Sabado, Oktubre 1, 2016

MAPAGKUMBABANG PANANAMPALATAYA: Reflection for 27th Sunday in Ordinary Time Year C - October 2, 2016 - JUBILEE YEAR OF MERCY

Malimit nating naririnig ang salitang "pananampalataya".  Sa katunayan ay malimit nating ginagamit ito sa ating pang-araw-araw na buhay na marahil ay hindi natin namamalayan. Halimbawa, sa tuwing tayo ay kumakain sa isang fastfood restaurant o kaya naman sumasakay ng pampublikong sasakyan ay ipinagkakatiwala natin ang ating buhay sa mga taong hindi naman natin kilala.  Paano tayo nakasisigurong malinis ang ating pagkaing kinakain o kaya naman ay ligtas magmaneho ang driver na ating sinakyan?  Pero naniniwala tayo at nagtitiwala sa kanila.  Kung minsan ay maririnig din natin sa mga mag-aaral: "Malapit na exams... bahala na!"  O kaya naman kapag hindi nakapag-aral: "Sige na nga... bahala na si Batman!"  Ang ganitong uri ng pag-uugali ay maari nating maiugnay sa ating pananampalatayang espirituwal.  Sa katunayan ang salitang "bahala na" ay nanggaling sa salitang "Bathala na!"  Kung kaya't masasabi natin na ang ating "tadhana" ay nakaugnay sa ating pagkilala kay "Bathala", na ang salitang "fate" ay hindi natin mahihiwalay sa ating "faith".  Itinanim sa atin ang butil ng pananampalataya noong tayo a bininyagan ngunit nakakalungkot na ang pananampalatayang ito ay marami sa atin ang hindi inalagaan at dahil dito ay napabayaan.  Kaya nga ang panalangin ng mga alagad ay atin ding panalangin: "Dagdagan po ninyo ang aming pananalig sa Diyos!"  Ang kasagutang ibinigay ni Jesus ay ang "talinghaga ng butil ng mustasa", pananampalatayang maliit sa ating paningin ngunit malaki naman sa paningin ng Diyos.  Ang tawag natin dito ay "mapagkumbabang pananampalataya."   Ito ay pananampalatayang katulad ng isang aliping handang maglingkod sa kanyang panginoon o "Servant's Heart".  Sa ating Ebanghelyo, ito ay katulad ng winika ng alipin sa kanyang amo: "kapag nagawa na ninyo ang lahat ng iniutos sa inyo, sabihin ninyo, ‘Kami’y mga aliping walang kabuluhan; tumupad lamang kami sa aming tungkulin.’ ”  Ang pananampalatayang ito ay nangangahulugan ng ating paniniwala, pagtitiwala at pagsunod.  Katulad din ito ng AWA, UNAWA at GAWA na patuloy nating pinagninilayan ngayong Taon ng Awa.  May kasabihan tayong "nasa Diyos ang AWA nasa tao ang GAWA."  Hindi masamang umasa sa awa ng Diyos.  Ngunit mahalaga rin na sa ating pagpapasa-Diyos ng ating hinaharap ay kumilos naman tayo sa kasalukuyan!  Ang ating unang pagbasa sa Aklat ni Habakuk ay paglalarawan sa mga nangyayari sa atin ngayon sa kasalukuyan: " Bakit ang ipinakikita mo sa akin ay pawang kasamaan at kahirapan? Sa magkabi-kabila’y nagaganap ang pagwasak at ang karahasan; laganap ang hidwaan at pagtatalo."  Dito ay talagang nangangailangan tayo ng mapagkumbabang pananampalataya.  Hindi sagot ang panghuhusga at karahasan upang malutas natin ang suliranin ng ating lipunan.  Bilang isang Kristiyano ang kasagutan natin ay ang pagbabahagi ng pag-ibig at habag ng Diyos sa ating kapwa sa pamamagitan ng awa, unawa at gawa!  At ang unang hakbang na dapat nating gawin ay magkaroon ng mapagkumbabang pananampalataya.  Ito ang ating pagtugon sa Diyos na lumalapit sa atin at nag-aalok ng Kanyang pagmamahal. Ito ay ang ating pagtanggap sa Kanya. Mapagkumbaba ba ang pananampalataya mo?   




Walang komento: