Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Mayo 10, 2014
ANG MABUTING PASTOL (Reposted) : Reflection for 4th Sunday of Easter Year A - May 11, 2014 - YEAR OF THE LAITY
Ang ika-apat na Linggo ng Muling Pagkabuhay ay laging inilalaan ng Simbahan upang ipagdasal ang pagpapalaganap sa bokasyon ng pagpapari at pagiging relihiyoso (madre at lay brother). Ang ebanghelyo ay parating patungkol sa Mabuting Pastol upang paalalahanan tayo ng masidhing pangangailangan ng Simbahan ng mabubuting pastol na naayon sa halimbawa ni Jesus, ang ating Butihing Pastol. Siya ang Mabuting Pastol na talagang may malasakit para sa kanyang mga tupa. Sa modernong takbo ng pamumuhay ngayon at malakas na impluwensiya ng komersiyalismo at materyalismo ay tila napakahirap ng mag-anyaya ng mga kabataang nais sumunod sa yapak ni Jesus. Ngunit mas mahirap itong ipaliwanag kung hindi muna natin naiintindihan ang ibig sabihin ng salitang "bokasyon". Ano ba ang ibig sabihin ng bokasyon? Sagot sa aking ng isang bata: "Father ang pinto pag hindi nakasara... bukas yon!" hehehe... May tama ang batang iyon at tunay namang may punto ang kanyang sagot. Ang isang pintong bukas ay naghihintay... nag-aanyaya! Ang bokasyon ay ang paghihintay ng Diyos sa kanyang paanyaya sa atin. Ito ay ang ating pagtugon sa Kanyang pagtawag. Ang unang pagtawag ng Diyos ay ang tayo ay mabuhay bilang tao (human vocation). Sinasagot natin ito kung nabubuhay tayo ng mabuti at kapag pinagyayaman natin ang buhay na kaloob sa atin ng Diyos. Ang ikalawang pagtawag ay ang ating pagiging Kristiyano (Christian vocation). Sinasagot natin ito kapag tayo ay nabubuhay na katulad ni Kristo (Christ-like). Ang resulta ay ang pinakamataas na pagtawag ng Diyos sa atin... ang pagiging banal (Call to Holiness!). Isinasagawa natin ang mga ito sa iba't ibang estado ng ating buhay bilang may asawa, single o walang asawa, at bilang pari o relihiyoso. Lahat ay daan tungo sa kabanalan. Bukas ang pintuang nag-aanyaya at ang pintuan ay walang iba kundi si Jesus! Siya ang pintuan na kung saan ay dapat dumaaan ang Kanyang mga tupa. Nakasalalay ang ating kaligayahan sa pagpasok sa tamang 'pintuan'... sa pagsunod sa kalooban ng Diyos. Kapag tinawag ka ng Diyos sa pagpapari o pagmamadre ay wag ka ng mag-atubili pa! Wag magpatumpik-tumpik! Wag kang matakot o mag-alinlangan sapagkat hindi pinababayaan ng Diyos ang kanyang tinawag. Paano na ang pamilya ko? Sino na ang mag-aalaga sa aking mga magulang at mga kapatid? Paano na ang career ko? Paano na ang mga kaibigan ko? Iiwanan ko ba silang lahat? Kung minsan din ay pinangungunahan tayo ng ating "kakulangan" at naiisip nating di tayo karapat-dapat sa pagtawag ng Diyos. Ang Diyos na tumatawag sa atin ang magpupuno ng ating kakulangan. Hindi dapat maging hadlang ang anumang bagay upang sumunod sa Kanya! Pamilya, kaibigan, kayamanan, "career", kakayahan at kakulangan ay di dapat hadlang sa pagpasok sa "Pintuan". Isa lang ang pintuan... si Jesus! At sa Kanya nakasalalay ang ating kaligayahan. Kung nais mong tunay na lumigaya ay sagutin mo ang paanyaya ng Mabuting Pastol.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento