Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Pebrero 27, 2016
AWA-UNAWA-GAWA : Reflection for 3rd Sunday of Lent Year C - February 28, 2016 - JUBILEE YEAR OF MERCY
Isa sa mga gawain na maaring isakatuparan ng isang Kristiyano ngayong panahon ng Kuwaresma ay ay ang pagkakawanggawa. Ang ating buhay panalangin at pagsasakripisyo ay mas nagiging makahulagan kung ito ay sinasamahan natin ng paggawa ng kabutihan sa ating kapwa. Sa bawat parokya ng ating Arkediyosesis ay hiniling na magkaroon ng tinatawag na "Door of Charity" upang maging paalala sa atin na ang paggawa ng kabutihan sa ating kapwa ay isang paraan upang tayo'y mamunga bilang mga Kristiyano habang ipinapadama natin sa kanila ang awa at habag ng Diyos. May isang mayamang nadismaya dahil ang tingin sa kanya ng mga tao ay sakim, ganid at walang pagpapahalaga sa mga mahihirap. Ang sabi niya, "bakit hindi ako maintindihan ng mga tao na sa kahuli-hulihan, sa aking kamatayan, ay ipamimigay ko ang aking kayamanan para sa kanila." Ang sagot ng kanyang kaibigan ay isang kuwento. "Minsan ay lumapit ang isang baboy sa kanyang kaibigang baka at nagbuhos ng sama ng loob kung bakit parang hindi nasusuklian ng pagpapahalaga ng mga tao ang ginagawa nilang mga baboy. Halos buong parte daw ng kanilang katawan ay pinapakinabangan ng mga tao. Ngunit bakit daw mas kinagigiliwan ng mga tao ang pagbibigay ng mga baka ng sariwang gatas sa araw-araw. Para sa mga tao, sila raw ay mga hamak na baboy lamang. "Life is unfair!" ang sabi nila. Sandaling nag-isip-isp ang baka at sinabing "Siguro, kaya ganyan ang nangyayari ay sapagkat nagbibigay kami habang kami'y buhay pa!" Kung minsan, gumagawa tayo ng kabutihan sa iba kung kailan huli na! Ang pagkakawangga ay isang pangkasalukuyang gawain na hindi dapat ipagpaliban. Sabi ng kasabihan: "Aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo!' Para sa ating mga Kristiyano, ang pagkakawanggawa ay pagpapakita ng ating malasakit at pag-aaruga sa ating kapwa lalong-lalo na sa higit na nangangailangan. Ngayong "Extraordinary Jubilee Year of Mercy" ay hinahamon tayong "bigyang-laman" ang AWA na nagmumula sa ating Panginoong Diyos. Kahit sa ating kulturang Pilipino ang AWA ay higit pa sa isang konsepto. Ito ay karanasang bumubukal sa ating puso. Karaniwan itong ibinibigay sa mga taong nangangailangan ng pagkalinga dahil napagkaitan sila ng pagmamahal o katarungan. Ito rin ang pagpapakita ng tiwala sa Maykapal, "may awa ang Diyos" at nagpapahayag ng kanyang pagkalinga sa atin... "Kaawaan ka ng Diyos". Itong pagkalinga ng Diyos ay Kanyang ipinakita sa pag-UNAWA sa atin. Nagawa niyang UMUNAWA sa atin sapagkat may malasakit siya sa ating lahat. Katulad ng ipinakita sa talinhaga sa Ebanghelyo ngayon na ang Diyos ay handang magbigay sa atin ng pangalawang pagkakataon. "Huwag po muna nating putulin... huhukayan ko ang palibot at lalagyan ng pataba. Kung mamunga po ito sa darating na taon, mabuti, ngunit kung hindi, putulin na natin." Nais ng Diyos na tayo ay mamunga sa kabila ng ating kahinaanat kakulangan. Ang pamumungang ito ay naipapakita naman natin sa pamamagitan ng GAWA. Ang awa ay walang saysay kung hindi naman natin ito mapapatunayan sa ating mga gawa. Nagbibigay saksi o patunay ang GAWA na ang ating AWA ay makatotohanan at hindi gawa-gawa lamang. Kaya nga't itong "Door of Charity" na itinalaga sa mga simbahan ngayong panahon ng Kuwaresma ay dapat magpaalala sa atin nito. Hindi lang biyaya ng "indulgence" ang dapat na maging layunin natin sa pagpasok sa pintuang ito. Layon din dapat natin na maging mas maunawain at matulungin sa ating kapwang nangangailangan. Kaya nga ang pagkakawanggawa ay isa sa mga gawaing ipinatutupad nito. May mga panalangin kang sasambitin ngunti pagkatapos ng iyong pagdarasal ay gumawa ka ng isang simpleng ACT OF CHARITY sa pamamagitan ng pag-aabuloy sa kawanggawa. Mas makahulugan kung ang ibibigay mo ay bunga ng iyong pagtitiis at sakrispisyo ngayong panahon ng Kuwaresma. Ang ating GAWA ay nagpapakita ng ating pamumunga bilang mga anak ng Diyos. Tulad ng puno ng igos sa ubasan, nais ng Diyos na mamunga tayo ng maraming kabutihan na maari nating ibahagi sa ating kapwa. Kaya nga't isang malaking biyaya sa atin itong JUBILEE YEAR OF MERCY. Hayaan nating punuin tayo nito ng "siksik, liglig at nag-uumapaw" para sa ating kapwa. Magpakita tayo ng AWA, ipadama sa ating pag-UNAWA, at ipahayag sa ating GAWA ang awa at pagmamahal ng ating Diyos.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento