Kung minsan ay naririnig natin ang katagang: "Blessing in disguise!" Ano ba ang ibig sabihin nito? Nagkukunwari ba ang pagpapala? May mga karananasan tayo na kung minsan ay hindi madaling tanggapin sapagkat masama o hindi maganda ang dating nito sa atin. Ngunit magugulat na lamang tayo na hindi naman pala ganun kasama ang nangyari at sa halip ay may naidulot pa nga itong kabutihan. Halimbawa, iniwan ka ng jowa mo at iba ang sinamahan. O kaya naman ay nahuli ka sa trabaho dahil sa hindi ka hinintuan ng jeep na pinapara mo. Eto pa, naiwan ka sa fieldtrip ng paaralan ninyo dahil late kang nagising. Pagkatapos ay maririnig mo na lang ang balitang... may aids pala ang jowa mo! Nagkaroon ng holdapan sa jeep na dapat ay nasakyan mo! Nadisgrasya ang bus na sinasakyan ng mga kaklase mo! At ang tangi mong nasabi ay "mabuti na lang wala ako doon!" Ang tawag d'yan ay "blessing in disguise!" Isang "blessing in disguise" din ang imahe ng "krus". Dati rati ang krus ay simbolo ng kahihiyan. Dito ipinapako ang mga kriminal at mga taong masasama. Ngunit pagkatapos maipako at mamatay si Jesus sa krus, ito ay naging simbolo ng sakripisyo, pagtubos at kaligtasan. Ang dating kinatatakutan ay simbolo ngayon ng pag-asa sa ating mga Kristiyano na may nagbayad para sa ating mga kasalanan at dahil dito ay nabuksan sa atin ang pintuan ng kalangitan! Ang kapistahan ng Pagtatampok ng Krus ay pagdiriwang ng malaking pagmamahal ng Diyos sa tao na nag-alay ng kanyang bugtong na Anak upang tayo ay maligtas. (Jn 3:15) Sa ating buhay ay marami tayong nararanasang blessing in disguise! Wag na nating hintayin pa ang huling sandali upang masabi nating "blessing" ang mga nangyayari sa atin. Sa pamamagitan ng "pananampalataya" ay maaari nating makita ang biyaya ng Diyos sa kabila ng maraming masamang nangyayari sa ating buhay. Kung paanong ang mga Israelitang natuklaw ng mga ahas sa disyerto ay napagaling sa pamamagitan ng pagtingin sa pilak na hubog ahas na ipinagawa ni Yahweh kay Moises ay gayun din ang mga sasampalataya kay Jesus, sila ay magkakamit ng kaligtasan dahil sa nagtiwala sila sa Anak ng Diyos. Kaya nga't ang krus na para sa ating mga kristiyano ay napakaraniwang simbolo na lamang ay dapat magbigay sa atin ng pinanibagong pagmamahal sa ating pananampalaraya. Paano ko ba pinahahalagahan ang tanda ng krus? Ang bawat panalangin natin ay pinangungunahan at tinatapos natin nito, ginagawa ko ba ito ng tama at may pananampalataya? Huwag nating ikahiyang gawin ito sa labas. Sa tuwing dadaan ng simbahan, sa tuwing kakain sa pampublikong kainan, o sa pagdarasal sa mataong lugar, ay nararapat nating ipahayag ang ating pagsaksi sa pamamagitan ng tamang pag-aantanda ng krus. Nawa ay maitampok natin ang krus sa ating pang-araw-araw na buhay at maging paala-ala sa atin ng kadakilaan ng pag-ibig ng Diyos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento