Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Hulyo 9, 2016
ANG AKING KAPWA: Reflection for 15th Sunday in Ordinary Time Year C - July 10, 2016 - JUBILEE YEAR OF MERCY
"At sino naman ang aking kapwa?" tanong ng isang eskriba kay Jesus. Ito rin marahil ay katanungang napapanahon ngayon. Halos araw-araw ay may nababalitang pinapatay. Marami sa kanila ay sinasabing drug user o pusher. Salot ng lipunan. Walang pakinabang. Sanhi ng kriminalidad. Banta sa katahimikan at kaligtasan. Kaya ang sabi ng iba ay nararapat lang na sila ay lipulin. Mabuti na mawala na lang sila. Ayos lang na sila ay mamatay! Sigurado akong hindi ito ang "kapwa" na nais nating ituring. Kung ganito ang ating pag-iiisip ay wala tayong pinagkaiba sa mga Hudyo noong panahon ni Jesus. Mayroon din silang hindi maituring na kanilang "kapwa". Sa simula pa lang ng kanilang kasaysayan ay itinuring na nilang kaaway ang mga Samaritano. May malalim silang hidwaan na kahit ang pagtigil sa kanilang mga lupain ay iniiwasan nilang gawin. Nang tinanong si Jesus ng eskriba kung "Sino ang kanyang kapwa?" ay isinalaysay ni Jesus ang talinhanga ng "Mabuting Samaritano". Narinig na natin ang kuwentong ito. Kung paanong sinadyang iwasan ng mga hudyo ang kanilang kapwa hudyong nangangailangan ng tulong. Tanging ang "kaaway" na Samaritano ang huminto at nagpakita ng awa sa taong dapat niyang iniwasan! Hindi layunin ni Jesus na ipahiya ang eskriba. Ang nais niya ay maunawaan nila na hindi mas mababang uri ang kanilang itinuturing na kaawaay at maari pa silang higitan sa kabutihan. Kaya nga't ang sagot ni Jesus ay isa ring katanungan: "Sino ang nagpakita ng pakikipagkapwa sa taong hinarang ng tulisan?" Hindi masagot ng eskriba si Jesus ng diresto sapagkat kaaway nila ang mga Samaritano. Kung minsan ay ganito rin ang ating pag-uugali. Hirap tayong magpakita ng pagmamahal sa ating mga itinuturing na kaaway. Hirap tayong magpatawad sa mga taong nakagawa sa atin ng masama o nakapagbigay sa atin ng sama ng loob. Hindi natin matanggap na sila rin ay ang ating "kapwa". Malinaw ang mensaheng nais paratingin ni Jesus sa atin: Ang ating kapwa ay ang mga taong nangangailangan ng awa, ng ating pang-unawa at higit sa lahat...ng gawang pagpapatawad. Ang utos ng Panginoon na mahalin natin ang Diyos ng higit sa lahat at ang ating kapwa gaya ng pagmamahal sa ating sarili ay hindi lamang utos na nakalimbag sa Bibliya o sa ating Katesismo. Ito ay nakalimbag hindi sa papel kundi sa ating mga puso. Ibig sabihin ay napakalapit sa atin sapagkat ito ay nasa ating kalooban, kabahagi ng ating pagiging tao at nang ating pagiging anak ng Diyos. Ang mga drug users at mga drug pushers ay mga kapwa din natin na dapat ituring. Marami na sa kanila ang sumuko. Baka nga ang iba diyan ay mga kamag-anak natin, kaibigan o kakilala natin. Handa ba natin silang tanggapin bilang ating "kapwa?" O baka naman sa kanilang pag-amin ay lalo lang nilang maramdaman na sila ay hiwalay at hindi na katanggap-tanggap sa ating lipunan? Sa taong ito ng Awa o Jubilee Year of Mercy, ang hamon sa atin ay ipakita ang AWA, PANG-UNAWA, AT GAWA ng Diyos lalo na sa ating mga kapwang nangangailangan ng pagkalinga. Hindi solusyon na sila ay patayin o lipulin sa mundong ibabaw. Tugunan natin ng kabutihan ang kasamaan. Palitan natin ng kapayapaan ang karahasan. Pairalin natin ang kultura ng buhay at hindi ng kamatayan!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento