Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Hunyo 4, 2016
ANG MABUHAY NA BUHAY! : Reflection for 10th Sunday in Ordinary Time Year C - June 5, 2016 - JUBILEE YEAR OF MERCY & YEAR OF THE EUCHARIST AND FAMILY
Nagkaroon ako ng pagkakataon upang makapagpilgrimage tour sa bansang Italia nitong nakaraang dalawang linggo lamang. Marami kaming napuntahang lugar tulad ng mga naglalakihan at naggagandahang simbahan na pinag-ugatan ng ating pananampalataya. Ngunit isa sa mga lugar na pinuntahan namin na hindi ko makakalimutan ay ang "catacombs". Ito ay mga libingan at lugar na pinagtitipunan ng mga unang Kristiyano noong panahon ng pag-uusig. Dito sila nagdaraos ng sama-samang panalangin ng patago upang hindi sila mahuli ng mga Romano. Tunay ngang "Underground Church" silang maituturing sapagkat literal silang nagtitipon sa ilalim ng lupa! Dahil dito ay napangalagaan. lumakas at lumago ang ating pananampalataya. Sa aking pagninilay, habang idinaraos namin ang Santa Misa sa isa sa mga kuweba ng catacombs, ay napagtanto ko na higit pa sa libingan ang mga catacombs. Ito ay ang mga "saksi sa pananampalataya ng mga unang Kristiyano sa Diyos na buhay!" Ito ang nagbigay sa kanila ng pag-asa na manatiling matatag at umasa sa pagliligtas ng Diyos sa kabila ng kahirapan at kamatayan na kasalukuyan nilang nararanasan. Ang mga catacombs ay saksi na ang ating Diyos ay "Diyos ng mga buhay at hindi ng mga patay!" Ito ang pinahihiwatig ng ating mga pagbasa ngayon. Ang unang pagbasa ay tungkol sa ginawang pagbuhay ni Propeta Elias sa anak ng isang babaeng balo. Ang Ebanghelyo naman ay ang pagbuhay ni Jesus sa anak na binata ng isang babaeng taga Nain. Nais ng Diyos na tayo ay "mabuhay na buhay!" Lalo na sa ating panahon ngayon na unti-unting binabalot ang mundo ng "kultura ng kamatayan" ay ninanais ng Diyos na mapagtagumpayan natin ang kamatayang dulot ng pagkawala ng tinatawag natin sa ingles na "sense of sin". Sapagkat aminin natin na kung minsan o marahil kalimitan ay nagkakakalyo na ang ating budhi sa mga gawaing masama at hindi na natin nakikita na ito pala ay kasalanan at nilalabag na natin ang kalooban ng Diyos. Para sa iba ay karaniwan na lamang ang pagmumura, pagsisinungaling, pagnanakaw... pagpatay! Kaya nga ang hamon sa atin ay gisingin natin ang ating natutulog na budhi at muli nating makita na hindi nagiging tama ang isang bagay na mali sapagkat ginagawa ito ng nakararami. Ang pagtuturo sa ating konsiyensiya upang manatiling matuwid ay dapat marahil nating pinaiiral. Ang pagsunod sa samung utos ng Diyos ay nananatili pa ring praktikal na sukatan kung tunay ngang nabubuhay tayo sa kalooban ng Panginoon. Ito ang magbibigay sa atin ng kaganapan ng buhay at ito rin ang nais ng Diyos na makamit natin. Ang "mabuhay na buhay" ay pagtawag ng Diyos sa ating lahat. Sapagkat kung tayo ay nabubuhay na matuwid ang Diyos ay patuloy nating pinapupurihan. "The glory of God is man fully alive!" (San Ireneo)
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento