Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Marso 5, 2016
MERCIFUL LIKE THE FATHER: Reflection for the 4th Sunday in Ordinary Time Year C -
Sa bawat kuwento o telenobela ay parating may tinatanghal na bida at kontrabida. Ang mga bida ay karaniwang ang mga taong may mabuting kalooban at ang mga kontrabida naman ay ang may masamang pag-uugali. Hindi ito naiiba sa ating kuwento ngayon sa Ebanghelyo, ang talinhaga ng ALIBUGHANG ANAK. Siya ba ang bida sa kuwentong ito o isa siyang kontrabida? Kung hindi siya ang bida ay sino? Bagamat ang pamagat ng talinhaga ay ang "Alibughang Anak", ang talinhaga ay mas angkop na pamagatang "The parable of the Good Father" sapagkat ang bida sa kuwentong ito ay ang tatay hindi ang anak. Hindi naayon sa tamang pag-iisip ang kanyang ginawa sa kabila ng maraming pagkakamali ng kanyang anak. Hindi siya nirespeto, pinagsamantalahan ang kanyang kabaitan, nilustay ang kanyang kayamanan ngunit sa huli ay nakuha niya pa ring magpatawad. Ganyang kabuti ang ating Diyos... Kahit halos abusuhin na natin Siya sa dami at paulit-ulit nating kasalanan ay nakahanda pa rin Siyang magpatawad at tanggapin muli tayo bilang kanyang mga anak! St hindi natapos ang kanyang pagiging mabuti sa kanyan bunsong anak. Mas ipinakita niya ito sa kanyag panganay na isang ring "alibugha" kung tutuuin. Totoong siya ay nagsilbi ng mahabang panahon sa kanyang ama ngunit isang pagsisilbi na walang tunay na pagmamahal. Ipinakita pa rin nya ang kanyang pagiging makasarili sapagkat hindi niya matanggap ang kapatid niyang nagsisisi at ang kabutihan ng kanyang ama. Siya rin ay nangangailangan ng pang-unawa at pagpapatawad at hindi iyon ipinagkait ng kanyang ama. Ang talinhaga ay ipinupukol sa ating lahat sapagkat aminin natin na ang bawat isa sa atin ay mayroon ding pagkaalibugha sa ating pakikitungo sa Diyos. Hindi man tahasan ang ating paglapastangan sa "Ama" tulad ng bunsong anak, ngunit kung minsan ay nagiging katulad din tayo ng panganay na nagiging makasarili sa ating buhay. Kung minsan ay hindi malinis ang ating intensiyon sa ating paglilingkod sa Diyos. Ipinupukol din sa atin ng talinhaga kabutihan at kabaitan ng ama. Ngayong Jubilee Year of Mercy ay makikita natin sa pamamagitan ni Jesus ang pagkamaunawain ng Diyos. Nagawang unawain ng ama ang kalunuslunos na kalagayan ng bunsong anak. At naging maunawain rin naman siya sa nararamdaman ng kanyang panganay na anak na puno ng sama ng loob sa kanyang nakababatang kapatid. Kaya nga't nararapat na tawagin ang talinhagang ito na the "Parable of the Good Father". Ang Diyos ang unang nagpakita ng kanyang awa sa ating mga makasalanan sa pamamagitan ng pagsusugo ng kanyang bugtong na anak. Kng ating papansinin ay "open-ended" ang talinhaga. Hindi natin alam kung pumasok ba ang panganay sa bahay at tinanggap ang kanyang alibughang kapatid. Hindi pa tapos ang kuwento sapagkat tayo ang dapat na magbigay dito ng katapusan. Kaya ba nating gayahin ang mabuting ama na naging maawain at maunawain sa kanyang anak? "Merciful like the Father" ang tema ng Jubilee Year of Mercy. Bagamat mahirap mapantayan ang Awa ng Diyos ay maaari naman natin itong ipakita sa ating maliit na paraan. Tinatawagan tayong lahat na maging maawain at maunawain.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento