Huwebes, Disyembre 18, 2014

DIYOS NA KAPAMILYA AT KAPUSO NATIN! : Reflection for 4th Day of Christmas Novena - SIMBANG GABI - December 18, 2014 - YEAR OF THE POOR


Hanggang saan ba ang ating pagtitiwala sa Diyos?  Lagi nating naririnig ang mga katagang "God is good all the time and all the time God is good!"  Ngunit ito ba ay napatutunayan natin sa ating pagtitiwala sa Kanya?  Minsan ay may isang sirkero na nagtangghal sa isang pampublikong lugar. Nagtali siya ng isang kable sa magkabilang gusali at nagsabi sa mga taong panoorin ang kanyang gagawin.  Dala ang isang mahabang patpat ay tumulay siya sa kable na walang kahirap-hirap.  Hangang-hanga ang mga nanonood at muling nagsalita ang sirkero.  "Ngayon ako naman ay tutulay sa kable na nakasakay sa bisikleta.  Naniniwala ba kayong magagawa ko ito?"  "Oo, naniniwala kami! Alam naming mahusay ka at magagawa mo iyon!"  At kinuha nga ng sirkero ang kanyang bisikleta at nagsimulang pumadyak at walang hirap na tinawid ang bisikleta sa kabilang gusali. Palakpakan ang mga nanonood ngunit muling nagsalita ang sirkero: "Wag muna kayong pumalakpak.  May isa pa akong gagawin.  Muli kung itatawid ang aking bisikleta sa kable na may angkas sa likod!  Naniniwala ba kayong magagawa ko ito?"  "Oo, naniniwala kami na magagawa mo yan sapagkat napakahusay mo!"  sabi ng mga nanonood.  "Salamat! Ngayon nangangailangan ako ng isang volunteer para umangkas sa aking bisikleta?  Mayroon bang may gusto sa inyo?"  Tumahimik ang lahat. at isa-isang umalis...  Ang Pasko ay kuwento ng Diyos na nagkatawang tao upang makasama natin.  Kung hihiramin ko ang slogan ng ABS-CBN, ang Diyos naging KAPAMILYA natin.  Ngunit ang Diyos na nagkatawang-tao ay hindi lang naging bahagi ng sangkatauhan, Siya rin ay nakiisa sa atin, maliban sa kasalanan, at nagpakita ng malasakit at pagmamahal sa ating.  Kung hihiramin ko ang slogan ng GMA7, ipinakita ng Diyos na Siya ay KAPUSO natin!  Ngunit sa kaibla nito ay marami pa rin ang nag-aalinlangan sa Kanya.  Katulad ng pag-aalinlangan ni Zacharias na nag-alinlangan na kayang gawin ng Diyos ang imposible na ang kanyang asawang si Isabel ay magbubuntis at manganganak. Bagamat may katwirang mag-alinlangan si Zacahrias sapagkat matanda na sila ng kanyang asawa, ay hindi niya napagtanto na ang kaharap niya ay ang anghel Gabriel na sugo ng kataas-taasang Diyos  minsan ng nagpamalas ng Kanyang kapangyarihan at kadakilaan.  May Zacharias din sa bawat isa sa atin. Sa kabila ng kabutihan na ipinapakita ng Diyos ay sinusuklian natin ng pag-aalinlangan. pagwawalang-bahala, pagkagalit, at kung minsan pa nga ay pagtatatwa ang Kanyang alok na pagmamahal.  Kung minsan dala marahil ng maraming provlema at pagkabigo ay nalilimutan nating may Diyos na "mas malaki pa" sa ating mga suliranin at alalahanin sa buhay!  Magtiwala tayo sa Kanya sapagkat may Diyos na nakiisa at nagmalasakit sa atin... may Diyos na naging KAPAMILYA AT KAPUSO natin!

Walang komento: