Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Abril 4, 2015
MGA LIWANAG SA DILIM : Reflection for Easter Vigil - Year B - April 4, 2015 - YEAR OF THE POOR
Bakit nga ba ang kulay ng gabi ay itim? Sabi ng isang text na nabasa ko: "Ang gabi ay itim. Sa labas ay madilim. Tumingin ka man, siguradong madilim. Buksan mo man ang yong mga mata, kulay itim. Nangangahulugan, ang madilim ay itim." Huh? Parang wala ata sa hulog ang gumawa nito. hehe.. Pero totoo nga, madilim ang itim. Wala pa akong nakikitang "maliwanag na itim!" o kaya naman ay "madilim na puti." At dahil ang madilim ay itim at ang gabi ay madlim, ibig sabihin ang kulay ng gabi ay itim! Ito nga ang ating nasaksihan kanina. Nagsimula tayo sa kadiliman, sinindihan natin ang kandila ng paskuwa, at pagkatapos ay ang ating mga kandila. Pumasok tayo ng simbahan at sinindihan ang mga ilaw. Bagamat ang gabi ay madilim, nagkaaoon ng liwanag sa ating paligid. Isa lang ang sinasabi nito, na kailanman ay hindi magpapatalo ang liwanag sa dilim. At ngayon ay pagdiriwang ng kaliwanagan sa kabila ng kadiliman ng gabi. Ganito rin ang Muling Pagkabuhay ni Hesus. Ang Muling pagkabuhay ni Kristo ang liwanag na sumakop sa kadiliman ng kasalanan! Hindi nagtapos sa kamatayan ang buhay ni Jesus... S'ya ay Muling Nabuhay! Ito ang nasaksihan ni Maria Magdalena at mh kanyang dalawang kasamang babae ng bisitahin nila ang libingan ni Jesus pagkatapos ng araw ng pamamahinga. Nakagulong na ang malakng batong nakatakip sa libingan. Nang sumilip sila ay nakita nila ang isang binatang nararamtan ng mahabang damit na puti at nagsasabing, "Huwag kayong matakot! Hinahanap ninyo si Jesus... Wala na siya rito - siya'y muling nabuhay!" Ang kadiliman ng gabi ay tunay na napalitan ng liwanang ng umaga! Nabigyan sila ng bagong pag-asa! Si Jesus ay muling nabuhay upang hanguin din tayo sa dilim ng kamatayan ng ating mga kasalanan. Magalak ka! Niligtas ka na ng Diyos! Tinubos ka na ng kanyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli. Magpupumilit ka pa rin ba sa masasama mong hilig at pag-uugali? Magtitiis ka pa rin ba sa kadiliman? Kaya nga't pagkatapos ng pagpapahayag ng mga Salita ng Diyos ay ginawa ang Pagsasariwa sa ating Binyag. Ang tubig ng binyag ay dapat magpaalala sa atin ng ating pagtawid sa dagat ng dilim ng pagkakasala. Ang pagtatakwil sa demonyo at sa kanyang masasamang gawa at ang ating pagpapahayag ng pananampalataya sa Diyos ay nagpapakita ng ating pagnanais na tumawid mula sa kadiliman patungo sa liwanag. Tapos na ang gabi. Simula na ng liwanag. 'Wag tayong matakot. Si Kristo ay muling nabuhay upang ipakitang "mga anak tayo ng kaliwanagan." Siya ang ating Liwanag sa Dilim. Ngunit pansini nating nagsindi rin tayo ng mga kandila mula sa kandila paskuwa. Ang Liwanag ni Kristo ay ibinahagi rin sa atin at dahil diya tayo rin ay nagsilbing ilaw sa kadiliman. Sinasabi lamang nito na tayong lahat din ay mga liwanag ni Kristo. Tayo rin ay tinawang na maging MGA LIWANAG SA DILIM. At ito ang nais ni Kristong mangyari sa atin pagkatapos ng ating binyag... maging liwanag Niya tayo sa iba. Tanglawan natin ng init ng Kanyang pagmamahal ang mga pusong nanlalamig sa Kanya. Tanglawan natin ng ilaw ng pg-asa ang mga taong pinanghihinaan na ng loob at ayaw ng magpatuloy sa buhay. Tanglawan natin ng sinag ng pananampalataya ang pag-aalinlangan ng mga taong nakakalimot na sa Diyos. Ito ang ibig sabihin ng pagiging MGA LIWANAG SA DILIM!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento