Biyernes, Oktubre 31, 2014

PAGDALAW SA MGA PATAY O PAGDALAW NG MGA PATAY?: Reflection for ALL SOULS DAY - Year A - November 2, 2014 - YEAR OF FAITH

Bumisita na ba kayo sa inyong mga patay noong araw ng UNDAS?  Kung hindi ay 'wag kayong mag-alala sapagkat hi-tech na ang ating panahon ngayon. Maari ninyo silang i-text.  Just text DALAW send to 2366 at presto... sila mismo ang dadalaw sa inyo!  hehe. Me options pa 'yan: PRESS 1: hihilahin ka sa paa, PRESS 2: hahawakan ng malamig na kamay sa pisngi, PRESS 3: isasama ka sa kabilang buhay! hehehe...  Katulad ng inaasahan, dagsa na naman ang tao sa sementeryo. Patunay lamang na mas marami ang gustong sila na lang ang dumalaw kaysa sila ang dalawin!  Bakit nga ba November 1 ang nakagawian nating pagdalaw sa sementeryo gayung ang November 1 ay ARAW NG MGA SANTO?  Bakit ito ang araw na "UNDAS" kung tawagin?  Di ba't ang araw ng mga kaluluwa ay November 2? Hindi ko mahanapan ng siyentpiko o historikal na paliwanag ngunit kung titingnan natin ang "psyche" ng mga Plilipino ay marahil mauunawaan natin ito. Tayong mga Pilipino ay may pagka-switik! Sigurista kung tawagin. Kung makakaisa, mang-iisa! Ayaw nating naargabyado o natatalo. Gusto natin, laging nakalalamang... nakasisiguro.  Kaya siguro mas pinili natin ang November 1 sa paggunita sa ating mga yumao ay sapagkat nais natin na ang ating mga pumanaw na mahal sa buhay ay sigurado ng maluwalhati sa "buhay sa kabila!"  Nais natin na ligtas sila at masayang nagtatamasa ng gantimpala ng Panginoon, Nais nating kasama na sila sa kalipunan ng mga Banal o mga Santo. Hindi naman masama ang maniguro kung titingnan natin. Ngunit sana ay hindi ito dahilan upang hindi na natin sila alalahanin.  Kailangan pa rin nila ang ating panalangin sapagkat naniniwala tayo na ang ating mga dasal ay malaki ang maiututulong upang mapunuan anuman ang mga pagkukulang nila dito sa lupa noong sila ay nabubuhay pa.  Naniniwala tayo sa doktrina ng "Communuion of Saints" o "Kalipunan ng mga Banal".  Dito makikita natin ang ugnayan nating mga tao sa mga kapatid nating naroroon na sa kabilang buhay, sila man ay nasa piling na ng Panginoon kasama ang mga banal o sila man ay naghihintay pang mapabilang dito.  Ayon sa ating paniniwala, tayong mga nabubuhay pa ay maaaring mag-alay ng panalangin para sa mga yumao na na nasa "purgatoryo" na kung saan ay dinadalisay ang katayuan ng kanilang kaluluwa upang maging karapat-dapat sa pagharap sa Panginoon.  Kapag narating na nila ang antas na sila ay karapat-dapat, sila ay dadalhin na ng Panginoon sa kanyang tabi at sila naman ang mag-aalay ng panalangin para sa ating nabubuhay upang tulungan tayong makibaka at mamuhay na banal. Bagama't hindi matatagpuan sa Banal na Kasulatan ang salitang "Kalipunan ng mga Banal" ito naman ay sang-ayon sa mga turo ni Kristo. Ang ating Ebanghelyo ay nagsasabi sa atin ng kalooban ng Diyos:  "huwag mawala ang kahit isa sa mga ibinigay Niya sa akin, kundi muling buhayin sila sa huling araw!"  Ang kalooban ng Diyos ay pagbuklurin bilang isang kalipunan ang mga sumasampalataya sa Kanya at dalhin sila sa kanyang kaharian.  Ang pagdiriwang din ng Araw ng mga Yumao ay nag-aanyaya sa ating pahalagahan ang buhay na bigay sa atin ng Panginoon.  Ang ating buhay ay regalo na galing sa Diyos at ito rin ang ibabaalik nating regalo sa Kanya.  Mamuhay tayo ng marangal at banal habang tayo ay binibigyan pa ng pagkakataong manatili dito sa lupa.  Ang ating mga yumao ay nagbibigay sa atn ng aral na laging maging handa anumang araw tayo susulitin ng Panginnon. Magsilbing paalala sa atin ang panalanging binibigkas sa pagbabasbas ng mga yumao: "Sa paraiso, magkikita-kitang muli tayo.  Samahan ka ng mga santo.  Kahit na may nauuna, tayo rin ay magsasama upang lagi tayong lumigaya sa piling ng Diyos Ama..."

ANG MGA NASA ITAAS (Reposted & Revised) : Reflection for ALL SAINTS DAY - Year A - November 1, 2014 - YEAR OF THE LAITY

Kapistahan ngayon ng lahat ng mga banal sa langit. Bagama't hindi natin kilala ang marami sa kanila, nakaukit naman sa ating ala-ala ang kabanalan na kanilang ipinakita noong sila ay nabubuhay pa dito sa lupa. Ano nga ba ang kanilang nagawa at itinuturing natin silang " MGA BANAL?" Isang matandang duktor na nagretiro na sa kanyang propesyon at nag-iisa na sa kanyang buhay ang nagdesisyong gugulin ang nalalabing taon ng kanyang buhay upang pagsilbihan ang mga mahihirap. Nagpunta siya sa isang liblib na pook na kung saan ay walang nakakakilala sa kanya. Naghanap s'ya ng lugar na maari n'yang gawing klinika ngunit sa kahirapan ng lugar ay isang maliit na kwarto lamang na nsa itaas pa ng isang apartment ang kanyang nakuha. Dahil nasa itaas, ang nakasulat sa ibaba ng bahay ay "The doctor is up!" sa halip na "the doctor is in." Di naglaon ay marami ng dumalaw sa klinika at lahat ng bumababa sa apartment ay masaya at nakangiti sapagkat hindi sumisingil ang duktor ng bayad at nagbibigay pa ng libreng gamot. Sa kasamaang palad ay hindi tumagal ang buhay ng duktor. Ang mas masama pa ay wala ni isa sa kanyang mga natulungan ang nakakilala sa kanya. Kaya't sila-sila na lamang ang gumawa ng paraan upang mabigyan ng magandang libing ang mabuting duktor. May nagbigay ng lupa, ataol, bulaklak... ngunit may isang problema ng ililibing na s'ya: Ano ang ilalagay nila sa lapida ng duktor? May isang nakaisip ng paraan. Bumalik s'ya sa klinika, kinuha ang sign board sa labas ng bahay at inilagay sa lapida. Ang lahat ng dumadaan sa sementeryo ay napapangiti kapag nababasa ang nakasulat: "The doctor is up!" Tunay ngang nasa itaas ang duktor dahil sa kanyang kabutihan. Katulad ng duktor na di kilala at walang pangalan ay ipinagdiriwang din natin ang maraming santo at santa na nasa "itaas" na marahil marami sa kanila ay hindi natin kilalaa. Sila ang mga "unsung heroes" ng ating Simbahan na naging tapat at nag-alay ng kanilang buhay para kay Kristo.  Hindi natin matatagpuan sa "official list" ng mga banal ang kanilang mga pangalan ngunit alam natin na ang kanilang mabuting pamumuhay ang nagsisiguro na naroon na sila sa kalangitan at nagdarasal para sa atin. Naging tapat silang lahat sa pagsunod kay Hesukristo kaya't karapat-dapat lang na tamuhin nila ang gantimpalang mapabilang sa kaharian ng langit. Hingin natin ang kanilang pamamagitan. Magdasal tayo sa kanila na sana tayo rin ay mabilang isang araw sa kanilang hanay. Sapagkat ito naman talaga ang ating "bokasyon" o pagtawag sapul pa ng ating pagsilang... ang magpakabanal!  Kaya nga't ang kapistahang ito ay hindi lamang para sa kanila.  Sa katunayan, ito ay para sa atin.  Tayo ang nangangailangan ng kanilang panalangin.  Tayo ang nangangailangan ng kanilang inspirasyon upang matulad tayo sa kanila at isang araw ay mapabilang din sa hanay ng mga banal.  Sikapin nating magpakabuti habang tayo ay naririto pa sa lupa.  Piliin natin ang maging matapang ngayong Taon ng mga Layko.  Ang kabanalan ay pagtawag para sa lahat.  Akuin natin ang pagiging banal.  Isabuhay natin ang mga aral ni Kristo.  Huwag tayong magsawa sa paggawa ng mabuti at balang araw ay makakamit din natin ang gantikmala ng kalangitan.  Sana balang araw ay masabitan din tayo ng karatulang katulad ng nasa duktor na nagsasabing tayo ay "NASA ITAAS!"

Sabado, Oktubre 25, 2014

MAKADIYOS AT MAKATAO: Reflection for 30th Sunday in Ordinary Time Year A - October 26, 2015 - PRISON AWARENESS SUNDAY - YEAR OF THE LAITY


Ang ika-30 Linggo ng Karaniwang Panahon ay araw din na inilalaan ng Simbahan bilang Linggo ng kamalayan sa mga bilanggo.  Noong nakaraang September 26 ay nagpadala ng sulat ang mga bilanggo ng Muntinlupa Penitentiary sa Santo Papa upang maisama sila sa mga bibisitahin sa kanyang pagdalaw dito sa Enero 2015.  Bakit nga naman hindi?  Ang mga bilanggo ay mga taong mas higit na nangangailangan ng inspirasyon at pag-asa sa kanilang pagbabagong buhay kaya't ang presensiya ng kahalili ni Kristo sa lupa ay magbibigay sa kanila ng malaking pagpapala. Minsan na silang nagkamali at sumuway sa mga utos ng Diyos at ang kanilang pagnanais na magbago ay nagpapakita lamang ng kanilang pagpapakumbaba at pagnanais na maituwid ang kanilang buhay. Ngunit may mga tao talagang ang tingin sa sarili ay "mas mataas" pa sa Diyos!  Pakinggan ang kuwentong ito:  Minsan ay may batang lumapit sa kanyang magulang.  "Nanay, ano po ba sampung utos ng Diyos?" tanong ng bata sa kanyang ina. "Anak, iyan ang mga utos na ibinigay ng Diyos kay Moises. Ipinapakita ng sampung utos na MAKAPANGYARIHAN ang Diyos!" Sagot ng nanay. "Talaga po? Kung gayon mas makapangyarihan pa pala kayo sa Diyos?" Nakangiting sabi ng bata. "Bakit naman?" nagtatakang tanong ng nanay. "Kasi po... ang dami n'yong utos eh ang Diyos sampu lang! hehehe!" Totoo nga naman, may mga taong ang pag-iisip ay mas makapangyarihan pa sila sa Diyos. Hindi ang mga nanay ang tinutukoy ko kundi ang mga dalubhasa sa batas at pinuno ng mga Hudyo na pagkatapos tanggapin ang sampung utos ng Diyos kay Moises ay pinarami ito ng pinarami hanggang umabot sa 613 na kautusan. Kaya't tama lang marahil ang tanong kay Jesus ng isang dalubhasa sa batas. "Ano po ba ang pinakamahalaga sa kautusan?" Sa dinami-dami ng mga utos na kanilang sinusunod ay marahil naisip nilang bakit hindi na lang sundan ang pinakamahalaga sa kanila. Ang sagot ni Jesus ay di naman talaga bago sa kanila, "Ibigin mo ang ang Diyos ng buo mong puso, kaluluwa at pag-iisip." Ang mga Hudyo ay likas na maka-Diyos. Ngunit ang idinugtong niya ang tila bago sa kanilang pag-isiip, "Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili". Bago sapagkat ito ay inilagay ni Jesus na kasing halaga ng pag-ibig sa Diyos. Ang pagkakamali nila, na marahil ang pagkukulang din natin, ay pinaghihiwalay natin ang dalawang kautusang ito. Marami sa ating mga Kristiyano na ang akala nila sa sarili ay matuwid sila sapagkat lagi silang nagsisimba at nagdarasal. Ngunit kung titingnan mo naman ang pagkilos ay kulang sa pagmamahal sa kapwa. Nariyan na ang mga taong nanlalait, nanlalamang at naninira sa iba pero hawak-hawak ang rosaryo at nagdarasal. Tandaan natin na ang tunay na pagiging maka-Diyos ay dapat maghubog sa atin upang maging tunay na maka-tao! Para saan pa ang pananampalataya sa Diyos na hindi mo nakikita kung ang kapwang nasa tabi mo lang ay hindi mo iginagalang? Para saan pa ang mahahabang panalangin kung nagwawalang bahala ka naman sa mga pangangailangan ng iba?  Iisa lang ang kautusan at iyan ay ang batas ng pag-ibig! Kung tunay nating mahal ang Diyos, dapat ay nasasalamin din nito ang pagmamahal sa ating kapwa. Ang mga taong nag-aakalang "mas makapangyarihan sa Diyos" ay ang mga taong ang pagsamba ay nasa salita lamang at walang kasamang gawa! Sila ay nabulagan na ng kanilang pagiging relihiyoso at hindi na makita si Jesus sa mukha ng kanilang kapwang nangangailangan. Tingnan natin ang ating mga sarili, baka naman isa na tayo sa mga taong "mas makapangyarihan pa sa Diyos!"  Ngayong Taon ng mga Layko ay piliin nating maging matapang sa pagsunod sa Kanyang kautusan.  Tandaan natin na ang pagiging maka-Diyos ay pagiging makatao.

Huwebes, Oktubre 16, 2014

KATOLIKONG PILIPINO : Reflection for 29th Sunday in Ordinary Time Year A - October 19, 2014 - YEAR OF THE LAITY

Sino ba ang Katolikong Pilipino?  Kapag nahaharap ang Simbahang Katoliko sa usapin na may kinalaman ang gobyerno ay agad-agad na ipinapasok ang usapin ng "sepearation of Church and State" na para bagang sinasabing walang karapatang makialam ang Simbahan sa mga usapin ng lipunan.  Ngunit ganun ba talaga iyon?  Mapaghihiwalay ba natin ang ating pagiging Kristiyano sa ating pagiging Pilipino. Pakinggan ninyo ang kuwentong ito:  "Isang pari ang may alagang parrot at tinuruan niya itong kumanta. Ngunit kakaiba ang pagtuturo n'ya rito. Kapag hinila mo ang kanang paa nito ay kakanta ito ng "Lupang Hinirang" at kapag kaliwa naman ay "Ama Namin". Minsang dumalaw ang obispo sa kanilang simbahan at buong yabang na pinagmalaki ng pari ang kanyang alaga. Tuwang-tuwa ang obispo at sinubukan niyang hilahin ang kanang paa ng ibon. Kumanta naman ito ng "Bayang, magiliw..." at sinunod naman nitong hilahin ang kaliwang paa. "Ama namin sumasalangit ka..." Namangha ang obispo at naglaro ang kanyang isip. "Ano kaya ang kakantahin nito kapag hinila kong sabay ang paa?" sabay hila sa paa ng ibon. At biglang bulalas ng ibon: "Hoy tanga! malalaglag ako!" Puwede nga bang pagsabayin ang Ama Namin at Lupang Hinirang? Puwedeng bang pagsabayin ang pagiging Maka-Diyos at Maka-bayan?  Maraming nagsasabing hindi! Kung paano ang langis at tubig ay hindi mapaghahalo ay ganun din daw ang Simbahan at pulitika.  Ano ba ang pananaw ni Jesus dito?  Nang tinanong si Jesus kung karapat-dapat bang magbayad ng buwis sa Cesar (Emperador ng Roma) ay napakasimple ng kanyang sagot: "Ibigay sa Cesar ang sa Cesar at ang Diyos naman ay dapat ibigay sa Diyos!" Sinasabi sa 'tin ni Jesus na hindi dapat natin kaligtaan ang ating tungkulin sa Diyos kahit na tayo ay naglilingkod sa lipunan at gayundin naman ay di dapat kaligtaaan ang tungkulin sa lipunan kung tayo naman ay naglilingkod sa Diyos!  Malimit gamitin ng mga kalaban ng Simbahan ang artikulong "separation of Church and State" na nakasaad sa ating Constitution para hindi sila pakialaman ng Simbahan sa mga maling pamamalakad nito. Ngunit hindi ganito ang turo ng Diyos. Ang Simbahan ay may pananagutan kapag ang itinuturo ng estado ay labag sa pananampalataya at buhay moral! Ibig sabihin, ang Simbahan, sa pamamagitan ng kanyang turo at aral ay maaring magsilbing "propeta" upang magbigay babala sa mga mamamayan kung ang tinatahak na landas ng pamamahala ng gobyerno ay taliwas sa "matuwid na daan"  at ikinasasama na ng moral na pamumuhay ng mga mamamayan. Hinihikayat din tayong maging mabubuting Kristiyano sa pamamagitan ng masusing pagtupad ng ating tungkulin sa Diyos at sa ating bayan. Ang pagiging mabuting Kristiyano ay pagiging maka-Diyos at maka-tao at ang pagiging tapat na mamayan naman ay maipapakita sa pagiging maka-bayan at maka-mamamayan. Ang lahat ng ito ay sapagkat may iisa tayong Diyos na sinasamba at pinaniniwalaan. Anuman ang ating lahi o kultura, iisang Diyos ang kumakalinga at nag-aalaga sa atin. Kaya nga't pagsilbihan natin Siya sa pagiging tapat na mamamayan ng ating lipunan ngunit huwag din nating kalilimutang mabuhay na mabubuting mamamayan ng Kanyang kaharian. At ngayong Taon ng mga Layko ay pag-ibayuhin natin ang ating tapat at masigasig na paglilingkod sa Diyos at sa ating bayan.  Maging matapang sa pagharap at pagtutol sa mga katiwaliang sumisira sa dangal ng ating pagkatao bilang Kristiyano at bilang Pilipino.  Be good Christians and honest citizens!

Biyernes, Oktubre 10, 2014

PAANYAYA AT PAGTANGGAP: Reflection for 28th Sunday in Ordinary Time Year A - October 12, 2013 - YEAR OF THE LAITY

Linggo na naman! Magsisimba ka ba?  Ano na naman ang dahilan mo at nagdadalawang isip ka pa? Ingat. Baka matulad ka sa tatay na ito sa kuwento. "Pare, Linggo ngayon... magsimba ka naman!" Sabi ng kumpare nya sa kanya. "Haaay naku pare, daami kong pang gagawin, mga anak at misis ko na lang!" Sinabihan din sya ng kanyang mga kasama sa trabaho: "Simba tayo bukas ha?" Ang kanyang sagot: "Haaay naku mga igan, hindi naman ako nakakalimot  magdasal ataw-araw, ang misis at ang mga anak ko na lang! Me pupuntahan pa akong mahalaga bukas." Pinaalalahanan din sya ng kanyang kura paroko: "Anak, Linggo bukas' magkita naman tayo sa simbahan." Sagot n'ya: "Padre, wala naman mawawala sa parokya kung di ako pupunta. Haaay Padre,  ang misis at ang mga anak ko na lang!" Nagkataong namasyal minsan ang pamilya. Sa kasamaang palad ay nadisrasya ang kanilang sinasakyan. Nakita na lamang nila ang kanilang sarili sa harapan ng pintuan ng langit. Sabi ni San Pedro: "Pamilya Dimagiba... pasok sa loob!" Nang s'ya na ang papasok ay hinarang sya ni San Pedro. "Oooops... sa'n ang punta mo?" "Sa loob! Kasama ng pamilya ko!" Sagot n'ya. Sabi ni San Pedro" "Bakit? Kasama mo ba sila kapag nagsisimba? Haaaaay... ang misis at anak mo na lang!"  Marahil isang kwento lamang ngunit kapupulutan natin ng mahalagang aral. Patuloy ang Diyos na nag-aanyaya sa ating makibahagi sa kanyang "piging" ngunit kalimitan ay wala tayong panahon para sa Kanyang paanyaya! Ang dami nating dahilan. Pero tulad nga ng kasabihan: "Kung gusto mo may paraan, kung ayaw mo may dahilan!" Kung ilalapat natin sa Ebanghelyo ay makikita nating ayaw lang talaga ng mga taong naimbitahan na dumalo sa kasalan. Marami silang dahilang ibinigay ngunit kung iisa lang naman ang gusto nilang sabihin: "Wala akong panahon para d'yan!" Hinalintulad ni Jesus ang mga punong saserdote at matatanda ng bayan sa mga taong ito. Sila ang unang naimbitahan na makibahagi sa Kaharian ng Diyos ngunit dahil sa katigasan ng kanilang ulo ay ilang ulit nilang tinanggihan ang paanyaya ng Diyos. Marami sa mga propeta ay kanilang inusig at ipinapatay. Kaya nga't ibinaling ng Diyos ang Kanyang paanyaya sa mga "Hentil". Ibinabaling ni Jesus naman ngayon ang kanyang paanyaya sa atin! Ang katanungan ngayon ay: "Tatanggihan mo rin ba S'ya?" Nagsabi na tayo ng "Oo" noong tayo ay nabinyagan at nakumpilan. Ngunit sa tuwing nilalabag natin ang utos ng Diyos at hindi tayo nagpapakita ng pagiging mabuting kristiyano ay isang masakit na pagtanggi ang ating ginagawa sa kanyang imbitasyon. Ilang beses na rin marahil na atin siyang iniwasan. Ang dahilan, halos pareho rin: marami pa akong gagawing mas mahalaga! Kung ang Diyos ay importante sa ating buhay ay bibigyan natin siya ng puwang sa ating buhay, handa tayong maglaan ng oras para sa Kanya!  Isang praktikal na aplikasyon nito ay ang ating ginagawang pagsisimba tuwing Linggo. Sa ating buhay, marami tayong ginagawa. Hindi tayo mauubusan ng dapat gawin. Huwag sana nating ipagpalit ang ilang sandali na dapat ay para sa Diyos. Sa loob ng isang araw ay may 24 na oras. Sa isang Linggo ay 168. Ang sabi ng Diyos kunin mo na ang 167 at yung isa... ibigay mo naman sa akin. Ang "suwapang" mo naman kung di mo ito maibigay sa Kanya!  Ngayong Taon ng mga Layko ay maging matapang tayo sa pagtanggap sa paanyaya ng Diyos. Wala tayong masisisi kundi ang atin ding mga sarili kung isang araw ay tanggihan Niya rin tayo sa kanyang kaharian.  Baka isang araw kapag nasa harap na tayo ng pintuan ng langit at nagpupumilit na pumasok ay magulat na lang tayo at marinig ang mga salitang: "Haaay kaibigan ... Wala kang lugar dito! Yung iba na lang!"  

Sabado, Oktubre 4, 2014

WALANG UTANG NA LOOB: Reflection for 27th Sunday in Ordinary Time Year A - October 5, 2014 - YEAR OF THE LAITY

Ugali mo ba ang maningil? Ang iba sa atin ay mahilig bilangin ang ginagawang kabutihan. Bawat pagpapagod ay dapat may kaukulang bayad! Katulad ng kuwento ni Juan: Si Juan ay isang batang masipag at maasahan sa gawaing bahay. May roon lang nga siyang masamang ugaling maningil sa lahat ng kanyang ginagawa. Minsan ay may pinuntahan ang kanyang nanay at iniwan sa kanya ang gawaing bahay. Katulad ng inaasahan ay malugod namang tinanggap ni Juan. Pag-uwi ng kanyang ina ay may nakita itong papel na nakapatong sa lamesa. Nakasulat: Naglinis ng bahay - sampung piso, naglaba ng damit - sampung piso, nagdilig ng mga halaman - sampung piso, nag-alaga kay junior - sampung piso... kabuuan: singkuwenta pesos. Ps. Yung sampung pisong karagdagan ay VAT. Ang masipag mong anak, Juan. Napangiti ang nanay, kumuha ng papel at nagsulat din: siyam na buwan kitang inalagaan sa aking tiyan - libre, ipinanganak kita - libre, pinakain at pinag-aral - libre, at ngayon mahal kong anak may lakas ng loob kang singilin ako? Patawarin mo ako anak, walang pera ang nanay, wala akong maibibigay sa iyo. Ang nagmamahal mong ina - Juana. Kinabukasan ay nagising si Juan at nakita ang sulat sa kanyang kama. Binuksan iyon at ng nabasa niya ay natulala siya. Kumuha ng isang papel at muling nagsulat. Dear inay... pinapatawad ko na po kayo! hehe.. Anung klaseng anak si Juan? Marahil masasabi nating isang anak na walang utang na loob! Pagkatapos ng maraming paghihirap na ibinigay ng kanyang ina ay lumalabas na siya pa ang may ganang magpatawad. Ang kawalan ng utang na loob at di pagbibigay ng nararapat ang mensahe rin ng ating mga pagbasa ngayon. Ang Israel ang ubasan na tinutukoy sa unang pagbasa na hindi nagbigay ng bunga sa kabila ng pag-iingat at pag-aalaga ng may-ari. Ang mga punong saserdote naman at Pariseo ang mga katiwala sa talinhaga na hindi nagbigay ng nararapat sa may-ari ng ubasan bagkus ay sinaktan at pinatay pa ang mga sugo kasama na kanyang anak na ipinadala upang sulitin ang kanyang ani. Dahilan dito ay tinanggal sa kanila ang kaakiabat na pribelehiyo na tawaging Kanyang bayang pinili at bagkus ay ibinigay ito sa iba na mas karapat-dapat. At tayo ngang mga Kristiyano ang nabiyayaang magpatuloy nito. Tayo ang bagong bayang pinili ng Diyos!  Ang talinghaga ay babala sa ating lahat: Balang araw ay matatapos din ang pagpapasensiya ng Diyos sa atin. Huwag nating balewalain at pagsamantalahan ang kanyang kabutihan. Totoo, ang Diyos ay lubos na mabuti at mapagpatawad ngunit Siya rin ay makatarungan.  Susulitin niya ang biyayang ibinigay Niya sa atin at titingnan kung tayo ay naging karapat-dapat. Libre ang Kanyang biyayang kaligtasan at hindi natin pinaghirapan. Kaya nga nararapat lang na ibigay natin ang nararapat sa Kanya! Huwag makumpiyansa sa pagiging "mabuting Kristiyano" sa pamamagitan ng pagdarasal at pagsisimba lamang. Bagkus, tingnan natin ang sarili kung naibibigay ba natin sa kanya ang nararapat niyang tanggapin, isang buhay na malinis, tapat, at naglilingkod sa iba. Ang pagiging Kristiyano ay isang pribelehiyo ngunit ito rin ay isang responsibilidad.  Inaasahan ng Diyos na tayo ay magbubunga sa ating pagsunod kay Kristo. Sa kahuli-hulihan ay susulitin tayo ng Diyos kung papaano natin ginamit ang mga ibinigay Niya sa ating pagpapala. May bunga na ba akong maibibigay sa Kanya? Ngayong Taon ng mga Layko,  ay piliin nating maging matapang, matapang na maging totoo sa ating pagiging Kristiyano at matapang na maipahayag ang pag-ibig ni Kristo.