Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Mayo 31, 2014
LOOK UP! LOOK UP! : Reflection for the Solemnity of the Lord's Ascencion Year A - June 1, 2014 - YEAR OF THE LAITY
"Picture! Picture!" Napaka-ordinaryo na ngayon ang magpakuha ng picture. Kahit sino ay puwede ng gumawa nito: bata man o matanda, mayaman man o mahirap, may pinag-aralan man o wala... lahat puwedeng kumuha at magpakuha ng "picture!" Kahit nga nag-iisa ka ay puwede mong kunan ang iyong sarili. Sa katunayan ang salitang "selfie" ay isang opisyal nang salita ngayon sa ating bokabularyo at kahit sino ay maaring mag "selfie"! Pahabain mo lang ang pagnguso , papungayin ang mata at pakapalin lang ang mukha... BOOMSELFIE ka na! May isa pang kakaibang gimik sa picture-picture at iyan ay ang LOOK UP! LOOK UP! Ewan ko ba kung ano ang meron sa itaas at dapat tayong tumingin doon. Puede namang sa ibaba tumingin, puedeng sa gilid o sa harap o sa likod. Ano ba ng meron sa itaas? Ito rin ang tanong na ipinukol sa mga alagad pagkatapos umakyat sa langit ni Jesus: “Mga taga-Galilea,” sabi nila, “bakit kayo narito’t nakatingala sa langit? Itong si Hesus na umakyat sa langit ay magbabalik tulad ng nakita ninyong pag-akyat niya.” Naiwan ang mga taong nakatingin sa itaas... naka-LOOK UP! LOOK UP! kahit na hindi pa uso ang camera noong panahong iyon. Bakit? Marahil ay manghang-mangha pa rin sila sa mga pangyayari nang si Jesus ay umakyat sa langit at unti-unting nawala sa kanilang paningin. Ngunit hindi ito ang nais ni Jesus. Hindi ito ang kahulugan ng Kanyang pag-akyat sa kalangitan. Ang Kapistahan ng Pag-akyat ni Jesus sa Langit ay nagsasabi sa ating dapat nating palakasin ang ating pag-asa at pagnanais na marating din ang pangako sa ating kalangitan. Ngunit tandaan natin na habang tayo ay nag-aantay na pumunta sa langit ay nag-iwan si Jesus sa atin ng assignment o gawain na dapat nating gampanan at ito ay ang maging buhay niyang mga saksi sa lahat ng tao! Ang saksi ay isang testigo at ang testigo ay nagpapatotoo. Nagpapatotoo tayo sapagkat naranasan natin ang kanyang pagmamahal at pagliligtas. Nagpapatotoo tayo sapagkat naging kabahagi tayo ng Kanyang buhay. Sa sakramento ng binyag ay tinanggap natin ang "buhay ng Diyos". Kaya nga ang tagubilin ni Jesus sa atin bago siya umalis ay "Binyagan ninyo sila sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo, at turuang sumunod sa lahat ng ipinag-utos ko sa inyo." Hindi ito madali. Ang pagsaksi sa ating binyag ay nangangahulugang mabubuhay akong katulad ni Kristo. Madaling maging Krustiyano ngunit mahirap magpakakristiyano lalong lalo na sa panahon ngayon na ang mga pinapahalagahan ay mga bagay na materyal at lumilipas. May kahulugan din naman ang LOOK UP! LOOK UP! Ibig ipakahulugan nito ay ituon natin ang ating sarili sa bagay na makalangit. Gumawa ng mabuti at iwasan ang masama. Langit ang ating hantungan kayat nararapat lang na mabuhay tayong parang nasa langit na rin ang ating buhay. Ginawa tayo para sa langit.... mabuhay tayo na parang nasa langit.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento