Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Abril 25, 2015
PARI NIYA. PARI MO. PARI KOY: Reflection for 4th Sunday of Easter Year B - GOOD SHEPHERD SUNDAY - 52nd World Day of Prayer for Vocations - April 26, 2015
Ngayon ay Linggo ng Mabuting Pastol at araw din ng pagdiriwang ng 52nd World Day of Prayer for Vocations na kung saan ay ipinagdarasal natin ang bokasyon o pagtawag sa mga nais na magpari. Sino nga ba itong mga "Misteryosong Pari" sa ating piling? Pakinggan ninyo ang kuwento ni "Parikoy". May isang pari na naisipang magpunta sa Boracay para naman makapagrelax sa dami ng kanyang trabaho sa parokya. Para hindi siya makilala ay naisipan niyang magdisguise. Nagsuot siya ng summer outfit para hindi siya makilalang pari. Laking pagkagulat niya ng may bumati sa kanya habang siya ay naglalakad sa malapulburong buhangin ng Boracay. "Good morning Father!" Bati ng dalawang balangkinitang babae na nakangiti. Bigla syang napayuko at nagtaka kung papaano siya nakilala. Kinabukasn, nagsuot na siya ng shades at malapad na sumbrero. Habang naglalakad siya sa beach ay nasalubong na naman niya ang dalawang babae na ngayon ay naka-two piece bathing suit at pangiti uli siyang binati. "Good morning Father!" Namula na naman ang pari at sapagkat labis na ang pagtataka kung paano siya nakilala ng dalawa kaya't nilapitan n'ya ito at tinanong: "Mga miss, paano ninyo ako nakilalang pari sa suot kong ito?" Sagot ng isa: "Hihihi... ikaw naman Fadz parang di tayo magkakilala. Ako si Sister Maricor at ito naman si Sister Cely, nagmimisa ka kaya sa aming kumbento!" Ngek! hehehe... Ang mga pari, isama na rin natin ang mga madre, ay tao rin naman. Kaya't wag kayong magtataka kung makakakita kayo ng paring nanonood ng sine, kumakain sa restaurant, namamasyal sa Star City at nagsiswimming sa Boracay! Mga tao din naman sila! May karapatan din namang mag-enjoy! Kaya nga siguro dahil sa kanilang pagiging tunay na tao ay lagi tayong pinapaalalahanang ipagdasal natin sila. Ang ika-apat na Linggo ng Mulling Pagkabuhay ay laging inilalaan upang ipanalangin ang ating mga kaparian at ang mga may bokasyon sa pagpapari at pagiging relihiyoso o relihiyosa. Aminin natin na unti-unti ay nagiging extinct na ang kanilang lahi. Kakaunti na lamang ang sumusunod sa yapak ni Jesus. Kakaunti na lamang ang handang maglaan ng buhay para sa paglilingkod sa Sambayanan ng Diyos. Si Jesus ang Mabuting Pastol ngunit ang pag-aalaga kanyang kawan ay iniwan niya sa kanyang mga alagad at sa kanilang mga kahalili. Ito ay isang pagtawag na nangangailangan ng katapatan at sakripisyo. Ipagdasal natin silang mga sumunod sa pagtawag ni Kristo sa halip na siraan natin at gawing paksa ng tsismisan ang kanilang buhay. Suportahan natin sila kahit na simpleng pagpapakita ng pasasalamat sa pamamagitan ng pagbati kapag nasasalubong natin sila. Higit sa lahat, huwag sana tayong maging hadlang kapag may mga anak tayo na nais magpari o magmadre. Hindi tayo ninanakawan ng Diyos ng Anak bagkus mas pinagpapala pa nga ang pamilya kapag nabiyayaan ito ng bokasyon ng pagpapari. Sabi ni San Juan Bosco: "The greatest gift that God can give to a family is a son-priest!" Naalala ko noong ako ay nasa second year high school at nadama ang pagtawag sa pagpapari ang unang sumagi sa isip ko ay paano na ang pamilya ko? Paano na ang "career" na pinpangarap ko? Very promising pa naman ang pag-aaral ko mula elementary hanggang pumasok ako ng highschool? Paano na ang mga friendships ko? Paano na ang crush ko? "Haaay ang daming dapat isangtabi! Ang daming dapat i-let go!" Pero naisip ko na bigay ito lahat ng Diyos sa akin at hindi naman Niya kukuning muli ang Kanyang ibinigay. At wala akong dahilang maging maramot sapagkat lahat ay biyaya na bigay Niya sa akin. Kaya nasabi ko "Let go... let God!" Bahala na S'ya kung ano ang nais Niyang gawin sa akin. At ang sumunod nito ay naging bahagi na ng isang kasaysayan na Siya ang nagsulat! Kayat sa Linggong ito ng "Mabuting Pastol" ay alalahanin natin ang matinding pangangailangan ng mundo ng mga kabataang nais ilaan ang sarili sa paglilingkod bilang mga alagad ng Panginoon sa pagpapari at pagiging relihiyoso o relihiyosa. Isama na rin natin ang ating mga Obispo, pari at madreng matagal ng naglilingkod sa Panginoon na biyayaan pa sila ng katatagan at kasiyahan sa pag-aalay ng kanilang buhay para sa iba. Ang mga pari ay tao rin na nagkakamali, nalulungkot, pinanghihinaan ng loob. Ipagdasal natin sila. Tandaan mo na sila'y hinirang ng Diyos... na sila ay PARI NIYA. Ngunit sila rin ay ibinigay Niya sa mga tao kaya't sila rin ay PARI MO... at dahil diyan sila ay dapat malapit sa ating mga puso.... PARI KOY!
Linggo, Abril 19, 2015
MULTO NG NAKARAAN ; Reflection for 3rd Sunday of Easter Year B - April 19, 2015 - YEAR OF THE POOR
Naniniwala ka ba sa multo? Kung ako ang tatanungin ay hindi ako
naniniwala sapagkat hindi pa ako nakakikita at sana ay wag na silang
magparamdam pa dahil takot ako sa kanila! At sino nga ba ang hindi? Kagagaling ko lang sa Spiritual Retreat na kung saan ay laging akong kinakabahan sa tuwing pumupunta ako sa lugar na iyon. Paano ba naman ay sinasabing may nagpaparamdam sa mga kuwarto ng Retreat House na tinutuluyan namin. Tinanong ko yung kwartong kung saan may nagpaparamdam... 1206 daw! Tiningnan ko naman ang susi ng akong kuwarto... 1212! Limang kuwarto lang ang pagitan sa tinutuluyan ko, kaya naman ilang araw akong natutulog na bukas ang ilaw at bukas ang aking mga mata. Mabuti na lang walang bumisita! Kahit ang mga alagad ay nakaramdam din ng pagkatakot sa inaaakala nilang multo. Si Hesus, hindi lang nagparamdam pero nagpakita pa
sa kanyang mga alagad. Normal lang na matakot ang mga alagad. Baka nga
naman multo ang kanilang nakikita at nagpaparamdam lang sa kanila. Saksi
silang lahat sa pagkamatay ni Jesus. Kitang-kita nila ang kanyang
paghihirap sa krus! Sila ba ay namamalikmata lamang o isang multo ang
nagpakita sa kanila? Ngunit nais ni Jesus na itama ang kanilang maling
haka-haka. Ipinakita niya ang kanyang katawan at mga kamay at nagpakuha
siya ng makakain sapagkat ang multo ay wala namang katawan kaya't
imposibleng kumain. Nais Niyang maniwala sila na Siya ay muling nabuhay! May mga "multo" rin tayong kinakaharap sa ating buhay. Ang tawag ko d'yan sa ay "ghosts of the pasts". Kung minsan ay may mga pangyayari sa atin sa nakaraan na hanggang ngayon ay hinahayaan nating multuthin tayo sa kasalukuyan. Minsan ay may mga sugat na kung tutuusin ay magaling na naman ngunit ang peklat ay nagbibigay pa rin ng kirot sapagkat hindi natin tanggap na naghilom na ito. Sabi nila "forgive and forget". Hindi totoo yun! Kailanman ay hindi tayo maaaring makalimot sapagkat mayroon tayong pag-iisip na laging bumabalik-balkik sa mga masasakit na ala-ala ng nakaraan. Marahil mas tamang sabihing "Forgive then remember... with healed memories! Wala ng sugat! Magaling na! Ang peklat ay kabahagi na ng nakaraan. Wag nating hayaang multuhin pa rin tayo nito. Dapat ay matuto tayong mag "let go and let God!" Hayaan nating ang Diyos na magtrabaho sa atin. Lagi nating sundin ang kalooban ng Diyos at ang lahat ay maaayon sa Kanyang kalooban. May mga sandali sa ating buhay na kailangan talaga nating dumaan sa paghihirap at pagdurusa. Ito ang nilinaw ni Jesus sa kanyang mga alagad, na ang "Anak ng Diyos ay dapat magbata ng hirap, mamatay, ngunit pagkatapos ng tatlong araw ay muling mabubuhay!" Sa ating buhay, kinakailangan din nating maramdaman ang "pagkamatay" kung nais nating madama ang biyaya ng "Muling Pagkabuhay!" Ang pagbati ni Jesus ay sapat na upang panatagin ang ating mga takot at pangamba. "Peace be with you!" Ang kapayapaang hatid ni Kristo ang magbibigay sa atin ng lakas ng loob at pag-asa upang mapagtagumpayan ang mga "ghosts of the past" sa ating buhay. Hayaan nating hilumin nito ang takot sa ating mga puso. Ang kapayapaan ni Kristo ay nangangahulugan ng pakikipagkasundo sa Diyos, sa ating kapwa, sa ating sarili at sa mga pangyayari sa ating buhay. Sumainyo ang kapayapaan ni Kristo! Nais Niya ring ituwid ang kanilang maling pag-aakala tungkol sa
Mesiyas, na ang lahat ng nangyari ay naaayon sa plano ng Diyos maging
ang kanyang paghihirap at kamatayan. Kung minsan, ang hirap tanggapin ng
Kanyang plano lalo na't kung iba sa ating nais. Kapag hindi nasunod ang
gusto natin para tayong batang nagmamaktol, nagtatampo at nagagalit!
Sabi ng isang katagang nakita ko sa retreat house: "RELAX... GOD IS
IN-CHARGE!" Tama nga naman, kung naniniwala tayo na buhay si Hesus ay
wala dapat tayong katakutan! Siya ang dapat na magdikta sa ating buhay
at hindi ang multo ng ating lumang sarili. Mas angkop na simbolo ng
pag-ibig ang KRUS kaysa PUSO. Sapagkat ang puso ay maaring huminto sa
pagtibok, samantalang ang namatay sa krus ay patuloy na nagmamamahal!
Patuloy sapagkat Siya ay buhay at hindi patay. Ang Kanyang muling
pagkabuhay ay pagpaparamdam ng Kanyang pagmamahal sa atin! Aleluya!
Sabado, Abril 11, 2015
TULAY NG KAPAYAPAAN: Reflection for 2nd Sunday of Easter Year B - April 12, 2015 - YEAR OF THE POOR
Paano nga ba tayo magkakaroon ng tunay ng kapayapaan? May kuwento ng isang lalaking lumapit sa kumpisalan. "Padre, basbasan mo po ako sapagkat ako'y nagkasala. Padre, binigyan ko po ng kapayapaan ang mga kasama ko sa bahay." Laking pagtatakang sumagot ang pari: "Hindi naman kasalanan ang ginawa mo iho. Dapat nga ay pamarisan ka pa ng iba dahil sa ginawa mo. Napakabuti kaya ng kapayapaan. Teka paano mo ba ito ibinigay?" Sumagot ang lalaki, "Padre, pinatay ko po yung maingay kong asawa... ayon e di mapayapa na sa bahay!" hehehe... Posible nga bang maranasan ang kapayapaan? Sabi nila ang kapayapaan daw ay mararanasan mo lang kapag patay ka na. Kaya nga R.I.P. ang inilalagay sa puntod ng mga yumao... Rest in Peace! Patay na siya... payapa na siya! Sa katunayan ay parang ibong napakailap nito kaya siguro hanggang ngayon ay naghahanap pa rin tayo ng kapayapaan. Sa ating bansa ay isa ito sa nais nating makamtan lalo na sa mga kapatid natin sa Mindanao. Kaya nga pilit na isinusulong ang pagpapasa ng BBL o Bansangmoro Basic Law sa pag-aakalang ito ang kasagutan sa kapayapaan sa mga kapatid nating nasa Mindanao, pero ito nga ba ang solusyon? Makasisigurado ba tayong dahil nakipagkasundo tayo sa mga MILF ay matatapos na ang gulo s Mindanao? Lalo nasigurong hindi kasagutan ang "All Out War" para makamit natin ang kapayapaan. Kung gayon ay paano ba natin ito makakamit? Ang Muling Pagkabuhay ni Jesus ay may ibinibigay sa atin. Nang magpakita si Jesus sa mga alagad ay ito ang kanyang pambungad na bati: "Sumainyo ang kapayapaan!" Hindi lang isa ngunit tatlong ulit niyang sinabi ito. Sa Bibliya ang pag-uulit ay naghahayag ng kahalagahan. Kapayapaan ang hatid ng muling pagkabuhay ni Jesus. Ito ang pumawi sa kaguluhan ng isip at pag-aalinlangan ng mga alagad. Ito ang sumakop sa kasamaang dulot ng kasalanan. Ito ang nagbigay daan sa liwanag na dala ng kadiliman ng kamatayan. Ang muling pagkabuhay ni Kristo ay nagbibigay sa atin ng pag-asa at kapayapaan. Ngunit paano ba natin ito maipapakita? Ngayon ang ang kapistahan ng "Divine Mercy". Sariwa pa rin sa atin ang tema ng pagdalaw ng Santo Papa Francisco: Mercy ang Compassion, o Awa at Malasakit. Maibabahagi natin ang kapayapaang kaloob ni Kristo kung makapagpapakita tayo ng AWA at MALASAKIT sa ating kapwa. Kapag kaya nating akuin ang paghihirap ng iba lalong-lalo na ng mga mahihirap at magdala ito sa pagpapadama ng awa, ay doon lamang magkakaroon ng kapayapaan sa ating mga puso. Naniniwala ako ang kapayapaan ay dapat munang nasa atin bago natin maibigay sa iba kaya dapat tayo ang unang nagpapakita ng awa at malasakit sa ating mga sarili. Mahal mo ba ang buhay mo? Inaalagaan mo ba ang katawan mo? Baka naman inaabuso mo ito at mas masaklap binababoy mo ang iyong sarili? Nagiging tulay ba tayo ng awa ng Diyos sa iba? Anong pagmamalasakit na ba ang aking ginawa sa mga taong naghihirap? Marami tayong katangungang dapat sagutin kung nais nating maghari ang kapayapaan sa ating puso... sa ating mundo. Nawa sa ating pang-araw-araw na buhay ay lagi tayong maging tagapagdala ng kapayapaan. Gawin nating pansariling panalangin ang panalangin ni San Franciso ng Asisi... "Lord, make me a channel of your peace!"
Sabado, Abril 4, 2015
EASTER at EASTER EGGS : Reflection for Easter Sunday - April 5, 2015 - YEAR OF THE POOR
Bakit nga ba kapag dumarating ang Easter ay paghahanap ng Easter Egg ang napagbubuntunan ng pansin ng mga bata? May kuwento na sa pintuan ng langit ay nagbabantay si San Pedro at tinatanong ang bawat kaluuwang pumapasok. Tanging ang mga nakakasagot lamang ang maaaring makapasok sa pintuan. Ang tanong ay kung ano ang ibig sabihin ng EASTER? Ang sagot ng unang kaluluwa: "Ang muing pagkabuhay ni Kristo ay ang paghahanap ng Easter Eggs! " "Mali ang sagot mo! At dahil dyan ay hindi ka maaaring pumasok sa langit!" Ito naman ang sagot ng ikalawang kaluluwa: "Ang Easter ay ang pagpunta sa beach resort!" "Mas lalong mali! Hindi ka rin maaaring pumasok! Wala bang nakakaalam ng sagot?" "Ang sabi ng pangatlong kaluluwa: "Ang Easter ay ang muling pagkabuhay ni Jesus pagkapatapos niyang maghirap at mamatay sa krus." Laking tuwa ni San Pedro: "Sa wakas! May nakakuha rin ng tamang sagot! Pagkatapos, anung ginawa n'ya?" Sagot ng pangatlong kaluluwa, "pagkatapos nun ay lumabas siya ng libingan, namulot ng itlog at nagpunta sa beach!" Bakit nga ba nahaluan na ng komersiyalismo ang pinahamahalaga natng pagdiriwang na mga kristiyano? Bakit "Easter Egg" ang napapansin at hindi na si Kristo? Bagamat ang paghahanda ng mga itlog ay nakagawian na ng tao tuwing sasapit ang Easter ay maari naman nating itama ang makamundong pag-intindi nito. Sa katunayan sa kasaysayan na kung saan ito ay nagmula 2, 500 na taon na ang nakalilipas, ang "itlog" ay ginagamit ng simbolo ng "rebirth of the earth" na isang kapistahang ipinagdiriwang ng mga pagano tuwing sasapit ang "spring season". Ito rin ay naging simbolo ng kasaganahan o "fertility". Ngunit para sa ating mga Kristiyano, ang itlog ay maari ring maging simbolo ng "bagong buhay". Bagong buhay na punong-puno ng pag-asa! At ito naman talaga ang kahulugan ng muling pagkabuhay ni Jesus: Isang bagong buhay ang kanyang iniaalok sa atin. Sa katunayan, ito ay tinanggap na natin sa Binyag... ang isang bagong buhay na pagiging anak ng Diyos Ama. Kaya nga't kapag sumasapit ang Easter Sunday ay lagi nating sinasariwa ang mga pangako natin sa Binyag na tatalikuran ang lahat ng kasamaan at tayo ay sasampalataya sa Diyos! Ibig sabihin ito ay nangangahulugan ng pangakong pagbabago sa ating pamumuhay bilang kristiyano! Ano ba ang dapat kong baguhin sa aking pag-iisip, pagsasalita at pagkilos upang maipahayag ko na ako ay isa sa mga tumanggap ng pagliligtas ni Jesus? Baka naman natapos ang panahon ng Kuwaresma na wala man lang tayong naitama sa ating masasamang pag-uugali. Ganoon pa rin tulad ng dati, mapagmataas, makasarili at nanlalamang sa kapwa. Gising na! Layuan na natin ang mga nagpapasama sa ating pamumuhay bilang mga tapat na kristiyano. Naghahanap si Jesus hanggang ngayon, hindi ng mga easter egg ngunit tayo ang kanyang pilit na tinatagpo. Tinagpo niya si Maria Magdalena na tigib ng hapis sa libingan, tinagpo niya ang alagad sa kabila ng kanilang pagdududa at pagkatakot. Siya ang tumatagpo, tayo ang lumalayo. Patuloy ang biyaya ng kanyang muling pagkabuhay. Patuloy niyang inaalok sa atin ang kaligtasan. Nakatagpo ko ba siya sa panahong ito ng Kuwaresma? Kung hindi ay may kulang sa ating pagdiriwang ng Easter Sunday. Wala tayong pinag-iba sa mga taong ang Easter ay Easter Egg lamang. Mga kristiyanong nanatiling mga "itlog na bugok!" sa pananampalataya!
MGA LIWANAG SA DILIM : Reflection for Easter Vigil - Year B - April 4, 2015 - YEAR OF THE POOR
Bakit nga ba ang kulay ng gabi ay itim? Sabi ng isang text na nabasa ko: "Ang gabi ay itim. Sa labas ay madilim. Tumingin ka man, siguradong madilim. Buksan mo man ang yong mga mata, kulay itim. Nangangahulugan, ang madilim ay itim." Huh? Parang wala ata sa hulog ang gumawa nito. hehe.. Pero totoo nga, madilim ang itim. Wala pa akong nakikitang "maliwanag na itim!" o kaya naman ay "madilim na puti." At dahil ang madilim ay itim at ang gabi ay madlim, ibig sabihin ang kulay ng gabi ay itim! Ito nga ang ating nasaksihan kanina. Nagsimula tayo sa kadiliman, sinindihan natin ang kandila ng paskuwa, at pagkatapos ay ang ating mga kandila. Pumasok tayo ng simbahan at sinindihan ang mga ilaw. Bagamat ang gabi ay madilim, nagkaaoon ng liwanag sa ating paligid. Isa lang ang sinasabi nito, na kailanman ay hindi magpapatalo ang liwanag sa dilim. At ngayon ay pagdiriwang ng kaliwanagan sa kabila ng kadiliman ng gabi. Ganito rin ang Muling Pagkabuhay ni Hesus. Ang Muling pagkabuhay ni Kristo ang liwanag na sumakop sa kadiliman ng kasalanan! Hindi nagtapos sa kamatayan ang buhay ni Jesus... S'ya ay Muling Nabuhay! Ito ang nasaksihan ni Maria Magdalena at mh kanyang dalawang kasamang babae ng bisitahin nila ang libingan ni Jesus pagkatapos ng araw ng pamamahinga. Nakagulong na ang malakng batong nakatakip sa libingan. Nang sumilip sila ay nakita nila ang isang binatang nararamtan ng mahabang damit na puti at nagsasabing, "Huwag kayong matakot! Hinahanap ninyo si Jesus... Wala na siya rito - siya'y muling nabuhay!" Ang kadiliman ng gabi ay tunay na napalitan ng liwanang ng umaga! Nabigyan sila ng bagong pag-asa! Si Jesus ay muling nabuhay upang hanguin din tayo sa dilim ng kamatayan ng ating mga kasalanan. Magalak ka! Niligtas ka na ng Diyos! Tinubos ka na ng kanyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli. Magpupumilit ka pa rin ba sa masasama mong hilig at pag-uugali? Magtitiis ka pa rin ba sa kadiliman? Kaya nga't pagkatapos ng pagpapahayag ng mga Salita ng Diyos ay ginawa ang Pagsasariwa sa ating Binyag. Ang tubig ng binyag ay dapat magpaalala sa atin ng ating pagtawid sa dagat ng dilim ng pagkakasala. Ang pagtatakwil sa demonyo at sa kanyang masasamang gawa at ang ating pagpapahayag ng pananampalataya sa Diyos ay nagpapakita ng ating pagnanais na tumawid mula sa kadiliman patungo sa liwanag. Tapos na ang gabi. Simula na ng liwanag. 'Wag tayong matakot. Si Kristo ay muling nabuhay upang ipakitang "mga anak tayo ng kaliwanagan." Siya ang ating Liwanag sa Dilim. Ngunit pansini nating nagsindi rin tayo ng mga kandila mula sa kandila paskuwa. Ang Liwanag ni Kristo ay ibinahagi rin sa atin at dahil diya tayo rin ay nagsilbing ilaw sa kadiliman. Sinasabi lamang nito na tayong lahat din ay mga liwanag ni Kristo. Tayo rin ay tinawang na maging MGA LIWANAG SA DILIM. At ito ang nais ni Kristong mangyari sa atin pagkatapos ng ating binyag... maging liwanag Niya tayo sa iba. Tanglawan natin ng init ng Kanyang pagmamahal ang mga pusong nanlalamig sa Kanya. Tanglawan natin ng ilaw ng pg-asa ang mga taong pinanghihinaan na ng loob at ayaw ng magpatuloy sa buhay. Tanglawan natin ng sinag ng pananampalataya ang pag-aalinlangan ng mga taong nakakalimot na sa Diyos. Ito ang ibig sabihin ng pagiging MGA LIWANAG SA DILIM!
Huwebes, Abril 2, 2015
GOOD FRIDAY??? E DI WOW! : Reflection for GOOD FRIDAY - Year B - April 3, 2015 - YEAR OF THE POOR
May bumati sa akin: "Good morning Father!" pabiro ko siyang sinagot ng "And what is GOOD in the morning?" sabay pasimangot na tingin. At sinagot nya ako ng nakangiti "E di ikaw Father, ikaw ang GOOD!" At sinagot ko na man siya ng.. "E di...WOW!" hehehe... What is GOOD nga ba in GOOD FRIDAY? Bakit nga ba "good" at hindi "holy" ang tawag natin dito? Ang ibang mga araw ng Holy Week ay tinatawag nating "Holy Monday, Holy Tuesday, Holy Wednesday, Holy Thursday... oppps! Wag kang magkakamali, ang susunod ay... Good Friday! Ano ba ang mabuti sa araw na ito at pinalitan natin ng "good" ang "holy?" Tatlong dahilan: una, "Good" sapagkat sa araw na ito ay ipinahahayag sa atin ang WALANG KAPANTAY NA KABUTIHAN ng Diyos, ang Diyos na nag-alay ng kanyang buhay upang tayo ay maligtas. "God is good all the time... and all the time God is good!" Kahit na sa mga sandaling lugmok tayo sa kahirapan, baon tayo sa problema, at humaharap sa maraming pagsubok SA BUHAY, ang Diyos ay nanatili pa ring MABUTI sa atin! Sapat lang na tingnan natin si Jesus sa krus at mauunawaan natin ang ibig sabihin ng paghihirap, na kung ang Diyos mismo ay dumanas ng paghihirap ay ako pa kaya na isang walang kuwentang alagad ang aangal sa mga ito? Ikalawa, "Good" sapagkat sa araw na ito ay nanaig ang KABUTIHAN sa kasamaan! Sa mata ng tao ay kabiguan ang nangyari kay Jesus ngunit hindi sa Diyos. Ang kanyang kamatayan ay isang tagumpay! Tagumpay sapagkat ang kanyang dugo ang pinantubos niya sa ating mga kasalanan. Tao ang nagkasala ngunit Diyos ang nagbayad-puri. May KABUTIHAN pa bang papantay dito? At huli sa lahat, "Good" sapagkat tayo ay nais niyang MAGPAKABUTI at gumawa ng MABUTI sa ating kapwa. Magkakaroon lamang ng saysay ang kanyang kamatayan kung maipakikita natin na kaya nating tularan ang kanyang KABUTIHAN. Maging mapagpatawad tayo, maunawain, maalalahanin at mapakawanggawa sa ating kapwa. Kung paano Siyang nag-alay ng sarili para sa atin dapat tayo rin ay handang mag-alay ng ating sarili sa iba. Kaya ipakita nating tunay ngang "GOOD" ang araw na ito. Ipahayag natin ang kanyang kabutihan lalo na sa mga kapatid nating mahhirap. Ngayong Year of the Poor maging tagapaghatid tayo ng kabutihan ng Diyos sa kanila. Iparamdam natin na kabila ng kanilang karukhaan ay hindi sila nakakalimutan ng Diyos. Tayo ang maaring maging tagapag-paalala ng Kanyang pagmamahal. Huwang tayong mangiming tumulong sa ating kapwa lalong-lalo na sa pangangailangang materyal. Tumulong tayo sa abot ng ating makakayanan. Ang Diyos ay lubos na mabuti... WOW!
WALANG PARI... WALANG MISA : (Reposted & Revised) Reflection for Holy Thursday - Year B - April 2, 2015 - YER OF THE POOR
May isang nanay na pilit na ginigising ang kanyang anak: "Hoy damuho ka! Gumising ka na at mahuhuli ka na sa misa!" Pamaktol na sumagot ang anak, "Inay, bigyan mo ako ng dalawang magandang dahilan para bumangon ako." Sumagot naman ang nanay, "Iho, ang una ay kuwarenta anyos ka na at di ka na kailangan pang sabihang bumangon. Pangalawa, ikaw ang paring magmimisa! Damuho ka! Tayo na!!!" Tama nga naman si ina sapagkat WALANG MISA KUNG WALANG PARI at WALA RING PARI KUNG WALANG MISA! Ngayong Huwebes Santo ay may dalawang pagdiriwang: Ang Pagtatatag ng Pagpapari at ang Pagkakatatag ng Sakramento ng Banal na Eukaristiya. Dalawang sakramentong kailanman ay hindi mapaghihiwalay. "Ang Panginoong Hesus, noong gabing siya’y ipagkanulo ay dumampot ng tinapay, nagpasalamat, at pinaghati-hati ito, at sinabi, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito sa pag-alala sa akin.” Sa Banal na paghahaing pinangunahan ng ating Panginoong Jesus ay ibinigay niya sa ating ang dalawang malaking tanda ng pag-ibig ng Diyos sa tao. Ang pagpapari ay ang simbolo ng pagtitiwala sa atin na bagama't hindi tayo karapat-dapat pinili niya tayo at hinirang upang makibahagi sa kanyang misyon ng pagliingkod. Ang Eukaristiya ay ang simbolo naman ng kayang katapatan at pagmamahal na humantong sa pag-aalay ng kanyang buhay para sa ating kaligtasan. Sa araw na ito, ipakita natin ang ating pagmamahal sa ating mga pari. Ipgadasal natin sila na manatiling tapat at masigasig sa pagsasabuhay ng kanilang bokasyon. Manatili nawa silang maging kasangkapan upang ang pagmamahal ng Diyos ay maihatid sa mga tao. Sa araw ring ito ay maramdaman nawa natin ang lubos na pagmamahal sa atin ng Diyos sa tuwing ipinagdiriwnag natin ang Santa Misa. Ang kanyang katawan at dugo ay kanyang inialay upang magkamit tayo ng bagong buhay. Kaya nga't bawat paglapit sa komunyon ay dapat magbigay sa atin ng pag-asa na kaya nating tumulad kay Kristo. Magmahal kung pa'no Siya nagmahal. Magpatawad kung paano Siya nagpatawad. Maglingkod kung paano Siya naglingkod. Tayo ay tinawag na maging katulad Niya. Maging Kristo nawa tayo para sa iba! At sa Taong ito ng mga Dukha o Year of the Poor, sikapin nating maging Kristo sa ating mga kapatid na mahihirap. Katulad ni Jesus na may natatanging pagtingin sa mga dukha nawa tayo rin sana ay maging "Eukaristiya" o pasasalamat sa ating mga kapatid na kapus-palad. Ang mga maitutulong natin sa kanila, lalo na sa kanilang pangangailangang materyal, malaki man ito o maliit, ay biyayang kanilang pasasalamatan habang sila ay nabubuhay. Sa patuloy nating pagtulong sa kanila, hindi natin namamalayan, ay nagiging "Eukaristiya" (pasasalamat) tayo para sa iba.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)