Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Hulyo 2, 2016
CHANGE IS COMING! : Reflection for 14th Sunday in Ordinary Time Year C - July 3, 2016 - JUBILEE YEAR OF MERCY
Isang matandang lalaki ang panay ang paninisi sa Diyos kapag may nakita siyang kahirapan sa mundo. "Panginoon, nakita ko telebisyon ang mga nabiktima ng kalamidad, ang maraming taong namamatay sa gutom. Bakit wala kang ginagawa para sa kanila?" Katahimikan lang ang tinanggap niyang kasagutan. "Panginoon, maraming bata akong nakita na palaboy-laboy lamang sa lansangan at lulon sa droga at mga ipinagbabawal na gamot. Bakit wala kang ginagawa para sa kanila?" Katahimikan uli ang tugon ng Diyos. Sa panghuli, nakakita siya ng matandang namamalimos sa labas ng simbahan. Nabagbag ang kanyang kalooban at muling tinanong ang Diyos: "Panginoon, ano ang ginagawa mo para sa pulubing ito? Ba't di ka sumagot?" Nang biglang binasag ang katahimikan ng isang tinig na mula sa langit. "Anak, may ginawa ako. Ginawa kita. Ikaw... may nagawa ka na ba para sa kanila?" At isang nakakabinging katahimikan ang sumunod. "Change is coming..." ang sabi ng isang sikat na katagang patuloy nating naririnig ngayon mula pa ng magsimula ang pangangampanya sa eleksiyon. Ngunit ang tanong ay "Paano at sino ang gagawa nito?" Ang akala ng marami sa atin ay manggaling ito sa mga taong inihalal natin. Kaya't marami sa atin ang umaasa na nasa kamay ng mga taong ito ang pagbabagong ating hinahangad. Ngunit sa kalaunan ay mauunawan natin na ang tunay na pagbabago pala ay hindi nakasalalay sa iba kundi sa atin ding mga sarili. Dapat ay may gagawin ako! Sa Ebanghelyo ay narinig natin ang gawain ng pagtatatag ng kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng pagsusugo sa pitumpu't dalawang mga alagad. "Humayo kayo! Sinusugo ko
kayong parang mga kordero sa
gitna ng mga asong-gubat." Bagama't ito ay direktang iniatas ni Jesus sa ilang mga piling alagad, tayong lahat din ay tinatawagan Niya upang makibahagi sa kanyang misyon ng pagtatatag ng Kanyang kaharian dito sa lupa. Sapagkat “Sagana ang aanihin,
ngunit kakaunti ang mga manggagawa" kung kaya't tayong lahat ay pinatutulong ng Panginoon sa kanyang misyon. Ang Sakramento ng Binyag ang unang nagsugo sa atin sa gawaing ito at patuloy itong ipinapaalala sa atin sa katapusan ng Misa: "Humayo kayo..." Hindi ito nangangahulugan ng pagpapaalis kundi ng pagsusugo sa atin bilang mga alagad ni Jesus. Kaya nga't tulong-tulong tayo sa pagpapairal ng isang mapayapa, maayos at maginhawang mundo. Hindi lang natin iaasa sa iilan ang pagpapairal nito. Hindi lang ang mga nahalal na pinuno ang dapat magtrabaho. Ang minimithi nating pagbabago ay hindi mangyayari kung hindi tayo kikilos at makikiisa. Katulad ng mga pananalitang binitiwan ng ating pangalawang pangulo sa kanyang inaugural speech: "Ang tanging paraan para matupad ang hangaring ito para sa ating bansa ay ang sama-samang pagkilos. Naniniwala ako na sa panahong tila may mga matitinding hidwaan na nangyayari sa mundong kinagagalawan natin, ang hamon sa atin ay magsama-sama, paigtingin ang ating pagkakaisa, at gawing lakas, hindi hadlang, ang ating pagkakaiba."
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento