Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Abril 5, 2014
PAG-ASA NG MULING PAGKABUHAY: Reflection for 5th Sunday of Lent Year A - April 6, 2014 - YEAR OF THE LAITY
Nais mo bang makarating sa langit? "Syempre naman Father!" Eh papaano kung dumating ang anghel ng Panginoon at sabihing sa 'yong: "Now na! Mag-impake ka na at sinusundo na kita!" Siguro sasabihin mo: "Joke lang po... kayo naman di na mabiro!" Bakit nga ba natin kinatatakutan ang kamatayan? Kung talagang naniniwala tayo sa "muling pagkabuhay" ay bakit kinanatakutan natin ang "buhay sa kabila?" May magbabarkadang kalalakihan na ang hilig ay "basketball". Sa sobrang pagkahilig sa sports na ito ay nangako sila sa isa't isa na kung sino man ang unang mamamatay sa kanila ay ipaaalam kung mayroon ba nito sa langit. Sa kasawiang palad ay namatay si Pedro. Laking gulat ni Juan nang makarinig siya ng pamilyar na tinig isang hatinggabi: "Juan... ako ito. May goodnews at badnews ako sa iyo..." Nanginginig namang sumagot si Juan: "Pedro, ikaw ba yan? Ano ang goodnews? May basketball ba sa langit?" Sagot naman ni Pedro: "Ang goodnews ay merong basketall sa langit.. Pero ang badnews... may laro tayo bukas... maghanda ka na!" hehe... Kung ikaw si Juan, gusto mo pa bang magbasketball sa langit? Marami sa ating mga katoliko ang naniniwala na may langit pero ayaw namang pag-usapan ang araw ng kanilang pagpunta dito. Nagpapahayag tayo ng ating pananampalatay sa muling pagkabuhay ng mga nangamatay na tao pero ayaw naman nating tanggapin ang katotohanan na tayong lahat ay dapat mamatay. Marami sa atin ang tila hindi naniniwala sa katotohanan ng "muling pagkabuhay;" sapagkat marami sa atin ang nabubuhay na tila wala silang kaluluwang dapat iligtas o kaya naman ay katawan na muling bubuhayin ng Panginoon. Nakakalungkot isipin na marami ang nabubuhay na tila patay. Ang tawag ko sa kanila ay mga "modern zombies", mga taong nabubuhay na mistulang patay. "They exist but they are not alive!" Mga taong nalululong sa materyalismo, sa masasamang bisyo, sa malaswang pamumuhay, mapanlamang sa kapwa, walang kinikilalang Diyos..." Ang kanilang paniniwala ay hanggang doon na lamang ang kanilang buhay at hindi na nila kayang baguhin ito. Dahil dito ay nabubuhay silang walang direksyon. Parang mga "taong grasang" kampante na sa kanilang sitwasyon at ayaw nang umahon pa! Ang ikalimang linggo ng Kuwaresma ay nagsasabi sa ating ang Panginoon ay may kapangyarihan upang buhayin tayo sa uri ng kamatayang ito. Ang sabi ni Jesus ay: "Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang nananalig sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay,at sinumang nabubuhay at nananalig sa akin ay hindi mamamatay kailanman."Hindi ibig sabihin na susulusyunan ni Jesus ang ating mga problema ng isang tulugan lamang. Ang handog Niya sa atin ay pag-asa. Binubuhay Niya ang ating pag-asa upang mabago natin ang ating sarili. Nasa atin na kung mananatili tayo sa dilim ng kamatayan ng ating masamang pamumuhay. Piliin natin ang buhay, 'wag ang kamatayan! Piliin natin si Jesus at hindi ang kasalanan! Piliin nating maging matapang! Ito ang panawagan ngayong Taon ng Mga Layko. Habang papalapit na tayo sa pagdirwiang ng mga Mahal na Araw isipin natin na sa kabila ng paghihirap at kamatayang sasapitin ni Jesus ay ang kanyang maluwalhating muling pagkabuhay. Sa ating mga nananalig sa Kanya at nagsasabuhay ng kanyang utos, ang naghihintay ay hindi kamatayan kundi buhay na walang hanggan. Manalig ka... bubuhayin ka Niya!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento