Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Mayo 24, 2014
PAG-IBIG AT PAGSUNOD (Reposted & Revised) : Reflection for 6th Sunday of Easter Year A - May 25, 2014 - YEAR OF THE LAITY
Paano mo malalaman kung tunay ang iyong pagsunod sa mga utos ng Diyos? Tanungin mo ang iyong sarili... Bakit ka nagsisimba tuwing Linggo? Marahil sasabihin ng iba ay sapagkat takot silang malabag ang ikatlong utos ng Diyos. Ang iba naman marahil ay sapagkat may karampatang kapalit ang pagpapakabuti; may langit na naghihintay sa mga sumusunod ng kanyang utos. Tama ba o mali ang ganitong mga dahilan? Mayroong isang kuwento na minsan daw ay may isang taong nakakita sa isang anghel na may dalang sulo sa isang kamay at isang timbang tubig naman sa isa. Tinanong niya ang anghel kung para saan ito. Ito ang sagot ng anghel: "Sa pamamagitan ng sulo ay susunugin ko ang mga "mansiyon" sa langit at sa pamamagitan naman ng tubig ay bubuhusan at pupuksain ko ang apoy ng impiyerno. At makikita natin kung sino talaga ang taong nagmamahal sa Diyos!" Ito ang mensaheng nais ipahiwatig ng anghel: Marami sa ating mga Kristiyano ang sumusunod lang sa utos ng Diyos sapagkat takot sila sa "apoy" o parusa ng impiyerno o kaya naman ay sapagkat nais nilang manirahan sa "mansiyon ng langit." Kakaunti ang nakapagsasabing "sumusunod ako sa utos dahil mahal ko ang Diyos!" Sa Ebanghelyo ay malinaw ang mga salitang binitiwan ni Hesus: "Kung iniibig ninyo ako, tutuparin ninyo ang aking mga utos!" Mali ang pagsunod ng dahil sa takot at mali rin ang pagsunod dahil may hinihintay na kapalit. Ang tunay na pagsunod sa utos ng Diyos ay sapagkat mahal natin Siya. Walang takot. Walang hinihintay na kapalit. Ibig sabihin, nagsisimba ka hindi sapagkat takot kang magkaroon ng kasalanang mortal. Matulungin ka sa mahihirap hindi sapagkat may hinihintay kang gantimpala sa langit. Umiiwas ka sa masamang gawain hindi sapakat takot kang mapa-impiyerno! Nagpapakabuti ka sapagkat MAHAL MO ANG DIYOS! Hindi madali ang magkaroon ng ganitong pananaw at pag-iisip. Kaya nga ipinangako ni Hesus ang Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo, ang Patnubay na ipinangako ni Hesus, ang s'yang tutulong sa atin upang masunod natin ng may pagmamahal ang Kanyang mga utos. Ang Banal na Espiritu ang Syang dadalisay sa ating mga adhikain at pagnanais na maging mabuti. Hingin natin ang Kanyang pamamagitan upang paglinawin ang ating mga isipan kung bakit ba tayo nagpapakabuti at umiiwas sa paggawa ng masama. Tandaan natin na ayaw ng Diyos na katakutan natin Siya... mas nais Niyang Siya'y ating mahalin. Ngayong Taon ng ma Layko ay piliin nating maging matapang at sundin ng may pagmamahal ang mga utos ng Diyos. Ang taong tunay na nagmamahal ay walang takot sa pagsunod sa Kanyang mga utos.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento