Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Hunyo 28, 2014
MGA BUHAY NA SAKSI: Solemnity of Saints Peter and Paul, Apostles - Year A - June 29, 2014 - Year of the Laity
Ipinagdiriwang natin ngayon ang Kapistahan nina San Pedro at San Pablo, and dalawang dakilang apostol na itinuturing din nating haligi ng ating pananampalataya! Si San Pedro ang pinakauna sa mga apostol at si San Pablo naman ang apostol ng mga hentil. Si San Pedro ang binigyan ng Panginoong Jesus ng kapangyarihang pamunuan at patatagin ang Simbahan, samantalang si Pablo naman ang nagsikap na dalhin ang Mabuting Balita ni Kristo sa maraming hindi pa nakakarinig nito! Magkaiba man ang kanilang katauhan, si Pedro ay mapusok at si Pablo naman ay maingat sa pag-iisip; o maging ang antas ng kanilang pinag-aralan, higit na matalino si Pablo kaysa kay Pedro, ay masasabi nating nagkakapareho naman sila sa marubdob na pagmamahal kay Kristo ay tumupad ng kanilang tungkulin hanggang sa pag-aalay nila ng buhay para kay Kristo. Kapwa sila namatay na martir, si San Pedro ay ipinako sa krus at si San Pablo naman ay pinugutan ng ulo dahil sa kanilang pagsaksi kay Kristo. Ang pagiging mga tapat na saksi marahil ang matututunan natin sa dalawang apsotol na ito. Kaya ba nating ialay ang ating sarili tulad ng kanilang ginawa? Kaya ba nating mamatay para kay Kristo? May kuwento ng isang paring nagpapakumpisal. Lumapit sa kanyang kumpisalan ang isang lalaking tila tuliro at wala sa pag-iisip. "Father, patawarin mo po ako sapagkat ako'y nagkasala... Father... ako po ay nakapatay na ng mga tao. Isa po akong serial killer Father. Pinapatay ko po ang mga taong naniniwala sa Diyos. Ikaw, Padre, naniniwala ka ba sa Diyos?" Biglang sumagot ang pari ng ganito: "Naku, anak... hindi naman talaga, trip-trip lang kung maniwala ako!" Bagama't hindi siguro tayo mabibigyan ng pagkakataong "mamartir"para sa ating pananampalataya, tayo naman ay tinatawagang maging martir sa pamamagitan ng araw-araw na pagsaksi kay Kristo. At sa aking palagay ay mas mahirap ang ganitong uri ng pagiging martir. Mahirap sapagkat araw-araw kang uusigin at sasaksi sa katotohanang dapat mong panindigan bilang Kristiyano. Ito ay nangangahulugan ng katapatan kay Kristo, pagsunod sa kanyang mga aral at utos, pamumuhay na marangal at banal at pagtataguyod sa Simbahang ating kinabibilangan. Tulad nga ng sinabi ng ating Santo Papang si San Juan Pablo II, "Ang mamatay para sa pananmpalataya at pagtawag lamang para sa ilan... ngunit ang isabuhay ang pananampalataya ay pagtawag para sa lahat!" Hindi man natin mapantayan ang kabanalan nina San Pedro at Pablo, kaya naman nating pantayan ang kanilang "katapangan" sa pagsaksi sa pananampalataya. "Choose to be brave!" ang sigaw ng Year of the Laity. Piliin natin ang maging matapang sa pagsaksi sa ating pananampalataya! Maging mga apostol din tayo at buhay na saksi ni Kristo sa ating kapwa. San Pedro at San Pablo.... ipanalangin mo kami!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento