Sabado, Hunyo 28, 2014

MGA BUHAY NA SAKSI: Solemnity of Saints Peter and Paul, Apostles - Year A - June 29, 2014 - Year of the Laity

Ipinagdiriwang natin ngayon ang Kapistahan nina San Pedro at San Pablo, and dalawang dakilang apostol na itinuturing din nating haligi ng ating pananampalataya!  Si San Pedro ang pinakauna sa mga apostol at si San Pablo naman ang apostol ng mga hentil. Si San Pedro ang binigyan ng Panginoong Jesus ng kapangyarihang pamunuan at patatagin ang Simbahan, samantalang si Pablo naman ang nagsikap na dalhin ang Mabuting Balita ni Kristo sa maraming hindi pa nakakarinig nito!  Magkaiba man ang kanilang katauhan, si Pedro ay mapusok at si Pablo naman ay maingat sa pag-iisip; o maging ang antas ng kanilang pinag-aralan, higit na matalino si Pablo kaysa kay Pedro, ay masasabi nating nagkakapareho naman sila sa marubdob na pagmamahal kay Kristo ay tumupad ng kanilang tungkulin hanggang sa pag-aalay nila ng buhay para kay Kristo.  Kapwa sila namatay na martir, si San Pedro ay ipinako sa krus at si San Pablo naman ay pinugutan ng ulo dahil sa kanilang pagsaksi kay Kristo. Ang pagiging mga tapat na saksi marahil ang matututunan natin sa dalawang apsotol na ito.  Kaya ba nating ialay ang ating sarili tulad ng kanilang ginawa?  Kaya ba nating mamatay para kay Kristo?  May kuwento ng isang paring nagpapakumpisal.  Lumapit sa kanyang kumpisalan ang isang lalaking tila tuliro at wala sa pag-iisip.  "Father, patawarin mo po ako sapagkat ako'y nagkasala... Father... ako po ay nakapatay na ng mga tao.  Isa po akong serial killer Father.  Pinapatay ko po ang mga taong naniniwala sa Diyos.  Ikaw, Padre, naniniwala ka ba sa Diyos?"  Biglang sumagot ang pari ng ganito: "Naku, anak... hindi naman talaga, trip-trip lang kung maniwala ako!"  Bagama't hindi siguro tayo mabibigyan ng pagkakataong "mamartir"para sa ating pananampalataya, tayo naman ay tinatawagang maging martir sa pamamagitan ng araw-araw na pagsaksi kay Kristo. At sa aking palagay ay mas mahirap ang ganitong uri ng pagiging martir. Mahirap sapagkat araw-araw kang uusigin at sasaksi sa katotohanang dapat mong panindigan bilang Kristiyano. Ito ay nangangahulugan ng katapatan kay Kristo, pagsunod sa kanyang mga aral at utos, pamumuhay na marangal at banal at pagtataguyod sa Simbahang ating kinabibilangan.  Tulad nga ng sinabi ng ating Santo Papang si San Juan Pablo II, "Ang mamatay para sa pananmpalataya at pagtawag lamang para sa ilan... ngunit ang isabuhay ang pananampalataya ay pagtawag para sa lahat!"  Hindi man natin mapantayan ang kabanalan nina San Pedro at Pablo, kaya naman nating pantayan ang kanilang "katapangan" sa pagsaksi sa pananampalataya. "Choose to be brave!" ang sigaw ng Year of the Laity.  Piliin natin ang maging matapang sa pagsaksi sa ating pananampalataya! Maging mga apostol din tayo at buhay na saksi ni Kristo sa ating kapwa. San Pedro at San Pablo.... ipanalangin mo kami!

Sabado, Hunyo 21, 2014

EAT ALL YOU CAN (Reposted & Revised) : Solemnity of Corpus Christi Year A - June 22, 2014 - Year of the Laity

Ngayon ay araw ng Kapistahan ng Pagkain!  Kaya para sa mga katulad kong masarap kumain... HAPPY FEAST DAY sa inyong lahat! hehehe.  Ang sarap talagang kumain lalo na't EAT ALL YOU CAN!!! Simple lang naman ang prinsipyong isinasabuhay ng mga mahilig kumain:  "If you eat you'll die. If you don't eat you'll die. You will die, just the same SO WHY NOT EAT AND DIE!"  Dumarami ngayon ang mga restaurant na "Eat All You Can". Sa ganitong mga lugar ang "The Biggest Looser" ay ang mga nagda-diet. Sayang ang pera mo kung hindi mo lulubusin ang pagkain. Kaya't kumain ka hanggang kaya mo! Puwedeng bumalik kahit ilang ulit, 'wag ka lang magtitira sa plato. Bawal ang magtira! "No left-overs." Kapag nagtira ka ay babayaran mo uli ang presyo ng buong pagkain mo. "No sharing!" Bawal ang magbigay ng pagkain sa iba. Medyo makasarili ang patakaran ngunit ang layunin ay para ma-enjoy mo ng sarilinan ang pagkain mo! Kaya nga't kapag "Eat All You Can" ang kainan ay isang araw ko itong pinaghahandaan. Hindi ako kakain ng marami. Mag-aayuno ako. Ihahanda ko ang aking sarili, mentally, emotionally at physically, upang sa oras na ng kainan ay maibuhos ko ang aking buong pag-iisip, diwa at lakas! (Di naman ako seryoso n'yan! hehe) Pero ang ipinagtataka ko eh bakit hindi ako makuntento sa aking kinakain. Parang kulang pa... kaya kain ng kain ng kain hanggang wala akong kamalay-malay na tumataas na pala ang aking bilbil! Dumadami ang palapag ng aking tiyan! hehehe... Ngunit bakit ganoon? Gaano man kasarap at karami ang iyong kinain ay ilalabas mo rin? Ganun lang ba ang proseso ng pagkain: In and Out? Merong nangyayari na hindi natin namamalayan kapag tayo ay kumakain, nagiging kabahagi ng ating katawan ang ating kinakain. We become what we eat...! Kaya nga ingat-ingat lang. Kapag puro baboy ang kinakain mo ay magmumukha ka ring baboy! Kapag kambing naman ay malamang magiging amoy kambing ka! Kapag puro junk foods naman ay magiging junk din ang katawan mo... You become what you eat!  Ngayon ko naintindihan kung bakit inialay ni Hesus ang kanyang sarili sa atin upang ating maging pagkain... gusto niyang maging katulad Niya tayo! In the Eucharist... we become like Christ!... Nagiging katulad natin S'ya!  Kaya nga ngayon mas mauunawan natin kung bakit sinabi ni Jesus na S'ya ang pagkaing nagbibigay buhay.  Nais n'yang tayong lahat ay mabahaginan ng buhay na walang hanggan!  Ganito ba talaga ang nangyayari pagkatapos nating magkomunyon? Nagiging katulad ba ni Kristo ang ating pag-iisip? Ang ating pananalita? Ang ating pagkilos? Kaya naman pala kahit "eat all you can" ang ating pagtanggap ng Komunyon ay parang no effect sa atin ay sapagkat hindi natin ipinapakitang nagiging katulad Niya tayo. Sana kapag tinanggap natin Siya sa Banal na Komunyon ay maging mas maunawain tayo, maging mas mapagpatawad, mapag-aruga, magpagpakumbaba.  Become what you eat... become like Christ!

Sabado, Hunyo 14, 2014

ANG DIYOS NA 3 in 1 (Reposted) : Reflection for the Solemnity of the Most Holy Trinity Year A - June 15, 2014


I am a cofee lover! Grabe! Hindi ako makakatulog sa gabi pag hindi ako uminom ng kape. Sabi nga ng commercial sa T.V."Sarap ng gabi... sarap ng kape! Why not? Try n'yo!"Marami na rin akong kapeng natikman... from brewed o barakong kape ng batanggas to fraps o fancy cofee ng starbucks. Natikman ko pa nga ang exotic na "kape alamid". Special daw ang kapeng ito na ang beans ay galing sa "shit ng Alamid" hehehe! Talagang mapapa... (sorry for the word) SHIT ka pag nainom mo ito! Php 170 ba naman sa isang maliit na expresso cofee! Isang lunukan lang at naglaho na ang Php 170 mo! hehehe... Kaya nga't nasabi ko sa aking sarili na dun na lang ako sa aking 3 in 1 na Nescafe! Tubig lang na mainit ang kelangan mo... enjoy ka na! Sometimes we make life so complicated tulad ng kape e simple lang naman ang buhay! Parang Diyos... we make Him too complicated in our minds. Pilit nating inuunawa siya gamit ang ating maliit na pag-iisip. Parang tubig ng dagat na pilit nating pinagkakasya sa maliit na butas sa buhanginan. Pinagpipilitan nating unawain ang kanyang misteryo ng ating limitadong kaalaman upang maunawaan lamang na ang Diyos pala ay ginagamitan hindi ng utak kundi ng ating puso. Tuna nga naman na ang mga taong marunong lang magmahal ang lubos na nakakaunawa sa Diyos! Kapag marunong kang magpakita ng pagmamahal sa isang taong nangangailan ng tulong, kapag kaya mong magpatawad sa mga taong nakagawa sa iyo ng masama, kapag kaya mong mahalin ang iba sa kabila ng kanilang di kaibig-ibig na pag-uuagali... matuwa ka! Unti-unti ay nauunawan mo na ang misteryo ng Diyos. Ang pagkilala sa Kanya ay higit pa sa pagkakaalam sa kanyang "Bio-data". Ang pagkilala sa Diyos ay ang pagkakaroon ng personal na karanasan sa Kanya. Kailan mo ba tunay na naranasan ang Diyos sa iyong kapwa? Kailan mo ipinaranas ang kanyang pagmamahal sa iba? Maraming "diyos" na ipinakikilala ang mundo ngunit ako... kuntento na sa aking Diyos na 3 in 1, ang Diyos Ama na nagbigay sa akin ng Kanyang Anak at patuloy na gumagabay sa akin sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Di ko man S'ya lubos na maintindihan (bakit 3 in 1?) alam ko namang mahal N'ya ako at nais Niyang mahalin ko rin Siya. Sa susunod na ako ay uminom uli ng kape, dapat ay lagi kong maalala ang aking Diyos na 3 in 1. Tatlong persona na IISANG PAGKADIYOS na nagmahal sa akin ng lubos. Sarap ng gabi... sarap ng kape. Sarap ng buhay... sarap makasama ang Diyos. Bakit hindi? Try n'yo!

Sabado, Hunyo 7, 2014

SIMBOLO NG BANAL NA ESPIRITU: Reflection for the Solemnity of Pentecost Year A - June 8, 2014 - YEAR OF THE LAITY

Kapistahan ngayon ng Pentekostes... ang pagpanaog ng Espiritu Santo sa Simbahan.  Marahil hindi ganoon kadaling maunawaan ang kanyang pananatili sa ating piling sapagkat una ay wala tayong malinaw na paglalarawan sa kanya sapagkat siya ay isang "Espiritu.".  Di katulad ni Jesus na Anak ng Diyos na nagkatawang tao o kaya naman ay ang Diyos Ama na Manlilikha, ang ating pagkilala sa Banal na Espiritu ay walang kapayakan at kasiguruhan sapagkat ang mayroon lamang tayo ay ang mga simbolong matatagpuan natin sa Banal na Kasulatan. Nariyan na ang simbolo ng hangin tulad ng ating narinig sa unang pagbasa, ang dilang apoy na nanahan sa ulo ng mga apostol noong araw ng Pentekostes, ang tila kalapati o ibon na lumabas mula sa langit ng mabinyagan si Jesus sa ilog ng Jordan. Ang hangin o hininga ay simbolo ng buhay. Ang apoy ay simbolo naman ng init at ningas ng pagmamahal. E ang ibon? Ano ang ipinahihiwatiog nito? Isang paring misyonero na galing Ireland na nakapag-aral ng kaunting tagalog ang naupo sa kumpisalan. Sapagkat kapos ang kanyang bokabularyong nalalaman sa Tagalog ay nagdala siya ng maliit na Tagalog-English Dictionary saka-sakali mang meron siyang salitang hundi maintindihan. Maayos namang naidaos ang unang oras ng kumpisal. Naintindihan niya ang mga kasalanan at nakapagbigay pa siya ng payo. Bigla na lamang may nagkumpisal ng ganito: "Father, patawarin po ninyo ako; ako'y nagkasala. Nagnakaw po ako... yung biyenan ko minura ko... At Father, mayroon po akong ipagtatapat: mayroon po akong "kulasisi" (kabit o babaeng kinakasma ha hindi asawa}. Biglang napaisip ang pari, "What is "kulasisi?" Binuksan niya ang kanyang pocket dictionary at tiningnan: "Kulasisi: noun, a little bird, good for pet." Sabi ng pari: "Magaling, magaling... ilan ang kulasisi mo?" Sagot naman ng nagulat na lalaki: "E...e dalawa po padre!" "Kung ganon, ibigay mo sa akin ang isa ha? Ako na ang mag-aalaga!  Ang hirap nga naman pag di malinaw ang pag-intindi mo sa isang salita. Ang resulta: hindi pagkakaintindihan, maling pagkaunawa, pagkakagulo, pagkakawatak-watak! Ang unang biyayang dulot ng Espiritu Santo ay pagkakaisa. Ito ang narinig natin sa unang pagbasa: "At silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo at nagsalita ng iba’t ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu." Bagamat iba't ibang wika ang ipinagkaloob sa kanila ay naiintindihan sila ng mga nakarinig sa kanila. Bakit nagkaganoon? Ang sabi ni San Pablo sa ikalawang pagbasa: "Iba’t iba ang kaloob, ngunit iisa lamang ang Espiritung nagkakaloob ng mga ito." Ibig sabihin, ang Espiritu Santo ang nag-uugnay at dahilan ng pagkakaisa. Nakakalungkot tingnan ang mga Kristiyanong nagbabangayan at nagsisiraan sa isa't isa. Ang mas nakakalungkot ay may mga taong gumagamit pa ng Salita ng Diyos upang tuligsain ang kanyang kapwa. Ang dapat na epekto ng biyayang kaloob ng Espiritu ay kapayapaan at hindi kaguluhan. Ito ang pambungad na bati ni Jesus pagkatapos ng kanyang muling pagkabuhay. Pagkatapos, sila’y hiningahan niya at sinabi, “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo." Tingnan natin ang ating buhay. May kapayapaan ba sa loob ng aking pamilya? May kapayapaan ba sa aking sarili? May kapayapaan ba sa aking kapaligiran? Kung hindi pa natin ito nararanasan ay marahil hindi pa natin hinahayaang maghari ang Espiritu sa ating buhay. Ang Espiritu Santo ay hindi "kulasisi". Ang "kulasisi" ay sumisira, nagwawatak-watak, naghihiwalay sa ugnayan ng pamilya. Ang Espiritu ay nag-uugnay, nagtitipon, nagbubuklod... ang dulot Niya ay kapayapaan at pagkakaisa.  At sa higit sa lahat ang biyayang handog ng Espiritu Santo ay kabanalan.  Bagama't ang Simbahan ay binubuo ng mga taong makasalanan, ang Espiritu Santo naman ang nagpapanatili ng Kanyag kabanalan.  Ang kabanalan ang nais ng Diyos para sa ating lahat at ito ang katibayan na pinaghaharian Niya tayong Kanyang mga anak.  Hingin natin ang biyaya ng Banal na Espiritu upang mapuspos tayo ng pagkakaisa, kapayapaan at kabanalan.