Linggo, Agosto 14, 2016

SIGN OF CONTRADICTION: Reflection for 20th Sunday in Ordinary Time Year C - August 14, 2016 - JUBILEE YEAR OF MERY

May kuwento ng isang batang umakyat sa mataas na punong-kahoy.  Nag-alala ang mga nakakita baka mahulog ito kaya't hinanap nila ang magulang ng bata.  Pilit naman siyang pinabababa ng mga ito ngunit kahit anong pakiusap ay ayaw sumunod ng bata.  Tumawag sila ng barangay tanod ngunit ayaw pa rin nitong bumaba. Nagkataong dumaan ang isang pari at hiningi nila ang kanyang tulong na pakiusapan ang batang bumababa sa puno.  Sumunod naman ang pari. Lumapit s'ya sa puno. Tiningala ang bata. Itinaas niya ang kanyang kamay at binasbasan ito ng tanda ng krus.  Agad agad ay bumaba ang bata. Nagulat ang lahat maging ang pari.  Nang tinanong nila ang bata kung bakit siya bumaba ay sinabi nito: "E pano ba naman sabi ng pari sa akin (winasiwas ang kamay na animong nagbabasbas) Ikaw baba, o putol puno! Baba o putol puno!"  Parang kontradiksyon hindi ba?  Hindi naman natin ginagamit na panakot ang tanda ng krus bagkus pampasuwerte pa nga ito para sa ilan.  Ang tawag natin d'yan ay SIGN OF CONTRADICTION.  Tunay naman sapagkat noong unang panahon, ang krus ay kaparusahan para sa mga kriminal, sa mga magnanakaw at siguro kung buhay na si Pangulong Duterte noon ay para rin sa mga drug addict. Ngunit nang si Jesus ay mamatay sa krus ay naiba ang ibig sabihin nito.  Ang krus ay naging simbolo ng kaligtasan at kalayaan sa kasalanan!  Ang ating mga pagbasa sa linggong ito nagpapakita sa atin ng maraming sign of contradiction o tanda ng pagkakasalungat.  Sa Unang Pagbasa ang mga propeta ay laging itinuturing na sign of contradiction sapagkat ang kanilang pangangaral ay laging nagdadala sa kanila sa kapahamakan.  Ang hatid nila ay mensahe mula kay Yahweh ngunit hindi ito katanggap-tanggap sa mga Israelita.  Si Jesus din ay isang malaking sign of contradiction.  Ano ang sinabi niya sa pagbasa ng Ebanghelyo ngayon?  "Akala ba ninyo'y pumarito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa?  Sinasabi ko sa inyo: hindi kapayapaan kundi pagkakabaha-bahagi."  Hindi ba't isa itong malaking kontradiksyon?  Si Jesus ay ang Prinsipe ng Kapayapaan.  Sa katunayan ay ito ang unang handog niya noong siya'y muling nabuhay. Bakit ngayon ay pagkakabaha-bahagi ang kanyang sinasabing iniiwan?  Ito ang sasapitin ng mga taong tunay na sumusunod kay Kristo.  Siya ay magiging sign of contradiction.  Hindi bat ito ang Simbahang Katolika ngayon?  Isang malaking sign of contradiction!  Ang daming sumasalungat sa mga turo ng Simbahan bagama't ipinapangaral lamang nito ang turo ni Kristo.  Halimbawa ay ang paggamit ng mga artificial means of contraception tulad ng implants, IUDs, condom.  Hindi ba't hanggang ngayon ay binabatikos ang Simbahan tungkol dito?  Isama natin ang paninidigan ng Simbahan laban sa same sex marriage, sa divorce, sa death penalty, sa extra-judicial killings, hindi ba't nagmimistulang kontrabida ang Simbahan natin dito?  Pero magbabago ba ang paninindigan ng Simbahan? Hindi! Kailanman, ang Simbahan ay mananatiing sign of contradiction kahit pa sabihin nating ang buong mundo na ang kanyang kalaban dito.  Hindi magpapadala sa agos ng mundo ang Simbahan sapagkat nakaangkla ito sa turo ni Kristo!  Ipagdasal natin ang maraming Kristiyanong nanatiling tahimik sa mga pangkasalukuyang isyu ng ating lipunan. Lalo nating ipagdasal ang taong patuloy na bumabatikos sa aral ni Kristo. Na sana ay tupukin sila ng "apoy ni Kristo",  ang apoy ng kanyang pagmamahal upang mapalitan ang anumang galit o pagkamuhi o pag-aalinlangan sa kanilang puso.  Ito ang sabi ni Jesus: "Naparito ako upang magdala ng apoy sa lupa - at sana'y napagningas ko ito!"

Walang komento: