Huwebes, Nobyembre 20, 2014

ANG HARI NG AWA AT HABAG : Reflection for the SOLEMNITY OF CHRIST THE KING Year A - November 23, 2014 - YEAR OF THE LAITY

Kapistahan ngayon ni Kristong Hari. Ito ang hudyat ng katapusan ng taon ng Simbahan na nagpapaalala sa atin naman ng katapusan ng panahon. Isang malaking palaisipan pa rin sa atin kung ano nga ba ang mangyayari sa araw na 'yon.  Para tayong mga estudyanteng naghihintay sa araw ng pagsusulit na magkahalong takot at pangamba ang nasa puso kung ano ba ang lalabas na mga katanungan. Ngunit kung iisipin, ang takot sa pagsusulit ay para lamang sa mga estudyanteng hindi nag-aral at naghanda.  Sa katunayan ay wala talaga tayong dapat katakutan sapagkat sa pagsusulit na ito ay ibinigay na sa atin ang katanungan. Ang ating exam ay "take home" at hindi "surprise test!" Kaya nga't katamaran at katangahan na lamang kung hindi pa natin ito maipapasa. At ano ang katanungan?  Ito ang nilalaman ng ating pagbasa ngayon sa Ebanghelyo. May text message akong natanggap: "Sa isang bus. BOY: I hate it when I see a girl standing in a bus while I'm comfortably seated. GIRL: So what do you do? BOY: I just sleep... It hurts my feelings eh!"  Madalas din bang masaktan ang iyong damdamin kapag nakakakita ka ng mga taong nangangailangan ng tulong? Karaniwan ng tagpo marahil sa atin ang makakita ng lolang nagtitinda ng sampaguita sa harapan ng simbahan, o kaya nama'y mga pulubing may kapansanan na nakaharang sa daan, o mga batang gula-gulanit ang damit na haharang-harang sa daan at kakatok sa bintana ng iyong sasakyan.  Anung nararamdaman mo kapag lumalapit sila?  Napakadali silang iwasan, wag pansinin at dedmahin na parang wala kang nakikita at naririnig! Kung minsan nga nasisisi pa natin sila na tamad at umaasa na lamang sa awa ng iba.   Ayaw magbanat ng buto kaya't kuntento na lamang sa pahingi-hingi!   Ngunit sa tuwing nababasa ko ang Ebanghelyo ng "huling paghuhukom" ay may takot na naghahari sa akin. Balikan natin ang mga salita ng Hukom: ‘Lumayo kayo sa akin, mga isinumpa! Kayo’y pasaapoy na di-mamamatay, na inihanda para sa diyablo at sa kanyang mga kampon. Sapagkat ako’y nagutom at hindi ninyo pinakain, nauhaw at hindi ninyo pinainom. Ako’y naging isang dayuhan at hindi ninyo pinatuloy; ako’y nawalan ng maisuot at hindi ninyo pinaramtan. Ako’y may sakit at nasa bilangguan at hindi ninyo dinalaw.’ Hindi ba't sila rin ang mga taong nakakatagpo ko araw-araw?  Bakit natatakot akong tulungan sila?  Bakit nagdadalawang isip ako kung kikilos ba ako o hindi? Ang Kapistahan ng Kristong Hari ay muling nagpapaalala sa atin ng dalawang mahalagang dimensiyon ng ating buhay Kristiyano. Sa katunayan hindi sila magkahiwalay... magkadugtong sila. Ang tunay na pag-ibig kay Kristong ating hari ay dapat magdala sa atin sa tunay na pagmamahal sa kapwa nating nangangailangan. ‘Sinasabi ko sa inyo: nang pagkaitan ninyo ng tulong ang pinakahamak sa mga ito, ako ang inyong pinagkaitan.’ Wag sana nating paghiwalayin ang pagiging relihiyoso sa pagiging-tao. Ang pagiging maka-Diyos ay pagiging maka-tao din! Tunay kong mahal ang Diyos kung may pagmamalasakit ako sa kapwa kong nangangailangan.  Anga pagbisita ng ating mahal na Santo Papa sa taong darating ay magdadala sa atin ng AWA at HABAG ng Diyos.  Sa katunayan ay ito ng tema ng kanyang pagbisita:  "Mercy and Compassion".  Nais niyang ipadama sa ating mga kapatid na nabiktima ng bagyong Yolanda na may Diyos na hindi nakakalimot at umaalalay sa kanila.  At para sa ating lahat, ito dapat ay magbigay ng patuloy na inspirasyon sa ating mga "ningas-kugon" na puso.  Ang pag-ibig ng Diyos ay dapat magpatuloy kahit mahigit isang taon na ang nakalipas ng maganap ang trahedya.  Muli nating buhayin at pag-alabin ang init ng Kanyang pagmamahal. Nawa ay pagharian ng pagmamahal ni Kristong Hari ang ating mga puso ng sa gayon ay maging bukas ito sa paglilingkod at ng mapagharian tayo ng kanyang pag-ibig. MABUHAY SI KRISTO NA ATING HARI... ANG HARI NG AWA AT HABAG!

Walang komento: