Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Oktubre 24, 2015
SA TAMANG PANAHON : Reflection for 30th Sunday in Ordinary Time Year B - October 25, 2015 - YEAR OF THE POOR
Nasubaybayan mo ba kahapon ang pagdating ng "Tamang Panahon?" Kung isa ka sa mga pumuno sa World's largest arena, ang Philippine Arena, o kaya naman ay naging kabilang ka sa maraming "Team Bahay" o "Team Abroad" na sumubaybay sa telebisyon o live streaming ng internet, o kaya naman ay kabilang sa world breaking tweets na 39.5 million... congratulations! Naging bahagi ka ng ating kasaysayan! Sigurado akong magiging bukang bibig ng maraming Pilipino ang katagang.. SA TAMANG PANAHON! Kung sabagay, marami naman talaga sa atin ang nakakarelate sa katagang ito. Sino ba ang ayaw yumaman... sa tamang panahon? Sino ba ang ayaw makita ang ang kanyang dream partner... sa tamang panahon? Sino ba ang ayaw guminhawa ang buhay... sa tamang panahon? Lahat tayo nagnanais na lumigaya... SA TAMANG PANAHON! Libreng mangarap. Libreng umasa. Darating din sa atin ang TAMANG PANAHON. At ito nga ang kuwento ng bulag na si Bartimeo, anak ni Timeo na asawa ni... Timea? Walang binangit sa Bibliya ang pangalan ng asawa niya! Marahil, masaklap ang naging buhay ni Bartimeo. Sino bang bulag ang ayaw mabiyayang muling makakita. Nagkaroon ng liwanag ang "tamang panahon" ni Bartimeo ng marinig niyang dumarating ni Jesus. Marahil ay narinig na niya ang maraming himalang ginawa ni Jesus tulad ng pagpapalakad sa mga pilay at pagpapalayas ng masasamang espiritu. At bakit nga naman hindi? Baka ito na nga ang TAMANG PANAHONG matagal na niyang hinihintay. Kaya ganun na lang ang pagsigaw ni Bartimeo upang mapansin siya ni Jesus. Kahit natabunan siya ng maraming tao hindi naging hadlang sa kanya ang kanyang kapansanan. "Jesus, anak ni David... maawa ka sa akin!" Ang katagang "Anak ni David" ay tumutukoy sa kanilang hinihintay na Mesiyas o tagapagligtas. Narinig ito ni Jesus at ipinatawag niya si Bartimeo. Nang marinig ni Bartimeong ipinapatawag siya ni Jesus ay agad-agad siyang tumayo at itinapon ang kanyang balabal. Ang balabal ang huling pag-aaring taglay ng isang taong mahirap. Kailangan niya ito bilang panlaban sa lamig ng gabi. Ngunit sapagkat kumbinsido si Bartimeong ito na ang TAMANG PANAHON para sa kanya ay itinapon na niya ang kanyang balabal sapagkat alam niyang mapapanauli ni Jesus ang kanyang paningin. Katulad ni Bartimeo, tayong lahat din ay inaanyayahan ni Jesus na maging matatag, matiyaga at masipag sapagkat makakatagpo rin natin siya SA TAMANG PANAHON. Sa katanayan ay maraming pagkakataong nakikipagtagpo ang Diyos sa atin ngunit hindi natin o ayaw nating makita ang kanyang presensiya. Marahil ay umaasa tayo ng isang himala o isang kakaibang karanasan na kung saan ay tatagpuin tayo ng Diyos ngunit hindi ito ang kanyang karaniwang paraan. Ang Diyos, nakakatagpo natin sa karaniwang pangyayari sa ating buhay. Ang TAMANG PANAHON ay laging nasa atin sapagkat ang Diyos ay laging nakikipag-usap sa atin sa maraming taong nakakatagpo natin araw-araw. Ang nararapat lang nating gawin ay gamitin ang pagkakataon. Sa Latin ang tawag dito ay "carpe diem" o seize the day sa ingles. Ang ibig sabihin lang nito ay huwag nating sayangin ang mga pagkakataong nasa ating harapan. Si Jesus ay patuloy na nagpaparamdam sa atin sa ating mga magulang, sa ating mga kapatid, sa ating mga kaibigan o maging sa ating mga kaaway. Katulad ni Bartimeo, huwag tayong magsayang ng sandali. Ang himala ay nangyayari kung buo ang ating pagtitiwala na ipagkakaloob sa atin ng Diyos sa tamang panahon ang ating inaasamasam na kahilingan. Kaya maniwala tayo sa Kanyang kapangyarihan, magtiwala tayo sa kanyang mapagmalasakit na pagmamahal at sumunod tayo sa kanyang kalooban. Sa ganitong paraan hindi malayong makakamit natin ang ating mga pinapangarap. At higit sa lahat, makakamit natin ang gantimpalang nakalaan sa atin dahil sa pamumuhay natin na mabuti at ayon sa kanyang kalooban. Ngunit ang lahat nang ito ay mangyayari Kanyang oras... SA TAMANG PANAHON!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento