Ang ika-apat na Linggo ng Muling Pagkabuhay ay laging inilalaan ng Simbahan upang ipagdasal ang pagpapalaganap sa bokasyon ng pagpapari at pagiging relihiyoso (madre at lay brother). Ang ebanghelyo ay parating patungkol sa
Mabuting Pastol upang paalalahanan tayo ng masidhing pangangailangan ng Simbahan ng mabubuting pastol na naayon sa halimbawa ni Jesus, ang ating Butihing Pastol. Siya ang Mabuting Pastol na talagang may malasakit para sa kanyang mga tupa. Ngunit hindi lang naman nalilimita sa mga "taong simbahan" ang pagiging Mabuting Pastol. Sa katunayan, ang mga taong namumuno at nangangalaga sa atin ay maituturing na "mabuting pastol". Napapanahon at akmang-akma ang pagdiriwang natin ngayon upang pagnilayan ang mga katangian ng mga taong naghahangad na maging "pastol" ng ating lipunan. Marahil hanggang ngayon ay nag-iisip pa rin tayo kung sino ba ang ating ihahalal sa pamumuno. Maraming katangian tayong maaring pagbatayan, ngunit sa aking palagay, bilang mga Kristiyano, ay hindi maaring maisantabi ang pamatayang inihayag mismo ni Jesukristo, ang ating tunay na Mabuting Pastol. "Sa isang pagtitipon ay pinarangalan ang matandang pari ng isang parokya dahil sa katapatan niya sa pagilingkod ng limampung taon sa kanilang bayan. Binigyan sya ng pagkakataong makapagsalita at magpahayag ng kanyang saloobin. Magiliw niyang isinalaysay ang kanyang karanasan sa parokya: "Alam ninyo mga kapatid, noong unang araw na maitalaga ako dito bilang kura paroko ninyo ay may nagkumpisal agad sa akin. Siya raw ay isang lalaking babaero, nagtaksil sa kanyang asawa, mapagsamantala, mabisyo, sugarol at magnanakaw. Napakasama niyang tao ngunit natuwa ako sa pag-amin niya sa kanyang mga kasalanan." Sabay dating ng Mayor na nahuli sa programa at hingal na hingal na lumapit sa entablado upang umepal. Hinawakan niya ang mikropono at buong pagmamalaking sinabi: "Mga kapatid ko kay Kristo, ako ay lubos na nagpapasalamat at nabiyayaan tayo ng isang mabuting pari sa ating lugar. Sariwa pa sa aking ala-ala na noong bago pa siyang talaga dito bilang kura-paroko ay ako agad ang unang nagkumpisal sa kanya..." Patay! Buking si Mayor! Ano nga bang mga katangian ang nais nating makita sa ating mga pinuno bilang mabuting pastol? Sa ating Ebanghelyo ay makikita natin ang larawan ni Jesus bilang isang Mabuting Pastol. Siya ang mabuting pastol na kilala ng kanyang mga tupa, nakikinig sa kanya at sumusunod sapagkat alam nilang handa siyang mag-alay ng kanyang buhay para sa kanila upang hindi sila mailagay sa kapahamakan. Dito ay makikita natin ang magandang katangian ng isang nagnanais "magpastol sa kawan": katapatan sa paglilingkod, may malasakit at kapakumbabaan, may takot sa Diyos at tumutupad sa Kanyang utos. Marami na tayong nakitang lider na matatalino, bihasa sa sistema ng pamumuno, makarisma sa masa. Marami na rin ang nagbitaw ng magagandang pangako, plataporma at programa kung sakaling sila ay maihahalal. Ngunit sa aking palagay ay walang saysay ang kagalingan niyang ipinagyayabang kung hindi naman siya kinakikitaan ng mabuting halimbawa sa uri ng kanyang pagkatao at pamumuhay. "Leadership by example" ang nais nating makita sa isang lider at bilang isang kristiyano ang "example" o halimbawa ng Mabuting Pastol ang dapat makita sa kanya. Kaya nga hindi dapat natin pipiliin ang mga taong kwestiyonable ang pamumuhay: babaero, sugarol, lasinggero, palamura, hindi gumagalang sa karapatang pantao, magnanakaw, kurap! Bakit? Sapagkat, ipapahamak lamang nila ang kanilang mga tupa! Anung halimbawa ang maibibigay nila sa inyong mga anak? Pagnanakaw? Pagmumura? Pambabae? Karahasan? Tandaan natin na sa mata ng bata, ang mga gawaing masama kapag ginagawa ng matanda, ay nagiging tama! Kung minsan nakakalungkot isipin na tanggap na ng marami sa atin ang mga masamang pag-uugaling ito. Kaya nga't kung meron mang dapat na unang magbago ay walang iba kundi ang ating sariling pag-isiip. Makakapili tayo ng tamang mga pinuno kung isasapuso din natin ang mga katangian ni Jesus bilang Mabuting Pastol. Isapuso natin ang pagiging tapat sa paglikingkod. Tanggalin natin ang pag-iisip ng masama at panlalamang sa kapwa. Huwag tayong magnanakaw. Iwasan nating magmura. Iwasan ang karahasan. Igalang ang karapatan ng bawat isa. Magpakita tayo ng awa at malasakit sa ating kapwa. Tandaan natin na maipapakita lamang natin sa iba kung ano ang mayroon tayo sa ating sarili. Ang pagiging mabuting pastol ay dapat magsimula sa atin kung nais nating maibahagi ang pagiging mabuting pastol sa iba. Tayong lahat ay MABUTING PASTOL!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento