Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Hunyo 21, 2014
EAT ALL YOU CAN (Reposted & Revised) : Solemnity of Corpus Christi Year A - June 22, 2014 - Year of the Laity
Ngayon ay araw ng Kapistahan ng Pagkain! Kaya para sa mga katulad kong masarap kumain... HAPPY FEAST DAY sa inyong lahat! hehehe. Ang sarap talagang kumain lalo na't EAT ALL YOU CAN!!! Simple lang naman ang prinsipyong isinasabuhay ng mga mahilig kumain: "If you eat you'll die. If you don't eat you'll die. You will die, just the same SO WHY NOT EAT AND DIE!" Dumarami ngayon ang mga restaurant na "Eat All You Can". Sa ganitong mga lugar ang "The Biggest Looser" ay ang mga nagda-diet. Sayang ang pera mo kung hindi mo lulubusin ang pagkain. Kaya't kumain ka hanggang kaya mo! Puwedeng bumalik kahit ilang ulit, 'wag ka lang magtitira sa plato. Bawal ang magtira! "No left-overs." Kapag nagtira ka ay babayaran mo uli ang presyo ng buong pagkain mo. "No sharing!" Bawal ang magbigay ng pagkain sa iba. Medyo makasarili ang patakaran ngunit ang layunin ay para ma-enjoy mo ng sarilinan ang pagkain mo! Kaya nga't kapag "Eat All You Can" ang kainan ay isang araw ko itong pinaghahandaan. Hindi ako kakain ng marami. Mag-aayuno ako. Ihahanda ko ang aking sarili, mentally, emotionally at physically, upang sa oras na ng kainan ay maibuhos ko ang aking buong pag-iisip, diwa at lakas! (Di naman ako seryoso n'yan! hehe) Pero ang ipinagtataka ko eh bakit hindi ako makuntento sa aking kinakain. Parang kulang pa... kaya kain ng kain ng kain hanggang wala akong kamalay-malay na tumataas na pala ang aking bilbil! Dumadami ang palapag ng aking tiyan! hehehe... Ngunit bakit ganoon? Gaano man kasarap at karami ang iyong kinain ay ilalabas mo rin? Ganun lang ba ang proseso ng pagkain: In and Out? Merong nangyayari na hindi natin namamalayan kapag tayo ay kumakain, nagiging kabahagi ng ating katawan ang ating kinakain. We become what we eat...! Kaya nga ingat-ingat lang. Kapag puro baboy ang kinakain mo ay magmumukha ka ring baboy! Kapag kambing naman ay malamang magiging amoy kambing ka! Kapag puro junk foods naman ay magiging junk din ang katawan mo... You become what you eat! Ngayon ko naintindihan kung bakit inialay ni Hesus ang kanyang sarili sa atin upang ating maging pagkain... gusto niyang maging katulad Niya tayo! In the Eucharist... we become like Christ!... Nagiging katulad natin S'ya! Kaya nga ngayon mas mauunawan natin kung bakit sinabi ni Jesus na S'ya ang pagkaing nagbibigay buhay. Nais n'yang tayong lahat ay mabahaginan ng buhay na walang hanggan! Ganito ba talaga ang nangyayari pagkatapos nating magkomunyon? Nagiging katulad ba ni Kristo ang ating pag-iisip? Ang ating pananalita? Ang ating pagkilos? Kaya naman pala kahit "eat all you can" ang ating pagtanggap ng Komunyon ay parang no effect sa atin ay sapagkat hindi natin ipinapakitang nagiging katulad Niya tayo. Sana kapag tinanggap natin Siya sa Banal na Komunyon ay maging mas maunawain tayo, maging mas mapagpatawad, mapag-aruga, magpagpakumbaba. Become what you eat... become like Christ!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento