Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Mayo 3, 2014
KALAKBAY SA BUHAY: Reflection for 3rd Sunday of Easter Year A - May 4, 2014 - YEAR OF THE LAITY
"Natutulog ba ang Diyos?" Ito ang katanungang tumutukso sa ating isipan kapag tayo ay nakararanas ng maraming paghihirap sa ating buhay. May mga pagkakataong parang hindi natin madama ang Kanyang presensiya. May mga pagkakataong parang iniwan Niya tayo, pinabayaan, hinayaang masadlak sa dilim. "Nasaan ba ang Diyos?" Tanong ng isang katekista sa kanyang mga batang tinuturuan ng katesismo. Sagot ang isa: "Sister, nandun po siya sa Simbahan, nakatago sa tabernakulo." "Very good!" sagot ni sister. "Sister", sabi naman ng isa: "Nandun po siya sa Banal na Komunyon na tinatanggap namin sa Misa." "Very good!" sabi uli ni sister. Nagtaas ng kamay ang pinkapasaway niyang estudyante. "Sister, ang Diyos po ay nasa banyo namin!" "Haaa? Panung nangyari yun?" tanong ni sister. Kasi po, kaninang pagkagising ko ay narinig ko ang tatay ko na kinakalabog ang pintuan ng banyo namin at sinasabing: "Diyos ko... Diyos ko... ang tagal mo naman! Late na ako sa trabaho! Kelan ka lalabas d'yan?" hehe... Nasaan ba ang Diyos? Ito ang tanong ng marami sa atin kapag hindi natin mabigyan ng magandang paliwanag ang mga masasamang pangyayari sa ating buhay. Sa mukha ng kagutuman, karahasan, kawalan ng katarungan at kahit kamatayan ay lagi nating naitatanong kung may Diyos bang naninirihan sa piling natin. Para sa dalawang alagad na pabalik ng Emaus, ang kanilang kinikilalang Mesias at Panginoon ay wala na. Kaya nga 't balot ng lungkot at pighati ang kanilang paglisan sa Jerusalem, ang lugar nang kanilang "pagkabigo". Ngunit ang kanilang pagkabahala ay pinawi ni Jesus. Siya mismo ang tumagpo sa kanila sa daan upang iparamdam na hindi sila iniwan ng kanilang Panginoon. Nakisabay si Jesus sa kanila; ipinaliwanag ang Kasulatan at binuksan ang kanilang isipan sa "Paghahati ng Tinapay." Doon nila naunawaang ang Diyos pala ay "kapiling nila!" Ito rin marahil ang tanong ng marami sa atin. Nasaan ba ang Diyos? Kapag nahaharap tayo sa ating mga "Jerusalem", ang ating mga krisis, ay napakadali nating pagdudahan ang Kanyang pananatili at tinatahak agad natin ang ating mga "Emaus"... lugar ng kawalan ng pag-asa. Isa lang ang nais ipahiwatig sa atin ni Jesus... hindi Niya tayo binigo! Siya ay nanatili pa rin kapiling natin! Sa tuwing binubuklat natin ang Salita ng Diyos at nagsasalo sa paghahati ng tinapay sa Banal na Misa ay naroon Siya sa ating piling. Sa tuwing nagsasabi tayo ng "Amen!" sa pagtanggap natin sa Kanya sa Komunyon ay nanatilli siya sa ating pagkatao at dahil dito ay matatagpuan din natin Siya sa ating kapwa. Hingin natin sa Panginoon ang biyayang makita Siya at madama ang Kanyang pag-ibig. Lisanin natin ang ating "Emaus" at harapin natin ang ating "Jerusalem" upang makasama tayo sa kaluwalhatian ng muling pagkabuhay ni Jesus! Ngayon Taon ng mga Layko ay piliin nating maging matapang! "Choose to be brave!" Ang ating Diyos ay Diyos ng mga buhay at hindi ng mga patay! Ang biyaya ng Kanyang muling pagkabuhay ay dapat magbigay sa atin ng bagong pag-asa na may Diyos na nagmamahal sa atin at patuloy na nakikilakbay kasama natin.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento