Sabado, Nobyembre 15, 2014

GAME KA NA BA? : Reflection for 33rd Sunday in Ordinary Time Year A - November 16, 2014 - YEAR OF THE LAITY

Sa buwan ng Nobyembre ay hindi dapat mawala ang ating pag-alala sa mga mahal nating yumao. Kaya nga UN-DAS ang tawag sa unang araw ng buwan na ito upang ipaalala sa ating silang mga UNang natoDAS ay nauna lamang sa atin at susunod din tayo!  Ngunit isa pang pagpapaalala sa atin sa buwan na ito ay ang ARAW NG PANGINOON na binanggit ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga Tesalonika (1 Tes 5:1-6)  Sa Nobyembre rin kasi karaniwang nagtatapos ang "Liturgucal Year" na kuing saan ay pinapaalalahanan tayo na may sandaling haharap tayo sa Panginoon.  Kaya nga kung ating titingnan ay iisa lang lang mensheng sinasabi sa atin ng dalawang paalalang ito... DAPAT TAYONG MAGHANDA!  Dapat tayong maghanda sapagkat susulitin tayo ng Panginoon ayon sa pagpapalang ibinigay Niya sa atin.  Kaya nga hindi dapat tayo matagpuang tamad at walang ginagawa.  "Kung may balak kang gawin ngayon, wag mo ng ituloy, para me gagawin ka pa bukas..." Inspiring ba? hehe... Ito ang motto ng mga taong tamad! Marahil ay nasasalamin din sa atin kung minsan ang ganitong pag-uugali. Mahilig nating ipagpabukas ang gawaing maari namang tapusin kaaagad. Ano ba ang kasalanang nagawa ng ikatlong aliping pinagkatiwalaan ng pinakamaliit na halaga? May ginawa ba s'yang masama? Di niya naman nilustay ang salapi ng kanyang amo sa sugal o sa bisyo. Ano ang pagkakamaling nagawa niya? WALA! Oo, ang pagkakamali niya ay wala siyang ginawa! At ito ang ipinagkaiba ng ng naunang dalawang alipin sa kanya. Mayroon silang ginawa sa salapi ng kanilang amo. Pinalago nila ito. Samantalang siya ay literal na sinunod ang bilin ng kanyang amo na "patubuin" ito. Ayun... ibinaon... akala niya ata ay tutubo! Ito ay isang halimbawa ng "mirror parable" na sumasalamin sa bawat isa sa atin. Tayo ang pinagkatiwalaan ng Panginoon ng salapi. Iba't ibang halaga ayon sa ating kakayahan! Ang salapi ay tumutukoy sa lahat ng mga biyayang ibinigay sa atin ng Diyos: kakayahan, katalinuhan, angking kagandahan, katangian, at maging kayamanan. Huwang nating ikumpara kung mas maraming tinanggap ang iba sa atin. Ang mahalaga ay pagyamain natin ito upang mapalago at ang ating sarili at makatulong tayo sa iba. Para tayong mga "container" ng tubig: May dram, may timba, may tabo... iba-iba ang laki ngunit ang mahalaga ay napupuno natin ito ng tubig! Sinlaki man ng dram ang biyaya mo ngunit wala namang tubig, ibig sabihin ay hindi mo ginagamit, ay balewala ito! Mabuti pa ang tabo na kahit maliit ay nag-uumapaw ang tubig at nabibiyayaan ang iba! Tandaan natin na tayo ay mga katiwala lamang ng Panginoon. Darating ang araw na susulitin niya ang mga biyayang ibinigay niya sa atin. Nakakatakot na marinig mula sa Diyos ang mga katagang "Masama at tamad na alipin!" sapagkat hindi natin pinalago ang mga biyayang ipinagkaloob niya sa atin. Bago matulog ay subukan mong gawin ito: Kumuha ka ng isang papel. Isulat mo ang pangalan nga mga taong natulungan mo at nagawan mo ng kabutihan.  Kung isang oras na at hindi mo pa rin nagagalaw ang ballpen mo ay dapat ka ng kabahan. Baka makatulog ka at tawagin ka ng Panginoon at sulitn ang mga biyayang ipinagkaloob Niya sa iyo at walang kang maibigay ni isang kabutihan na nagawa mo para sa iba.  Nakakatakot na matawag na "MASAMA AT TAMAD NA ALIPIN!"  Tatapusin ko sa isang nakakatuwang kuwento:  May dalawang magkaibian na napakahilig maglaro ng basketball.  Halos buong araw ay kasama nila ang barkada nila sa loob ng basketball court at inuubos ang oras sa basketball. Kaya nagkasundo ang dalawa na kung sino man sa kanila ang unang mamatay ay dapat ipaalam kung may basketball din ba sa langit.  Sa kasamaang palad ay namatay ang isa at dinalaw niya ang kanyang kaibigan sa kanyang pagtulog.  "Pare,,. ako ito! May good news at bad news ako sa iyo.  Ang good news... may basketball sa langit!  Ang bad news... me laro bukas.  FIRST FIVE KA!"  Baka first five ka din... Darating ang Panginoon sa oras na hindi natin inaasahan.  Walang masama kung maghahanda tayo at sabihing... "Ok na ako Lord... GAME NA!"



Walang komento: