganda na ibinigay ito ni Hesus sa kontexto ng Eukaristiya... Ano ba ang Eukaristiya...? Simple lang, tinapay na walang halaga na inialay, binasbasan, pinaghati-hati at ibinigay sa mga alagad... Ngunit tinapay din na naging katawan ni Kristo, pagkain ng ating kaluluwa, at dahilan ng ating kaligtasan! Ang Huwebes Santo ay ang paggunita sa pagtatatag ng Sakramento ng Eukaristiya. Dito inialay at patuloy na iniaalay ni Hesus ang kanyang katawan at dugo upang maging pagkain natin tungo sa ating kaligtasan. Bukas, Biyernes Santo ay gugunitain din natin ang pag-aalay ni Jesus ng kanyang buhay ngunit sa "madugong paraan." Bagamat sa huling hapunan ay walang dugong dumanak sa pag-aalay ni Jesus ng kanyang sarili, kakakikitaan naman natin ito ng magandang aral tungkol sa paglilingkod. Ang tunay na lider ay handang mag-alay ng kanyang buhay sa paglilingkod... tulad ni Hesus! Sa paghuhugas ng paa ng mga alagad at pag-aanyaya sa kanila na gawin din nila ito, "ang maghugasan ng paa", ay sinasabi ni Jesus na ang tunay na pinuno ay nag-aalay ng sarili sa pamamagitan ng paglilingkod. Sa pagtatatag ng Eukaristiya ay itinatag din ni Jesus ang Sakramento ng Pagpapari. Walang Eukaristiya kung walang Kristo. Walang pag-aalay kung wala ang nag-aalay. Ang mga pari ay ang kinatawan ni Kristo. Katulad niya, sila ay mga pinunong lingkod, na nag-aalay ng kanilang buhay sa isang sakripisyong hindi madugo ngunit ganap na pag-aalay sapagkat kinatawan sila ni Jesus. Ipagdasal din natin ang ating kaparian na sana ay mahubog sila sa larawan ni Jesus na pinunong-lingkod!
Huwebes, Abril 10, 2014
MAHAL NA ARAW... BANAL NA ARAW (reposted & revised) : Reflection for Palm Sunday of the Passion of the Lord Year A - April 13, 2014 - YEAR OF THE LAITY
Mga Mahal na Araw na naman! Pagkatapos ng Linggo ng Palaspas ang magiging tawag natin sa mga araw na darating ay Lunes Santo, Martes Santo, Miyerkules Santo, Huwebes Santo, Biyernes Santo... Teka lang... e bakit nga ba MAHAL at hindi BANAL ang tawag natin? Dapat BANAL hindi ba? Di ba Holy Week ang tawag natin sa ingles? May kuwento na minsan daw ay may isang magnanakaw na pinasok ang bilihan ng mga alahas ng madaling araw. Nagawa niyang makapasok ngunit sa halip na nakawin ang mga alahas ay pinagpalit-palit niya ang mga presyo nito. Ang mga mamahaling alahas ay naging mura ang halaga at ang mga pekeng alahas naman ang naging mahal ang presyo. Kinaumagahan ay bumalik ang magnanakaw at binili ang ang mga mamahaling alahas sa murang halaga... ang mahal naging mura... ang mura naging mahal! Kung ating titingnan ay ganito rin ang nangyayari sa pagdiriwang natin ng Semana Santa, ang mga Mahal na araw ay nagiging "mumurahin". Hindi na nabibigyang halaga. Marahil ay mas mauunawaan natin ito kung titingnan natin kung bakit Mahal na Araw ang tawag natin sa Semana Santa sa halip na Mga Banal na Araw. Bagama't mas tama ang pagsasalin na "Banal", ay naangkop din naman, sa aking palagay, ang pagsasalin at paggamit natin sa salitang "Mahal" at sa aking pakiwari ay mas makahulugan pa nga ang ito. Kapag sinabi mong "mahal" maari mong ipakahulugang "something of great value" o "precious". Ang tunay na alahas ay MAHAL... PRECIOUS! Ang mga branded na t-shirt o sapatos ay gayundin... MAMAHALIN! Para sa ating mga Kristiyano ay MAHAL ang mga araw na itong darating... sapagkat sa mga araw na ito ay pagninilayan natin ang pagtubos sa atin ni Jesus sa pagkakaalipin sa kasalanan sa pamamagitan ng kanyang paghihirap, kamatayan at muling pagkabuhay! "Of great value" sapagkat tinubos tayo ni Jesus sa halagang hindi maaaring tumbasan ng salapi... sa pamamagitan ng kanyang katawan at dugo! Ang "Mahal" din ay nangangahulugang "close to our hearts, dear..." Naaangkop din ang pakahulugang ito sapagkat ang mga araw na ito ay nagpapakita sa atin ng walang hangang pag-ibig ng Diyos na nag-alay ng kanyang bugtong na Anak upang tayo ay maligtas... Nakakalungkot sapagkat maraming tao ngayon ang ginagawang "cheap" o mumurahin ang mga araw na ito! Imbis na magbisita Iglesya ay beach resort ang binibisita. Imbis na magpunta ng Simbahan at magdasal ay natutulog ng buong araw . Imbis na magnilay at manalangin ay nanood ng sine... ang precious... nagiging cheap... ang mahal nagiging... mumurahin! Sana ay maibalik natin ang tunay na pakahulugan ng mga araw na ito. Simula ngayon ang mga araw na darating ay ituring sana nating TUNAY na BANAL... dapat lang sapagkat "Banal" ang mga araw na ito. Banal sapagkat "mahal" ang pinuhunan ng Diyos... walang iba kundi ang kanyang bugtong na Anak. Ang mga pagbasa ngayon ay nag-aanyaya sa ating magnilay sa pagpapakasakit at pagkamatay ni Jesus. Kaya nga ang tawag din sa pagdiriwang ngayon ay "Passion Sunday" o Linggo ng Pagpapakasakit ng Panginoon. Sa mga araw an ito ay subukan nating maging seryoso sa ating buhay panalangin at paggawa ng mga sakripisyo. Ngayong Taon ng Mga Layko ay sikapin nating ibalik ang salitang "MAHAL" sa mga Mahal na Araw at gawing "Banal" ang mga ito. Baka matapos ang mga Mahal na Araw na hindi natin ito nabigyan ng sapat na pagpapahalaga. Sayang!!!
Sabado, Abril 5, 2014
PAG-ASA NG MULING PAGKABUHAY: Reflection for 5th Sunday of Lent Year A - April 6, 2014 - YEAR OF THE LAITY
Nais mo bang makarating sa langit? "Syempre naman Father!" Eh papaano kung dumating ang anghel ng Panginoon at sabihing sa 'yong: "Now na! Mag-impake ka na at sinusundo na kita!" Siguro sasabihin mo: "Joke lang po... kayo naman di na mabiro!" Bakit nga ba natin kinatatakutan ang kamatayan? Kung talagang naniniwala tayo sa "muling pagkabuhay" ay bakit kinanatakutan natin ang "buhay sa kabila?" May magbabarkadang kalalakihan na ang hilig ay "basketball". Sa sobrang pagkahilig sa sports na ito ay nangako sila sa isa't isa na kung sino man ang unang mamamatay sa kanila ay ipaaalam kung mayroon ba nito sa langit. Sa kasawiang palad ay namatay si Pedro. Laking gulat ni Juan nang makarinig siya ng pamilyar na tinig isang hatinggabi: "Juan... ako ito. May goodnews at badnews ako sa iyo..." Nanginginig namang sumagot si Juan: "Pedro, ikaw ba yan? Ano ang goodnews? May basketball ba sa langit?" Sagot naman ni Pedro: "Ang goodnews ay merong basketall sa langit.. Pero ang badnews... may laro tayo bukas... maghanda ka na!" hehe... Kung ikaw si Juan, gusto mo pa bang magbasketball sa langit? Marami sa ating mga katoliko ang naniniwala na may langit pero ayaw namang pag-usapan ang araw ng kanilang pagpunta dito. Nagpapahayag tayo ng ating pananampalatay sa muling pagkabuhay ng mga nangamatay na tao pero ayaw naman nating tanggapin ang katotohanan na tayong lahat ay dapat mamatay. Marami sa atin ang tila hindi naniniwala sa katotohanan ng "muling pagkabuhay;" sapagkat marami sa atin ang nabubuhay na tila wala silang kaluluwang dapat iligtas o kaya naman ay katawan na muling bubuhayin ng Panginoon. Nakakalungkot isipin na marami ang nabubuhay na tila patay. Ang tawag ko sa kanila ay mga "modern zombies", mga taong nabubuhay na mistulang patay. "They exist but they are not alive!" Mga taong nalululong sa materyalismo, sa masasamang bisyo, sa malaswang pamumuhay, mapanlamang sa kapwa, walang kinikilalang Diyos..." Ang kanilang paniniwala ay hanggang doon na lamang ang kanilang buhay at hindi na nila kayang baguhin ito. Dahil dito ay nabubuhay silang walang direksyon. Parang mga "taong grasang" kampante na sa kanilang sitwasyon at ayaw nang umahon pa! Ang ikalimang linggo ng Kuwaresma ay nagsasabi sa ating ang Panginoon ay may kapangyarihan upang buhayin tayo sa uri ng kamatayang ito. Ang sabi ni Jesus ay: "Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang nananalig sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay,at sinumang nabubuhay at nananalig sa akin ay hindi mamamatay kailanman."Hindi ibig sabihin na susulusyunan ni Jesus ang ating mga problema ng isang tulugan lamang. Ang handog Niya sa atin ay pag-asa. Binubuhay Niya ang ating pag-asa upang mabago natin ang ating sarili. Nasa atin na kung mananatili tayo sa dilim ng kamatayan ng ating masamang pamumuhay. Piliin natin ang buhay, 'wag ang kamatayan! Piliin natin si Jesus at hindi ang kasalanan! Piliin nating maging matapang! Ito ang panawagan ngayong Taon ng Mga Layko. Habang papalapit na tayo sa pagdirwiang ng mga Mahal na Araw isipin natin na sa kabila ng paghihirap at kamatayang sasapitin ni Jesus ay ang kanyang maluwalhating muling pagkabuhay. Sa ating mga nananalig sa Kanya at nagsasabuhay ng kanyang utos, ang naghihintay ay hindi kamatayan kundi buhay na walang hanggan. Manalig ka... bubuhayin ka Niya!
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)