Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Abril 2, 2016
AMBASSADOR OF MERCY: Reflection for 2nd Sunday of Easter Year C - April 3, 2016 - DIVINE MERCY SUNDAY & JUBILEE YEAR OF MERCY
Ang ikalawang Linggo ng Muling Pagkabuhay ay laging inilalaan upang ipagdiwang si Jesus bilang HARI NG AWA. Sa ingles ay tinatawag ang linggong ito na DIVINE MERCY SUNDAY. Nagkataong tayo rin ay nasa pagdiriwang ng Jubilee Year of Mercy na kung saan ay hinihimok tayong maging mahabagin tulad ng Ama... "Merciful like the Father!" Nakakalungkot na sa kabila ng mga paalalang ito ay nangyari noong mga nakaraang araw ang trahedya sa Kidapawan na kung saan ay ilang magsasakang nagkatipon-tipon upang iparating lamang ang kanilang hiling na mabigyan ng bigas bilang tugon sa matinding taggutom sa kanilang lupain ay sinalubong ng karahasan at nauwi sa pagkasawi ng ilang buhay at pagkaospital ng marami. Nakalulungkot isipin sapagkat maari namang tugunan ang karaingan ng mga magsasaka ngunit nauwi sa ganitong trahedya. Hindi natin sinisisi kung sino ang nagsimula ng trahedyang ito ngunit ang ating pinanghihinayangan ay naiwasan sana ang ganitong karahasan kung napaghandaan lamang ng lokal na pamahalaan ang tagtuyot sapagkat noong Disyembre pa lamang ay may paalala na tungkol sa pagdating ng El Nino at ang pinsalang maaring idulot nito. Ang kawalan ng malasakit ng ilan sa ating mga kababayaan ang nag-uwi sa malagim na trahedyang ito. Mahirap talagang umunawa kung walang malasakit. Sa loob ng isang LRT ay may isang binatang nakaupo at harap n'ya lang ay may isang matandang babaeng nakatayo. Nang makita niya ito ay sabay pikit ng mata at nagkunwaring umidlip. Nang tinanong sya kung bakit siya umidlip ay sinabi n'yang: "Pumikit ako sapagkat sa tuwing nakikita ko ang matanda ay nadudurog ang aking puso! Kaawa-awa naman ang matanda. Parang nakikita ko ang lola ko sa kanya!" Ito ba ang ibig sabihin ng pagkaawa? Ang tunay na pagkaawa ay dapat may kasamang gawa. Ito ang pinakita nina apostol Pedro at Juan ng pinagaling nila ang mga maysakit. Alam nilang kasama ng biyaya ng muling pagkabuhay ni Jesus ay ang misyong maging tagapaghatid ng awa at habag ng kanilang Panginoon. Tandaan natin na takot ang namayani sa mga apostol pagkatapos ng kamatayan ni Jesus. Ngunit pananampalataya kay Jesus na muling nabuhay ang nagbigay sa kanila ng lakas at pag-asa. Pananampalataya ang hiningi ni Jesus kay Tomas. Pananampalataya rin ang hinihingi niya sa ating hindi nabibiyayaan na makita siya ng personal. "Mapalad ang mga naniniwala kahit na hindi nila ako nakikita!" Ang maging katulad ni Jesus ay dapat sinasalamin ang ang kanyang awa at malasakit. We are called to be ambassadors of God's mercy and compassion. Hindi natin kinakailangang pumunta pa ng Kidapawan upang magpakita ng awa at malasakit sa ating kapwa. Sa ating sariling bakuran at tahanan ay maari nating ibahagi ang awa at malasakit ng Diyos. Ang mga anak ay nararapat magpakita ng pang-unawa sa maraming sakrispisyo at paghihirap na ibinibigay ng kaniang mga magulang. Ngunit ang mga magulang din ay kinakailangang magpakita ng awa sa kanilang mga anak sa pag-unawa sa kanilang kalagayan na naghahanap ng paggabay, pagkalinga at pagmamahal. Ibig sabihin, lahat tayo ay maaring magbigay at magpakita ng awa at malasakit sa isa't isa. Sapat lamang na damhin natin ang AWA ng Diyos, isapuso ang kanyang UNAWA, at isabuhay ang kanyang GAWA. Sa ganitong paraan ay magiging tagapaghatid tayo ng kanyang AWA at MALASAKIT.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento