Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Oktubre 31, 2015
UNDAS... UNang natoDAS! : Reflection for ALL SAINTS' DAY - November 1, 2015
Araw na naman ng UNDAS! May nagsabi sa akin na ang ibig sabihin daw ng salitang ay UNDAS ay ito.. . UNang natoDAS! Sa araw na ito inaalala natin silang mga "unang natodas" sa atin! May sense naman di ba? hehehe... Bakit nga ba November 1 ang nakagawian nating pagdalaw sa sementeryo gayung ang November 1 ay ARAW NG MGA SANTO? Bakit ito ang araw na "UNDAS" kung tawagin? Di ba't ang araw ng mga kaluluwa ay November 2? Hindi ko mahanapan ng siyentpiko o historikal na paliwanag ngunit kung titingnan natin ang "psyche" ng mga Plilipino ay marahil mauunawaan natin ito. Tayong mga Pilipino ay may pagka-switik! Sigurista kung tawagin. Kung makakaisa, mang-iisa! Ayaw nating naargabyado o natatalo. Gusto natin, laging nakalalamang... nakasisiguro. Kaya siguro mas pinili natin ang November 1 sa paggunita sa ating mga yumao ay sapagkat nais natin na ang ating mga pumanaw na mahal sa buhay ay sigurado ng maluwalhati sa "buhay sa kabila!" Nais natin na ligtas sila at masayang nagtatamasa ng gantimpala ng Panginoon, Nais nating kasama na sila sa kalipunan ng mga Banal o mga Santo. Kapistahan ngayon ng lahat ng mga banal sa langit. Bagama't hindi natin kilala ang marami sa kanila, nakaukit naman sa ating ala-ala ang kabanalan na kanilang ipinakita noong sila ay nabubuhay pa dito sa lupa. Ano nga ba ang kanilang nagawa at itinuturing natin silang " MGA BANAL?" Isang matandang duktor na nagretiro na sa kanyang propesyon at nag-iisa na sa kanyang buhay ang nagdesisyong gugulin ang nalalabing taon ng kanyang buhay upang pagsilbihan ang mga mahihirap. Nagpunta siya sa isang liblib na pook na kung saan ay walang nakakakilala sa kanya. Naghanap s'ya ng lugar na maari n'yang gawing klinika ngunit sa kahirapan ng lugar ay isang maliit na kwarto lamang na nsa itaas pa ng isang apartment ang kanyang nakuha. Dahil nasa itaas, ang nakasulat sa ibaba ng bahay ay "The doctor is up!" sa halip na "the doctor is in." Di naglaon ay marami ng dumalaw sa klinika at lahat ng bumababa sa apartment ay masaya at nakangiti sapagkat hindi sumisingil ang duktor ng bayad at nagbibigay pa ng libreng gamot. Sa kasamaang palad ay hindi tumagal ang buhay ng duktor. Ang mas masama pa ay wala ni isa sa kanyang mga natulungan ang nakakilala sa kanya. Kaya't sila-sila na lamang ang gumawa ng paraan upang mabigyan ng magandang libing ang mabuting duktor. May nagbigay ng lupa, ataol, bulaklak... ngunit may isang problema ng ililibing na s'ya: Ano ang ilalagay nila sa lapida ng duktor? May isang nakaisip ng paraan. Bumalik s'ya sa klinika, kinuha ang sign board sa labas ng bahay at inilagay sa lapida. Ang lahat ng dumadaan sa sementeryo ay napapangiti kapag nababasa ang nakasulat: "The doctor is up!" Tunay ngang nasa itaas ang duktor dahil sa kanyang kabutihan. Katulad ng duktor na di kilala at walang pangalan ay ipinagdiriwang din natin ang maraming santo at santa na nasa "itaas" na marahil marami sa kanila ay hindi natin kilalaa. Sila ang mga "unsung heroes" ng ating Simbahan na naging tapat at nag-alay ng kanilang buhay para kay Kristo. Hindi natin matatagpuan sa "official list" ng mga banal ang kanilang mga pangalan ngunit alam natin na ang kanilang mabuting pamumuhay ang nagsisiguro na naroon na sila sa kalangitan at nagdarasal para sa atin. Naging tapat silang lahat sa pagsunod kay Hesukristo kaya't karapat-dapat lang na tamuhin nila ang gantimpalang mapabilang sa kaharian ng langit. Sila ang mga "mapapalad" na tinukoy ni Jesus sa Ebanghelyo. Marahil sa mata ng mundo sila ang mga aba, nagugutom, tumatangis, inuusig, inaapi. Ngunit sa mata ng Diyos, sila ang tinuturing Niyang "mapapalad" sapagkat noong sila ay nabubuhay pa ay lubos ang kanilang pagtitiwala sa kabutihan ng Diyos. Hingin natin ang kanilang pamamagitan. Magdasal tayo sa kanila na sana tayo rin ay mabilang isang araw sa kanilang hanay. Sapagkat ito naman talaga ang ating "bokasyon" o pagtawag sapul pa ng ating pagsilang... ang magpakabanal! Kaya nga't ang kapistahang ito ay hindi lamang para sa kanila. Sa katunayan, ito ay para sa atin. Tayo ang nangangailangan ng kanilang panalangin. Tayo ang nangangailangan ng kanilang inspirasyon upang matulad tayo sa kanila at isang araw ay mapabilang din sa hanay ng mga banal. Sikapin nating magpakabuti habang tayo ay naririto pa sa lupa. Ang kasalanan ang hadlang sa ating pagiging banal. Sa tuwing tayo ay gumagawa ng kasalanan ay nalilihis tayo sa pagtawag ng Diyos na maging banal. Ang kabanalan ay pagtawag para sa lahat. Akuin natin ang pagiging banal. Isabuhay natin ang mga aral ni Kristo. Huwag tayong magsawa sa paggawa ng mabuti at balang araw ay makakamit din natin ang gantikmala ng kalangitan. Sana balang araw ay masabitan din tayo ng karatulang katulad ng nasa duktor na nagsasabing tayo ay "NASA ITAAS!"
Sabado, Oktubre 24, 2015
SA TAMANG PANAHON : Reflection for 30th Sunday in Ordinary Time Year B - October 25, 2015 - YEAR OF THE POOR
Nasubaybayan mo ba kahapon ang pagdating ng "Tamang Panahon?" Kung isa ka sa mga pumuno sa World's largest arena, ang Philippine Arena, o kaya naman ay naging kabilang ka sa maraming "Team Bahay" o "Team Abroad" na sumubaybay sa telebisyon o live streaming ng internet, o kaya naman ay kabilang sa world breaking tweets na 39.5 million... congratulations! Naging bahagi ka ng ating kasaysayan! Sigurado akong magiging bukang bibig ng maraming Pilipino ang katagang.. SA TAMANG PANAHON! Kung sabagay, marami naman talaga sa atin ang nakakarelate sa katagang ito. Sino ba ang ayaw yumaman... sa tamang panahon? Sino ba ang ayaw makita ang ang kanyang dream partner... sa tamang panahon? Sino ba ang ayaw guminhawa ang buhay... sa tamang panahon? Lahat tayo nagnanais na lumigaya... SA TAMANG PANAHON! Libreng mangarap. Libreng umasa. Darating din sa atin ang TAMANG PANAHON. At ito nga ang kuwento ng bulag na si Bartimeo, anak ni Timeo na asawa ni... Timea? Walang binangit sa Bibliya ang pangalan ng asawa niya! Marahil, masaklap ang naging buhay ni Bartimeo. Sino bang bulag ang ayaw mabiyayang muling makakita. Nagkaroon ng liwanag ang "tamang panahon" ni Bartimeo ng marinig niyang dumarating ni Jesus. Marahil ay narinig na niya ang maraming himalang ginawa ni Jesus tulad ng pagpapalakad sa mga pilay at pagpapalayas ng masasamang espiritu. At bakit nga naman hindi? Baka ito na nga ang TAMANG PANAHONG matagal na niyang hinihintay. Kaya ganun na lang ang pagsigaw ni Bartimeo upang mapansin siya ni Jesus. Kahit natabunan siya ng maraming tao hindi naging hadlang sa kanya ang kanyang kapansanan. "Jesus, anak ni David... maawa ka sa akin!" Ang katagang "Anak ni David" ay tumutukoy sa kanilang hinihintay na Mesiyas o tagapagligtas. Narinig ito ni Jesus at ipinatawag niya si Bartimeo. Nang marinig ni Bartimeong ipinapatawag siya ni Jesus ay agad-agad siyang tumayo at itinapon ang kanyang balabal. Ang balabal ang huling pag-aaring taglay ng isang taong mahirap. Kailangan niya ito bilang panlaban sa lamig ng gabi. Ngunit sapagkat kumbinsido si Bartimeong ito na ang TAMANG PANAHON para sa kanya ay itinapon na niya ang kanyang balabal sapagkat alam niyang mapapanauli ni Jesus ang kanyang paningin. Katulad ni Bartimeo, tayong lahat din ay inaanyayahan ni Jesus na maging matatag, matiyaga at masipag sapagkat makakatagpo rin natin siya SA TAMANG PANAHON. Sa katanayan ay maraming pagkakataong nakikipagtagpo ang Diyos sa atin ngunit hindi natin o ayaw nating makita ang kanyang presensiya. Marahil ay umaasa tayo ng isang himala o isang kakaibang karanasan na kung saan ay tatagpuin tayo ng Diyos ngunit hindi ito ang kanyang karaniwang paraan. Ang Diyos, nakakatagpo natin sa karaniwang pangyayari sa ating buhay. Ang TAMANG PANAHON ay laging nasa atin sapagkat ang Diyos ay laging nakikipag-usap sa atin sa maraming taong nakakatagpo natin araw-araw. Ang nararapat lang nating gawin ay gamitin ang pagkakataon. Sa Latin ang tawag dito ay "carpe diem" o seize the day sa ingles. Ang ibig sabihin lang nito ay huwag nating sayangin ang mga pagkakataong nasa ating harapan. Si Jesus ay patuloy na nagpaparamdam sa atin sa ating mga magulang, sa ating mga kapatid, sa ating mga kaibigan o maging sa ating mga kaaway. Katulad ni Bartimeo, huwag tayong magsayang ng sandali. Ang himala ay nangyayari kung buo ang ating pagtitiwala na ipagkakaloob sa atin ng Diyos sa tamang panahon ang ating inaasamasam na kahilingan. Kaya maniwala tayo sa Kanyang kapangyarihan, magtiwala tayo sa kanyang mapagmalasakit na pagmamahal at sumunod tayo sa kanyang kalooban. Sa ganitong paraan hindi malayong makakamit natin ang ating mga pinapangarap. At higit sa lahat, makakamit natin ang gantimpalang nakalaan sa atin dahil sa pamumuhay natin na mabuti at ayon sa kanyang kalooban. Ngunit ang lahat nang ito ay mangyayari Kanyang oras... SA TAMANG PANAHON!
Sabado, Oktubre 17, 2015
ANG MISYONERO NI KRISTO: Reflection for 29th Sunday in Ordinary Time - Year B - October 18, 2015 - YEAR OF THE POOR
Ngayon ang Linggo ng Misyong Pandaigdig o World Mission Sunday na kung saan ay inaalala natin ang mga kapatid nating nagpapalaganap at nagpapatotoo sa Mabuting Balita ni Kristo sa labas ng ating bansa. Nagpapasalamat tayo sa kanilang sakripisyo at pag-aalay ng sarili sa "paglilingkod" lalong-lalo na sa mga dukha at napapabayaan. Dalawa ang kinikilalang Patron ng Misyon. Una, ay si San Francisco Xavier, isang paring Heswita na nagpakita na kakaibang sipag at dedikasyon sa pamamagitan ng paglalakbay sa malalayong lupain. Nangaral siya at maraming nahikayat sa ating pananampalatayang Katoliko at ginugol niya ang kanyang buhay hanggang sa huli niyang hininga sa pagpapalaganap ng kanyng Mabuting Balita. Ang pangalawa naman ay Santa Teresita ng Batang Jesus. Hindi siya kasing sigasig ni San Francisco na naglakbay sa maraming bansa. Sa katunayan ay nakakulong lamang siya sa apat na sulok ng kanilang kumbento, ngunit sa kanyang pag-iisa ay mas marami pa siyang kaluluwang nakatagpo at naihatid kay Kristo sa pamamagitan ng kanyang sakripisyo at panalangin. Marahil ay sinadya ng Simbahan na ideklara siyang Patron ng Misyon upang ipaalala sa atin na tayong lahat ay MISYONERO! Katulad nga ng sinabi ng banal na Santo Papa Juan Pablo II, "Ang mamatay para sa pananampalataya ay pagtawag lamang para sa ilan, ngunit ang ISABUHAY ang pananampalataya ay pagtawag sa LAHAT!" Ibig sabihin, kahit sino ay maaring magpatotoo kay Kristo. Kahit sino ay MISYONERO. Isang hindi ko makakalimutang tagpo bago mamatay ang nanay ko ay noong araw na siya ay nagdedeliryo. Kapag nagdedeliryo ang isang tao ay kakaiba ang kanyang mga nakikita at sinasabi. Kung minsan ay nakakakita sila ng ibang pangitain. May ganoon ding nakita si nanay ngunit nagulat ako ng tinanong ko siya kung ano ang kanyang ginagawa sapagkat parang mayroon siyang hinihimas at hinahawakan. Ang sabi niya sa akin, "nagluluto ako... nagluluto ako ng bangus!" Tapos hihilahin niya ang kumot niya at sasabihing "magtitiklop ako ng mga damit. Maraming dapat itiklop!" Hanggang sa kanyang pagdidiliryo si nanay ay abala sa gawaing bahay... paglilingkod pa rin ang iniisip! At ito nga ang ipinapahayag ng ating pagbasa ngayon, na ang tunay na kadakilaan ay nasa paglilingkod. Walang maipagmamalaki si nanay. HIndi siya nakatapos ng pag-aaral. Hindi siya marunong gumamit ng cellphone. Ni hindi niya nga alam gamitin ang remote control ng telebisyon namin. Sa mata ng mundo ay wala siyang alam. Ang alam niya lang gawin ay magluto, maglaba, maglinis ng bahay, mag-alaga sa amin... ngunit doon ko nakita ang kanyang kadakilaan. "Ang sino man sa inyo na ibig maging dakila ay dapat maging lingkod. At sino mang ibig maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat." Ito ang pagiging misyonero ni nanay. Ito ang pagiging misyonero na maari nating gawin. Ito ang pagiging misyonero na nais ni Jesus para sa atin. Siya na naparito "hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod" at nag-alay ng kanyang buhay para sa lahat ay nag-aanyaya sa atin magsakripisyo rin para sa ating kapwa. Mas pinatingkad pa ito ngayong pagdiriwang ng Taon ng Mga Dukha na dapat nating pagtuunan ng pansin ang mga taong mahihirap at sinasantabi ng ating lipunan. Ang biyaya ng paglilingkod ay "kadakilaan" ngunit kadakilaan hindi sa mata ng tao kundi sa mata ng Diyos. Ang luklukang pinaparangap ng magkapatid na Santiago at Juan ay para sa mga "pinaghandaan." Ito ay para sa mga taong ang buhay ay inilaan sa paglilingkod. Mabuhay ka Mama! Isa kang TUNAY NA MISYONERO NI KRISTO!
Linggo, Oktubre 4, 2015
#PrayTogetherStayTogether : Reflection for 27th Sunday in Ordinary Time Year B - October 4, 2015 - YEAR OF THE POOR
Kasabay ng pagsikat ng "Kalye-serye" at maging laman ito ng social media nitong nakaraang mga araw ay naganap din ang makasaysayang pagdalaw ng Santo Papa sa bansang Amerika. Isa sa mga mahalagang kaganapan dito ay ang pagdaraos ng "World Meeting of Families" sa Philadelphia na kung saan ay binigyang diin ang temang: "Love is Our Mission: The Family Fully Alive!" Ano nga ba ang nagbibigay buhay sa pamilya? Ano nga ba ang ugat ng misyon ng pagmamahalan sa loob ng tahanan? Masasagot natin ang mga katanungang ito kung muli nating babalikan ang orihinal na plano ng Diyos sa pagtatatag ng pamilya. Sa tuwing ako ay nagkakasal ay lagi kong itinatanong sa mga mag-asawa ang dahilan kung bakit nila pinili ang isa't isa? Ang karaniwang sagot na aking natatanggap ay sapagkat "mahal namin ang isa't isa!" Wala naming mali sa kasagutang ito ngunit kung mas malalim nating susuriin ang tanong ay parang may kulang sa mga matatamis na salitang ALDUB YOU at MAALDEN kita! Kung ating tatanungin ang maraming mag-asawang matagal ng nagsasama ay sasabihin nilang hindi sapat ang pagmamahal sa isang matibay na relasyon. Ang pag-ibig ay maaring magbago. Ang init ng pagmamahal ay maaring manlamig sa paglipas ng panahon. Ngunit may katotohanan na forever na mananatili at ito ay ang paniniwala ng mag-asawa na sila ay ibinigay ng Diyos sa isa't isa! Ang sabi nga ng kantang pinasikat ng Kalye-serye ay... GOD GAVE ME YOU!" Ito ang plano ng Diyos para sa mag-asawa, na sila ay pag-isahin sa kanilang pagsasama at walang maaaring makapaghiwalay sa pagsasamang ito. Ito ang sinabi ni Jesus ng tanungin siya kung maaring hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa: "Subalit sa pasimula pa, nang likhain
ng Diyos ang sanlibutan: ‘Nilalang
niya silang lalaki at babae. Dahil
dito’y iiwan ng lalaki ang kanyang
ama at ina, at magsasama sila ng
kanyang asawa, at sila’y magiging
isa.’ Kaya’t hindi na sila dalawa kundi
isa." At para tuldukan ang usapin ng paghihiwalay ay nagbigay siya ng BABALA sa atin: "Ang pinagsama ng Diyos ay
huwag paghiwalayin ng tao.” Kaya nga't matigas ang paninidigan ng Simbahan kapag usapin ng divorce ang pinagtatalunan. Sapagkat ang Kasal o pagtataling-puso ng lalaki at babae ay imbensiyon ng Diyos at hindi ng tao. Walang karapatan ang taong baguhin ang isang sagradong bagay na itinatag ng Diyos. Kaya nga ito ay tinatawag din ng Simbahang sakramento na ibig sabihin ay banal. Kaya gayon na lamang ang paala-ala ng Simbahan sa mga may nais na pasukin ang Sakramentong ito. Sa panahon na lahat ay minamadali ay pinapaalalahanan tayong gamitin ang isip at talino sa pagpapasiya. Dapat kilalaning mabuti ng magkasintahan ang isa't isa. Ano nga ba ang paalala ni Lola Nidora tungkol para sa magsing-ibig ngayon? "Mas maganda ang mga bagay na pinagtitiyagaan at dumarating sa tamang panahon. Tandaan ninyong lahat, masarap umibig, masarap ang inspirasyon, huwag lang minamadali. Lahat ng bagay, nasa tamang panahon!" At para naman sa mga nagsasama nang kasal, laging sanang pakaisipin ng mag-asawa na kung ang Diyos ang nagbuklod sa kanila, ay hindi sila pababayaan ng Diyos sa mga problemang kanilang kinakaharap. Kaya nga't napakahalga ang pagtitiwala sa Diyos na nagbuklod sa kanila. Ang problema ay kapag nakalimot na ang mag-asawa sa Diyos at hindi na sila nagdarasal ng magkasama. Ang sabi nga ng isang nabasa kong quote ay: "The couple that prays together stays together!" Maganda sigurong tanungin ng mga mag-asawa kung ang Diyos ba ay kasama pa nila sa kanilang pagsasama? Tanggapin natin ang masakit na katotohanan na marami sa mga mag-asawa ngayon ay hindi nagdarasal o nagsisimba ng sabay! At nawala na rin sa kanilang pag-iisip ang Diyos na nagbuklod sa kanila. Ipagdasal natin ang Pamilyang Pilipino upang mapanumbalik ang kanilang pananampalataya sa Diyos. Ngayong buwan ng Santo Rosaryo ay magandang simulan muli ng mga miyembro ng pamilya ang pagdarasal ng sama-sama. Tandaan natin ang kasabihang: That family that prays together... hindi lang stays together! Mas malalim pa ang mangyayari... they will love each other! Para mapaalalahanan tayo gamitin natin ang hashtag #PraytogetherStayTogether!
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)