Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Abril 23, 2016
PAGBABAGO: Reflection for 5th Sunday of Easter Year C - April 24, 2016 - JUBILEE YEAR OF MERCY and YEAR OF THE EUCHARIST AND FAMILY
Isang bakbakan ang natunghayan natin kagabi (sa mga nanonood ng pay review o nagsubscribed sa abs-cbn tv plus). Mamaya isang kakaibang bakbakan naman ang ating matutunghayan. Sana panoorin natin nang sa gayon ay magkarron tayo ng tamang batayan sa pagpili ng ating kandidato. Hindi lang yung nadadala tayo ng bugso ng damdamin dahil galit tayo sa kapalpakan ng gobyerno o kaya naman ay naniniwala tayo sa mga surveys ng SWS o Pulse Asia. Manood tayo nang sa gayon ay magkaroon tayo ng sariling paninindigan at para sa isang MATALINONG PAGBOTO. Ang sabi nga ng mga kapamilya, gawin natin ang ating pagboto upang "Ipanalo ang pamilyang Pilipino", at ang paalala naman ng mga kapuso na sa pagpili ng mga kandidato ay "Dapat tama!" Makinig tayo ng mabuti at maging mapanuri. Pakinggan natin ng mabuti ang boses ng pagbabago na hinahayag ng kanilang mga plataporma. Ngunit anung uring pagbabago? Lahat naman tayo ay nangangarap nito. Sawang-sawa na tayo sa korupsiyon, sa pangako ng mga trapo na hindi naman natutupad, sa mga platapormang di naman makatotohanan... Anung uring pagbabago ang nais natin? Anung pagbabago ang nais nating mga Kristiyano? Sa ikalawang pagbasa, sa Aklat ng Pahayag ay binibigay sa atin ang isang bagong panahon na punong-puno ng pag-asa: "Ngayon binabago ko ang lahat ng bagay!" (Pahayag 21:5) Isang bagong mundo ang inaalok sa atin na kung saan ay pinaghaharian ito ng pagmamahal at katarungan. Hindi ba't ito ang inaasam-asam natin? Mundong mapayapa, maunlad, maayos at tahimik. Nais nating baguhin ang lipunang ginagalawan natin ngayon upang matutunan lamang na ang ang pagbabago pala ay dapat magmula muna sa ating mga sarili. Sabi nga ng isang post sa Facebook: "I am a Filipino and real change begins with me.... not the President you are a fan of!" Ibig sabihin hindi ang presidenteng ating iniidolo ang magsisimula ng pagbabago sa ating lipunan. Marami kasi sa atin ay nabubuhay sa idol complex. Gusto natin ang lider na na nagpapatupad ng disiplina pero ayaw naman nating madisiplina! Tingnan mo ang sarili mo baka ikaw ang tipong nagkakalat ng basura kahit saan, tumatawid kahit saan, lumalabag sa mga batas trapiko, dumudura o umiihi kung saan-saan, naninigarilyo sa mga lugar na bawal, nanunuhol sa mga pulis... haaay... gusto ng disipina pero wala namang disiplina na sarili. Kahit sinong Batman o Superman pa ang gawin mong presidente ng Pilipinas... walang pagbabagong magaganap. Ang sabi nga ni Hen. Luna: "Mga kapatid, mayroon tayong mas malaking kaaway kaysa mga Amerikano. Ang ating mga sarili!" Kaya nga ang pagbabago ay dapat magsimula muna sa ating lahat ng sa gayon ay maging tama ang pagpili natin ng mga kandidato. Matutulungan tayo ng ating Simbahan sa pagpili sa pamamagitan ng tatlong simpleng pamantayan. Una, pagiging MAKA-DIYOS. Ang kandidato mo ba ay may takot sa Diyos? Mabuti ba siyang anak ng Simbahan? Iginagalang n'ya ba ang mga namumuno sa Simbahan? Sumusunod ba s'ya sa 10 Utos ng Diyos? Ikalawa, ang pagiging MAKA-TAO. Siya ba ay may paggalang sa karapatang pangtao? Marahas ba ang kanyang pamamaraan tulad ng pagpatay? Siya ba ay maka-pamilya, maka-mahirap, at maka-kalikasan? Ikatlo, MAKA-BAYAN. Siya ba ay hindi kurakot? Magnanakaw? Nagpayaman ba siya gamit ang pera ng bayan? Mga kapatid, maging mapanuri sana tayo. Ngunit hindi lang mapanuri; dapat tayo rin ay magdasal. Tandaan natin na ang pagbabago ay biyaya ng Diyos. Siya ang kikilos sa isang tunay na pagbabago. Sa unang pagbasa, nakita natin na ang mga unang Kristiyano ay nag-aalay ng panalangin at sakripiso bago pumili ng kanilang mga pinuno. Tayo rin dapat ay magdasal upang ang ating ihahalal ay maging mapagmahal, may malasakit, may paggalang, may pagpapakumbaba sa kanyang pamumuno. Isang pinuno na nahubog sa puso ni Jesus na ating Mabuting Pastol.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento