Martes, Disyembre 30, 2014

KAPAYAPAAN SA BAGONG TAON: Reflection for NEW YEAR 2015 - Solemnity of Mary Mother of God - World Peace Day - January 1, 2015

Ang unang araw ng Bagong Taon ay pagdiriwang din ng ARAW NG KAPAYAPAANG PANDAIGDIG na kung saan ay ipinagdarasal natin na magkaroon nawa ng kapayapaan sa ating mundo, sa ating bansa at sa ating mga sarili.  Nararapat lang sapagkat marami sa atin ay papasok sa bagong taon na maraming agam-agam at pagkabalisa sa kanilang sarili.  Dinadaan na lamang natin sa ingay ng paputok ang ating mga pangamba sa taong darating.  Pero sabi nga ng aking nabasang isang kasabihan: "WORRYING DOES NOT TAKE AWAY TOMORROW'S TROUBLES, IT TAKES AWAY TODAY'S PEACE!"  (Mumoy Batangueno).   Kaya nga naangkop na ipinagdarasal natin sa unang araw ng Bagong Taon na pagkalooban tayo ng Panginoon ng TUNAY NA KAPAYAPAAN sa ating mga sarili at ng sa gayon ay masalubong natin ang bagong taon ng mahinahon at taglay ang katapangang tatalo sa ating pagkabalisa at pag-aalinlangan.    Kung ating titingnan ay ang dami nating ritual na ginagawa upang salubungin ang bagong taon ng masaya at masagana at kontrahin ang ating mga pangamba sa buhay Naririyan na ang pagbating MANIGONG Bagong Taon na ang ibig sabihin ay MAPAGPALANG Bagong Taon!  Naririyan na ang mga bilog na prutas sa ating lamesa, ang pagsusuot ng mga pulang damit at mga disenyong POLKA DOTS  o mga bilog na hugis,  nariyan na ang mga paputok upang palayasin ang MALAS at papasuking ang SUWERTE sa ating mga bahay, Iisama na rin natin ang usok na dala ng pulbura), nariyan na ang paggawa ng NEW YEARS RESOLUTION, at marami pang iba...  Anuman ang ating mga ritual na gawain ay hindi ito makasisigurong magiging mapayapa at masagana ang taong darating.  Tatlong bagay lang ang maipapayo kong maaring makatulong sa ating lahat sa pagsalubong sa Bagong Taon upang malabanan natin ang kamalasang dala ng pangamba: Una, alalahaning hindi ka nag-iisa, mayroon kang tinatawag na "mga kaibigan".  Ikalawa, magkaroon ka ng tiwala sa sarili, at Pangatlo, malalim na pananampalataya sa Diyos.  Isaisahin natin, una, tandaaan mo na walang mapapala ang pagmumukmok! Hindi ka nag-iisa sa mundo!  May mga kaibigan kang masasandalan at malalapitan sa oras ng kalungkutan at pagsubok.  Subukan mong mag-imbentaryo ng mga kaibigan mo ngayong patapos na ang 2014.  Marami ka bang matatawag na tunay na kaibigan?  Dagdagan mo ang mga kaiban mo ngayong bagong taon.  Hindi mo mabibili sila mabibili o mahihiram o maiuutang.  Magkakaroon ka ng mga kabigan sa pagiging tunay na kaibigan din sa kanila.  Ikalawa, baka sabihin mong wala lang kaibigan... mali!  Sapagkat mayroon kang kaibigan na hindi ka maaring iwanan at iyan ay IKAW!  Oo, ang matalik mong kaibigan ay walang iba kundi ang iyong sarili.  Magkaroon ka ng tiwala sa iyong saili. Sa totoo lang, ikaw ang gumagawa ng kapalaran mo!  Hindi ang mga taong nasa palagid mo.  Mahalin mo ang iyong sarili.  Matuto kang humalakhak mag-isa...  tawanan ang iyon katangahan, tanggapin ang iyong kakulangan,  patawarin ang iyong sarilimg pagkakamali! Tandaan mo na ikaw ang makapagpapasaya sa sarili mo!  At pangatlo, magkaroon ka ng malalim na pananampalataya sa Diyos.  At dito papasok ang kapistahanng ipinagdiriwang natin ngayon:  ANG KAPISTAHAN NI MARIA, INA NG DIYOS.  Kapag binigo ka ng mga kabigan mo at maging ng sarili mo... huwang mong kalilimutan na MAY  DIYOS NA NAKAALALAY SA IYO!  Siya ang huling maaari mong kapitan at magbibigay sa iyo ng lakas upang maharap mo ang mga pagsaubok sa bagong taon na ito.  Kaya nga tayo nagsisimba at ibibigay sa atin ng Simbahan ang halimbawa ni Maria!  Siya na humarap sa malaking pagsubok ng ihain sa kanya ng Diyos ang isang planong kakaiba sa nais niyang mangyari sa kanyang buhay... ang mgaigng INA NG DIYOS!  Ngunit sa kabila ng maraming agam-agam at pag-aalinlangan, sa kabila ng kawalan ng kasagutan a kanyang mga katanungan ay nagawa ni Marian ipasa-Diyos ang kanyang buhay.  "Maganap nawa sa akin ayon sa wika mo..."  Mga kapatid sa pagpasok ng taong 2015, sana ay maipasaDiyos din natin ang ating mga suliranin at pagsubok na hinaharap at haharapin pa sa ating buhay. Hindi lang MANIGO o masagaba ang Bagong Taong darating sa ating piling kung ang Diyos ay kasama natin  Ito rin ay MAPAGPALA at punong-puno ng BIYAYA!  Katulad ni Maria, ang banal na INA NG DIYOS... taglayin natin ang malalim na pananampalataya sa pagsunod sa nais ng Diyos na mangyari sa ating buhay.  Huwag nating hayaang nakawin ng pagkabalisa at pagkatakot ang kapayapaang dapat ay nasa atin ngayon at sa darating na bagong taon.  Ipagdasal natin ang kapayapaan na maghari sa ating mga sarili.  "LET THERE BE PEACE ON EARTH AND LET IT BEGIN WITH ME..." 

Sabado, Disyembre 27, 2014

PAMILYANG BANAL AT MARANGAL: Reflection for the Feast of the Holy Family - December 28, 2014 - YEAR OF THE POOR

Ang bawat isa sa atin ay nangangarap na magkaroon ng isang masaya at nagkakaisang pamilya.  Ngunit paano na lamang kung ang pamilya ay magulo, kanya-kanya, at nagbabangayan sa isa't isa?  May kuwento na minsan daw ay may aksidenteng naganap.  Buong mag-anak na nakasakay sa kotse ay bumagsak sa bangin.  Nang bukasan ng mga imbestigador ang sasakyan ay nakita nilang patay ang lahat maliban sa isang unggoy  na marahil ay kanilang alaga.  Walang ibang saksi kundi ang unggoy na nagkataong matalino naman pala kung kaya't ito na lang ang tinanong ng imbestigador.  "Ano ang ginagawa ng tatay bago maganap ang aksidente?  tanong niya sa unggoy.  Kumilos naman ito na animoy sumusuntok.  "Ah sinusuntok ng tatay ang kanyang maybahay! Eh ano naman ang ginagawa ng nanay?"  Sunod niyang tanong sa unggoy.  Umarte ang unggoy na may sinasampal.  "Sinasampal ng nanay ang kanyang asawa! Yung dalawang anak sa likod ng kotse, ano ang ginagawa?"  taning uli ng imbestigador.  Iniakto ng unggoy na nagsasabunutan sila.  "Hmmm, nag-aaway ang magkapatid! Ikaw naman, unggoy ano ang ginagawa mo bago mangyari ang aksidente?"  huli niyang tanong.  Kumilos ang unggoy na tila nagmamaneho ng kotse!  Kaya naman pala! hehehe... Napakasaklap nga naman ang katayuan ng isang pamilyang sa halip na pagmamahalan ay alitan at away ang nangyayari.  Ang plano ng Diyos para sa pamilya ay maging pugad ng pagmamahalan at kasiyahan.  Ikaw ba ay tagpagdala ng kagalakan sa iyong pamilya?  O baka naman ikaw ay sanhi pa nga ng gulo sa tuwing ikaw ay umuuwi ng bahay.  Nakakalungkot sapagkat nawawala na ang kasiyahan na dapat ay namamayani sa isang pamilya.  May isang pari na nagkwento tungkol sa isang batang kalye na ang pangalan ay "Ngarakngak".  Ang ibig sabihin ng "NGARAKNGAK" sa Bicol ay "halakhak".  Masiyahin ang batang itong at kung minsan nga ay pagkakamalan mong sinto-sinto dahil sa lagi siyang tumatawang mag-isa.  Minsan ay nakasama siya sa feeding program ng parokya at nahalata ng pari na pabalik-balik si Ngarakngak sa pila.  Pagkakuha ng pagkain ay tatakbong palabas at babalik uli para kumuha ng isa.  Nagtaka ang pari at sa pangatlong pagbalik ay sinundan niya si Ngarakngak sa pinupuntahan nito.  Dinala siya sa ilalim ng isang tulay at doon ay nakita niyang ibinigay ng bata ang kanyang dalang pagkain sa kanyang mga magulang na maysakit. At nasaksihan niya ang galak sa mga mukha ng pamilya na nagsalo-salo sa tatlong platong pagkaing dala ng bata na tinatawag na "Ngarakngak".  Naging tunay siya sa kanyang alyas na "Ngarakngak" sapagkat nagdala siya ng kaligayahan sa kanyang mga magulang.  Ikaw ba ay nagdadala rin ng kasiyahan sa iyong pamilya?  O baka naman panay sakit ng ulo na lang at pighati ang binibigay mo sa iyong mga magulang?  Ang Kapistahan ng Banal na Mag-anak ay nagpapaalala sa atin na dapat tayong maging tagapagdala ng kaligayahan sa ating pamilya.  Ang mga anak ay nararapat ipagkapuri ang kanilang mga magulang at gampanang matapat at may paggalang ang kanilang tungkulin sa bahay.  Ang mga magulang naman ay hindi lang sapat na mahalin ang kanilang mga anak; dapat ay ipadama nila ito sa kanila.  Nangangahulugan ito ng pagbibigay ng "quality time" at regular na pakikipag-usap sa kanila.  Ang lahat ng ito ay may mas maisasakatuparan kung ang pamilya ay naka-sentro kay Kristo.  Hindi sapagkat "banal" ang Banal na Mag-anak ay wala na itong problema at kahirapang naranasan. Tayo rin, tulad ng Banal na Mag-anak ay nakararanas ng kahirapan at suliranin sa ating buhay ngunit kung ang ating mag-anak ay naka-sentro kay Kristo ay walang balakid na hindi natin kayang lagpasan o pagsubok na hindi natin kayang suungin.  Ang kasabihang "The family that prays together, stays together" ay hindi lamang "pius exhortation".  Ito ay dapat isabuhay ng pamilyang Kristiyano upang maisakatuparan ang plano ng Diyos para sa pamilya... na sana ang bawat pamilyang Kristiyano ay maging PAMILYANG BANAL AT MARANGAL.  

Huwebes, Disyembre 25, 2014

ANG REGALO NG PASKO: Reflection for Christmas Day - December 25, 2014 - YEAR OF FAITH

Ang Pasko raw ay para sa mga bata.  Hindi ako naniniwala!  Ito rin ay para sa mga bata ang isip! hehe! Bakit sapagkat sa Pasko ay tumatanggap tayo ng REGALO.  Bata man o matanda, may regalong tinatanggap kapag Pasko!  Pero dapat tayong mag-ingat sa pagtanggap ng regalo. May kuwento ng isang kura paroko na niregaluhan ng kanyang mga parokyano. Dahil sa liit ng kanyang parokya ay halos kilala niya lahat ang mga tao at ang mga kabuhayan nila. May isang batang lumapit na may bitbit na kahon na ang pamilya ay may "bake shop". Sabi ng pari: "Ah, alam ko yang dala-dala mo... cake yan 'no?" Sagot ng bata: "Ang galing mo Father, pano mo nahulaan?" "Obvious ba? e may bakeshop kaya kayo?" Sagot sa kanya ng pari. Lumapit ang ikawalang bata na may dala ring regalo na ang pamilya naman ay may pagawaan ng sapatos. "Alam ko yang regalo mo... sapatos yan!" Sabi ng pari. Laking gulat ng bata at tanong sa pari: "Pano mo nalaman Father?" "Obvious ba? May pagawaan kayo ng sapatos di ba? hehehe" Patawang sagot ng pari. Lumapit ang isa pang bata na may dalang kahon na medyo basa pa ang ilalim. May tindahan sila ng mga alak. Sabi ng pari: "Alam ko yan... alak yan." Hinipo ang basang bahagi ng kahon at tinikman. "Aha! Champagne ito... maasim!" Sabi ng pari. "Hindi po padre!" Sabi ng bata. "Mompo?" "Hindi rin po!" "E, ano ito...?" Sagot ng nakangiting bata: "Tuta po!"   O di ba dapat mag-ingat sa pagtanggap ng regalo?  Tinggnan muna bago tikman! hehehe...  Ang Pasko ay para sa lahat sapagkat tayong lahat ay tumanggap ng REGALO noong unang Pasko.  Sa katunayan sa Ebanghelyo ni San Juan ay ito ang kanyang nais sabihin.  Medyo may kalaliman ang mga salitang binitiwan ni San Juan ngunit kung ating pagninilayang mabuti ay maiintindihan natin na ang kanyang tinutukoy ay si Jesus na nagkatawang-tao.  "Sa simula pa'y narron na ang Salita... Ang Salita ay Diyos... at ang Salita ay nagkatawang-tao!"  Kaya nga tinawag siyang  "Emmanuel" ni Propeta Isaias na ang ibig sabihin ay "ang Diyos ay sumasaatin" at Siya'y nanirahan sa piling nating.  Ngunit ang pananatili ng Diyos ay pinagdududahan pa rin ng ilan sa atin.  Sa mga naging biktima ng karahasan, paghihirap dala ng kalamidad tulad ng bagyo ar lindol, kamatayan ng minmahal sa buhay, ang Diyos ay NOWHERE!  Ngunit para sa ating mga Kristiyano at lalong-lalo na para sa 'ting nakaranas ng Kanyang pagmamahal ay masasabi nating God is NOW HERE!  Naririto ang Diyos.  Sa katunayan, ay ito ang parating ipinahihiwatig ng Pasko:  Na si Jesus ang dahilan kung bakit may Pasko. Na Siya ang REASON OF THE SEASON!  Walang Pasko kung walang Kristo!  Kaya nga ang hamon sa atin ay panatilihin natin si Kristo sa pagdiriwang ng Pasko  "Let us keep Christ in CHRISTmas!"  Nakakalungkot na sa ibang bansa ay pinapalitan nila ang pagbati ng Merry Christmas ng HAPPY HOLIDAY!  Bakit? Sa kadahilanang hindi naman daw lahat ay Kristiyano.  Eh, bakit pa sila nagdiriwang ng Pasko kung tatanggalin naman pala nila si Kristo?  Parang wala sa hulog di ba?  Para sa ating mga Kristiyano ay sapat na upang ipagpasalamat natin sa Diyos na may kahulugan ang ating pagdiriwang!  Kaya nga dapat ay ipagpasalamat natin sa Kanya ang tinaggap nating REGALO na walang iba kundi ang biyaya na Kanyang anak na si Jesus!  Kung ang Salita ay nagkatawang tao ay dapat din nating bigyan ng "laman"  o isabuhay ang biyayang ito!  Ngayong Pasko ay maging BIYAYA rin tayo para sa isa't isa.  We are GIFTS to everyone!  Ikaw ay biyaya para sa ibang tao!  Hindi ka kamalasan para sa pamilya mo o sa mga kaibigan mo!  Ikaw ay BLESSING na maituturing!  Kaya ibahagi mo ang blessing na ito sa iba!  Share Christ this Christmas.  MERRY CHRISTmas!

Lunes, Disyembre 22, 2014

KABUTIHANG MAGPAKAILANMAN: Reflection for 8th Day of Christmas Novena -SIMBANG GABI - December 22, 2014 - YEAR OF THE POOR

Ano nga ba ang meron sa pangalan mo?  Natanong mo na ba ang iyong magulang kung bakit ito ang pangalang na ibigay n'ya sa iyo?  Karaniwang ang mga pangalan ay nanggagaling sa magulang kaya nga't malimit na tayong makakita ng mga Jr, (junior) sa huli ng pangalan.  Kung minsan naman ay pinagsamang pangalan ng tatay at nanay ang pangalan bata.  Halimbawa ay Jomar sapagjkat ang tatay ay Jose at ang nanay ay maria.  May kuwento na minsan daw ay kinausap ni Mommy Dionisia ang anak na si Manny. "Anak, gusto ko naman pag nagka-anak kayo uli ni Jinky, di lang pangalan ninyo ang pagsasamahin, Dapat kasali din pangalan ko!" "Oo naman nay, kasu midyu mahirap yun!" sagot ni Manny.  "Hindi ah! May naesep na nga ako eh!"  payabang na sagot ni Mommy D.  "Talaga nay anu?" "Simple lang anak... DIOMANJI (Dionisa-Manny-Jinky)!"  hehehe... Bakit nga ba JUAN ang pangalang ibinigay sa anak ni Zacarias at Elisabet?  Kung susundin natin ang tradisyon ng mga Judio ay dapat na ibinigay sa kanya ang pangalang Zacarias tulad ng kanyang ama.  Kaya nga laking pagkagulat ng mga taong naroon ng marinig na JUAN ang ipapangalan sa kanya sapagkat wala sa kanilang kamag-anak na may gayong pangalan.  Ano ba ang nilalaman ng pangalang Juan?  Sa wikang Ingles ang ibig sabihin ng Juan ay GOD IS GRACIOUS!  Totoo nga naman, napakabuti ng Diyos sapagkat unang una ay tinanggal Niya sa kahihiyan ang pagiging walang anak ng mag-asawang Zacarias at Elisabet.  Pangalawa ay sapagkat ang pagkapanganak kay Juan ay nagpapakita na nilingap ng Panginoon ang kanyang bayan sa kabila ng pagkasalawahan nito!  Tunay ngang "God is good all the time and all the time God is good!"  Hindi Niya binigo ng Diyos ang Kanyang bayan sa Kanyang pangako.  Ang Diyos nanatiling TAPAT sa tao.  Tunay ngang hindi mapapantayan ang katapatan ng Diyos sa atin.  Sa kabila ng katigasan ng ating mga ulo ay ipanagpatuloy pa rin Niya ang planong kaligtasan!  Tayo lang naman kasing mga tao ang nagtataksil at may pusong salawahan.  Madalas nating ipagpalit ang Manlilikha sa kanyang mga nilikha!  Sa katunayan ay ito ang kahulugan ng kasalanan ayon kay San Agustin.  "Aversio a Deo, conversio ad creaturam!"  (Turning away from God and turning towards creatures!)  Ilang beses ko na bang ipinagpalit ang Diyos sa mga makamundo at mga materyal na bagay (o kahit tao)?  Kung minsan naman ay hindi natin pinaninindigan ang pangalan ni Kristo na ating tinanggao noong tayo ay bininyagan. Ang masama pa nga ay ikinahihiya natin ito sa tuwing hinihingi nito ang ating pagsaksi,  Simpleng pagdarasal bago kumain sa isang fastfood restaurant o kaya naman ay pag-aatndanda ng krus pagdaan ng jeep sa isang simbahan  ay ating ipinagwawalang bahala dala marahil ng kahihiyan na rin sa ating mga katabi.  Paano pa kaya kung buhay na natin ang hinihingi para panindigan ang ating pangalang Kristiyano?  Huwag sana nating biguin ang Diyos kung paanong di Niya tayo bilang Kanyang bayan!  Patuloy Niya tayong liingapin sa kabila ng ating pagkamakasalanan.  Sapagkat  Siya ay Diyos na mabuti.... napakabuti! At ang kanyang kabutihan ay magpakailanman!

Linggo, Disyembre 21, 2014

PUSONG MAPAGPASALAMAT: Reflection for 7th Day of CHRISTMAS NOVENA / SIMBANG GABI - December 22, 2014 - YEAR OF THE POOR

Ano ba ang laman ng iyong panalangin sa tuwing ikaw ay magdarasal?  Baka naman puro hingi ka lang at yun lang ang laman ng iyong panalangin?  May kuwento ng isang taong laging nanghihingi sa kanyang panalangin.. Minsang napadaan siya sa isang simbahan at tumapat sa isang imahe ni Jesus na nakapako sa krus.  "Panginoon, sana naman bigyan mo ako ng t-shirt na Calvin Klein, maong pants na LEVIS, sapatos na NIKE at relo na G-SHOCK! Laking gulat niya ng sumagot ang Panginoon,  "Mahiya ka naman Juan... tingnan mo nga ako, bahag lang ang suot ko, ikaw kung makahingi... WAGAS!"  hehehe... Baka naman kapag nagdasal tayo ang nasasambit natin ay "PENGE NOON... PENGE NOON..." sa halip na " PANGINOON! PANGINOON!  Hindi ba dapat ang unang lumalabas sa ating bibig ay pagpupuri at pasasalamat?  Ang lakas nating humingi sa Diyos ngunit hina naman natin magpasalamat.  Ang mga pagbasa natin sa ika-7 araw ng ating Nobena para sa Pasko ay mag tema ng PASASALAMAT.  Nagpasalamat si Ana sa pagbibigay ni Yahweh sa kanya ng anak na si Samuel at bilang utang na loob ay inihandog niya si Samuel sa templo upang maglingkod. Sa Ebenghelyo naman ay punong-puno ng kagalakan na ipinahayag ni Maria ang kanyang pasasalamat sa Diyos sa kanyang MAGNIFICAT!  "Ang puso ko'y nagpupuri sa Panginoon!... dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan!"  Sa ating buhay ay napakadaling magpasalamat sa Diyos hangga't mabuti ang mga kaganapan natin.  Madaling magsabi ng "Praise the Lord!" kapag napromote ka sa trabaho, kapag nanalo ka sa lotto, kapag nakapasa ka sa board exam. Subukan mong mag praise the Lord kapag nasunugan ka ng bahay, kapag nalugi ka sa negosyo, kapag iniwan ka ng kasintahan mo... ang hirap di ba?  Dapat natin pasalamatan ang Panginoon sa maraming biyayang ipinagkakaloob Niya sa atin.  Dapat natin siyang pasalamatn sa mga maganda at maging sa mga di-kaaya-ayang pnagyayari sa ating buhay.  Una sa lahat sa regalo ng BUHAY na patuloy niyang ipinagkakaloob sa atin.  Pangalawa ay sa biyaya ng PAMILYA na mayroon tayo.  Hindi man perpekto ang ating pamilya subalit ito ang "the best" na ibinigay niya para sa atin.  At pangatlo ay dapat rin natin siyang pasalamatan sa biyaya ng KALIKASAN na patuloy na umiiral at bumubuhay sa atin!  Ngunit tandaan natin na ang pasasalamat ay mayrooon dapat na kaukulang pagbibigay.  Sa ingles ito ay THANKS-GIVING!  Hindi lang thanks kundi may GIVING na dapat mangyayari.  Ang tunay na pasasalamat ay may kaukulang pagbibigay at ang pagbibigay ay dapat may kasamag SAKRIPISYO sapagkat may bahagi sa atin na nawawala kapag tayo ay naghahandog.  Kapag nagsabi ka ng THANKS sa mga magulang mo ay dapat may kasama itong pagsunod, paggalang at pagmamahal sa iyong mga magulang.  Kapag nagsabi ka ng thanks sa mga teachers mo ay may kasama dapat itong pagsisikap na mag-aaral ka at hindi magpapabaya sa iyong pag-aaral.   Kapag nagsabi ka ng thanks sa asawa mo ay may kasama itong pagbibigay ng katapatan sa kanya at pag-aaruga sa iyong pamilya. Huwag sana nating sabihin para sa mga may kaya lang ang pagbibigay.  Sabi nga ni Blessed Mother Teresa of Calcutta :  "If you cannot feed one hundred people then feed at least one!"  Ibig sabihin ay walang taong masyadong mahirap para magkaloob ng tulong sa iba.  Tadaan natin na sa pagtulong ang prinsipyo ay :"Kung gusto mo may paraan, kung ayaw mo may dahilan!"  Kung matututo lamang tayong magbigay mababawasan ang mga makasarili sa ating mundo at magkakaroon ang bawat isa sa atin ng PUSONG MARUNONG MAGPASALAMAT!  

Sabado, Disyembre 20, 2014

ANG PLANO NG DIYOS: Reflection for 4th Sunday of Advent and 6th Day of Christmas Novena - December 21, 2014 - YEAR OF THE POOR

Ano ba ang plano mo ngayong Pasko?  May plano ka bang takasan o hindi magpakita sa mga inaanak mo?  May paalala sa iyo si Donya Ina: "Malapit na ang Pasko hindi ka pa rin nagpapparamdam si Ninang at Ninong, Pag may okasyon laging present!  Pag Pasko... di na makita?  Anong style yan?  Magregaloo din kayo pag may time mga Ninang at Ninong ah?  Lab U!"  Ngunit may ilan-ilan din namang hindi nagtatago pero may kundisyong inilalatag para sa kanilang mga inaanak.  Sabi ng isang nabasa ko:  "To all my inaanak, Eto ang mga requirements in claiming your gifts: 1.  Original Copy of Birth Certificate 2. Original Copy of Baptismal Certificate 3. Picture or Video during the Baptismal Ceremony 3. Should know my complete name.  Note:  Deadline of claiming your gift is until December 31, 2014 only! Inaanaks with no requirements will not be entertained! Incomplete requirements, no gift! Merry Christmas!: hehehe..,  astig si Ninong!  Ang Diyos din sa simula pa ng magkasala ang ating mga unang magulang ay may plano na para sa atin. Isinugo Niya ang kanyang bugtong na Anak at dahil dito ang "Salita" na Diyos ay nagkatawang-tao.  Siya ay tinawag na "Emmanuel" o ang Diyos na sumasaatin.  Upang maisakatuparan ang planong ito ay pinili Niya ang isang karaniwang babae na taga-Nazareth na ang pangalan ay MARIA. Ngunit ang babaeng ito ay mayroon na ring plano para sa kanyang sarili.  Sa katunayan siya ay naitalaga na kay Jose upang kanyang maging asawa.  Subalit binago ng Diyos ang plano ni Maria.  Hindi naging madali para kay Maria na tanggapin ang bagong planong ito.  Hindi niya lubos na maunawaan ang ibig sabihin nito ngunit sa kahulu-hulihan ay isinuko n'ya rin ang kanyang plano sa Diyos: "Ako'y alipin ng Panginoon, mangyari sa akin ayon sa iyong sinabi."  Marahil tayong lahat din ay sari-sariling plano sa ating buhay.  Kalimitan ay nalilito pa nga tayo kung ano ang nais nating mangyari sa ating buhay. Kalimitan din ay palpak ang planong ating sinusunod.  Yun ay sapagkat mali ang ating tanong.  Hindi kung ano ang plano natin bagkus kung ANO BA ANG PLANO NG DIYOS PARA SA ATIN?  Minsa ay nagkakabangga ang plano natin at ang plano ng Diyos para sa atin.  Kung hindi magkatulad ang nais nating mangyari.  Sa ganitong pagkakataon ay kakikitaan natin ng pagiging modelo ang Mahal na Birhen.  Siya na inuna muna ang kalooban ng Diyos para sa kanya at simang-ayon sa plano nitong maging ina ng anak ng Kataas-taasan!  Nawa ay lagi rin nating unahin ang kalooban ng Diyos.  Sa katunayan ay lagi nating binabanggit ito sa ating panalangin:  "Sundin ang loob mo, dito sa lupa para ng sa langit!"  Hindi madali ang sundin ang plano ng Diyos.  Nangangahuugan ito ng paglimot sa ating sariling mga plano.  Kung minsan ay magdudulot pa ito ng paghiirap at sakrispisyo ngunit kung magagawa naman natin ito ay mararanasan natin ang kakaibang ligaya sa ating buhay.  Gayahin natin si Maria at maging bukas din tayo sa pagsunod sa plano ng Diyos.  Sa kabila ng ating pag-aalinlangan maging tapat lagi tayo sa Kanyang Salita at isabuhay ito araw-araw.

Biyernes, Disyembre 19, 2014

ANG BELEN SA PUSO MO: Reflection for 5th DAY OF CHRISTMAS NOVENA - SIMBANG GABI - Decenber 20, 2014 - YEAR OF THE POOR

Uso pa ba ngayon ang Belen?  Upang matawag na Belen dapat ay naglalaman ito ng mga imahe nina Jesus, Maria at Jose.  Dapat din ay naroroon ang mga imahe ng mga pastol, ng mga wise men, ng mga hayop.  Kapag may kulang puwedeng sabihing hindi kumpleto ang Belen at dahil siyan WALANG BELEN!  Ang Belen marahil ang isa sa pinakapopular na simbolo ng Pasko ngunit dati iyon!  Maraming bansa ngayon ang wala ng Belen!  Sa Amerika na namumuhay na sa sekularismo ay masasabing wala ng Belen sapagkat WALA NA SILANG WISE MEN!  Sa Japan na napakaprogressibo ang teknolohiya at marangya ang pamumuhay wala ring Belen sapagkat WALA NG POOR shepherds,  Sa Amsterdam na kung saan ay legal ang prostitusyon at pornograpiya ay wala ring Belen sapagkat WALA NG VIRGIN! Pero ibahain natin ang Pinas!  Dito sa atin ay maraming Belen! Bakit? Sapagkat MARAMING HAYUP!  Ayun naglipana sa Kongresso at Senado at nakapang amerikana pa na may kurbata!  Marami rin tayong WISE MEN!Tulad nina TATA LINO!  Marami ring POOR shepherds sapagkat nagkalat sa ating lansangan ang mga taong grasa! Marmi ring VIRGINS.  Sa katunayan ay may softdrinks pa nga na ang pangalan ay VIRGIN!  Pero higit sa lahat, tayo ay DAPAT MAY BELEN sapagkat tayo ay mga taong PIINAGHAHARIAN NG DIYOS!  Marami pa rin sa atin ang kumikilala sa Diyos at may takot sa Kanya!  Marami pa rin sa atn ang naniniwala na isinugo ng Diyos ang Kanyang bugtong na Anak upang tayo ay maligtas!  Sa ating Ebanghelyo ngayon ay ikinuwento sa atin kung papaano ipinanganak ang Mesiyas ayon sa propesiya ng Lumang Tipan.  "Maglilihi ang isang dalaga at manganganak ng lalaki na tatawaging Emmanuel na ang ibig sabihin ay "Ang Diyos ay sumasaatin!"  At ito nga ay naisakatupara ng Dinalaw ng Anghel Gabriel ang isang dalaga sa Nazaret na ang pangalan ay Maria.  "Matuwa ka! Ikaw ay kalugod-lugod sa Diyos! Sumasaiyo ang Panginoon!"  wika ng Anghel Gabriel.  At ipinahayag niya na siya ang magiging ina ng Tagapagligatas na papangalanan niyang Jesus!  Ang sagot ni Maria ang nagsakatuparan ng plano ng Diyos: "Mangyari nawa as akin ayon sa wika mo!"   Ang tapong ito ay nagpapakita at nagpapaalala sa atin ng KATAPATAN ng Diyos.  Na sa kabila ng ating pagkasalawahan ay may Diyos na nakakaunawa sa atin.  At hinihingi naman Niya sa atin ay katapatan din sa ating pagtugon.  Nangangahulugan ito ng pagsasabuhay ng ating mga pangako sa binyag at pagpapahalaga sa ating pangalang KRISTIYANO.  Sikapin nating maging tapat lagi kay Kristo at huwag ikahiya ang pangalang ito.  Maging saksi tayo ng Kristo sa ating tahanan, lugar ng paggawa, paaralan at sa ating pakikitungo sa isa't isa.  Huwag natng dungisan ang pangalang Kristo na nakakabit sa ating pagkatao.  Ang Belen ay hindi lamang dapat makikita sa labas ng bahay bilang palamuti o dekorasyon.  Ang mensahe ng Belen na KATAPATAN ay dapat nakatangghal sa ating mga puso at ibinabahagi natin ito sa ating kapawa.  Ang Belen ay dapat nasa PUSO MO!

Huwebes, Disyembre 18, 2014

DIYOS NA KAPAMILYA AT KAPUSO NATIN! : Reflection for 4th Day of Christmas Novena - SIMBANG GABI - December 18, 2014 - YEAR OF THE POOR


Hanggang saan ba ang ating pagtitiwala sa Diyos?  Lagi nating naririnig ang mga katagang "God is good all the time and all the time God is good!"  Ngunit ito ba ay napatutunayan natin sa ating pagtitiwala sa Kanya?  Minsan ay may isang sirkero na nagtangghal sa isang pampublikong lugar. Nagtali siya ng isang kable sa magkabilang gusali at nagsabi sa mga taong panoorin ang kanyang gagawin.  Dala ang isang mahabang patpat ay tumulay siya sa kable na walang kahirap-hirap.  Hangang-hanga ang mga nanonood at muling nagsalita ang sirkero.  "Ngayon ako naman ay tutulay sa kable na nakasakay sa bisikleta.  Naniniwala ba kayong magagawa ko ito?"  "Oo, naniniwala kami! Alam naming mahusay ka at magagawa mo iyon!"  At kinuha nga ng sirkero ang kanyang bisikleta at nagsimulang pumadyak at walang hirap na tinawid ang bisikleta sa kabilang gusali. Palakpakan ang mga nanonood ngunit muling nagsalita ang sirkero: "Wag muna kayong pumalakpak.  May isa pa akong gagawin.  Muli kung itatawid ang aking bisikleta sa kable na may angkas sa likod!  Naniniwala ba kayong magagawa ko ito?"  "Oo, naniniwala kami na magagawa mo yan sapagkat napakahusay mo!"  sabi ng mga nanonood.  "Salamat! Ngayon nangangailangan ako ng isang volunteer para umangkas sa aking bisikleta?  Mayroon bang may gusto sa inyo?"  Tumahimik ang lahat. at isa-isang umalis...  Ang Pasko ay kuwento ng Diyos na nagkatawang tao upang makasama natin.  Kung hihiramin ko ang slogan ng ABS-CBN, ang Diyos naging KAPAMILYA natin.  Ngunit ang Diyos na nagkatawang-tao ay hindi lang naging bahagi ng sangkatauhan, Siya rin ay nakiisa sa atin, maliban sa kasalanan, at nagpakita ng malasakit at pagmamahal sa ating.  Kung hihiramin ko ang slogan ng GMA7, ipinakita ng Diyos na Siya ay KAPUSO natin!  Ngunit sa kaibla nito ay marami pa rin ang nag-aalinlangan sa Kanya.  Katulad ng pag-aalinlangan ni Zacharias na nag-alinlangan na kayang gawin ng Diyos ang imposible na ang kanyang asawang si Isabel ay magbubuntis at manganganak. Bagamat may katwirang mag-alinlangan si Zacahrias sapagkat matanda na sila ng kanyang asawa, ay hindi niya napagtanto na ang kaharap niya ay ang anghel Gabriel na sugo ng kataas-taasang Diyos  minsan ng nagpamalas ng Kanyang kapangyarihan at kadakilaan.  May Zacharias din sa bawat isa sa atin. Sa kabila ng kabutihan na ipinapakita ng Diyos ay sinusuklian natin ng pag-aalinlangan. pagwawalang-bahala, pagkagalit, at kung minsan pa nga ay pagtatatwa ang Kanyang alok na pagmamahal.  Kung minsan dala marahil ng maraming provlema at pagkabigo ay nalilimutan nating may Diyos na "mas malaki pa" sa ating mga suliranin at alalahanin sa buhay!  Magtiwala tayo sa Kanya sapagkat may Diyos na nakiisa at nagmalasakit sa atin... may Diyos na naging KAPAMILYA AT KAPUSO natin!

Miyerkules, Disyembre 17, 2014

PANAGINIP AT PANGAKO: Reflection for Chiristmas Novena - SIMBANG GABI Day 3 Year B - December 18, 2014

Isa ka ba sa mga naniniwala sa panaginip? Sabi ng mga matatanda ay huwag daw balewalain ang panaginip sapagkat  nagkakatotoo daw ito!  May kuwento na minsan ay magkasamang natutulog ang tatay at ang kanyang anak.  Nagising ang tatay sa malakas na ungol ng anak na nananaginip.  Biglang sumigaw ito: "Paalam, LOLO!"  Kinabukasan, nakatanggap sila ng masamang balita na namatay ang kanilang lolo.  "Hala! Nagkatotoo ang panaginip ng anak ko!"  Kinagabihan, habang sila'y natutulog ay nagising uli ang tatay sa ungol ng anak na nananaginip;  "Paalam... LOLA!"  Kinaumagahan, nakatanggap uli sila ng masamang balita na namatay din ang kanila lola.  "Ano ba ito?  Nagkakatotoo ang panaginip ng anak ko!"  At kinagabihan, muling nagsalita ang bata sa kanyang panaginip: "Paalam... TATAY!"  Kinabahan ang tatay.  Kinabukasan doble ang pag-iingat niya.  Hindi na siya umuwi pagkatapos ng trabaho dahil feel niya na safe siya sa office.  Nagpadrive siya sa company driver para iwas aksidente. Lahat ng kilos niya ay doble ingat para di madisgrasya.  Pag-uwi sa bahay ay sinalubong siya ng kanyang asawang umiiyak kasama ang kanyang anak. " O ba't ka umiiyak?  Buhay na buhay pa ako!"  sabi ng mister sa asawa.  "Darling... kasi namatay ang driver natin!"  At bumalik sa alaala niya ang sinabi ng kanyang anak noong nakaraang gabi: "Paalam... TATAY!!!"  hehehe...  Ang panaginip daw ay isang malaking misteryo. Mahirap ipaliwanag.  Minsan nagkakatotoo... minsan naman ay kabaliktaran ito!  May magagandang panaginip.  May tinatawag ding bangungot!  Sa Lumang Tipan ang panaginip ay tinatawag na "forgotten language of God" na kung saan ay ginagamit ito ng Diyos para makipag-usap sa tao.  Sa Bagong Tipan, ang panginip ay "katuparan ng mga pangako ng Diyos!"  Kaya nga nang managinip si Jose at sabihan siya ng anghel na huwag matakot tanggapin si Maria bilang kanyang asawa sapagkat ang pinaglilihi niya ay lalang ng Espiritu Santo,  ito ay hindi lamang karaniwang panaginip.  Ito ay pagsasakatuparan ng plano ng Diyos!  Ang pagsang-ayon ni Jose sa sinabi ng anghel sa panaginip ay nagpapakita ng pagtanggap na niya sa plano ng Diyos sa kanyang buhay.  Sinasang-ayunan ko rin ba ang plano ng Diyos sa aking buhay?  Ano ba ang trato ko sa Diyos kapag hindi niya naibibigay ang gusto ko at hindi naisasakutaparan ang plano ko?  Anuman ang plano ng Diyos sa iyo ay isa lang ang sigurado... nais ng Diyos na maging masaya ka ngayong Pasko!  Ibinigay Niyang regalo ang Kanyang bugtong na Anak upang maging maligaya tayo sa buhay natin dito sa lupa at hindi lang sa langit.  At kasama rin sa Kanyang plano na mabuhay tayo ng mabuti at ng may banal na pagkatakot sa Diyos!  Kapag sinusunod natin ang Kanyang mga utos, sa tuwing tayo ay gumagawa ng kabutihan, kapag namumhay tayo ng banal at marangal... isinasakatuparan natin ang PLANO NG DIYOS para sa atin.  Ang panaginip ay nagiging PANGAKO at ang pangako ay nagiging GANTIMPALA!

Martes, Disyembre 16, 2014

KATAPATAN SA PAGKASALAWAHAN : Reflection for Simbang Gabi Day 2 - December 17, 2014 - YEAR OF THE POOR


Nasusukat ba ang katapatan ng isang tao?  May kuwento ng isang paring mahilig presyuhan ang kanyang mga ikinakasal.  Minsang siya ay nag-interview para sa kasal ay una niyang kinausap ang lalaki: " Kung bibigyang halaga sa salapi ang katapatan ng magiging misis mo, magkano ang katumbas nito? " "Father, ang halaga ng katapatan niya ay PhP 20,000. "  Muling nagtanong ang pari, "Eh, yung pagiging maunawain niya, magkano ang halaga nito?"  "Father, ang pagkamaunawain niya ay PhP 10,000!"  "Eto, huling tanong na,"  sabi ng pari, "Yung kagandahan ng magiging misis mo magkano?"  "Father, limang piso po!"  sagot ng lalaki.  "Bakit naman limang piso lang?"  "Gusto po ninyong malaman, eh di tingnan n'yo po sa labas yung magiging misis ko!" sagot ng binata.  Lumabas nga ang pari at sinilip anfg itsura ng mapapangasawa.  Nang bumalik ang pari sa silid, inabutan niya ng dalawang piso ang lalaki sabay sabi, "Ito ang dalawang piso, may sukli ka pa, tatlong piso lang pala ang halaga ng kagandahan niya!"  Mga kapatid, yung mga may asawa presyuhan n'yo nga ang kagandahan ng partner ninyo, magkano ba?  Kung limangpiso lang ang halaga niya, ang tawag dyan ay FIDELITY  o katapatan! hehehe...  Ang fidelity ay galing sa salitang latin na FIDES na ang ibig sabihin ay pananampalataya.  Ibig sabihin, ang katapatan ay posible lamang kung ang isang tao ay may malakas na pananampalataya.  Ating narinig ngayong ikalawang araw ng Simbang Gabi ang tala-angkanan o Genealogy ng ating Panginoong Jesus.  Pagkahaba-haba ng mga pangalang ating narinig.  Baka inantok pa nga ata ang marami sa atin habang binabasa ito; ngunit isa lang naman ang mensaheng nais iparating nito: na kailanman ay naging tapat ang Diyos sa atin!  Naging tapat Siya sapagkat tinupad Niya ang Kanyang pangakong kaligtasan sa pamamagitan ng kasaysayan.  Ang Diyos ay naging tapat sa Kanyang pangako.  Ngunit ang katapatang ito ay nangangailangan ng kasagutan sa atin.  Ang ating tugon ang ating paghihntay sa Kanya ng may malalim na pananampalataya, masidhing pag-asa, at maalab na pag-ibig.  Totoong tayong mga tao ay may kahinaan sa ating mga sarili.  Tayo ay may pusong salawahan at kalimitan ay nagtataksil tayo sa ating mapagmahal na Diyos.  Ang goodnews... ang Diyos ay nananatiling TAPAT sa kabila ng ating patuloy na pagtataksil at kailanman ay hindi niya tayo pagtataksilan.  Nawa ito ay magdulot sa atin ng inspirasyon upang pag-alabin pa ang ating pagmamahal sa Kanya!  Mamuhay tayo ng may katapatan at huwag taglayin ang pusong salawahan!

KALIGAYAHAN NG KAPASKUHAN: Reflection for CHRISTMAS NOVENA DAY 1 - SIMBANG GABI - December 16, 2014

Simula na naman ng Misa de Gallo.  Siyam na araw na naman tayong gigising ng maaga at iindahin ang lamig ng tubig sa pagligo.  Apat na Linggo ang ibinigay na Simbahang paghahanda na ang tawag natin ay Adbiyento.  Siyam na araw naman itong nobenang ating sinisimulang bilang paghahanda sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Kapaskuhan.  Ang mga ito ay ibinibigay sa atin ng Inang Simbahan upang makahuugan nating maipagdiwang ang Pasko ng Pagsilang ng Panginoon. May mga espesyal tayong pagdiriwang na kasabay ng pagpasok ng masayang panahong ito. Sinimulan natin sa unang araw  ng Adbiyento ang Year of the Poor na kung saan ay hinahamon tayong balikan muli ang ating pagiging Simbahan ng mga Dukha o Church of the Poor.  Pinaghahandaan din natin ang pagbisita ng Santo Papa sa darating na taong 2015, isang malaking pagpapala para sa ating Simbahan dito sa Pilipinas.  At ngayon araw ding ito ay ipinagdiriwang din natin ang Pandaigdigang Taon ng mga Kabataan na kung saan binibigyan natin ng natatanging pagtingin ang mga kabataan sa ating Simbahan.  Katulad na Jesus na dumaan din sa pagiging kabataan, ang hangarin natin sa mundong ito ay mabuhay ng maligaya.  Para saan pa ang buhay kung tayo naman ay mabubuhay na malungkot?  Kaya nga ang katanungang magandang sagutin ay "ano ba ang makapagpapaligaya sa akin sa Paskong ito?"  Marahil nais natin ng bagong cellphone o tablet.  O baka naman gusto natin ng bagong damit o kotse.  May mga iba na ang nais ay mapalitan ang kanilang status na SINGLE sa IN A RELATIONSHIP. Dahil pag hindi ito nangyari ay magiging certified member na naman sila ng SMP o Samahan ng Malalamig ang Pasko. Sa unang araw ng Simbang Gabi ay ibinibigay sa atin si Juan Bautista bilang halimbawa ng tunay na pagpapatotoo kay Kristo.  Katulad ni Juan Bautista, tayo ay hinahamon na manindigan sa katotohanan.  Ito ay nangangahulugan ng pagpili natin sa tama at hindi sa mali sa tuwing tayo ay nagdedesisyon sa buhay.  Sinasabihan din tayong sikaping tanggalin ang ating mga masasamang pag-uugali at tahakin ang daan tungo sa tunay na pagbabalik-loob.  Dito nakasalalay ang maligayang pagdiriwang ng Pasko.  Kapos man tayo sa pera o wala man tayong bagong damit o gamit ay magiging masaya pa rin ang ating paghahanda sa kapaskuhan.  Ito ay sapagkat alam natin ang nagbibigay sa atin ng tunay na kaligayahan sa Kapaskuhan.  Tanging si Jesus ang dahilan ng ating pagdiriwang. Jesus is the "Reason of the Season".  Sana ay maituon natin ang ating sarili sa tunay na kaligayahan ng kapaskuhan!

Biyernes, Disyembre 12, 2014

KRISTIYANONG TOTOO SA ADBIYENTO: Reflection for 3rd Sunday of Advent Year B - December 14, 2014 - YEAR OF THE POOR

Ang ikatlong Linggo ng Adbiyento ay tinatawag na "Gaudete Sunday"  o Linggo ng Kagalakan.  Sa katunayan ang kandilang sinisindihan ngayon ay ang kulay "pink" sa halip na kulay violet bilang paalala sa atin na ang ating paghahanda sa Adbiyento, bagamat may "penitential character" (diwa ng pagsisisi) ay isang masayang paghihintay sapagkat si Kristo na ating pinaghahandaan ay magdadala sa atin sa tunay na kaligayahan.  Ngunit ano ba talaga ang nagpapasaya sa atin sa pagdiriwang ng Pasko?  Paano ba talaga tayo magiging tunay na maligaya sa ating paghahanda?  Ang ating Ebanghelyo ngayong Linggo ay may kasagutan sa ating katanungan.  Ang pagpapatotoo ni Juan Bautista bilang tagapaghanda sa daraanan ng Panginoon ay ang kanyang pagsaksi kung sino talaga siya.  Maaari nyang akuin ang pagiging "Propeta Elias"  ngunit hindi niya ito ginawa.  Bagkus pinanindigan Niya ang pagiging "tinig sa ilang" na nanawawagan sa pagbabalik-loob at pagsisisi ng kasalanan.  Naging TOTOO si Juan sa kung sino siya at kung ano ang kanyang misyon.  Ang pagiging totoo sa ating pagiging Kristiyano ang magbibigay sa ating ng kaligayahan.  Walang pagkukunwari, walang pag-aalinlangan at batid ang hinihingi ng ating pagsunod kay Kristo, ay mas magiging makahalugan ang ating buhay.  May kuwento na minsan daw ay may dalawang paring naisipang magbakasyon sa Boracay, malayo sa gulo, ingay at amoy ng kanilang mga parokya. Napagkasunduan nilang huwang magdamit na pampari para mas malaya silang makakilos.  Kaya agad-agad ay namili sila ng mga damit na makatatago sa kanilang pagkatao.  Kinabukasan ay pumunta sila sa beach na animo'y mga turista ang dating.  May nakasalubong silang isang seksing babae na nakatitig sa kanila.  Laking gulat nila ng binati sila nito ng "Good morning, fathers!"  "May nakakilala sa atin!"  sabi nila.  Kaya kinabukasan ay dinagdagan pa nila ang kanilang "camouflage attire" upang siguradong wala ng makakakilala sa  kanila.  Ngunit laking pagkagulat nila ng muli nilang makasalubong ang seksing babae na ngayon ay naka-two piece swimsuit na parang Mutya ng Pilipinas na kumakaway sa kanila at nakangiti silang binati: "Good morning fathers!"  Sa inis ay sinabi ng isa, "Oo. mga pari nga kami at di namin yun itinatatwa, pero bakit kilala mo kami?"  "Oh, Father, hindi nyo ba ako kilala?"  Tanong ng babae.  "Ako, si Sister Ana, nagmimisa kayo sa kumbento namin tuwing 1st Friday."  Ang hirap nga namang magpanggap!  Ngunit kung mahirap ang mangpanggap ay mas mahirap ang magpakatotoo!  May kasabihan tayong: "Madaling maging tao, mahirap magpakatao!"  Marahil ay maari rin nating sabihing "Madaling maging kristiyano... mahirap magpakakristiyano!"  Mahirap sapagkat nangangahulugan ito na maninidigan tayo  para kay Kristo na kung saan ay hindi maaring pagpalitin ang tama at mali o kaya nama'y  isangayon ito sa ating pansariling kagustuhan. Ibig sabihin dapat ay makita sa ating pag-iisip, sa ating pananalita, at sa ating pagkilos ang pagkatao ni Kristo. Ako ba ay nagpapakita ng mabuting halimbawa sa iba?  O baka naman nagiging sanhi pa nga ako ng pagkakasala ng aking kapawa? Darating muli si Kristo sa ating buhay!  Ihanda natin ang kanyang daraanan.  Dinggin natin ang panawagn ng "tinig na sumisigaw sa ilang" na tumatawag sa ating magbago at mapagkatotoo: "Tuwirin ninyo ang daraanan ng Panginoon!"  

Linggo, Disyembre 7, 2014

KALINASAN... POSIBLE? : Reflection for the Solemnity of the Immaculate Conception Year B - December 8, 2014 - YEAR OF THE POOR

Uso pa ba ang kahinhinan ngayon?  Marahil mapapaisip ka kung ang kahinhinan, kayumian, kalinisan ay bahagi pa ba ng ating mga pinahahalagahan bilang mga Pilipino.  May kuwento na minsan daw ay may isang pampasaherong bus na hinarang ng mga tulisan. Pinababa lahat ang sakay at pinaghiwalay ang mga babae sa lalaki. Nagsalita ang lider ng mga bandido at sinabi:  "Lahat ng mga lalaki.. papatayin.  Ang mga babae... rereypin!"  Isang bata ang umiiyak na sumagot: "Maawa na po kayo sa lola ko, matanda na ho siya!"  "He! Lintek na bata ka... sabi ng lahat ng babae rereypin!" sagot ni lola! hehehe...  Uso pa ba ang kahinhinan ngayon?  Ang tipong Filipinang Maria Clara ay tila kabahagi na lamang ng Noli Me Tangere ng ating kasaysayan.  Sa pananamit na lang ng mga kabataan ngayon ay hindi ka magtataka kung bakit marami ang biktima ng rape at pang-aabuso sa mga kababaihan.   Sa ibang progresibong pag-iisip ay makaluma na ang kahinhinan at kalinisan. Ngunit ang kapistahang ipinagdiriwang ngayon ay nagsasabing posible pa rin ang kalinisan sa ating makabagong mundo!  Si Mariang pinaglihing walang bahid na kasalanan ay huwaran ng isang malinis na pamumuhay at nagbibigay ng pag-asa sa ating lahat na POSIBLE PA RIN ANG KALINISAN sa ating lipunan.  May ilan pa ring nalilito sa kapistahang ito: ang "Immaculate Coneception". Akala ng iba, ito ay ang mahimalang paglilihi ni Maria kay Jesus o ang tinatawag nating "virgin birth" ni Jesus. Sino ba talaga ang ipinaglihi? Si Jesus o si Maria? Ang Immaculate Conception ay ang "kalinis-linisang paglilihi kay Maria" na pinaniniwalaan nating totoo bilang mga Kristiyano. Paano nangyari na ang isang tao ay ipinaglihing walang kasalanan gayung lahat ng taong isinisilang sa mundo ay nababahiran ng "original sin?" Marahil imposible para sa ating mga tao, ngunit hindi sa Diyos! Kung hihiramin ko ang slogan ng Globe telecom: "Sa lakas ng Diyos... POSIBLE!" Isang natatanging pribelihiyo ang ibinigay ng Diyos kay Maria na ipinaglihi siyang walang kasalanang mana sapagkat siya ang magdadala sa Anak ng Diyos sa kanyang sinapupunan. Hindi ata tama ang maglagay ng maputing bigas sa maruming kaldero! Dapat malinis muna ang paglalagyan! Ang sinapupunan ng Mahal na Birhen ay ihinihanda na ng Diyos sapul pa nung ipaglihi siya ng kanyang mga magulang. At ang kalinisang ito ay kanyang pinanatili! Kaya nga ang tawag natin din sa kanya ay "Ever-virgin!" Isang magandang paalala sa ating lahat. Marahil ay hindi natin mapapantayan ang kalinisan ng Mahal na Birhen. Ngunit inaanyayahan tayong mabuhay ng may malinis na puso! Nakakalungkot sapagkat kalat na sa mundo ang kalaswaan at sinisira ang murang pag-iisip ng ating mga kabataan. Hingin natin na sana ay protektahan ng Mahal na Birhen ang bawat isa sa atin. Wag tayong mawalan ng pag-asa sapagkat kaya din nating maging malinis tulad niya. Tandaan natin... "Sa lakas ng Diyos... POSIBLE!"


Sabado, Disyembre 6, 2014

ANG AWA AT HABAG NG DIYOS: Reflection for 2nd Sunday of Advent Year B - December 7, 2014 - YEAR OF THE POOR

Ang Adbiyento ay galing sa salitang latin na "Adventus" na ang ibig sabihin ay "pagdating."  Sa katunayan ay may tatlong uri ng pagdating si Jesus sa ating piling.  Ang unang niyang pagdating ay ang parati nating ipinagdiriwang tuwing sasapit ang Pasko, ang Kanyang pagsilang.  Ang ikalawang pagdating naman ay ang palagi nating ipinapahayag sa Santa Misa pagkatapos ng bahagi ng konsekrasyon; "Si Kristo'y namatay, si Kristo'y nabuhay, si Kristo'y babalik... sa wakas ng panahon!" Itong ikalawang pagdating "sa wakas ng panahon" ay siguradong mangyayari ngunit hindi natin alam kung kailan. Sa gitna ng una at ikalawang pagdating ni Jesus ay ang kanyang "misteryosong pagdating" sa atin.  Naririyan na ang mahiwagang pagdating ni Jesus sa tuwing tayo ay tumatanggap ng mga Sakramento.  Sa tuwing tayo ay nagsisimba ay dumarating si Jesus sa anyong tinapay na ating tinatanggap sa komunyon.  Ngunit may isang sakramento na kung saan ay dumarating si Jesus sa atin sa pamamagitan ng kanyang "awa at habag",,, ang Sakramento ng Kumpisal.  Nakakalungkot sapagkat kakaunti na lamang ang dumudulog sa sakramentong ito. Marami ang hindi na nakikita ang "pagdating" ni Kristo at dahil diyan ay marami na ang nagmamatigas sa kanilang likong pag-uugali at ayaw ng magbago.  May isang lasenggo na pinilit kumbinsihin ng kanyang mga kaanak na iwanan na ang pag-inom ng alak.  Tumawag sila ng isang "psychologist", pari at duktor upang kumbinsihin siyang ihinto na ang kanyang bisyo.  Ipinakita sa kanya ng "psychologist ang isang baso ng alak na may patay na bulate. "Kapag, hindi ka tumugil sa pag-inom ay mamatay ka tulad ng bulateng ito!" "Mali po kayo!" Sabi ng lasenggo.  "Mas mainam nga para sa akin ang uminom para mamatay ang mga bulate ko sa tiyan!"  Ang sabi nmana ng pari, "kapag hindi mo tinigil ang pag-inom ay pupunta kang impiyerno!"  "Mali rin po kayo padre!  Kapag umiiinom ako ay parang nasa langit kaya ako!"  Sa huli ay ang duktor na ang nagsabi, "Kapag di mo tingilan ang pag-inom ng alak ay madadali ang buhay mo mamatay ka agad!"  Ang sagot ng lasenggo, "Maling mali po kayo!  Mas gusto ko pong uminom ng alak , dahil hindi ako tatanda, sapagkat bata pa lang ako, ako'y mamamatay na!"   Kalimitan ay lagi tayong may katwiran kapag pagbabago ng likong pag-uugali ang pinag-uusapan. Ayaw nating tanggapin na may mali tayong dapat ayusin sa ating mga sarili.  Marahil ang pinakadahilan ay sapagkat hindi natin sukat na batid ang laki ng awa at habag ng Diyos. Ang panahon ng Adbiyento ay ang ating paghahanda hindi lamang para sa pagdiriwang ng Pasko ngunit sa pagharap natin sa muling pagdating ni Jesus sa ating piling. Haharap tayo hindi sa isang Diyos na mabagsik at mapanghusga ngunit sa isang Diyos na mapagpatawad at mahabagin. Kaya nga't ang panawagan ni San Juan Bautista sa ilang ay pagbabalik-loob: “Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan!" Huwag sana tayong madaig ng ating sariling mga kakulangan. Totoo, walang sinuman sa atin ang karapat-dapat sa kanyang harapan, ngunit sa pagkakatawang-tao ng Kanyang Anak ay ginawa Niya tayong karapat-dapat! Ang pinakamagandang paghahanda sa pagdating ng Panginoon ay ang tuwirin ang "ang ating liko-likong landas!" Ayusin natin ang dapat ayusin sa ating buhay. Gawin natin sanang makahulugan ang Panahon ng Adbiyentong ito sa pamamagitan ng isang taos-pusong pagbabalik-loob at pagdulog sa Sakramento ng Kumpisal. Lagi tayong umasa sa laki ng habag at sa walang kundisyong pagpapatawad ng Diyos sa ating mga kasalanan. Nasindihan na ang ikalawang kandila ng ating Korona ng Adiyento. Nasa ikalawang linggo na tayo ng ating paghahanda. Marahil ay panahon na upang ituon naman natin ang ating paghahanda sa paglilinis ng ating puso.