Biyernes, Oktubre 31, 2014

PAGDALAW SA MGA PATAY O PAGDALAW NG MGA PATAY?: Reflection for ALL SOULS DAY - Year A - November 2, 2014 - YEAR OF FAITH

Bumisita na ba kayo sa inyong mga patay noong araw ng UNDAS?  Kung hindi ay 'wag kayong mag-alala sapagkat hi-tech na ang ating panahon ngayon. Maari ninyo silang i-text.  Just text DALAW send to 2366 at presto... sila mismo ang dadalaw sa inyo!  hehe. Me options pa 'yan: PRESS 1: hihilahin ka sa paa, PRESS 2: hahawakan ng malamig na kamay sa pisngi, PRESS 3: isasama ka sa kabilang buhay! hehehe...  Katulad ng inaasahan, dagsa na naman ang tao sa sementeryo. Patunay lamang na mas marami ang gustong sila na lang ang dumalaw kaysa sila ang dalawin!  Bakit nga ba November 1 ang nakagawian nating pagdalaw sa sementeryo gayung ang November 1 ay ARAW NG MGA SANTO?  Bakit ito ang araw na "UNDAS" kung tawagin?  Di ba't ang araw ng mga kaluluwa ay November 2? Hindi ko mahanapan ng siyentpiko o historikal na paliwanag ngunit kung titingnan natin ang "psyche" ng mga Plilipino ay marahil mauunawaan natin ito. Tayong mga Pilipino ay may pagka-switik! Sigurista kung tawagin. Kung makakaisa, mang-iisa! Ayaw nating naargabyado o natatalo. Gusto natin, laging nakalalamang... nakasisiguro.  Kaya siguro mas pinili natin ang November 1 sa paggunita sa ating mga yumao ay sapagkat nais natin na ang ating mga pumanaw na mahal sa buhay ay sigurado ng maluwalhati sa "buhay sa kabila!"  Nais natin na ligtas sila at masayang nagtatamasa ng gantimpala ng Panginoon, Nais nating kasama na sila sa kalipunan ng mga Banal o mga Santo. Hindi naman masama ang maniguro kung titingnan natin. Ngunit sana ay hindi ito dahilan upang hindi na natin sila alalahanin.  Kailangan pa rin nila ang ating panalangin sapagkat naniniwala tayo na ang ating mga dasal ay malaki ang maiututulong upang mapunuan anuman ang mga pagkukulang nila dito sa lupa noong sila ay nabubuhay pa.  Naniniwala tayo sa doktrina ng "Communuion of Saints" o "Kalipunan ng mga Banal".  Dito makikita natin ang ugnayan nating mga tao sa mga kapatid nating naroroon na sa kabilang buhay, sila man ay nasa piling na ng Panginoon kasama ang mga banal o sila man ay naghihintay pang mapabilang dito.  Ayon sa ating paniniwala, tayong mga nabubuhay pa ay maaaring mag-alay ng panalangin para sa mga yumao na na nasa "purgatoryo" na kung saan ay dinadalisay ang katayuan ng kanilang kaluluwa upang maging karapat-dapat sa pagharap sa Panginoon.  Kapag narating na nila ang antas na sila ay karapat-dapat, sila ay dadalhin na ng Panginoon sa kanyang tabi at sila naman ang mag-aalay ng panalangin para sa ating nabubuhay upang tulungan tayong makibaka at mamuhay na banal. Bagama't hindi matatagpuan sa Banal na Kasulatan ang salitang "Kalipunan ng mga Banal" ito naman ay sang-ayon sa mga turo ni Kristo. Ang ating Ebanghelyo ay nagsasabi sa atin ng kalooban ng Diyos:  "huwag mawala ang kahit isa sa mga ibinigay Niya sa akin, kundi muling buhayin sila sa huling araw!"  Ang kalooban ng Diyos ay pagbuklurin bilang isang kalipunan ang mga sumasampalataya sa Kanya at dalhin sila sa kanyang kaharian.  Ang pagdiriwang din ng Araw ng mga Yumao ay nag-aanyaya sa ating pahalagahan ang buhay na bigay sa atin ng Panginoon.  Ang ating buhay ay regalo na galing sa Diyos at ito rin ang ibabaalik nating regalo sa Kanya.  Mamuhay tayo ng marangal at banal habang tayo ay binibigyan pa ng pagkakataong manatili dito sa lupa.  Ang ating mga yumao ay nagbibigay sa atn ng aral na laging maging handa anumang araw tayo susulitin ng Panginnon. Magsilbing paalala sa atin ang panalanging binibigkas sa pagbabasbas ng mga yumao: "Sa paraiso, magkikita-kitang muli tayo.  Samahan ka ng mga santo.  Kahit na may nauuna, tayo rin ay magsasama upang lagi tayong lumigaya sa piling ng Diyos Ama..."

Walang komento: