Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Abril 26, 2014
MGA BANAL NA SALAMIN NG AWA AT PAGMAMAHAL NG MAYKAPAL: Reflection for the 2nd Sunday of Easter Year A - Feast of Christ, King of Divine Mercy - CANONIZATION OF POPE JOHN PAUL II & POPE JOHN XXIII - April 27, 2014 - YEAR OF THE LAITY
Isang makasaysayang kaganapan sa Simbahan ang mangyayari ngayong araw na ito, ika-27 ng Abril 1014. Dalawang Santo Papa, sa katauhan nina Pope John Paul II at Pope John XXIII, ang hihiranging mga banal at isasama sa hanay ng mga santo at santa ng Simbahan. Kung hindi ako nagkakamali, noong taong May 1, 2011, ikalawang Linggo rin ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon,ay aking pinagnilayan ang pagiging "Blessed" ni Pope John Paul II. Pagkatapos lamang ng humigit kumulang na tatlong taon ay narito naman tayo't nagdiriwang para sa kanyang "canonization" o pagiging santo! Tunay na isang malaking biyaya para sa ating Inang Simbahan! Ang desisyong ito ng ating Santo Papang si Papa Francisco ay isang napapanahong desisyon sapagkat ang dalawang banal na Santo Papang ito ay malinaw na nagpapakita sa atin na ang kabanalan ay posible sa panahong ito na marami na ang hindi nagpapahalaga sa Diyos at namumuhay na isinasantabi na lamang ang relihiyon. Hindi sila mga perpektong tao, kung paanong wala naman talagang santo o santa na masasabi nating perpekto. Lahat ng mga hinirang na banal ay makasalanan din na tulad natin ngunit ang kakaiba sa kanila ay ito, na sa kabila ng kanilang pagiging makasalanan ay kinakikitaan sila na may Diyos na buhay na kapiling natin at nagbibigay sa atin ng pag-asa upang magpatuloy sa ating paglalakabay bilang mga Kristiyano. Kapwa may malaking kaugnayan sa Vatican II ang dalawag santong ito. Si Pope John XXIII ang nagbukas ng "pintuan" ng Vatican II upang iakma ang Simbahan sa makabagong panahon at si Pope John Paul II naman ang "pumasok sa pintuang ito" at gumabay at umalalay sa Simbahan upang maglakbay dito. Kapwa sila mga taong nabuhay sa "modernong panahon" at kapwa sila nagpahayag ng kabutihan, awa at pagmamahal ng Diyos! Kaya nga't naakma na ang paghirang sa kanila upang maging banal ay itinapat sa Kapistahan ni Kristo, Hari ng Banal na Awa. Si Pope John XXIII ay binansagang "Il Papa Buono" (the Good Pope) dahil sa kanyang kahanga-hangang kabaitan na na nagsasalamin ng kabutihan at awa ng Diyos. Si Pope John Paul II naman ay ang santo papang inilaan ang buong buhay sa paglilingkod at nagpakita ng malasakit ng Diyos sa tao lalong lalo na sa mga kabataaan. Tunay ngang salamin ng Banal na Awa ng Diyos ang dalawang Santo Papang ito. Sa Ebanghelo ngayong ikalawang Linggo ng Muling Pagkabuhay ay pinaaalalahanan tayo ng Panginoong Jesus na "mapalad ang mga naniniwala kahit na hindi nakakakita!" At iyon ay patungkol Niya sa ating lahat. Hindi man natin nakikita ang Diyos ay dapat manalig tayo sa kanyang mapagkalingang pagmamahal at walang hanggang awa! Higit sa lahat, katulad ni Pope John Paul II at Pope John XXIII, tinatawagan tayong maging instrumento ng Banal na Awa at pag-ibig ng Diyos para sa lahat. Maging tagapaghatid tayo ng pagpapatawad at pang-unawa sa mga taong nakagawa sa atin ng masama o sa mga taong may sama tayo ng loob. Nawa ay maging inspirasyon natin ang dalawang Santong Papang minahal ng lahat dahil sa kanilang angking kabutihan at mapagkumbabang paglilingkod. Saint Pope John Paul II and Saint Pope John XXIII... PRAY FOR US!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento