Tagapagpahayag ng Katotohanan, Lingkod ng pagkakaisa
Pastoral Letter of CBCP for Election 2016
Payo at Pakiusap ng Simbahang Katoliko
na may Pagmamahal sa ating Diyos at Bayan
Mga minamahal kong kababayan,
Nais naming
kayong makausap habang tayo ay papalapit sa mahalagang bahagi ng ating
paglalakbay bilang mga mamamayan at mga Kristiyano. Isang mensahe ng katotohanan ang dala namin
sa inyo. Maaring ito ay makasakit subalit ito’y nakakapagpalaya.
Iniaabot
namin ang aming kamay para makipagkaisa sa inyo, gayun din ang aming panalangin
na paghilumin ang ating bansang winawasak ng pulitika.
Ito ang
itinuturo ng katekismo ng Simbahang Katoliko ukol sa mga deklarasyon ng
Simbahan sa mga isyung pulitikal: kabilang sa mga misyon ng Simbahan ang “magsaad ng moral na palagay sa mga bagay na
may kinalaman sa pulitika kapag ito ay mahalaga sa mga pangunahing karapatan ng
tao o sa kaligtasan ng kaniyang kaluluwa. Ibig sabihin, ang tanging kasangkapan
ng Simbahan ay iyong naayon sa ebanghelyo at sa ikabubuti ng lahat ng tao ayon
sa kalagayan ng panahon at ng mga pangyayari.” ( CCC 2246 )
Maka-Diyos na Paraan ng Pagpili
Ang mga
debateng ipinakita sa mga pambansang broadcast, pati na rin ang mga nalathalang
pananalita at kilos ng ating mga kandidato, lalo na ang mga tumatakbo sa pagka
Pangulo ng Pilipinas, ay nagbigay sa atin ng larawan sa tunay nilang pagkatao,
kung ano ang kanilang knakatawan, at kung ano ang kanilang mga paninindigan na
itinataguyod o nilalabanan.
May malaking
pagkakaiba ang tama at mali, at hindi ito nagbabago maging sa pulitika.
Ang mga
Katolikong tapat sa paghahari ni Kristo ay hindi dapat pumili ng kandidato na
may paninindigang ilalagay sa panganib ang ating bayan, at higit pa roon, ay
wawasakin ang moralidad nito. Hindi natin maaring iproklama si Kristo
bilang Hari kung kasabay nito ay tinatanggap natin ang pamumuno ng isang tao na ang isip, pananalita
at kilos ay taliwas sa pamumuno ni Hesukristo.
Nauunawaan
namin ang inyong paghangad ng pagbabago.
Ang ating mga kababayan ay nagdurusa sa pagwawalang bahala ng mga
namumuno at sa kawalan ng kakayahan sa pamamahala. Ngunit ang mga ito ay hindi
dahilan para ibigay ang suporta sa kandidato na ang pananalita, kilos, plano at
programa ay walang pagpapahalaga sa karapatan ng iba, at walang paggalang sa
Simbahan at sa mga aral nito lalo na tungkol sa moralidad.
Ang
Simbahang Katoliko ay hindi kailanman humiling sa mga kandidato na hingin ang
endorso nito. Ngunit lagi nitong
pinapaalala sa mga Katolikong botante na ang pagboto ay hindi lamang obligasyon
bilang mamamayan, ngunit higit pa, ito ay lantad na deklarasyon ng kanyang
pag-ibig sa Diyos. Ito ang aming apela
sa inyo, mga kapatid na Katoliko, sa darating na eleksyon.
Isang Bansang Nananalangin
Pinararangalan
namin ang mga laikong Katoliko at mg samahan ng kabataan sa kanilang mga gawain
para tayo ay magkabuklod-buklod at manalangin para sa tamang gabay sa pagpili
ng mga nararapat na pinuno. Hinihikayat namin kayo na magrosaryo araw-araw at
tumanggap ng Komunyon mula ika-1 hanggang ika-9 ng Mayo. Sa mga nobena at misang ito, hihingin natin
sa Panginoon ang maka-Diyos na pamamalakad ng halalan. Sa pahintulot ng mga
Obispo, ang Blessed Sacrament ay ilalabas sa publiko para hingin sa Diyos ang
isang mapayapang halalan.
Sa mga mahal
naming kandidato, kami ay nakikiusap. Ilang araw na lang at pipili na ang
sambayanan kung sino ang mamamahala sa kanila. Dahil ang halalan ay patunay ng
ating pagiging malaya, kaming mga Obispo ay nagsusumamo na hayaan ninyong
bumoto ang bawat Pilipino ayon sa kanyang konsyensya. Huwag po natin linlangin,
lokohin o dayain ang bayan.
Ang panahon
ng kampanyang ito ay naging puno ng alitan. Hindi lamang mga kandidato ang
nag-away-away, pati na ang mga tagasuporta.
Maging mga magkakaibigan ay nagkasamaan ng loob dahil lamang sa
diperensiya sa pulitika. Kaya habang kami ay nagpapayo sa mga botante,
hinihiling din namin sa mga iginagalang
na kandidato: magdasal po kayo.
Magdasal po kayo
hindi lamang para manalo, kundi para iparamdam ng Panginoon sa ating lahat kung
sino ang kanyang pinipiling lider para sa kritikal na yugtong ito ng kasaysayan
ng ating bayan.
Para Magkaisa
Pagkatapos
ng eleksyon, kapag kayong mga nagwagi ay naproklama na alinsunod sa batas,
hinihingi namin sa inyo, sa ngalan ni Hesukristo, na maging instrumento kayo
ng kapayapaan, paghihilom at
pagkakabati.
Sana ang mga
mananalo ay magpakumbaba at kalimutan na ang mga masasakit na pananalita ng mga
naging katunggali, at sa halip ay akitin sila tungo sa pamahalaang nagkakaisa,
batay sa katotohanan at katarungan, at hindi sa sariling interes at
pamumulitika lamang.
Pinapaalalahanan
namin ang lahat ng magwawagi sa eleksiyon na sa kanilang panunumpa, sang-ayon
sa batas, sila ay tatawag sa Panginoon bilang kanilang saksi, at kahit hindi
nila sabihin, sila ay manunumpa sa harap ng mga taong anak ng Diyos. Lahat ng opisyal pampubliko ay manunumpa na
ipagtatanggol ang ating Saligang Batas at mabibigyan ng katarungan ang bawat
mamamayan.
Sa gayon,
ang mga karapatan ng mga anak ng Diyos na nakasulat sa Saligang Batas, at ang
pangangailangan ng katarungan, pagkakaisa, kaunlaran, at kapayapaan ang
magiging sandigan ng mga batas na ipagtitibay, hindi ano pa mang pansariling
katwiran, sumpong o paghihiganti.
Kung sino
man ang magwawagi sa malinis na paraan, kung sino man ang siryosong manunumpa
sa kanyang katungkulan, kung sino man ang magbubuklod-buklod ng bayan mula sa
pagkakahiwalay sanhi ng pulitika, kung sino man ang rerespeto sa karapatan ng
lahat, na tunay na may takot sa Diyos at masigasig na susunod sa kanyang mga
aral, ay makakatanggap ng suporta at tulong mula sa Catholic BishopsConference
of the Philippines. Gagawin namin ang lahat, kasama ang mga kaparian hanggang sa
mga pinakamalayong barangay na aming pinaglilingkuran, para sa isang gobyernong
may takot sa Diyos, hindi nag-iisip ng paghihiganti, bagkus ay pinaghaharian ng
pagpapatawad at malasakit sa lahat.
Panalangin
Tumatawag
ako sa Mahal na Ina na ilukob ang ating bansa sa ilalim ng kaniyang pagmamahal,
at hilingin sa kaniyang Anak na bigyan tayo ng isang makahulugan at mapayapang
halalan, at isang pamahalaan na magbibigkis sa mamamayan sa harap ng Panginoon
at sang-ayon sa Kanyang kalooban.
Panginoon,
paghilumin mo ang aming bayan. Panginoon, paghilumin mo ang aming bayan.
Mula sa
Catholic Bishops Conference of the Philippines, May 1, 2016
+Socrates B. Villegas
Archbishop of Lingayen, Dagupan
President, Catholic Bishops’
Conference of the Phils.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento