Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Abril 11, 2015
TULAY NG KAPAYAPAAN: Reflection for 2nd Sunday of Easter Year B - April 12, 2015 - YEAR OF THE POOR
Paano nga ba tayo magkakaroon ng tunay ng kapayapaan? May kuwento ng isang lalaking lumapit sa kumpisalan. "Padre, basbasan mo po ako sapagkat ako'y nagkasala. Padre, binigyan ko po ng kapayapaan ang mga kasama ko sa bahay." Laking pagtatakang sumagot ang pari: "Hindi naman kasalanan ang ginawa mo iho. Dapat nga ay pamarisan ka pa ng iba dahil sa ginawa mo. Napakabuti kaya ng kapayapaan. Teka paano mo ba ito ibinigay?" Sumagot ang lalaki, "Padre, pinatay ko po yung maingay kong asawa... ayon e di mapayapa na sa bahay!" hehehe... Posible nga bang maranasan ang kapayapaan? Sabi nila ang kapayapaan daw ay mararanasan mo lang kapag patay ka na. Kaya nga R.I.P. ang inilalagay sa puntod ng mga yumao... Rest in Peace! Patay na siya... payapa na siya! Sa katunayan ay parang ibong napakailap nito kaya siguro hanggang ngayon ay naghahanap pa rin tayo ng kapayapaan. Sa ating bansa ay isa ito sa nais nating makamtan lalo na sa mga kapatid natin sa Mindanao. Kaya nga pilit na isinusulong ang pagpapasa ng BBL o Bansangmoro Basic Law sa pag-aakalang ito ang kasagutan sa kapayapaan sa mga kapatid nating nasa Mindanao, pero ito nga ba ang solusyon? Makasisigurado ba tayong dahil nakipagkasundo tayo sa mga MILF ay matatapos na ang gulo s Mindanao? Lalo nasigurong hindi kasagutan ang "All Out War" para makamit natin ang kapayapaan. Kung gayon ay paano ba natin ito makakamit? Ang Muling Pagkabuhay ni Jesus ay may ibinibigay sa atin. Nang magpakita si Jesus sa mga alagad ay ito ang kanyang pambungad na bati: "Sumainyo ang kapayapaan!" Hindi lang isa ngunit tatlong ulit niyang sinabi ito. Sa Bibliya ang pag-uulit ay naghahayag ng kahalagahan. Kapayapaan ang hatid ng muling pagkabuhay ni Jesus. Ito ang pumawi sa kaguluhan ng isip at pag-aalinlangan ng mga alagad. Ito ang sumakop sa kasamaang dulot ng kasalanan. Ito ang nagbigay daan sa liwanag na dala ng kadiliman ng kamatayan. Ang muling pagkabuhay ni Kristo ay nagbibigay sa atin ng pag-asa at kapayapaan. Ngunit paano ba natin ito maipapakita? Ngayon ang ang kapistahan ng "Divine Mercy". Sariwa pa rin sa atin ang tema ng pagdalaw ng Santo Papa Francisco: Mercy ang Compassion, o Awa at Malasakit. Maibabahagi natin ang kapayapaang kaloob ni Kristo kung makapagpapakita tayo ng AWA at MALASAKIT sa ating kapwa. Kapag kaya nating akuin ang paghihirap ng iba lalong-lalo na ng mga mahihirap at magdala ito sa pagpapadama ng awa, ay doon lamang magkakaroon ng kapayapaan sa ating mga puso. Naniniwala ako ang kapayapaan ay dapat munang nasa atin bago natin maibigay sa iba kaya dapat tayo ang unang nagpapakita ng awa at malasakit sa ating mga sarili. Mahal mo ba ang buhay mo? Inaalagaan mo ba ang katawan mo? Baka naman inaabuso mo ito at mas masaklap binababoy mo ang iyong sarili? Nagiging tulay ba tayo ng awa ng Diyos sa iba? Anong pagmamalasakit na ba ang aking ginawa sa mga taong naghihirap? Marami tayong katangungang dapat sagutin kung nais nating maghari ang kapayapaan sa ating puso... sa ating mundo. Nawa sa ating pang-araw-araw na buhay ay lagi tayong maging tagapagdala ng kapayapaan. Gawin nating pansariling panalangin ang panalangin ni San Franciso ng Asisi... "Lord, make me a channel of your peace!"
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento