Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Hunyo 11, 2016
KAPATAWARAN AT KALAYAAN: Reflection for 11th Sunday in Ordinary Time Year C - June 12, 2016 - JUBILEE YEAR OF MERCY
Ngayon ang araw ng ating kasarinlan na tinatawag din nating "Araw ng Kalayaan". Isa marahil sa mithiin ng isang tao ay ang maging malaya! May kuwento ng isang paring nagdiwang ng misa para sa isang mag-asawang nagdiriwang ng kanilang "Golden Wedding Anniversary". Napansin ng pari na habang dinaraos ang misa ay walang sandaling hindi naluluha ang matandang lalaki kaya't pagkatapos ng misa ay kinausap niya ito at binati. "Lolo, napansin ko na halos buong misa ay naluluha kayo. Siguro 'yan ay luha ng kagalakan dahil umabot ng limampung taon ang inyong pagsasama!" Sumagot ang matanda, "Naku Padre, hindi luha ng kagalakan yun kundi luha ng panghihinayang. Kasi habang nagmimisa ay naalala ko yung araw bago ko siya pakasalan. Tinakot ako ng tatay ng asawa ko at ang sabi ba naman: 'Pakasalan mo ang anak ko! Kung hindi ay ipakukulong kit ng limampung taon!' Padre, sana pala sinuway ko s'ya at MALAYA na ako ngayon!" Lahat tayo ay nagnanais na maging malaya. Ayaw natin ng pagkakaalipin. Kahit sa ating buhay espirituwal, nais nating mapalaya sa mga masasamang hilig, sa masasamang gawain, sa masamang pamumuhay. Kaya nga kahit sa ating pagpapahayag ng pananampalataya ay isinasama natin ang katotohanang ito: "Sumasampalataya ako... sa kapatawaran ng mga kasalanan!" Ano ba ang ibig sabihin nito? Kailan ba ito nangyayari? Nagkakaroon ng kapatawaran ng kasalanan kung nagtatagpo ang dalawang ito: ang pagtubos ni Jesus at ang pagsisisi natin. Nangyari na ang pagtubos ni Jesus nang ialay niya ang kanyang buhay sa krus. Ngunit ang pag-aalay na ito ay mawawalang saysay kung tayong mga taong pinag-alayan nito ay hindi magsisisi sa ating mga kasalanan. Ang pagsisisi ay ang pagbabalik ng ating pagmamahal sa Diyos na tinalikdan natin o binalewala natin noong tayo ay nagkasala. Sa Ebanghelyo ay nakita natin ang laki ng pagmamahal ng babaeng makasalanan at kung papaano niya ito ipinadama kay Jesus. Sa kabila ng pangungutya ng mga tao ay lumapit pa rin siya kay Jesus. Binuhusan nya ng mamahaling pabango ang paa ni Jesus, walang tigil na hinalikan ito habang pinahpahiran ng kanyang buhok. Kahit nililibak na siya at marahil ay nialayuan ng iba, patuloy pa rin ang kanyang pag-ibig at pagpapakita ng pagsisisi. Kaya nga't nasabi ni Jesus na "Pinatawad na ang iyong mga kasalanan." Ngayong "Taon ng Awa" nawa ay maipahayag din natin sa Panginoon ang laki ng ating pagmamahal sa kanya sa pamamagitan ng pagsisisi sa ating mga kasalanan. Kung minsan may mga pilosopong kritiyano na nagsasabing, wala naman akong dapat ikumpisal sapagkat hindi naman ako nakagagawa ng malalaking kasalanan. Marahil totoo ngang hindi tayo nakagagawa ng malalaking kasalanan ngunit dapat din tayong maging maingat sapagkat kahit ang mga maliiit na kasalanan, kung ito ay ating hinahayaan at hindi pinagsisisihan, ay maaring magdala sa atin sa pagkaalipin sa masasamang pag-uugali at dahil dito ay ikapapahamak din ng ating kaluluwa. Ang Sakramento ng Kumpisal ay nagsisilbi pa rin sa atin bilang tanda na may maawain at mapagpatawad na Diyos na laging handang tumanggap sa ating pagbabalik-loob. Magpakumbaba tayo tulad ng babaeng makasalanan at "tangisan" natin ang ating mga kasalanan ng buong pagmamahal. Ang kapatawarang nagmumula kay Jesus ang tanging makapagpapalaya sa atin sa pagkakaalipin sa kasalanan. Napakasarap marinig kay Jesus ang mga pananalitang... “Ipinatawad na
ang iyong mga kasalanan... Iniligtas ka ng iyong pananalig;
yumaon ka na’t ipanatag mo ang
iyong kalooban.”
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento