Siyam na araw na lamang at eleksiyon na! Halos lahat ng tumatakbong kandidato ay nangangako ng mapayapa at masaganang pamumuhay kung saka-sakaling sila ay maihalal sa pamumuno. Ngunit paano nga ba natin uunawin ang salitang "kapayapaan?" May isang nagsasabing ang kapayapaan ay makakamit natin kapag walang krimen, korupsiyon, at droga! May ilan ding nagsasabing hindi ang karahasan ang tanging daan upang makamit ang kapayapaan. May ilan ding nagsasabing ang maayos na pamumuno o "tuwid na daan" ang magpapatuloy sa matiwasay nating pamumuhay bilang mga Pilipino. Ngunit bilang isang Kristiyano, paano ba natin uunawain ang salitang "kapayapaan" at paano ba natin makakamit ito?
May isang lalaking nangumpisal. "Padre, basbasan mo ako dahil ako'y nagkasala. Matagal na akong hindi nakapagkukumpisal. Ang akin mga kasalanan ay binigyan ko ng kapayapaan ang mga kapitbahay naming magugulo at maiingay. " Sagot ang pari, "anak, wala namang masama sa ginawa mo, sa katunayan tayo ay tinatawagan ni Jesus na maging tapaghatid ng kanyang kapayapaan." Biglang singit ang lalaki: "Hindi, yan ang ibig sabihin padre." Biglang napag-isip ang pari at nagtanong: "Bakit? Paano ka bang naghatid ng kapayapaan sa kanila?" Sagot ang lalaki: "Pinatay ko silang lahat padre!" Akala ng marami ang kapayapaan ay kasingkahulugan ng katahimikan. Kaya siguro para sa iba ang sementeryo ang lugar na kung saan ay may tunay na kapayapaan. "Rest in peace!" ang makikita natin sa maraming lapida ng mga yumao. Parang sinasabi sa ating mapayapa na sila sapagkat nakahimlay na sila sa katahimikan. Ito ba ang kahulugan ng tunay na kapayapaan? Tandaan natin na KAPAYAPAAN ang biyaya ng muling pagkabuhay ni Kristo! Bago niya lisanin ang kanyang mga alagad ay ito ang ibinilin Niya sa kanila:
"Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng ibinibigay ng sanlibutan." Sa mundo, ang kapayapaan ay kapag walang gulo, walang ingay, walang alitan. Kaya nga't kahit ang dahas ay maaring gamitin para lamang mapanatili ito. Ngunit para sa ating mga Kristiyano, ang kapayapaan ay higit pa sa kawalan ng ingay o gulo.
Ang tunay na kapayapaan ay regalo na maari lamang magmula sa Diyos. Kaya nga
ang kapayapaan ay "kaganapan ng buhay" na kung saan ay nakararanas ang isang tao ng kapanatagan sa kanyang sarili. Kaya nga huwag tayong umasa na makakamit natin ang kapayapaan sa pamamagitan ng isang tao lamang. Madaling mangako, ngunit kung paano at ano ang kahihinatnan nito ay hindi natin napag-iisipan. Nangangahulugan ito ng maayos na pakikitungo sa apat na aspeto ng ating buhay. Sa mga Hudyo ang salitang SHALOM, na ang ibig sabihin ay "kapayapaan" ay nangangahulugan ng mabuting relasyon sa Diyos, sa kapwa, sa ating sarili, at sa kalikasan o kapaligiran. Ganito rin ang kaganapan ng kapayapaan na dulot ng Muling Pagkabuhay ni Jesus. Una ay ang
manatili sa pag-ibig ng Diyos. Ang sabi ni Jesus sa ating Ebanghelyo:
“Ang
umiibig sa akin ay tutupad ng aking
salita; iibigin siya ng aking Ama, at
kami’y sasakanya at mananahan sa
kanya." Katulad ng sinabi ko noong nakaraan na sa pagpili ng kandidato ay ang pagiging
"Maka-Diyos". Pangalawa ay ang ibigin ang ating kapwa tulad ng pag-ibig Niya sa atin. Muli ang isang kandidato ay dapat na
maka-tao na may paggalang sa karapatan ng iba at hindi pinagsasamantalahan ang kahinaan ng mga mahihirap at api.
Pangatlo ay ang tamang pagmamahal sa sarili na may paggalang. Kaya hindi siya gagawa ng mga bagay na makasisira sa kanyang pagiging tao. Ang kandidato ay may t
amang pagmamahal sa kanyang sarili. At pang-apat ay ang pagiging
maka-bayan na makikita kung paano siya magmalasakit sa ating kapaligiran at lipunang ating ginagalawan. Sa taong ito ng AWA ay pagsumikapan nating kamtin ang tunay na kapayapaan. Magtiwala tayo na pasasaan ba't makakamit din natin ito kung buo nating ipagkakatiwala ang ating buhay kay Kristo at hindi sa sanlibutang huwad na kapayapaan ang ibinibigay. Ipagdasal natin ang darating na halalan na sana ay pagharian ng tunay na kapayapaang nagmumula sa Diyos na dulot ng Muling Pagkabuhay ni Kristo Jesus! 'Wag tayong mawalan ng pag-asa! Hindi kung sa sinumang tao nakasalalay ang ating "huling baraha" upang makamit ang matiwasay na pamumuhay. Umasa tayo kay Jesus. Tulad ng nabasa ko sa isang FB post:
I am a Filipino and my country's hope is Jesus!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento