Martes, Disyembre 16, 2014

KATAPATAN SA PAGKASALAWAHAN : Reflection for Simbang Gabi Day 2 - December 17, 2014 - YEAR OF THE POOR


Nasusukat ba ang katapatan ng isang tao?  May kuwento ng isang paring mahilig presyuhan ang kanyang mga ikinakasal.  Minsang siya ay nag-interview para sa kasal ay una niyang kinausap ang lalaki: " Kung bibigyang halaga sa salapi ang katapatan ng magiging misis mo, magkano ang katumbas nito? " "Father, ang halaga ng katapatan niya ay PhP 20,000. "  Muling nagtanong ang pari, "Eh, yung pagiging maunawain niya, magkano ang halaga nito?"  "Father, ang pagkamaunawain niya ay PhP 10,000!"  "Eto, huling tanong na,"  sabi ng pari, "Yung kagandahan ng magiging misis mo magkano?"  "Father, limang piso po!"  sagot ng lalaki.  "Bakit naman limang piso lang?"  "Gusto po ninyong malaman, eh di tingnan n'yo po sa labas yung magiging misis ko!" sagot ng binata.  Lumabas nga ang pari at sinilip anfg itsura ng mapapangasawa.  Nang bumalik ang pari sa silid, inabutan niya ng dalawang piso ang lalaki sabay sabi, "Ito ang dalawang piso, may sukli ka pa, tatlong piso lang pala ang halaga ng kagandahan niya!"  Mga kapatid, yung mga may asawa presyuhan n'yo nga ang kagandahan ng partner ninyo, magkano ba?  Kung limangpiso lang ang halaga niya, ang tawag dyan ay FIDELITY  o katapatan! hehehe...  Ang fidelity ay galing sa salitang latin na FIDES na ang ibig sabihin ay pananampalataya.  Ibig sabihin, ang katapatan ay posible lamang kung ang isang tao ay may malakas na pananampalataya.  Ating narinig ngayong ikalawang araw ng Simbang Gabi ang tala-angkanan o Genealogy ng ating Panginoong Jesus.  Pagkahaba-haba ng mga pangalang ating narinig.  Baka inantok pa nga ata ang marami sa atin habang binabasa ito; ngunit isa lang naman ang mensaheng nais iparating nito: na kailanman ay naging tapat ang Diyos sa atin!  Naging tapat Siya sapagkat tinupad Niya ang Kanyang pangakong kaligtasan sa pamamagitan ng kasaysayan.  Ang Diyos ay naging tapat sa Kanyang pangako.  Ngunit ang katapatang ito ay nangangailangan ng kasagutan sa atin.  Ang ating tugon ang ating paghihntay sa Kanya ng may malalim na pananampalataya, masidhing pag-asa, at maalab na pag-ibig.  Totoong tayong mga tao ay may kahinaan sa ating mga sarili.  Tayo ay may pusong salawahan at kalimitan ay nagtataksil tayo sa ating mapagmahal na Diyos.  Ang goodnews... ang Diyos ay nananatiling TAPAT sa kabila ng ating patuloy na pagtataksil at kailanman ay hindi niya tayo pagtataksilan.  Nawa ito ay magdulot sa atin ng inspirasyon upang pag-alabin pa ang ating pagmamahal sa Kanya!  Mamuhay tayo ng may katapatan at huwag taglayin ang pusong salawahan!

Walang komento: