Ngayong Taon ng Awa o Jubilee Year of Mercy, ang bawat isa sa atin ay hinihikayat na maging mahabagin tulad ng Ama, "Merciful like the Father" katulad nga ng sinasaad ng tema ng Taon ng Yubileyong ito. Tinatawagan tayong maging maawain at maunawain sa ating kapwa sa halip na maging mapanghusga. Mas madali nga naman kasing mapuna ang mali ng iba kaysa ating sariling pagkakamali at dahil dito ay nagiging mapanghusga tayo tulad ng isinasaad ng kuwentong ito:
"May isang monghe ang nakakita sa kanyang 'abbot' o superior na hinalikan ng isang magandang babae. Nagulat siya at agad-agad ay nagalit sa kanyang abbot at tinawag itong hipokrito at hindi nagpapakita ng mabuting halimbawa sa kanila. Pagbalik sa monastero ay agad ipinagkalat sa kanyang mga kasama ang kanyang nakita. Lahat sila ay nagkasundong parusahan ang kanilang pinuno. Pagdating ay ikunulong ito at hindi pinakain at tinanggal sa pagiging abbot. Hinanap nila ang babae upang maparusahan din. Nang matagpuan nila ito ay tinanong nila: "Totoo bang hinalikan mo ang aming abbot?" "Opo!" sagot ng babae. "Totoo bang may relasyon ka sa kanya?" tanong naman ng monghe. "Opo. Meron po. S'ya po ang nakatatanda kong kapatid!" sagot ng dalaga. Kung minsan ay napakadali nating manghusga sa ating kapwa. Napakadali sa atin ang manuro ng kapwa sa tuwing sila ay nagkakamali upang malaman lamang natin sa huli na sa tuwing tayo ay nanunuro ay tatlong daliri ang nakaturo sa atin na nagsasabi na ikaw din ay nagkasala! May paliwanag ang mga Griyego dito sa kanilang "Mythtology". Tayong mga tao daw ay ipinanganak na may dalawang sakong nakasabit sa ating katawan. Isa sa harap na laman ang mga pagkakamali ng ating kapwa at isa sa likod na ang laman naman ay ang ating sariling mga pagkakamali. Kaya raw ang tao ay mapanghusga sapagkat nakikita niya lang ang pagkakamali ng iba na nasa kanyang harapan ngunit hindi niya makita na may mga pagkakamali pala siyang nakasabit sa kanyang likuran. Tayong mga tao nga naman! Bago pa lamang dalhin ng mga Pariseo kay Jesus ang babaeng nahuling nakiapid ay hinusgahan na nila si Jesus na kalaban ng kanilang "relihiyon". Nais nilang siluin siya upang may maiparatang sila sa kanya. Hinusgahan na rin nila ang babaeng nakiapid na makasalanan at dapat mamatay. Iwasan natin ang manghusga! Ito rin ang nais ni Jesus na baguhin natin sa ating mga sarili. Bago natin patawan ng paghuhusga ang iba ay tingnan muna natin ang ating mga sariling kakulangan at pagkakamali: "Sino man sa inyo na walang kasalanan ang siyang maunang bumato sa kanya." Wala ni isang naiwan sa mga humuhusga sa babae... lahat ay umalis. Ang Diyos natin ay Diyos na mahabagin at mapagpatawad... hindi Diyos na mapanghusga. "Hindi rin kita parurusahan. Humayo ka, at huwag ng magkasala!" Kung nagagawa tayong kahabagan ng Diyos sa kabila ng ating mga pagkakasala, tayo rin sana ay matutong magpakita ng habag sa iba at iwasan ang panghuhusga. "Who am I to judge?" ang sabi ng ating Santo Papang si Pope Francis. Lahat naman tayo ay makasalanan. Matuto tayong umunawa at magpakitang-awa. May mga taong "discrimated" na ang pakiramdam ay hiwalay sila iba at wala silang tinig sa lipunan. May mga taong mababa ang tingin sa kanilang sarili at tila baga na wala ng pagkakataon para magbago. May mga taong patuloy na natatapakan ang kanilang dangal at dignidad ng mga taong mapanghusga at mapagsamantala. Ang Simbahan ay para sa mga taong ito. Misyon ng Simbahan na tanggapin sila at itayo ang kanilang nalugmok na pagkatao. Ang Simbahan ay itinatag ni Jesus upang ipadama sa mga tao ang awa at pagmamahal ng Diyos. Kaya nga't tayong mga Kristiyano ay may misyon na tulad ng misyon ni Jesus. Magdalang-awa upang tayo'y kaawaan. Umunawa upang tayo rin ay unawain. Magmahal upang tayo rin ay mahalin. Ipakita natin na tayo ang mga kamay ni Kristo na laging handang tumanggap at umunawa.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento