Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Agosto 27, 2016
KAYABANGAN AT KAPAKUMBABAAN: Reflection for 22nd Sunday in Ordinary Time Year C - August 28, 2016 - JUBILEE YEAR OF MERCY
Ano ba ang napapala ng pagiging mayabang? Kung minsan may mga taong sadyang isinilang upang manghamak ng iba. Masaya ang kanilang pakiramdam kapag nakalamang sila sa ibang tao. Kapag may nanlalait sa kanila ang kanilang sagot ay: "Pak Ganern!" Kasi nga ayaw na ayaw nilang malalamangan sila sa lahat ng bagay. Isang turistang hapon ang umarkila ng taxi at nagpalibot sa Metro Manila. Dinala siya ng driver sa gawing Shaw Boulevard at idinaan sa Shangrila. "This building is big! How long did you build this buidling?" "More or less one year!" Sabi ng driver. "One year? Too slow! In Japan, 6 months... very, very fast!" Payabang na sagot ng hapon." Dumaan naman sila sa Mega Mall at sabat uli ng hapon: : "Ah... this building is very big! How long did you take to build it?" "5 months!" sabi ng tsuper. "5 months??? very slow! In Japan, only 3 months... very, very fast!" Payabang na sabi ng hapon. Medyo napikon na ang driver kaya idiniretso niya sa Pasay... sa Mall of Asia. "Wow! This building is very, very big! How long did you build it?" Payabang na sagot ng driver: "Only 2 months!" Sigaw ang hapon: "2 months??? Very slow... in Japan only 1 month... very, very fast!" Napahiya na naman ang Pilipino. Natapos din ang paglilibot at ng bayaran na ay sinabi ng driver. "Ok Mr. Japanese, pay me 10 thousand pesos!" Sagot ang hapon: "10 thousand? Very expensive!" Sagot ang driver: "Look sir... my taxi meter... made in Japan... very, very fast!" hehehe... nakaganti rin! Nakakaasar ang mga taong mayayabang! Ang sarap nilang yakapin... yakapin ng mahigpit hanggang sila ay mamatay! hehehe. Marahil, isang katangian na dapat nating matutunan bilang mga Kristiyano ay ang "kababaang-loob." Malinaw ang tagubilin ni Sirac: “Anak ko, maging mapagpakumbaba
ka sa pagtupad ng tungkulin,
at mamahalin ka ng mga malapit sa
Diyos. Habang ikaw’y dumadakila,
lalo ka namang magpakumbaba; sa
gayo’y kalulugdan ka ng Panginoon. " Sa ebanghelyo ay malinaw na sinabi ng Panginoon na ang "nagpapakataas ay ibababa at ang nagpapakababa ay itataas." Ang kababaang-loob ang nagsasabi sa ating ang lahat ng ating kakayahan ay galing sa pagpapala ng Diyos kaya wala tayong maipagmamalaki. Hindi ito ganang atin kaya hindi dapat natin ipagkait sa ating kapwa. Ang kadakilaan sa mata ng mundo ay hindi kailanman tugma sa pagtingin ng isang Kristiyano. Hindi kung anung meron tayo ang siyang nagpapadakila sa atin. Ang tunay na kadakilaan ay nasusukat sa kababang-loob... sa paglilingkod. Tanging ang mga taong mapagkumbaba ang maaring maging mapagbigay! Ngayong Taon ng Awa, napakahalaga ang pagsasabuhay ng kababang-loob kung nais nating maibahagi ang habag ng Diyos sa ating awa, unawa at gawa! Mahirap ng magbahagi ng habag ng Diyos kung pinangungunahan tayo ng pagmamataas at pagkamakasarili. Tanggalin muna ang kayabangan at pairalin ang kapakumbabaan! Limutin ang ating sarili upang makita natin ang ating pagiging aba sa harapan ng iba at ang pangangailangang tumulong sa ating kapwang nangangailangan. Hinihikayat tayong magpakita ng "corporal works of mercy" ngayong Taon ng Awa ngunit imposible itong maisakatuparan kung wala tayong pagpapakumbaba sa ating mga sarili.
Sabado, Agosto 20, 2016
ANG MAKIPOT NA PINTUAN: Reflection for 21st Sunday in Ordinary Time Year C - August 21, 2016 - JUBILEE YEAR OF MERCY
Sa impyerno ay may bagong salta, at pinapipili siya ng pinto ng kaparusahan. Unang pinto: binuksan ng katiwala at nakita niyang ang mga tao, nakabitin ng patiwarik habang inilulubog sa dagat ng apoy. Bagong salta: "ayaw ko jan… ayaw ko jan!" Ikalawang pinto: binuksan ng katiwala at nakita niyang ang mga tao ay nakatali habang hinahampas ng nagbabagang latigo! Bagong salta: "ayaw ko jan ... ayawko jan!" Ikatlong pinto: nakarinig ang bagong salta ng mga nagkakantahan “wag kang aalon… wag kang aalon….wag kang aalon”… Bagong salta: "uuuuyy…gusto ko dito…mukhang masaya nagkakantahan pa sila!" Ikatlong pinto-katiwala: "sigurado ka ba sa desisyon mo?" Bagong salta: "oo naman… sigurado! Alam ko na nga yung kinakanta nila eh…wag kang aalon…wag kang aalon…" Ikatlong pinto- katiwala: "okay sabi mo eh ….binuksan ang pinto… Hinimatay ang bagong salta. Kaya pala nagkakantahan ang mga tao ng …"wag kang aalon…wag kang aalon…" dahil ang mga tao ay nakalubog sa tae hanggang leeg! hehehe... Sabi nga nila, ang kabilang-buhay daw ay punong-puno ng surpresa! Sa katunayan ay dalawa lang naman ang ating pupuntahan sa buhay sa kabila: langit o impiyerno. Ang huli ay pintuang madaling pasukin, walang kahirap-hirap, masaya, may kantahan pa nga! Ang una ay mahirap pasukin. Sa katunayan ay kakaunti ang dumadaan dito sapagkat makipot, mahirap at maraming sakripisyo ang dapat gawin. Ngunit ang sabi nga ng Panginoon, ay isa lang naman ang daan papasok sa langit... ang makipot na pintuan! Kaya nga kung ang hanap natin sa pagiging Kristiyano ay "good time" at "pa-easy-easy" lang sa ating pagiging Kristiyano ay nagkakamali tayo... Hindi puwedeng maligamgam tayo sa harapan ng Diyos. Sala sa init... sala sa lamig! Ang pagiging Kristiyano ay isa lang ang hinihingi... ang maging katulad ni Kristo! Ang makipot na pintuan ay dinaraanan natin araw-araw. Laging bukas... nag-aanyaya ngunit dahil nga sa makipot ay marami sa atin ang ayaw daanan. Mahirap magpatawad. Mahirap maging tapat sa pamilya. Mahirap umunawa. Mahirap magbigay. Mahirap magpakatao. Mas madali ang sumuway sa utos ng Diyos. Mas madali ang magnakaw. Mas madali ang mandaya. Mas madali ang magsinunaling. Mas madali ang mangaliwa kaysa maging tapat sa asawa. Mas madali ang gumawa ng kasalanan kaysa kabutihan. Mas masarap ang alok ng pintuang maluwag. Walang hirap. Walang pasakit. Ngunit alam din natin ang patutunguhan ng pintuang maluwag... walang hanggang kapahamakan! Maging matalinong Kristiyano tayo. Ngayong Taon ng Awa ay palakasin natin ang ating paniniwala na may Diyos ng Habag na patuloy na nagpapakita sa atin ng malasakit at pang-unawa. Alam niya ang pagnanais nating makapasok sa pintuan ng langit at batid niya ang kahinaan ng ating pagpapasya sa pagpili ng mabuti at masama... ng tama at mali! May gantimpalang naghihintay sa atin kung magtitiwala tayo sa kabutihan ng Diyos na hindi Niya tayo pababayaan sa ating pagsisikap dahil mahal Niya tayo. May "langit" tayong mararating kung magsisikap tayong sumunod sa kanyang kalooban, magtitiyaga at mapagkumbaba nating susundin ang Kanyang mga utos. Tandaan mo... isa lang ang daang patungo kay Kristo... at ang hahantungan mo ay nakasalalay sa pintuang pipiliin mo.
Linggo, Agosto 14, 2016
SIGN OF CONTRADICTION: Reflection for 20th Sunday in Ordinary Time Year C - August 14, 2016 - JUBILEE YEAR OF MERY
May kuwento ng isang batang umakyat sa mataas na punong-kahoy. Nag-alala ang mga nakakita baka mahulog ito kaya't hinanap nila ang magulang ng bata. Pilit naman siyang pinabababa ng mga ito ngunit kahit anong pakiusap ay ayaw sumunod ng bata. Tumawag sila ng barangay tanod ngunit ayaw pa rin nitong bumaba. Nagkataong dumaan ang isang pari at hiningi nila ang kanyang tulong na pakiusapan ang batang bumababa sa puno. Sumunod naman ang pari. Lumapit s'ya sa puno. Tiningala ang bata. Itinaas niya ang kanyang kamay at binasbasan ito ng tanda ng krus. Agad agad ay bumaba ang bata. Nagulat ang lahat maging ang pari. Nang tinanong nila ang bata kung bakit siya bumaba ay sinabi nito: "E pano ba naman sabi ng pari sa akin (winasiwas ang kamay na animong nagbabasbas) Ikaw baba, o putol puno! Baba o putol puno!" Parang kontradiksyon hindi ba? Hindi naman natin ginagamit na panakot ang tanda ng krus bagkus pampasuwerte pa nga ito para sa ilan. Ang tawag natin d'yan ay SIGN OF CONTRADICTION. Tunay naman sapagkat noong unang panahon, ang krus ay kaparusahan para sa mga kriminal, sa mga magnanakaw at siguro kung buhay na si Pangulong Duterte noon ay para rin sa mga drug addict. Ngunit nang si Jesus ay mamatay sa krus ay naiba ang ibig sabihin nito. Ang krus ay naging simbolo ng kaligtasan at kalayaan sa kasalanan! Ang ating mga pagbasa sa linggong ito nagpapakita sa atin ng maraming sign of contradiction o tanda ng pagkakasalungat. Sa Unang Pagbasa ang mga propeta ay laging itinuturing na sign of contradiction sapagkat ang kanilang pangangaral ay laging nagdadala sa kanila sa kapahamakan. Ang hatid nila ay mensahe mula kay Yahweh ngunit hindi ito katanggap-tanggap sa mga Israelita. Si Jesus din ay isang malaking sign of contradiction. Ano ang sinabi niya sa pagbasa ng Ebanghelyo ngayon? "Akala ba ninyo'y pumarito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa? Sinasabi ko sa inyo: hindi kapayapaan kundi pagkakabaha-bahagi." Hindi ba't isa itong malaking kontradiksyon? Si Jesus ay ang Prinsipe ng Kapayapaan. Sa katunayan ay ito ang unang handog niya noong siya'y muling nabuhay. Bakit ngayon ay pagkakabaha-bahagi ang kanyang sinasabing iniiwan? Ito ang sasapitin ng mga taong tunay na sumusunod kay Kristo. Siya ay magiging sign of contradiction. Hindi bat ito ang Simbahang Katolika ngayon? Isang malaking sign of contradiction! Ang daming sumasalungat sa mga turo ng Simbahan bagama't ipinapangaral lamang nito ang turo ni Kristo. Halimbawa ay ang paggamit ng mga artificial means of contraception tulad ng implants, IUDs, condom. Hindi ba't hanggang ngayon ay binabatikos ang Simbahan tungkol dito? Isama natin ang paninidigan ng Simbahan laban sa same sex marriage, sa divorce, sa death penalty, sa extra-judicial killings, hindi ba't nagmimistulang kontrabida ang Simbahan natin dito? Pero magbabago ba ang paninindigan ng Simbahan? Hindi! Kailanman, ang Simbahan ay mananatiing sign of contradiction kahit pa sabihin nating ang buong mundo na ang kanyang kalaban dito. Hindi magpapadala sa agos ng mundo ang Simbahan sapagkat nakaangkla ito sa turo ni Kristo! Ipagdasal natin ang maraming Kristiyanong nanatiling tahimik sa mga pangkasalukuyang isyu ng ating lipunan. Lalo nating ipagdasal ang taong patuloy na bumabatikos sa aral ni Kristo. Na sana ay tupukin sila ng "apoy ni Kristo", ang apoy ng kanyang pagmamahal upang mapalitan ang anumang galit o pagkamuhi o pag-aalinlangan sa kanilang puso. Ito ang sabi ni Jesus: "Naparito ako upang magdala ng apoy sa lupa - at sana'y napagningas ko ito!"
Sabado, Agosto 6, 2016
PANANAMPALATAYANG GANAP: Reflection for 19th Sunday in Ordinary Time Year C - August 7, 2016 - JUBILEE YEAR OF MERCY
Pamilyar na sa atin ang salitang PANANAMPALATAYA ngunit ano ba ang pakahulugan nito? Sa ating ikalawang pagbasa, sa Mga Sulat sa Hebreo, sinasabi sa ating "Tayo'y may pananalig kung nagtitiwala tayong mangyayari ang mga inaasahan natin, at naniniwala sa mg bagay na di natin nakikita." May kuwento ng isang barrio na tinamaan ng El Nino. Ang ikinabubuhay ng mga tao ay pagsasaka kaya't malaking dagok sa kanila ang tagtuyot sapagkat nanatiling tigang ang kanilang mga lupain. Kaya't sa misa ng kanilang ng parokya ay hiniling ng kanilang kura-paroko ang kanilang panalangin upang umulan at ng sa gayon ay matubigan ang kanilang mga lupain at muli silang makapagtanim. "Nananalig ba kayo na sa isang linggo ay bubuhos ang isang malakas na ulan?" Sumagot naman ang lahat: "Opo Padre! Nananalig kami!" Lumipas ang isang linggo at muling nagtipon ang mga tao sa loob ng simbahan. Nalungkot ang pari sa kanyang nakita sapagkat sa mahigit isang daang nagsisimba, iisa lamang sa kanila ang nadala ng payong! Hindi natin namamalayan na araw-araw ay ginagamit natin ang pananampalataya sa ating buhay. Sa mga nagtratrabaho sa atin ay masaya nating hinihintay ang kinsenas o ang katapusan ng buwan? Bakit? Sapagkat umaasa tayong makatatanggap ng sahod. Hindi pa dumarating ngunit alam nating tatanggap tayo nito. Pananampalataya. Kapag sumasakay tayo ng jeep, paano tayong nakasisiguro na makakarating tayo ng ligtas sa ating patutunguhan? Nagtitiwala tayo sa driver di ba? E paano kung addict pala ang driver at hindi sumurender sa "Oplan Tukhang?" Patay tayo dyan! Pero nagtitiwala pa rin tayo. Kung kaya nating magpakita ng pananampalataya sa mga tao, ang tanong ay bakit hirap tayong magpahayag nito sa ating Diyos? Mayroon kasing hinihingi ito sa atin. Higit pa sa simpleng pagsasabing "Sumasampalataya ako!" Ang pananampalatayang ating tinanggap sa Binyag ay nangangailangan ng pagpapatunay o pagibibigay saksi kung tunay nga tayong mga tagasunod ni Kristo. Ang pananampalataya pagkatapos angkinin ay dapat isinasabuhay. Ang tawag natin dito ay PANANAMPALATAYANG GANAP. Kailan natin masasabing GANAP ang ating pananampalataya? Alam natin ang kahulugan nito: paniniwala at pagtitiwala. Pero kalimitan ay nakakaligtaan natin ang ikatlong katangian ng ganap na pananampalataya at ito ay ang... pagsunod! Kaya nga't madalas ay nakakakita tayo ng mga "doble-karang Kristiyano", magaling sa salita ngunit kulang naman sa gawa, saulado ang kapitulo at bersikulo ng Bibliya ngunit hindi naman isinasabuhay ito. Ang isang ganap na pananampalataya ay may kaakibat na gawa na nagpapahayag ng ating pagsunod kay Kristo. Ano ba ang nais ng Diyos sa atin? Simple lang, ang isabuhay mo ang pinaniniwalaan mo! Maging tulad tayo ng aliping laging handang naghihintay sa pagdating ng Panginoon. Hindi patulog-tulog, tamad, walang ginagawa, nagsasamantala sa kapwa. Ipakita natin ang isang pananampalatayang buhay! Pananampalatayang hindi lamang laman ng mga isinaulong panalangin o kaalaman sa katesismo, ngunit isang pananampalatayang nakikita sa ating pagsaksi bilang mga tagasunod ni Kristo. Sa mga nangyayari ngayon sa ating lipunan ay hinihingi ang ating malakas na pananampalataya. Hindi lingid sa ating kaaalaman ang maraming napapatay sa kampanya laban sa droga. Hindi ko tinutukoy ang lehitimong pagtupad ng tungkulin ng ating mga alagad ng batas. Ang ikinababahala ko ay ang mga tinatawag nating "summary execution" o "extra-judicial killing" na halos lumagpas na ng isang daan. Masaya ba tayo kapag may napapatay ang mga "riding in tandem" na mga vigilante? Magdarasal ka. Magsisimba ka. Tapos sasabihin mo... "mabuti nga sa kanila! Dapat maubos na ang mga drug addict na yan!" Ang ipinaglalaban ng simbahan ay ang paggalang sa karapatan ng tao. Hindi mo kinakailangang maging Kristiyano upang maintindihan na mali ang walang hambas na pagpatay ng mga taong wala namang mandato para gawin ito! Suportahan natin ang kampanya ng gobyerno laban sa illegal na droga ngunit huwag tayong mapipi kapag may mga taong nagsasamantala at inilalagay ang batas sa kanilang kamay! Ito ang ating pagsaksi at pagpapakita ng ganap na pananampalataya. Huwang lang nating ipangaral ang pag-ibig, pagpapatawad, pagtulong sa mahihirap, pagpapairal ng kaayusan, katarungan at kapayapaan, bagkus ay isagawa natin ito. Tandaan natin na sa ating pinagkalooban nito ay mas higit ang inaasahan sa atin ng Panginoon. Ganap ba ang pananampalataya ko?
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)