Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Biyernes, Mayo 23, 2014
Reflection for the SOLEMNITY OF MARY HELP OF CHRISTIANS (Reposted & Revised): MAY 24, 2014 - YEAR OF THE LAITY
Bakit ba ganun na lamang kalaki ang ating pagpipitagan sa ating Mahal na Inang si Maria? Totoong iisa lamang ang namamagitan sa atin sa Diyos Ama. Iisa lamang ang ating tagapagligtas... si JESUS! Ngunit matibay ang ating pananampalataya na pinili nang Diyos ang Mahal na Birheng Maria at binigyan ng natatanging biyaya upang tulungan tayong dalhin sa Kanyang Anak na si Jesus. Mayroong isang kuwento na minsan daw sa langit ay naglalakad ang Panginoong Hesus at nakakita siya ng mga di kilalang kaluluwa na gumagala sa Kanyang kaharian. Agad niyang tinawag si San Pedro upang tanungin kung sino ang mga bagong "migrants" na iyon. Walang masabi si San Pedro kaya't katakot-takot na sermon ang inabot niya sa Panginoon. "Hindi ba sabi ko na sa iyong isarado mong mabuti ang pinto upang walang makakapasok dito na hindi natin nalalaman?" Sabi ni Hesus. Tugon ni San Pedro: "Sinasarado ko naman po... kaya lang ang nanay ninyo binubuksan naman ang bintana at doon ipinupuslit ang mga migranteng ito!" hehehe... Marahil isang kuwento lamang ngunit kapupulutan natin ng aral tungkol sa ating Mahal na Birhen. Tandaan natin: hindi Tagapagligtas ang Mahal na Birhen. Iisa lamang ang ating tagapagligtas, ang ating Panginoong Jesus. Ang pagbubukas ng bintana ay hindi nangangahulugang may kapangyarihang magligtas si Maria. Ang nais ipahiwatig nito ay maari siyang makatulong sa atin upang mas mapadali ang ating pagpasok sa langit. Tunay ngang siya ay "tulong ng mga Kristiyano" o "Help of Christians". Ang kasaysayan ang ating patunay na si Maria ay laging tumutugon sa pangangailanan ng Simbahan. October 7, 1571 ng magapi ng mga mandirigmang Kristiyano ang mga turko sa malamilagrong "Battle of Lepanto. May 24, 1814 ng nakalaya si Pope Pius VII sa pagkakabihag ni Napoleon at nawala ang pagtatangkang sirain ang Simbahan. Noong panahon ni Don Bosco (1815-1888) ay talamak at hayagan ang pagbatikos sa Simbahan ng mga "Anti-clericals". Lahat ng pagsubok na yan ay nalagpasan ng Simbahan sa pamamagitan ng pamimintuho at debosyon sa kanya. Kaya nga't hindi nagdalawang isip si Don Bosco upang kunin siyang patron ng kanyang gawain. Hanggang ngayon ay patuloy ang paggawa ni Maria ng himala at namamagitan siya sa pangangailangan ng Simbahan. Marami pa rin ang sumisira at tumutuligsa sa ating pananampalataya. Hingin natin ang kanyang makapangyarihang pamamagitan upang mapangalagaan ang ating Simbahan. Ang ating buhay dito sa lupa ay paglalakbay... PATUNGO KAY JESUS KASAMA ANG MAHAL NA BIRHENG MARIA! TO JESUS THROUGH MARY...!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento