
Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Pebrero 27, 2016
AWA-UNAWA-GAWA : Reflection for 3rd Sunday of Lent Year C - February 28, 2016 - JUBILEE YEAR OF MERCY

Sabado, Pebrero 20, 2016
BAGONG ANYO TULAD NI kRISTO: Reflection for the 2nd Sunday of Lent Year C - February 21, 2016 - Jubilee Year of Mercy
Ang panahon ng Kuwaresma ay pagkakataon para sa ating magbalik-loob, magbago... magbagong-anyo. Hinihikaya't tayong sa isang pagbabago na hindi lamang sa ating panlabas na kaanyuan, ngunit higit sa lahat, isang pagbabago na kung saan ay nawawala ang ating pagiging makasarili at nagiging katulad tayo ni Kristo. May kuwento na minsan ay may isang matandang dalaga, tipikal na "manang ng simbahan" na napasaisip tungkol sa kanyang kasalukuyang katayuan. Matanda na siya. Halos buong buhay n'ya ay ibinuhos niya sa paglilingkod sa simbahan. Sa katunayan, ay nagmimistulang antigo imahen na ang kanyang anyo at nangangamoy kandila na ang halimuyak ng kanyang katawan. Pag-uwi sa bahay ay humarap siya salamin at sa kauna-unahang pagkakataon naglakas loob siyang lumabas, pumunta sa isang derma clinic upang magpabanat ng mukha, magpaayos ng buhok sa isang parlor at mamili ng mga modernong damit at kasuotan. Sa madaling salita, isang total make-over ang kanyang ginawa kaya't sa muli niyang paglabas ng bahay ay isang bagong nilalang na ang naglalakad sa lansangan. Hindi mo na sya makikilala. Nagbagong-anyo ang manang ng simbahan! Yun lang nga sa pagtawid niya sa kalsada ay hindi niya napansin ang rumaragasang sasakyan. Siya ay nabangga at namatay. Sa kabilang buhay ay galit na galit siyang humarap kay San Pedro. "Hindi ito makatarungan San Pedro. Nagsisimula pa lang akong mag-enjoy at kinuha mo na agad ako sa mundo!" Napatingin si San Pedro sa kanya at agad-agad tinanong ang kanyang pangalan. Hinanap niya ito sa listahan ng mga dapat nang magsulit ng kanilang buhay sa araw na iyon. At laking pagpapaumain na sinabi ni San Pedro kay manang na: "Pasensiya na po lola, abay hindi namin kayo namukhaan... sobrang NAGBAGONG ANYO kayo!" Kung may pagbabago mang inaasahan sa atin ang Panginoon sa panahong ito ng Kuwaresma ay ang pagbabagong totoo na dapat magpatulad sa atin kay Kristo! Ang pagbabagong ito ay hindi agaran at isang sandali lamang. Ang pagbabago ay isang proseso na dapat nating daanan bilang Kristiyano. Pagbabagong dumadaan sa paghihirap, sakripisyo at pagkamatay sa ating lumang sarili upang makamit natin ang bagong anyong katulad ng kay Kristo. Natural sa ating mga tao na iwasan ang paghihirap kung maari nga lamang. Ngunit hindi ito ang daang ipinakita sa atin ng ating Panginoon. Sa isang Kristiyano, walang Linggo ng Muling Pagkabuhay na hindi dadaan sa Biyernes Santo. Kaya nga sa panahon ng Kuwaresma ay nakikibahagi tayo sa paghihirap ni Jesus nang sa gayon ay makasama rin natin siya sa Kanyang Muling Pagkabuhay! "Guro, mabuti pa'y dumito na tayo!" ang sabi ni Pedro pagkatapos niyang makita ang pagbabagong anyo ni Jesus. Marahil ay manghang-mangha si Pedro sa kanayang nasaksihan at ayaw na n'yang magising sa pagkamangha. Ngunit pagkatapos ng pangitain ay bumaba uli sila sa bundok upang harapin ang mapait na katotohan na ang kanilang kinikilalang "Panginoon" ay dapat maghirap at mamatay sa krus. Kailangan daanan muna ni Jesus ang daan ng Krus bago Niya makamit ang kaluwalhatian ng Muling Pagkabuhay. Ito rin ang daan na nais ni Jesus na ating tahakin lalo na sa pagnanais nating magbago. 'Wag nating ayawan ang mga paghihirap na ibinibigay ng Diyos sa atin. Ito ay ang mga krus na dapat nating pasanin araw-araw kung nais nating makasama si Jesus. May kaluwalhatiang naghihintay tulad ng ipinaranas ni Jesus sa mga alagad ngunit hindi nito tinatanggal ang mga kahirapang dapat nating harapin. Sa kahuli-hulihan ay dapat nating makamit ang pagbabagong-anyong nagtutulad sa atin kay Jesus, ang maging mahabagin tulad Niya. Ngayong Jubilee Year of Mercy ay sikapin nating maging katulad ni Jesus... tagapaghatid ng awa at habag ng Diyos sa ating kapwa.
Sabado, Pebrero 13, 2016
MAY FOREVER SA PAG-IBIG NG DIYOS: Reflection for the 1st Sunday of Lent Year C - February 14,2016 - Valentines Day - Jubilee Year of Mercy
Ngayon ay araw ng mga puso, naniniwala ka ba na may forever? Nabasa ko sa Inquirer Newspaper kahapon na ayon sa isinagawang survey ng SWS na 7 out of 10 Filipino ay naniniwala na may forever! Sa mga taong bitter siguro ay walang forever! Pero para sa ating mga Kristiyano, dapat tayong maniwala na may forever. May forever sapagkat may Diyos na ang pag-ibig ay walang hanggan. God's love is Forever! Ang buhay nating mga tao ay may hangganan ngunit hindi ang Diyos. Ang pagmamahal nating mga tao ay may katapusan ngunit hindi ang sa Diyos. God is Forever! At ito rin ang ipinararating ng panahon ng Kuwaresma. Ang pag-ibig ng Diyos ay hindi nagtapos sa kamatayan bagkus ito ay nagpatuloy sa Kanyang muling pagkabuhay. Kaya nga ang Kuwaresma ay hindi lamang paghahanda ngunit pagdiriwang din ng pag-ibig at awa at Diyos na ipinahayag ng Kanyang Muling Pagkabuhay! Apatnapung araw ang ating iginugugol upang paghandaan ito sa pamamagitan ng panalangin, pag-aayuno at pagkakawang-gawa. Ito ay mga gawain upang ating madisiplina ang ating katawan at mapalakas ang ating kaluluwa sapagkat aminin natin na tayong mga tao ay likas na mahina. Dalawang paraan ang ginamit ni Hesus na maari din nating gamitin lalo na ngayong panahon ng Kuwaresma para mapagtagumpayan ang kahinaan ng ating katawan: ang PANALANGIN at PAG-AAYUNO. Nanatili si Hesus sa ilang upang paghandaan ang nalalapit niyang misyon: Ang pagpapahayag ng Mabuting Balita! Apatnapung araw ang ginugol niya sa panalangin at pag-aayuno. Ang panunukso ng diablo ay nung panahong lubhang napakahina na ng katawan ni Hesus. Tayo rin ay pinagsasamantalahan ng diyablo sa mga oras na tayo ay mahina ... kaya nga't ang tanging makapagpapalakas sa atin ay panalangin at pag-aayuno o paggawa ng sakripisyo. Sa apatnapung araw na ito ng paghahanda para sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Muling Pagkabuhay ni Hesus ay palalimin natin ang ating buhay panalangin. Ang panalangin ay hindi lamang pakikipag-usap sa Diyos. Ito rin ay pakikinig sa Kanya. Madalas kapag nagdarasal tayo ay tayo parati ang nagsasalita. Bakit hindi naman nating subukang ang Diyos ang magsasalita sa atin? Magandang ugaliin na sa maraming kaabalahan natin sa buhay ay binibigyan natin Siya ng puwang para mangusap sa atin. Pangalawa ay ang pag-aayuno na isang paraan ng pagsasakripisyo. Pag-ibayuhin natin ang paggawa ng sakripisyo upang madisiplina ang katawan. Hindi kinakailangang malaki, simpleng pagpapaliban sa mga bagay na nakapagbibigay sa atin ng kasarapan sa buhay tulad ng pagkain, libangan, hilig o bisyo ay maari nating isakripisyo para kay Kristo. Kapag gumagawa tayo ng pag-aayuno o abstinensiya ay tinatanggihan natin ang kasarapan ng katawan at dahil d'yan ay napapalakas ang ating kaluluwa. Ngunit ang mga ito ay ginagawa natin sapagkat mayroon tayong layunin. May patutunguhan ang ating pagpapahirap sa ating katawan at pagdisiplina rito. Ito rin ay pagkakataon upang makatulong tayo sa ating mga kapatid na nangangailan. Kaya nga't tuwing Kuwaresma ay hinihikayat tayo na mag-abuloy sa ALAY-KAPWA. Ang mga bunga ng ating pagtitimpi at pagsasakripisyo ay magiging mas mkahulugan kung ito ay may patutunguhan. Bakit hindi natin ibigay sa kawang-gawa ang mga ito? Hindi mahalaga ang laki ng halaga sapagkat ang sukatan ng tunay na pagbibigay ay ang laki ng pusong nag-aalay nito. Panalangin. Pag-aayuno. Pagkakawanggawa. Tatlong gawaing magpapakita sa atin na ang pagmamahal ng Diyos ay walanghanggan... na ang Kanyang pagtatangkilik ay may forever!
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)