Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Biyernes, Setyembre 26, 2014
ANG APAT NA ANAK: Reflection for 26th Sunday in Ordinary Time Year A - September 28, 2014 - YEAR OF THE LAITY - SEASON OF CREATION
Actions speak louder than voice! Isa ito sa mga kasabihang natutunan ko noong ako ay nasa elementarya pa lamang. At habang tumatanda ako ay mas nauunawan ko ang kahulugan nito! Lalo na sa aking pagmiministeryo bilang pari, lagi kong naiisip ang mga katagang ito sa tuwing ako ay nangangaral o nagbibigay ng homiliya sa Misa. Baka naman ang mga sinasabi ko ay hindi tugma sa aking ginagawa... tatawanan lang ako ng mga nakikinig sa akin. Hindi ko sila mapapaniwala! Katulad ng kuwento ng isang negosyanteng nagbebenta ng "ballpen" sa isang paaralan. Kinausap niya ang administrator at masigasig na prinomote ang kanyang produkto. Halos isang oras siyang nagsalita at nagpaliwanag tungkol sa galing at ganda ng kanyang paninda. Buo na ang loob ng administrator ng school na kumuha ng 1,000 pirasong ballpen. Kaya lang nang isinusulat na ng negosyante ang order sa kanyang kuwaderno ay biglang napasigaw ang bumibili: "Teka, wag na lang! Ayaw ko na! Hindi na ako oorder!" Laking pagkagulat ng negosyante at tinanong niya kung bakit. "Alam mo, isang oras mo akong nililigawan para bilhin ang produkto ninyong ballpen. Ang dami mong magagandang sinabi. Napaniwala mo ako. Pero nang isinusulat mo na ang order ko... e nakita kong ibang brand ng ballpen ang ginamit mo! Ang ikinilos mo ay hindi tugma sa iyong panagsasabi! Ang talinhaga sa Ebanghelyo ngayong Linggo ay isang mensahe ng babala at pag-asa para sa ating lahat. Babala na huwag tayong maging kumpiyansa sa pagsasabing "Ako'y Kristiyano!" Ang kasabihan nga nating mga Plipino ay: "Ang tao ay nakikila sa kanyang gawa hindi sa kanyang salita!" Hindi sapat ang "Amen! Alleluia! o Praise the Lord!" Ang mahalagang tanong ay: Kinakikitaan ba ako ng pag-uugali na tulad ng kay Kristo? Ang isang mensahe rin ay pag-asa... Na may pagkakataon tayong itama ang ating mga pagkakamali dala marahil ng ating kahinaan. Siguro ay katulad tayo ng nakatatandang kapatid na nagsabi ng "ayoko po!" Sa tuwing nilalabag natin ang mga utos ng Diyos ay ito ang ating sinasabi. Ngunit sa ating pagbasa, ipinakita sa atin na maaring baguhin ang pagtangging ito. Sa kahuli-hulihan ay nagawang sumunod ng nakatatandang kapatid. Tayo rin, ay laging may pag-asa na itama ang ating mga maling desisyon sa buhay! Hindi tayo alipin ng kasalanan. Tinubos na tayo ni Kristo sa pamamagitan ng kanyang katawan at dugo. Kaya nga may pag-asa tayong magbagong buhay. Kung bibigyan ako ng kalayaang dugtungan ang Talinhaga ay maglalagay ako ng ikatlong anak. Siya ang nagsabi ng "opo" at pagkatapos ay sumunod sa utos ng kanyang ama! At sino ang anak na ito? Walang iba kundi si Jesus. Siya ang pangatlong anak sa talinhaga. At gusto N'ya na sana ay tayo rin! Sumagot na tayo ng "opo" noong tayo ay nangako sa binyag at kumpil. Nangako na tayong tatalikuran ang kasalanan at sasampalataya sa Diyos. Ang kinakailangan na lamang ay ang pagsunod. Saan mo nakikita ang iyong sarili sa talinhaga? Baka naman Kristiyanong laban o bawi tayo? Baka naman mahilig tayong magsabi ng OPO ngunit ito naman ay madalas napapako? Mabuti pa ang UMAAYAW ngunit pagkatapos naman ay GUMAGALAW! Kapag inilaban mo na ang iyong OPO ay wag mo ng bawiin. Ang tunay na Kristiyano ay may isang salita. 'Pag nangako kang magpapakabait, gawin mo! 'Pag nagkamali ka uli, ituwid mo! Ang Diyos naman ay laging handang umunawa sa kahinaan mo. Alam mo bang may ikaapat pang anak sa talinhaga? Meron, at ikaw iyon! Opo ba o hindi ang isasagot mo? Kanya-kanya tayong pagpapasya kung ano ang ating isasagot. At nasasaatin din ang desisyon kung paninindigan ba natin ang ating kasagutan. Ngayong Taon ng mga Layko ay maging mas matapang tayo sa ating pagsagot sa hamon ng Panginoon. .. ang maging tapat Niyang mga alagad. Anung uring ika-apat na anak ka sa harap ng iyong Ama?
Sabado, Setyembre 20, 2014
PAGKAINGGIT AT KABUTIHAN NG DIYOS: Reflection for 25th Sunday in Ordinary Time Year A - September 21, 2015 - YEAR OF THE LAITY - SEASON OF CREATION
May taong bang hindi naiinggit? Masama bang ikumpara ang ating sarili sa iba? Ano ba ang Kristiyanong pananaw sa mga pagpapalang ipinagkakait sa atin at nakikita nating tinatanggap ng iba? Isipin mong mayroong apat na bahay sa inyong kalye at sa iyo ang isa. Ang bahay mo ay nagkakahalaga ng Php 10 million. Ang isa ay 5 million, ang isa naman ay 2 at ang panghuli ay 1 million. Tinanong ka ng asawa mo: "Sweetheart, kung mayroong mag-aalok na bilhin ang bahay natin ng 20 million, papayag ka ba?" Siyempre ang sagot mo: "Aba mahal, hindi lang papayag... tatalon pa ako sa tuwa at doon mismo ibebenta ko ang bahay!" Nang biglang tumunog ang telepono at laking pagkagulat mo na ang tumawag ay inaalok na bilhin ang bahay mo ng Php 30 million. Hindi ka na nagdalawang isip pa. Doon mismo sinarado mo ang deal sa 30 million. Tuwang-tuwa ka... ngunit meron kang nabalitaan kinabukasan. Yung parehong buyer ng bahay mo ay binili ang tatlong katabi mong bahay. At ito ang nakakagalit, ang presyo: binili ang bawat isa ng Php 30 million! Ano ang mararamdaman mo? hehe... Marahil, kapareho ng naramdaman ng mga mangagawa sa talihaga ni Jesus sa Ebanghelyo ngayon... Nadaya kami! Unfair! Hindi makatarungan! Kung tatawagan mo ang nakabili ng bahay mo, ang sasabihin n'ya lang sa 'yo ay: "Anung pakialam mo? E sa mabait ako at gusto kong bayaran ng 5o million ang lahat ng bahay! Inggetero!!!" Isa sa mga ugali nating mga tao na dapat nating bantayan ay ang pagkainggit. Tayo pa namang mga Pilipino ay mga taong ayaw maiisahan! Siguro hindi makatarungan sa ating paghuhusga ang ginawa ng nakabili ng bahay o ng may-ari ng ubasan. Ganito naman talaga ang pag-iisip ng Diyos. Sabi nga sa unang pagbasa: “Ang aking isipa’y di ninyo isipan, at magkaiba ang ating daan. Kung paanong ang langit higit na mataas, mataas sa lupa, ang daa’t isip ko’y hindi maaabot ng inyong akala.” Sa halip na mainggit, ang nais ng Diyos sa atin ay maging mapagpasalamat sa lahat na ibinibigay niyang biyaya sa atin. Wag mong isipin na mas mayaman ang kapitbahay mo, mas matalino ang kaklase mo, may guwapo ang kaibigan mo, mas talentado ang kapatid mo... Tingnan mo ang sarili mo at makikita mong may ibinigay din ang Diyos sa iyo na wala sa kanila. Hindi ka lugi. Hindi ka dinaya.Wala kang dapat na kainggitan. Magpasalamat ka. Pagyamanin mo ang regalo niya sa iyo. Higit sa lahat, gamitin mo ito upang makatulong sa kapwa mo. Ang talinghaga ay nagsasabi rin sa atin na ang ating Diyos ay lubos na mabuti. Hindi mapapantayan ang Kanyang kabutihan. Kahit na tayong mga makasalanan ay maaring gawaran ng kanyang pagpapala. Tayo ang mga "nahuhuling maaring mauna" kung gagamitin natin ang pagkakataong ibinibigay ng Diyos upang magbagong buhay at mamuhay ng mabuti. Ngayong Taon ng mga Layko, ay maging matapang tayo sa pagharap sa ating sariling kakulangan at kahinaan. Huwag tayong matakot na hindi tayo mauunawan ng Diyos. Ang Diyos ay laging handang umunawa at magpatawad sa atin. Ang Diyos ay punong-puno ng awa at kagandahang-loob.
Sabado, Setyembre 13, 2014
CROSS... A BLESSING IN DISGUISE! : 24th Sunday in Ordinary Time Year A - Feast of the Exaltation of the Cross - YEAR OF THE LAITY - SEASON OF CREATION
Kung minsan ay naririnig natin ang katagang: "Blessing in disguise!" Ano ba ang ibig sabihin nito? Nagkukunwari ba ang pagpapala? May mga karananasan tayo na kung minsan ay hindi madaling tanggapin sapagkat masama o hindi maganda ang dating nito sa atin. Ngunit magugulat na lamang tayo na hindi naman pala ganun kasama ang nangyari at sa halip ay may naidulot pa nga itong kabutihan. Halimbawa, iniwan ka ng jowa mo at iba ang sinamahan. O kaya naman ay nahuli ka sa trabaho dahil sa hindi ka hinintuan ng jeep na pinapara mo. Eto pa, naiwan ka sa fieldtrip ng paaralan ninyo dahil late kang nagising. Pagkatapos ay maririnig mo na lang ang balitang... may aids pala ang jowa mo! Nagkaroon ng holdapan sa jeep na dapat ay nasakyan mo! Nadisgrasya ang bus na sinasakyan ng mga kaklase mo! At ang tangi mong nasabi ay "mabuti na lang wala ako doon!" Ang tawag d'yan ay "blessing in disguise!" Isang "blessing in disguise" din ang imahe ng "krus". Dati rati ang krus ay simbolo ng kahihiyan. Dito ipinapako ang mga kriminal at mga taong masasama. Ngunit pagkatapos maipako at mamatay si Jesus sa krus, ito ay naging simbolo ng sakripisyo, pagtubos at kaligtasan. Ang dating kinatatakutan ay simbolo ngayon ng pag-asa sa ating mga Kristiyano na may nagbayad para sa ating mga kasalanan at dahil dito ay nabuksan sa atin ang pintuan ng kalangitan! Ang kapistahan ng Pagtatampok ng Krus ay pagdiriwang ng malaking pagmamahal ng Diyos sa tao na nag-alay ng kanyang bugtong na Anak upang tayo ay maligtas. (Jn 3:15) Sa ating buhay ay marami tayong nararanasang blessing in disguise! Wag na nating hintayin pa ang huling sandali upang masabi nating "blessing" ang mga nangyayari sa atin. Sa pamamagitan ng "pananampalataya" ay maaari nating makita ang biyaya ng Diyos sa kabila ng maraming masamang nangyayari sa ating buhay. Kung paanong ang mga Israelitang natuklaw ng mga ahas sa disyerto ay napagaling sa pamamagitan ng pagtingin sa pilak na hubog ahas na ipinagawa ni Yahweh kay Moises ay gayun din ang mga sasampalataya kay Jesus, sila ay magkakamit ng kaligtasan dahil sa nagtiwala sila sa Anak ng Diyos. Kaya nga't ang krus na para sa ating mga kristiyano ay napakaraniwang simbolo na lamang ay dapat magbigay sa atin ng pinanibagong pagmamahal sa ating pananampalaraya. Paano ko ba pinahahalagahan ang tanda ng krus? Ang bawat panalangin natin ay pinangungunahan at tinatapos natin nito, ginagawa ko ba ito ng tama at may pananampalataya? Huwag nating ikahiyang gawin ito sa labas. Sa tuwing dadaan ng simbahan, sa tuwing kakain sa pampublikong kainan, o sa pagdarasal sa mataong lugar, ay nararapat nating ipahayag ang ating pagsaksi sa pamamagitan ng tamang pag-aantanda ng krus. Nawa ay maitampok natin ang krus sa ating pang-araw-araw na buhay at maging paala-ala sa atin ng kadakilaan ng pag-ibig ng Diyos.
Linggo, Setyembre 7, 2014
NINE MONTHS (Reposted) : Reflection on the Feast of the Nativity of Mary - September 8, 2014 - YEAR OF THE LAITY
Naitanong mo na ba sa sarili mo kung bakit September 8 ang birthday ni Mama Mary? Bakit hindi May 13? (birthday ko kaya yon! hehe) Wala pa namang kalendaryo noon. Paano nalamang Sept. 8 ang kanyang kaarawan? Simple lang. Daanin ko sa isang kuwento ang sagot: "May isang turistang Amerikano ang sumakay ng bus papuntang Macabebe, Pampanga. Medyo nainip siya sa haba ng biyahe kaya tinanong ang kundoktor: "Hey Joe, how long to Makabaybe?" Ang pagkaintindi ng kundoktor ay "how long to make a baby", kaya tinawanan niya ang Amerikano. Natural, napikon ang Kano at sinigawan ang kundoktor: "Hey! Don't laugh at me! I'm asking you a serious question: "how long to Makabaybe?" Pagalit na sumagot ang kundoktor: "Ahhhh... don't you shouting at me ha? I'm no ignorant. Ok, I will tell you... it's nine months to "make a baby!" Napatalon sa kinauupuan ang kano, "Nine months??? Gosh... it's too far!" hehehe... Ang sagot sa tanong ko kanina kung bakit Sept. 8 natin ipinagdiriwang ang birthday ni Mama Mary ay ito... wala sa historical o theological explanation ang kasagutan. Ang sagot ko lang ay katulad ng sagot ng kundoktor: "Nine months to make a baby." Bilangin mo mula Dec. 8, ang araw ng kalinislinisang paglilihi kay Maria (Immaculate Conception) hanggang Sept. 8, ang kanyang kapanganakan, at makikita mong siyam na buwan ang haba noon! Hindi naman mahalaga ang eksaktong petsa ng kapanganakan ng Mahal ng Birhen. Ang mahalaga ay isinilang siya bilang tao dito sa lupa upang mabigyang daan ang katuparan ang plano ng Diyos.Ang Kapistahan ng Kapanganakan ng Mahal na Birhen ay dapat magpaalala sa atin ng kagandahang loob at katapatan ng Diyos. Sa simula palang na nagkasala ang tao ay ninais na ng Diyos na sagipin ang tao sa pagkakasala. Napakahabang paghahanda ang nangyari. Kasing haba ng tala-angkanan na nakasulat sa Ebanghelyo ni Mateo. Mahabang panahon ang hinintay ng sangkatauhan, ngunit sa gayunpaman ay hindi tinalikuran ng Diyos ang kanyang pangako. Pinili niya ang isang babaeng taga-Nazaret upang maging ina ng Kanyang Anak. Lubos ang kabutihan at katapatan ng Diyos. Ang Diyos ay laging tapat sa atin. Sa kabila ng ating araw-araw na pagtalikod at paglimot sa kanya ay tuloy pa rin ang alok Niyang kaligtasan sa atin. Pinahahalagahan ko ba ito? O baka naman, binabale wala ko ang Kanyang kabutihan sa patuloy na paggawa ng kasalanan at masamang pag-uugali? O Maria... tulungan mo kaming maging tapat na katulad mo... Maligayang kaarawan sa iyo aming Ina!
Biyernes, Setyembre 5, 2014
MAKIALAM SA PANAHON NG PAGLIKHA: Reflection for 23rd Sunday in Ordinary Time Year A - September 7, 2014 - YEAR OF THE LAITY - SEASON OF CREATION
Ipinagdiriwang ngayon sa Arkediyosis ng Manila ang PANAHON NG PAGLIKHA o Season of Creation. Ito ay magtatagal hanggang Oktubre 4, sa pagdiriwang ng kapistahan ni San Francisco ng Asisi. Sa mga araw na ito ay pinapaalalahanan tayong mga Kristiyano na magkaroon ng "pakikialam" sa ating kapaligiran at kalikasan. Kung bakit dumaranas tayo ng maraming trahedya at kalamidad ay gawa na rin ng ating walang pakikialam at paglapastangan sa mga nilikha ng Diyos na dapat ay ating pinamamahalaan. Isa sa maraming natutunan ko sa seminaryo habang kami ay hinahanda upang maging relihiyosong Salesiano ay ang katagang tinatawag naming "Salesian blasphemy". Laking pagkagulat ko nang marinig ko na meron pala kaming sariling blasphemy. Ang akala ko ay katulad ito ng paglait o pagkutya sa ngalan ng Diyos o kaya naman ay kawalan ng paggalang sa Kanya. Ang sabi ng aming Novice Master, ang paring nangangalaga sa aming paghubog bilang mga seminaristang nobisyano, na ngayon ay isa ng obispo, ay hindi dapat ito kailanman marinig na lumalabas sa aming bibig. Hindi kami mabuting Salesiano kapag binabanggit namin ito. Ano ba ang "blasphemy" na ito? Simple lang. Ito ay ang katagang: "It's none of my bussiness!" Sa orihinal na lingguwaheng Itaiano ay "Non tocca a me!" Sa ating wika ay mas malakas ang dating: "Wala akong pakialam!" Ang akala natin ang mabuting pamumuhay ay ang pag-iwas lamang sa kasalanan o paggawa ng masama. Tama naman ngunit hindi lang iyon. Hindi sapagkat hindi ka gumagawa ng masama ay mabuting Kristiyano ka na. Ang kasalanan ay hindi lang "commission". Ito rin ay "omission". Anong ibig sabihin nito? Nagkakasala din tayo kapag hindi natin nagawa ang isang kabutihan kapag nabigyan tayo ng pagkakataon. Halimbawa, nakita mong nandaraya ang kasama mo sa trabaho, at pinabayaan mo lang dahilan sa kaibigan mo siya ay nagkakasala ka rin. Nakita mo ang kaklase mong nangongopya sa exam at hindi mo pinagsabihan, nagkakasala ka rin. Nagpupunta ang barkada mo sa isang masamang lugar, napipilitan ka lang na sumama pero wala kang ginagawang pagwawasto... kasalanan mo rin! Ibig sabihin may pananagutan tayo sa maling ginagawa ng ating kapwa! Ito ang sinasabi ni Jesus sa kanyang talinhaga sa Ebanghelyo ngayong Linggo. Ito rin ang pahiwatig ng Panginoon sa unang pagbasa sa pamamagitan ni Propeta Ezekiel: "Kapag sinabi ko sa taong masama na siya’y mamamatay at di mo ito ipinaabot sa kanya upang makapagbagong-buhay, mamamatay nga siya sa kanyang kasamaan ngunit pananagutan mo ang kanyang kamatayan." May pananagutan tayo sa ating kapwa. Hindi madali ang pagiging Kristiyano. Kinakailangan nating maging totoo sa harap ng kamalian. Marahil, marami tayong masasaktan at masasagasaan ngunit kinakailangan. Hindi tayo sisikat. Mawawala ang "bango" ng ating pangalan sa iba. Kalimitan tayo pa ang magiging mali. Ngunit hindi ito dahilan upang magwalang kibo na lamang tayo habang ang masamang gawain ay nangyayari sa ating harapan. Ang isang Kristiyano ay "pakialamero." Ngunit ang ating pakikialam ay hindi upang ibaba ang dignidad ng iba o upang ipahamak sila. Ang ating pakikialam ay katulad ng pakikiaalam ng Diyos sa atin. Pakikialam na may masuyong pagmamahal. Ibig sabihin ang layunin natin ay upang ituwid ang ating kapwa at tulungan silang mauwaan ang kanilang maling ginagawa. Hindi tayo dapat magbulag-bulagan at magbingi-bingihan. Ang sabi nga ni Edmund Burke:"All that is needed for evil to prosper is for good people to remain silent." At dahil nasa panahon din tayo ng Paglikha o Season of Creation ay magandang isama na rin natin ang ating pakikialam sa ating kapaligran at kalikasan sapagkat ito ay kabahagi naman talaga ng ating pamumuhay. Iwasto natin ang ating mga kapatid na mga walang pakialam sa kalinisan at kaayusan ng kapaligiran. Marami pa rin ang walang konensiyang nagtatapon ng basura kung saan-saan. Marami pa rin ang mga taong pinagsasamantalahan ang kalikasan sa ngalan ng pag-unlad at pagpapayaman (tulad ng illegal logging, reclamation of sea bays, illegal mining, etc.) Nangangailangan ito ng pagbuhay ng ating "social conscience" na mangyayari lamang kung ang bawat isa sa atin ay may "informed conscience". Kaya nga ang pakikipaglaban para sa kalikasan ay dapat magsimula muna sa ating lahat, Ngayong Taon ng mga Layko ay ipakita natin ng may buong tapang na may pakialam tayo sa isa't isa para sa kapakanan ng ating kalikasan. Ang tema ng Season of Creation ngayong Taong ito ay naakma: "Maging BAYANI! Mahalin, ipagtanggol at pagyamanin ang Sangnilikha!"
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)