Sa tuwing ako ay nagbabasbas ng patay ay laging agaw-pansin sa aking ang nasa loob ng kabaong. Hindi ang patay na nasa kabaong ang tinutukoy ko, ang sinasabi kong agaw-pansin ay ang mga inilalagay nating "kakaiba" sa patay. Halimbawa ay ang perang nakaipit sa kamay. Pamasahe ba ito ng patay para makarating sa kabilang buhay? Kung minsan naman ay may sisiw sa ibabaw ng kabaong. Biktima pala anbg patay ang patay ng karahasan at bawat pagtuka daw ng sisiw ay pag-uusig ng budhi sa taong nakagawa ng karahasan. Minsan naman ay may pagkaing inabot na ng isang linggo sa ibabaw ng ataol. Ayun... BOOM PANIS! hehehe... Kung nakadalo ka na sa burol ng mga intsik ay mamamngha ka naman sa mga kagamitang nasa tabi ng kabaong: may laruang kotse o eroplano, may bahay-bahayan, may pera-perahan, may masasarap na pagkain, etc... Ito raw ay kailangan ng namatay upang may dadalhin siya sa kabilang buhay at magagamit sa kanyang pananatili doon. Bagamat naniniwala din tayo sa "buhay sa kabila" ay naiiba naman ang ating pananaw sa ating patutunguhan. Hindi na natin kinakailangan ang magdala ng ano pa man sapagkat naniniwala tayo na ang Diyos na mismo ang maghahanda sa atin ng "matitirhan" kapag tayo ay sumakabilang buhay na. Sabi nga ng Panginoon sa ating pagbasa: "Huwag kayong mabalisa... sa bahay ng aking Ama ay maraming silid. Paroroon ako upang iapghanda ko kayo ng matitirhan..." Ito ang nagbibigay sa atin ng pag-asa at dahilan kung bakit namumuhay tayo bilang mabubuting Kristiyano... may naghihintay kasing gantimpala sa atin kung tayo ay mananatiling matapat na alagad ni Jesus at kung lagi nating tinatahak ang daan patungo sa Ama. At ano ba ang daang ito? Saan ba ito matatagpuan? Isang bagong pari ang nadestino sa isang liblib na baryo ang matiyagang naghanap ng kanyang bagong parokya. Dahil baguhan sa lugar ay hindi niya matunton ang simbahan kaya't nagtanong siya sa isang batang tagaroon. "Iho, saan ba dito ang daan papuntang Simbahan?" Hindi sumagot ang bata kaya't naisipan ng paring baguhin ang kanyang tanong. "Iho, kung sasabihin mo sa akin kung saan ang daan papuntang parokya ay ituturo ko sa iyo ang daan papuntang langit!" Sagot ang bata: "E kung yung daan nga pong papuntang parokya ay di n'yo alam, papaano pa kaya ang daan papuntang langit?" hehehe... Saan nga ba ang daan papuntang langit? Ang sabi ni Bro. Eli ay sa pamamagitan ng "Dating Daan". Ang sabi naman ni Ka Bularan (mga Iglesia ni Manalo) ay sa "Tamang Daan". Tahimik lang tayong mga Katoliko sapagkat alam natin na nasa atin ang "Siguradong Daan"... Si Hesus! Siya ang "Daan, ang Katotohanan at Buhay!" Sa Kanya lamang natin matatagpuan ang tunay na kaligayahan. Taliwas sa itinuturo ng mundo na ang daan sa kaligayahan ay nasa kayamanan, salapi, katanyagan, kasarapan sa buhay. Si Hesus bilang "daan" ay nagpakita sa atin na ang tunay na kaligayahan ay nasa pagtitiis ng hirap, pagpapakumbaba, pagsasakripisyo... At ang tanging hinihingi Niya sa atin ay malakas na pananampalataya. Ang sabi Niya nga sa Ebanghelyo ngayong Linggo, "Manalig kayo sa Diyos Ama, at manalig din kayo sa Akin." Sinasabihan Niya tayong "manalig" sapagkat ang daan patungo sa kapahamakan ay napakalawak. Walang hirap. Pa-easy-easy! Papetiks-petiks! Samantalang ang daan patungo sa langit ay mahirap! Puno ng pagtitiis! May kasamang pag-uusig at pagkamatay sa sarili! Madaling magsinungaling mas mahirap magsabi ng totoo. Madaling magnakaw, mas mahirap magtrabaho. Madaling mag-cheat sa exam mas mahirap mag-aral. Madaling magcomputer games mas mahirap gumawa ng homework sa school. Ngunit kahit mahirap man ay hindi tayo magkakamali kung si Hesus ang daan na ating tatahakin sapagkat Siya lang naman talaga ang ating "SIGURADONG DAAN" tungo sa ating kaligtasan! Sa kanya lamang nagmumula ang GANAP NA KATOTOHANAN na ating minimithi. At higit sa lahat siya lang ang makapagbibigay ng BUHAY NA WALANG HANGGAN sa mga nagnanais magkamit nito!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento