Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Biyernes, Setyembre 26, 2014
ANG APAT NA ANAK: Reflection for 26th Sunday in Ordinary Time Year A - September 28, 2014 - YEAR OF THE LAITY - SEASON OF CREATION
Actions speak louder than voice! Isa ito sa mga kasabihang natutunan ko noong ako ay nasa elementarya pa lamang. At habang tumatanda ako ay mas nauunawan ko ang kahulugan nito! Lalo na sa aking pagmiministeryo bilang pari, lagi kong naiisip ang mga katagang ito sa tuwing ako ay nangangaral o nagbibigay ng homiliya sa Misa. Baka naman ang mga sinasabi ko ay hindi tugma sa aking ginagawa... tatawanan lang ako ng mga nakikinig sa akin. Hindi ko sila mapapaniwala! Katulad ng kuwento ng isang negosyanteng nagbebenta ng "ballpen" sa isang paaralan. Kinausap niya ang administrator at masigasig na prinomote ang kanyang produkto. Halos isang oras siyang nagsalita at nagpaliwanag tungkol sa galing at ganda ng kanyang paninda. Buo na ang loob ng administrator ng school na kumuha ng 1,000 pirasong ballpen. Kaya lang nang isinusulat na ng negosyante ang order sa kanyang kuwaderno ay biglang napasigaw ang bumibili: "Teka, wag na lang! Ayaw ko na! Hindi na ako oorder!" Laking pagkagulat ng negosyante at tinanong niya kung bakit. "Alam mo, isang oras mo akong nililigawan para bilhin ang produkto ninyong ballpen. Ang dami mong magagandang sinabi. Napaniwala mo ako. Pero nang isinusulat mo na ang order ko... e nakita kong ibang brand ng ballpen ang ginamit mo! Ang ikinilos mo ay hindi tugma sa iyong panagsasabi! Ang talinhaga sa Ebanghelyo ngayong Linggo ay isang mensahe ng babala at pag-asa para sa ating lahat. Babala na huwag tayong maging kumpiyansa sa pagsasabing "Ako'y Kristiyano!" Ang kasabihan nga nating mga Plipino ay: "Ang tao ay nakikila sa kanyang gawa hindi sa kanyang salita!" Hindi sapat ang "Amen! Alleluia! o Praise the Lord!" Ang mahalagang tanong ay: Kinakikitaan ba ako ng pag-uugali na tulad ng kay Kristo? Ang isang mensahe rin ay pag-asa... Na may pagkakataon tayong itama ang ating mga pagkakamali dala marahil ng ating kahinaan. Siguro ay katulad tayo ng nakatatandang kapatid na nagsabi ng "ayoko po!" Sa tuwing nilalabag natin ang mga utos ng Diyos ay ito ang ating sinasabi. Ngunit sa ating pagbasa, ipinakita sa atin na maaring baguhin ang pagtangging ito. Sa kahuli-hulihan ay nagawang sumunod ng nakatatandang kapatid. Tayo rin, ay laging may pag-asa na itama ang ating mga maling desisyon sa buhay! Hindi tayo alipin ng kasalanan. Tinubos na tayo ni Kristo sa pamamagitan ng kanyang katawan at dugo. Kaya nga may pag-asa tayong magbagong buhay. Kung bibigyan ako ng kalayaang dugtungan ang Talinhaga ay maglalagay ako ng ikatlong anak. Siya ang nagsabi ng "opo" at pagkatapos ay sumunod sa utos ng kanyang ama! At sino ang anak na ito? Walang iba kundi si Jesus. Siya ang pangatlong anak sa talinhaga. At gusto N'ya na sana ay tayo rin! Sumagot na tayo ng "opo" noong tayo ay nangako sa binyag at kumpil. Nangako na tayong tatalikuran ang kasalanan at sasampalataya sa Diyos. Ang kinakailangan na lamang ay ang pagsunod. Saan mo nakikita ang iyong sarili sa talinhaga? Baka naman Kristiyanong laban o bawi tayo? Baka naman mahilig tayong magsabi ng OPO ngunit ito naman ay madalas napapako? Mabuti pa ang UMAAYAW ngunit pagkatapos naman ay GUMAGALAW! Kapag inilaban mo na ang iyong OPO ay wag mo ng bawiin. Ang tunay na Kristiyano ay may isang salita. 'Pag nangako kang magpapakabait, gawin mo! 'Pag nagkamali ka uli, ituwid mo! Ang Diyos naman ay laging handang umunawa sa kahinaan mo. Alam mo bang may ikaapat pang anak sa talinhaga? Meron, at ikaw iyon! Opo ba o hindi ang isasagot mo? Kanya-kanya tayong pagpapasya kung ano ang ating isasagot. At nasasaatin din ang desisyon kung paninindigan ba natin ang ating kasagutan. Ngayong Taon ng mga Layko ay maging mas matapang tayo sa ating pagsagot sa hamon ng Panginoon. .. ang maging tapat Niyang mga alagad. Anung uring ika-apat na anak ka sa harap ng iyong Ama?
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento