Sabado, Hulyo 30, 2016

KASAKIMAN at HABAG: Reflection for 18th Sunday in Ordinary Time Year C - July 31, 2016 - JUBILEE YEAR OF MERCY

Ano kaya ang iyong magiging re-aksyon kapag sinabihan kang nanalo ka sa lotto ng 50 million pesos?  Marahil matutulala ka.  Marahil mapapatalon ka sa tuwa. Marahil mahihinatay ka. Marahil aatakihin ka sa puso!  Ito ang naging problema ng isang pamilya ng malaman nilang nanalo ang kanilang lolo ng 50 million pesos sa lotto.  Paano nila sasabihin sa kanya ang magandang balita sa kanilang lolo na hindi niya ikakamamatay sapagkat siya ay matanda na at may sakit sa puso.  Naisip nilang magpatulong sa kanilang kura-paroko sapagkat siya ay matalik na kaibigan ng kanilang lolo. Sinabi nila ang mahirap na sitwasyon at pumayag namana ang butihing pari.  Kaya't isang gabi ay bumisita ang pari sa kanilang bahay.  Nag-usap ang dalawang magkaibigan at ng makakuha ang pari ng tamang tiyempo ay tinanong niya ang matanda: "Lolo, kung sakali bang mananalo kayo ng 50 million sa lotto, ano ang gagawin ninyo?"  Walang pasubaling sumagot ang matanda: "Aba, padre dahil magkaibigan tayo ay ibibigay ko sa simbahan ang kalahati!" At biglang bumulagta ang pari, nangisay... inatake sa puso!  Ikaw nga naman ang magkaroon ng ganung kapalaran! Ngunit may mga taong hindi pabigla-bigla.  Magaling silang mag-isip.  Madiskarte sila.  Mautak.  Yun lang nga sila rin ay sakim. Makasarili.  Ito ang babala sa atin ni Jesus: "Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman; sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa laki ng kayamanan."  Hindi sinasabi ni Jesus na masama ang kayamanan.  Ang hindi niya rin sinasabing mali ang magpayaman.  Ang nais niyang ipaintindi sa atin ay ang dapat nating pinahahalagahan sa ating buhay.  Hindi ang mga bagay na materyal ang makapagbibigay sa atin ng tunay na kaligayahan.  Sa unang pagbasa sinabi ng mangangaral: "Walang kabuluhan, walang halaga ang lahat ng bagay!" Hindi niya sinasabing huwag na tayong maghangad ng mga bagay upang umunlad ang ating buhay! Kailangan nating magtrabaho para mabuhay. Kailangan nating mag-ipon ng kayamanan para sa ating seguridad. Ngunit ang ipinapaalala sa atin ay mag-ingat sa labis na paghahangad nito. Mag-ingat sa kasakiman! Sa ating Ebanghelyo ngayon ay sinasabihan tayo sa sasapitin ng taong nagtitipon ng kayamanan para lamang sa sarili ngunit dukha naman sa paningin ng Diyos! Muli ay ibinabalik tayo ni Jesus na suriin ang ating sarili at tingnan kung ano ba ang pinahahalagahan natin sa ating buhay. Marahil ay ipinanganak tayong may kaya. Marahil nagsikap tayo upang umunlad ang buhay natin.  Pasalamatan natin ang Diyos! Ngunit hindi sana natatapos doon. Tingnan din natin kung papaano natin magagamit ang mga ito sa tamang paraan upang mapaunlad ang ating kabuhayan at makatulong din sa mga taong nangangailangan. Tayo ay tagapag-alaga lamang ng mga bagay na bigay sa atin ng Diyos. Sa sandali ng ating kamatayan ay magsusulit tayo sa mga bagay na ipinagkatiwala niya sa atin. Nakakatakot na matawag niya rin tayong "Hangal!" sapagkat naging sakim tayo!  Ngayong Taon ng Awa ay ibahagi ang habag ng Diyos sa ating awa, unawa at gawa.  Ang paggawa ng mabuti ay pagpapakita ng habag ng Diyos para sa ating mga kapatid na nangangailangan.  Ito lamang ang paraan upang malabanan natin ang kasakiman sa mundo.

Sabado, Hulyo 23, 2016

AMANG MAHABAGIN : Reflection for 17th Sunday in Ordinary Time Year C - July 24, 2016 - JUBILEE YEAR OF MERCY

Sa linggong ito ay idaraos, ang World Youth Day sa Krakow, Poland na kung saan ay milyon-milyong kabataan ang magkakatipon upang ipahayag sa buong munmdo ang pagkakapatiran sa kabila ng iba't ibang lahi at kultura ng bansang kanilang pinanggalingan.  Iisang Diyos Ama ang nagbubuklod sa Kanyang mga anak.  Ano ba ang ibig sabihin na tayo ay pinagbubuklod ng iisang Ama?  Sa isang ospital, hindi mapalagay na nag-uusap apat na lalaki sa labas ng maternity ward. Biglang lumabas ang nurse at sinabi: "Mr. Reyes, kambal ang anak n'yo! Congrtulations!" Sagot si Mr. Reyes, "Wow! Ang galing naman! Dalawa ang anak ko! Parang lugar na pinagtratrabahuhan ko... Kapamilya ABS-CBN 2!" After five minutes, lumabas uli ang nurse: "Mr. dela Cruz! Congratulations po! Triplet ang anak n'yo!" Napasigaw si Mister: "Ha? It's a miracle! Sa Triple-V ako nagtratrabaho at tatlo ang anak ko! Amazing!"  Napanganga ang pangatlo sa magkakabigan ng lumabas muli ang nurse at sinabing:  Mr. De Leon, congratulation! Quadruplet ang anak mo! Apat na malulusog na lalaki!" "Sabi na nga ba eh, kaya ayaw ko ng magtrbaho sa PTV 4!  Napansin ng tatlo na namumutla ang pang-pat nilang kaibigan. "Pare anung nangyari at putlang-putla ka?" Sagot ng lalaki... "Mga pare, pano'ng di ako mamumutla... ang trabaho ko sa 168 Mall!" Talaga nga namang nakakatakot ang maging ama kung ganun karaming anak ang palalakihin mo. May trabahador kami sa Don Bosco Pampanga na may maraming anak at nang rumagasa ang baha at lahar ay litong-lito siya kung sino ang uunahin niyang iligtas! May isa pa nga akong kilala na sa dami ng kanyang anak ay napagpapalit na niya ang kanilang mga pangalan! Ngunit iba ang ating Diyos Ama! Kilala at mahal N'ya tayong lubos. Tayong lahat ay tinuring n'yang anak kahit na marami sa atin ay pariwara at walang utang na loob sa Kanyang ipinapakitang kagandahang loob sa atin. Kaya nga sa ating pagdarasal nais ni Jesus na tawagin natin Siya sa pangalang nararapat sa Kanya... "Ama namin..." Nararapat lang sapagkat ito ang unang biyayang tinanggap natin noong tayo ay biniyangan, naging "anak tayo ng Diyos!" At dahil dito ay nagkakaroon tayo ng karapatang tawagin siyang "Abba"...  Tatay... Papa... Daddy. Nais ni Jesus na tawagin natin ang ating Ama sa ganitong kataga lalong-lalo na sa ating pagdarasal. Nais Niyang kulitin natin ang ating "tatay" sa ating mga pangangailangan sapagkat hindi Niya mapaghihindian ang pngungulit ng kanyang mga anak tulad ng lalaking nanghihingi sa Ebanghelyo.  Bilang mapagmahal na Ama ay alam Niya ang ating mga pangangailangan bago pa natin ito hilingin sa Kanya. "Humingi ka at ikaw ay bibigyan. Humanap ka at ikaw ay makatatagpo.Huwag tayong panghinaan ng loob kung hindi natutugunan ang ating mga panalangin. Kung matagal man Niyang ibigay ang ating mga kahilingan ay marahil nais Niya tayong maging matiyaga sa paghingi. Kung hindi man Niya ibigay ito ay marahil may ibang plano Siya sa atin at ibang paraan ang Kanyang pagsagot. Ang Diyos ay laging sumasagot ngunit sa Kanyang sariling pamamaraan. At ngayong Taon ng Awa,  ang hamon sa atin ay maging mahabagin tulad ng ating Amang nasa langit. "Be merciful like the Father!"  Sa panalanging itinuro ni Jesus ay hinihingi nating patawarin ang ating mga kasalanan ngunit sa kundisyong kaya nating patawarin ang mga nagkakasala sa atin.  Walang lugar sa puso ng "anak ng Diyos" ang paghihiganti sa kadahilanang tayong lahat ay magkakapatid.  Ang mga karahasang nangyayari ngayon ay nagpapakita kung gaano pa kalayo ang ating pagkilala sa Diyos bilang "Ama". Walang kapatid na nais hangarin ang kamatayan ng kanyang kapatid.  Nakakabahala na marami ang sumasang-ayon sa mga nangyayaring patayan halos araw-araw sapagkat walang malaking pagtutol na lumalabas tungkol dito. Kung naniniwala tayo na may iisa tayong Diyos na tinatawag na "Ama",  dapat ay maniwala rin tayo na tayong lahat ay magkakapatid.  Ang Taon ng Awa ay magandang pagkakataon upang maipakita at maipadama natin ito sa ating kapwa. Hindi ito pagkunsinti sa mga taong masasama.  Sa halip ito ay makapatid na pagtutuwid sa mga taong nakagawa ng pagkakamali sa kanilang buhay.  Ang tema ng World Youth Day 2016 ay; "Blessed are the merciful for they shall obtain mercy!" (Mt. 5:7)  Sama-sama nating ibahagi ang habag ng Diyos sa ating awa, unawa, at gawa.  Sa ganitong paraan lamang natin matatawag ang Diyos na "AMA NAMIN!"

Sabado, Hulyo 16, 2016

PAKIKINIG, PAGTANGGAP AT PAGKAHABAG: Reflection for 16th Sunday in Ordinary Time Year C - July 19, 2016 - JUBILEE YEAR OF MERCY

Tayong mga Pilipino ay may isang natatangi at maipagmamalaking katangian.  Tayo raw ay mga taong naturally hospitable o likas na mainit tumanggap ng mga panauhin.  Sa katunayan, sa sobrang pagka-hospitable natin sa China ay ayaw na nilang iwanan ang mga isla sa West Philippine Sea! Hindi mo naman sigurong kinakailangang maging graduate ng UP para sabihing mas malapit ang Scarborugh Shoal sa Pilipinas kaysa China.  Common sense lang ang kailangan ika nga!  Kaya nga't dinadaan na lang tuloy ng ilan nating mga kababayan ang kanilang pagkadismaya sa mga hugpt lines: "Ang love life mo parang 9 dash line.. imbento!" "Mabuti pa ang West Phlippine Sea ipinaglaban..." "Para kang Scarborough... lulubog, lilitaw!"  Gayun pa man, dito man sa ating bayan o sa ibang bansa ay likas pa rin ang ating pagiging 'hospitable".  Personal ko itong naranasan noong ako ay nakasama sa World Youth Day na ginanap sa Canada.  Sa pagdating pa lamang namin doon at nalaman ng mga Pilipinong naninirahan sa Vancouver na may mga delegates na galing sa Pilipinas ay bumaha ng pagkain sa aming tinutuluyang parokya at parang may pistang naganap.  Noong ako naman ay naitalagang Assistant Parish Priest ng parokya ng Mayapa sa Laguna ay naranasan ko ang di mapapantayang hospitality ng mga taong taga-barrio. Kapag may pista sa isang barrio ay dapat mo ng ihanda ang iyong sarili sa buong araw na kainan.  May sampung bahay akong binasbasan noon at lahat ay nagpakain.  Nakakainis sapagkat bawal ang tumanggi sapagkat sasama ang kanilang loob at ang mas nakakagalit ay pare-pareho ang luto ng kanilang ulam!  Gayunpaman ay nakakatuwa ang kanilang "hospitality".   Hindi lang naman sa ating mga Pilipino ang ganitong katangian.  Ang mga Hudio ay mas higit pa nga kaysa sa atin.  Sa unang pagbasa ay narinig natin ang pagtanggap ni Abraham sa tatlong anghel na nag-anyong tao at bumisita sa kanya.  Ipinaghanda sila ni Abraham ng makakain at lugar na mapagpapahingahan at nagantimpalaan naman ang kabutihang ito sapagkat ibinigay ng Diyos sa kanya si Isaac bilang kanyang anak sa kabila ng katandaan nilang mag-asawa. Sa Ebanghelyo ay nakita rin natin ang mainit na pagtanggap kay Jesus ng magkapatid na Marta at Maria.  May pagkakabiba lang nga sa kanilang ginawang pagtanggap.  Si Marta, na mas nakatatandang kapatid, ay abalang-abala sa mga gawaing bahay samantalang si Maria ay piniling makinig sa tabi ni Jesus.  Sa kahuli-hulihan ay naging mas kalugod-lugod si Maria sa paningin ni Jesus sapagkat pinili niya ang higit na "mas mahalaga!"  Tayo rin ay tinatawagang tanggapin si Jesus sa ating buhay.  Sa pagtanggap na ito ay dapat marunong tayong makinig sapagkat ito ang pagtanggap na kinalulugdan ng Panginoon.  Ang karaniwang sakit nating mga Kristiyano ay KSP: Kulang Sa Pakikinig.  Kalimitan sa ating pagdarasal ay tayo lang ang nagsasalita.  Bakit di natin ang bigyan ng puwang ang tinig ng Diyos sa ating buhay?  Ang Diyos din ay nagsasalita sa ating kapwa kaya dapat ay marunong din tayong makinig sa kanila. Kailan ka huling nakinig sa payo ng iyong mga magulang?  Mga magulang, nabigyan n'yo na rin ng pagkakataong magsalita at pakinggan ang inyong anak?  Kailan ka nakinig sa pangangailangan ng iyong kapwa o mga taong salat sa pagkalinga at pagmamahal?  Ang tunay na pakikinig ay pagtanggap kay Jesus at ang pagtanggap sa Kanya ay nagbibigay ng kaligayahang walang hanggan. Ngayong Taon ng Awa, ipakita natin hindi lang ang ating "awa" kundi ang ating "habag" sa mga taong salat sa pagkalinga.  Ang habag ay dapat magdala sa atin sa pagkabagabag na kung saan ay mauuwi ang ating awa sa pagkaunawa at sa mabubuting gawa sa pagtulong sa kanila.  Ngunit ang lahat ng ito ay nagsisimula sa mabuting pakikinig. Pakikinig sa tinig ni Jesus na kumakausap sa atin sa bawat mukha ng mga taong naghihirap. Pakikinig sa tinig na bumubulong sa ating budhi na nagsasabing dapat tayong mabagabag sa ating kampanteng pamumuhay at lunasan natin ang mundong salat sa awa at habag ng Diyos!

Sabado, Hulyo 9, 2016

ANG AKING KAPWA: Reflection for 15th Sunday in Ordinary Time Year C - July 10, 2016 - JUBILEE YEAR OF MERCY

"At sino naman ang aking kapwa?" tanong ng isang eskriba kay Jesus.  Ito rin marahil ay katanungang napapanahon ngayon.  Halos araw-araw ay may nababalitang pinapatay.  Marami sa kanila ay sinasabing drug user o pusher.  Salot ng lipunan.  Walang pakinabang. Sanhi ng kriminalidad. Banta sa katahimikan at kaligtasan.  Kaya ang sabi ng iba ay nararapat lang na sila ay lipulin. Mabuti na mawala na lang sila. Ayos lang na sila ay mamatay!  Sigurado akong hindi ito ang "kapwa" na nais nating ituring.  Kung ganito ang ating pag-iiisip ay wala tayong pinagkaiba sa mga Hudyo noong panahon ni Jesus.  Mayroon din silang hindi maituring na kanilang "kapwa".  Sa simula pa lang ng kanilang kasaysayan ay itinuring na nilang kaaway ang mga Samaritano.  May malalim silang hidwaan na kahit ang pagtigil sa kanilang mga lupain ay iniiwasan nilang gawin.  Nang tinanong si Jesus ng eskriba kung "Sino ang kanyang kapwa?" ay isinalaysay ni Jesus ang talinhanga ng "Mabuting Samaritano".  Narinig na natin ang kuwentong ito. Kung paanong sinadyang iwasan ng mga hudyo ang kanilang kapwa hudyong nangangailangan ng tulong.  Tanging ang "kaaway" na Samaritano ang huminto at nagpakita ng awa sa taong dapat niyang iniwasan!  Hindi layunin ni Jesus na ipahiya ang eskriba.  Ang nais niya ay maunawaan nila na hindi mas mababang uri ang kanilang itinuturing na kaawaay at maari pa silang higitan sa kabutihan.  Kaya nga't ang sagot ni Jesus ay isa ring katanungan:  "Sino ang nagpakita ng pakikipagkapwa sa taong hinarang ng tulisan?" Hindi masagot ng eskriba si Jesus ng diresto sapagkat kaaway nila ang mga Samaritano. Kung minsan ay ganito rin ang ating pag-uugali. Hirap tayong magpakita ng pagmamahal sa ating mga itinuturing na kaaway.  Hirap tayong magpatawad sa mga taong nakagawa sa atin ng masama o nakapagbigay sa atin ng sama ng loob.  Hindi natin matanggap na sila rin ay ang ating "kapwa". Malinaw ang mensaheng nais paratingin ni Jesus sa atin: Ang ating kapwa ay ang mga taong nangangailangan ng awa, ng ating pang-unawa at higit sa lahat...ng gawang pagpapatawad.  Ang utos ng Panginoon na mahalin natin ang Diyos ng higit sa lahat at ang ating kapwa gaya ng pagmamahal sa ating sarili ay hindi lamang utos na nakalimbag sa Bibliya o sa ating Katesismo. Ito ay nakalimbag hindi sa papel kundi sa ating mga puso. Ibig sabihin ay napakalapit sa atin sapagkat ito ay nasa ating kalooban, kabahagi ng ating pagiging tao at nang ating pagiging anak ng Diyos.  Ang mga drug users at mga drug pushers ay mga kapwa din natin na dapat ituring.  Marami na sa kanila ang sumuko. Baka nga ang iba diyan ay mga kamag-anak natin, kaibigan o kakilala natin.  Handa ba natin silang tanggapin bilang ating "kapwa?"  O baka naman sa kanilang pag-amin ay lalo lang nilang maramdaman na sila ay hiwalay at hindi na katanggap-tanggap sa ating lipunan?  Sa taong ito ng Awa o Jubilee Year of Mercy, ang hamon sa atin ay ipakita ang AWA, PANG-UNAWA, AT GAWA ng Diyos lalo na sa ating mga kapwang nangangailangan ng pagkalinga.  Hindi solusyon na sila ay patayin o lipulin sa mundong ibabaw.  Tugunan natin ng kabutihan ang kasamaan. Palitan natin ng kapayapaan ang karahasan.  Pairalin natin ang kultura ng buhay at hindi ng kamatayan!

Sabado, Hulyo 2, 2016

CHANGE IS COMING! : Reflection for 14th Sunday in Ordinary Time Year C - July 3, 2016 - JUBILEE YEAR OF MERCY

Isang matandang lalaki ang panay ang paninisi sa Diyos kapag may nakita siyang kahirapan sa mundo. "Panginoon, nakita ko telebisyon ang mga nabiktima ng kalamidad, ang maraming taong namamatay sa gutom.  Bakit wala kang ginagawa para sa kanila?"  Katahimikan lang ang tinanggap niyang kasagutan.  "Panginoon, maraming bata akong nakita na palaboy-laboy lamang sa lansangan at lulon sa droga at mga ipinagbabawal na gamot.  Bakit wala kang ginagawa para sa kanila?" Katahimikan uli ang tugon ng Diyos.  Sa panghuli, nakakita siya ng matandang namamalimos sa labas ng simbahan.  Nabagbag ang kanyang kalooban at muling tinanong ang Diyos: "Panginoon, ano ang ginagawa mo para sa pulubing ito? Ba't di ka sumagot?"  Nang biglang binasag ang katahimikan ng isang tinig na mula sa langit.  "Anak, may ginawa ako. Ginawa kita. Ikaw... may nagawa ka na ba para sa kanila?"  At isang nakakabinging katahimikan ang sumunod.  "Change is coming..." ang sabi ng isang sikat na katagang patuloy nating naririnig ngayon mula pa ng magsimula ang pangangampanya sa eleksiyon.  Ngunit ang tanong ay "Paano at sino ang gagawa nito?"  Ang akala ng marami sa atin ay manggaling ito sa mga taong inihalal natin.  Kaya't marami sa atin ang umaasa na nasa kamay ng mga taong ito ang pagbabagong ating hinahangad.  Ngunit sa kalaunan ay mauunawan natin na ang tunay na pagbabago pala ay hindi nakasalalay sa iba kundi sa atin ding mga sarili.  Dapat ay may gagawin ako! Sa Ebanghelyo ay narinig natin ang gawain ng pagtatatag ng kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng pagsusugo sa pitumpu't dalawang mga alagad.  "Humayo kayo! Sinusugo ko kayong parang mga kordero sa gitna ng mga asong-gubat."  Bagama't ito ay direktang iniatas ni Jesus sa ilang mga piling alagad, tayong lahat din ay tinatawagan Niya upang makibahagi sa kanyang misyon ng pagtatatag ng Kanyang kaharian dito sa lupa.  Sapagkat “Sagana ang aanihin, ngunit kakaunti ang mga manggagawa" kung kaya't tayong lahat ay pinatutulong ng Panginoon sa kanyang misyon.  Ang Sakramento ng Binyag ang unang nagsugo sa atin sa gawaing ito at patuloy itong ipinapaalala sa atin sa katapusan ng Misa: "Humayo kayo..."  Hindi ito nangangahulugan ng pagpapaalis kundi ng pagsusugo sa atin bilang mga alagad ni Jesus.  Kaya nga't tulong-tulong tayo sa pagpapairal ng isang mapayapa, maayos at maginhawang mundo.  Hindi lang natin iaasa sa iilan ang pagpapairal nito. Hindi lang ang mga nahalal na pinuno ang dapat magtrabaho. Ang minimithi nating pagbabago ay hindi mangyayari kung hindi tayo kikilos at makikiisa. Katulad ng mga pananalitang binitiwan ng ating pangalawang pangulo sa kanyang inaugural speech:   "Ang tanging paraan para matupad ang hangaring ito para sa ating bansa ay ang sama-samang pagkilos. Naniniwala ako na sa panahong tila may mga matitinding hidwaan na nangyayari sa mundong kinagagalawan natin, ang hamon sa atin ay magsama-sama, paigtingin ang ating pagkakaisa, at gawing lakas, hindi hadlang, ang ating pagkakaiba."