Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Hunyo 25, 2016
MATA SA MATA, NGIPIN SA NGIPIN : Reflection for 13th Sunday in Ordinary Time Year C - June 26, 2016 - JUBILEE YEAR OF MERCY
"Huwag kang papatay!" Ito ang sinasabi ng ika-limang na utos. Hindi kinakailangang maging Kristiyano upang malaman nating MALI ang pumatay. Ang ating budhi mismo, anuman ang relihiyong kinabibilangan mo, ay parating bumubulong sa ating igalang ang buhay ng ating kapwa. Nitong nakaraang mga araw, nagpalabas ng pangamba ang Simbahan sa mga sunod-sunod na pagpatay sa mga tinatawag nating "anay ng lipunan." Totoo, galit tayo sa mga kriminal, sa mga rapist, sa mga nagtutulak at gumagamit ng droga. Gusto natin nang isang ligtas at tahimik na lipunan para sa ating mga anak at susunod na henerasyon. Ngunit dapat bang pumatay para makamit ito? Ito na lamang ba ang nalalabing solusyon para mabago ang sinasabi nating magulong mundo? Tama bang gumamit ng dahas upang makamit ang kaayusan at kapayapaan? Si Don Bosco ay may isang natatanging panaginip noong siya ay siyam na taong gulang. Nakita niya ang kanyang sarili sa gitna ng maraming kabataang nagmumura, nag-aaway at magugulo. Pinilit niyang pangaralan sila ngunit lalo lang gumulo ang sitwasyon. Sa huli ginamit niya ang laki ng kanyang pangangatawan at ginamitan ng dahas ang mga batang iyon. Isang taong nagnininingning sa kaputian ang lumabas at nagsalita sa kanya: "Hindi sa pamamagitan ng dahas, kundi sa pagiging mabuti ay mababago mo angmga kabataang 'yan!" Sa Ebanghelyo ngayon, narinig natin ang alagad na sina Santiago at Juan na ipinamanhik kay Jesus na puksain na ang mga Samaritano dahil sa hindi pagtanggap sa kanila dahil "patungo sila ng Jerusalem", ibig sabihin dahil sa sila ay mga Hudyo. (Ang mga Hudyo ay mortal na kalaban ng mga Samaritano.) Pinagsabihan sila ni Jesus. Hindi siya sang-ayon na pairalin ang dahas upang sila ay makaganti. May kasabihang, "Mata sa mata. Ngipin sa ngipin!" Ibig sabihin ibalik mo ang kasamaang ginawa sa iyo ng isang tao bilang paghihiganti. Ngunit may magandang sinabi si Mahatma Gandhi tungkol dito. "An eye for an eye will make the world blind!" At kung ako naman magdurugtong, ang "ngipin sa ngipin" ay magluluwal sa isang mundo ng mga taong bungal at bungi! Hindi sagot ang pagpatay upang matigil ang kasamaan sa mundo. At lalo ring hindi sagot ang pagpatay upang gumanti sa ngalan ng katarungan! Marahil mahirap itong tanggapin ng mga naging biktima ng karahasan. Ang "death penalty" kung titingnan natin ay hindi naman talaga isinusulong upang mahinto ang krimen kundi upang makaganti. MALI ang ganitong pag-iisip. Wala itong patutunguhan sapagkat magpapatuloy lamang ang ganitong masamang pamamaraan, ang pagpatay at paikot-ikot lamang itong magdudulot ng karahasan. Ang tawag natin dito ay "cycle of violence". Kaya nga sa mga sibilisadong bansa ay tinatanggal na ang "death penalty". Dito naman sa atin ay pilit itong ibinabalik. Binabalik hindi upang ihinto ang krimen. Binabalik upang makapaghiganti. Nakakalungkot na kinakailangan nating kumitil ng buhay upang maging mapayapa ang ating kalooban. Ano ang alternatibong maaring gawin ng isang Kristiyano sa harap ng ganitong krisis? Ano ang Kristiyanong sagot sa "kultura ng kamatayan" na pilit na ipinapasok sa ating mundo? Ang sagot natin: KABUTIHAN. Ito ang sinabi ni Jesus kay Don Bosco sa kanyang panaginip: "Hindi sa pamamgitan ng dahas kundi ng kabutihan, mababago mo ang batang ito..." Ito rin ang sinasabi sa atin ng Panginoon. Suklian mo ng kabutihan ang kasamaang ibinibigay sa iyo ng mundo. Kung nais nating magkaroon ng tunay na pagbabago ay magtatag tayo ng sibilisasyon ng buhay at pag-ibig. Hindi nito isinasantabi ang pagbibigay at pagpapairal ng katarungan. Ang nakagawa ng mali ay dapat managot sa batas! Ngunit hindi kinakailangang pairalin ang kultura ng paghihiganti upang makamit ito. Ngayong "Taon ng Awa" ay pagnilayan natin ang mga pahayag ni Pope Francis sa isinagawang 6th World Congress Against Death Penalty sa France noong June 21, 2016: “It (death penalty) does not render justice to victims, but instead fosters vengeance. The commandment ‘Thou shalt not kill’ has absolute value and applies both to the innocent and to the guilty,” (Pope Francis)
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento