Isang maligayang kapistahan ng Muling Pagkabuhay ni Kristo sa inyong lahat! Ito ang pista ng lahat ng mga kapistahan! Ito ang pinakadakila sa lahat ng pagdiriwang. Sa katunayan ay mas higit pa ito sa kadakilaan sa Pasko ng Pagsilang ng Panginoon. Dakila sapagkat ipinagdiriwang natin ngayon ang Muling Pagkabuhay ni Kristo! Dahil dito ang araw ng Linggo ay naging araw ng Panginoo para sa atin. Hindi tayo katulad ng mga Hudyo na ang araw ng kanilang pagsamba at pamamahinga ay sa ikapitong araw o araw ng Sabbath. Para sa ating mga Kristiyano, ang unang araw ang ating ipinagdiriwang sapagkat ito ang araw na kung saan ay muling nabuhay si Kristo. Ang katotohanan ng muling pagkabuhay ang ating sinasampalatayanan. Hindi ito isang guni-guni lamang o kathang isip ng mga alagad. Sa katunayan ay narinig natin ngayon sa ating Ebanghelyo ang pag-aalinlangan ng mga alagad ng matagpuang wala ang katawan ni Jesus sa libingan. Si Maria Magdalena na pumunta upang lagyan ng pabango ang katawan ni Jesus ay pinagharian ng pangamba ng makitang wala ang katawan ng kanyang Panginoon. Ganoon din ang nangyari kay Pedro at Juan na tumakbong patungong libingan ng marinig ang balita mula kay Maria. Iisa ang kanilang pag-aakala, ninakaw ang bangkay ni Jesus! Ngunit ang maayos na magkakatupi ng kanyang kasuotan ay nagbigay palaisipan sa kanila lalo na sa alagad na minamahal ni Jesus. Sinabi sa ating binasa na bagamat sa una ay naguluhan ang pag-iisip ng alagad na ito, siya ay "sumampalataya!" Tandaan natin na hindi pa nagpapakita si Jesus sa mga apostol ng mangyari ito. Pananampalataya ang naghatid kay Juan upang siya ay maniwala na hindi ninakaw ang bangkay. Tayo ring mga alagd ng Panginoon ay na nagpagpahayagan na ang "Panginoon ay muling mabuhay" ay dapat magpakita ng ganitong pananampalataya. Hindi sapagkat hindi natin nakikita ay hindi na tayo maniniwala. May kuwento ng isang propesor ng Pilosopiya na itinuturo sa kanyang mga alagad na mahalagang makita muna ang isang bagay bago ito paniwalaan. Tinanong niya ang isa sa kanyang mga estudyante: "Mayroong bang Diyos?" Sumagot naman ito ng "Opo!" "Pero nakikita mo ba siya?" tanong ng propesor. "Hindi po!" tugon ng mag-aaral. "Kung gayon, ay walang Diyos sapagkat hindi mo siya nakikita!" Sa bandang ito ay ang estudyante naman ang nagtaas ng kamay at nagtanong sa propesor: "Sir, naniniwala ka ba na may utak ka?" Sumagot ang propesor: "Oo naman!" Nagtanong muli ang estudyante: "Nakikita mo ba ang utak mo sir?" Mahinang sumagot ang propesor ng "hindi". Humarap ang estudyante sa kanyang mga kapwa estudyante: "Mga minamahal kong kaklase, umuwi na tayo. Wag tayon maniwala sa sinasabi ni sir... wala siyang utak!" Ang pananampalataya sa muling pagkabuhay ang nagbibigay kahulugan sa ating pananampalatayang Kristiyano. Balewala ang ating pagdarasal at pagsisimba kung hindi naman tayo naniniwala na si Jesus ay muling nabuhay. At balewala rin ang ating pananampalataya kung hindi naman ito nakikita sa ating buhay! Paano ba natin ipinpakita ang epekto ng muling pagkabuhay ni Jesus? Ang isang Kristiyanong sumasampalataya na si Jesus ay muling nabuhay ay punong-puno ng pag-asa at kasiyahan. May mga sandali sa ating buhay na nakakaranas tayo ng paghihirap. Paghihirap na dala marahil ng ating mga suliranin sa buhay. Paghihirap na bunga marahil ng pagsubok, karahasan, at kasamaan sa ating paligid. Dito inaasahan ipinapakita ng isang Kristiyano na siya ay anak ng kaliwanagan sa matapang niyang pagharap at paglaban sa mga ito. Pinapanatili niyang buhay ang ilaw ng pag-asa sa kanyang puso na hindi siya nag-iisa sapagkat ang Diyos ay buhay at hindi siya pababayaan. Sa kabila ng sakit na dulot ng mga ito ay nag-uumapaw ang kaligayahan sa kanyang puso at nagpapasalamat siya sa Diyos sa mga pagkakataong sinusubukan ang kanyang pananalig. Nakapagbibigay ng inspirasyon ang mga taong kayang ngitian at tawanan ang mga problemang kanilang pinagdaraanan. Nakapagpapalalim ng pananampalataya ang mga taong matiyagang bumabangon sa kanilang pagkadapa dala ng kanilang kahinaan a kamalian. Ngayong Taon ng Awa ay unawain natin at sundin ang kalooban ng Panginoon sa maraming pagsubok na kinakaharap natin sa ating buhay. Ang muling pagkabuhay ni Jesus ay magbigay lakas nawa sa atin upang mapagtagumapayan natin ang mga pagsubok na ito. Tandaan natin ang pananalita ni San Pablo na "kung kasama natin sa paghihirap si Kristo, makakaasa tayo na kasama rin niya tayo sa kanyang muling pagkabuhay!"
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento