Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Linggo, Oktubre 4, 2015
#PrayTogetherStayTogether : Reflection for 27th Sunday in Ordinary Time Year B - October 4, 2015 - YEAR OF THE POOR
Kasabay ng pagsikat ng "Kalye-serye" at maging laman ito ng social media nitong nakaraang mga araw ay naganap din ang makasaysayang pagdalaw ng Santo Papa sa bansang Amerika. Isa sa mga mahalagang kaganapan dito ay ang pagdaraos ng "World Meeting of Families" sa Philadelphia na kung saan ay binigyang diin ang temang: "Love is Our Mission: The Family Fully Alive!" Ano nga ba ang nagbibigay buhay sa pamilya? Ano nga ba ang ugat ng misyon ng pagmamahalan sa loob ng tahanan? Masasagot natin ang mga katanungang ito kung muli nating babalikan ang orihinal na plano ng Diyos sa pagtatatag ng pamilya. Sa tuwing ako ay nagkakasal ay lagi kong itinatanong sa mga mag-asawa ang dahilan kung bakit nila pinili ang isa't isa? Ang karaniwang sagot na aking natatanggap ay sapagkat "mahal namin ang isa't isa!" Wala naming mali sa kasagutang ito ngunit kung mas malalim nating susuriin ang tanong ay parang may kulang sa mga matatamis na salitang ALDUB YOU at MAALDEN kita! Kung ating tatanungin ang maraming mag-asawang matagal ng nagsasama ay sasabihin nilang hindi sapat ang pagmamahal sa isang matibay na relasyon. Ang pag-ibig ay maaring magbago. Ang init ng pagmamahal ay maaring manlamig sa paglipas ng panahon. Ngunit may katotohanan na forever na mananatili at ito ay ang paniniwala ng mag-asawa na sila ay ibinigay ng Diyos sa isa't isa! Ang sabi nga ng kantang pinasikat ng Kalye-serye ay... GOD GAVE ME YOU!" Ito ang plano ng Diyos para sa mag-asawa, na sila ay pag-isahin sa kanilang pagsasama at walang maaaring makapaghiwalay sa pagsasamang ito. Ito ang sinabi ni Jesus ng tanungin siya kung maaring hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa: "Subalit sa pasimula pa, nang likhain
ng Diyos ang sanlibutan: ‘Nilalang
niya silang lalaki at babae. Dahil
dito’y iiwan ng lalaki ang kanyang
ama at ina, at magsasama sila ng
kanyang asawa, at sila’y magiging
isa.’ Kaya’t hindi na sila dalawa kundi
isa." At para tuldukan ang usapin ng paghihiwalay ay nagbigay siya ng BABALA sa atin: "Ang pinagsama ng Diyos ay
huwag paghiwalayin ng tao.” Kaya nga't matigas ang paninidigan ng Simbahan kapag usapin ng divorce ang pinagtatalunan. Sapagkat ang Kasal o pagtataling-puso ng lalaki at babae ay imbensiyon ng Diyos at hindi ng tao. Walang karapatan ang taong baguhin ang isang sagradong bagay na itinatag ng Diyos. Kaya nga ito ay tinatawag din ng Simbahang sakramento na ibig sabihin ay banal. Kaya gayon na lamang ang paala-ala ng Simbahan sa mga may nais na pasukin ang Sakramentong ito. Sa panahon na lahat ay minamadali ay pinapaalalahanan tayong gamitin ang isip at talino sa pagpapasiya. Dapat kilalaning mabuti ng magkasintahan ang isa't isa. Ano nga ba ang paalala ni Lola Nidora tungkol para sa magsing-ibig ngayon? "Mas maganda ang mga bagay na pinagtitiyagaan at dumarating sa tamang panahon. Tandaan ninyong lahat, masarap umibig, masarap ang inspirasyon, huwag lang minamadali. Lahat ng bagay, nasa tamang panahon!" At para naman sa mga nagsasama nang kasal, laging sanang pakaisipin ng mag-asawa na kung ang Diyos ang nagbuklod sa kanila, ay hindi sila pababayaan ng Diyos sa mga problemang kanilang kinakaharap. Kaya nga't napakahalga ang pagtitiwala sa Diyos na nagbuklod sa kanila. Ang problema ay kapag nakalimot na ang mag-asawa sa Diyos at hindi na sila nagdarasal ng magkasama. Ang sabi nga ng isang nabasa kong quote ay: "The couple that prays together stays together!" Maganda sigurong tanungin ng mga mag-asawa kung ang Diyos ba ay kasama pa nila sa kanilang pagsasama? Tanggapin natin ang masakit na katotohanan na marami sa mga mag-asawa ngayon ay hindi nagdarasal o nagsisimba ng sabay! At nawala na rin sa kanilang pag-iisip ang Diyos na nagbuklod sa kanila. Ipagdasal natin ang Pamilyang Pilipino upang mapanumbalik ang kanilang pananampalataya sa Diyos. Ngayong buwan ng Santo Rosaryo ay magandang simulan muli ng mga miyembro ng pamilya ang pagdarasal ng sama-sama. Tandaan natin ang kasabihang: That family that prays together... hindi lang stays together! Mas malalim pa ang mangyayari... they will love each other! Para mapaalalahanan tayo gamitin natin ang hashtag #PraytogetherStayTogether!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento