Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Disyembre 31, 2016
KAPAYAPAAN HINDI KARAHASAN: Reflection for the Solemnity of Mary Mother of God and New Year 2017 - January 1, 2017 - 50th WORLD PEACE DAY
Natapos na ang taong 2016. Isang taong punong-puno ng "pagbabago". "Change has come!" ang sabi nga nila ngunit ano nga bang pagbabago? Ang nakikita ng aking mga mata ay ang maraming patayang nangyayari araw-araw. Marahil nabawasan nga naman ang ilang krimen sa kalsada ngunit ang pagpatay ba ay hindi krimen? "Change is coming" nga ba o "change scamming?" Kaya nga ang pagpasok ng 2017 ay nagbibigay sa akin ng higit na pangamba! Magpapatuloy ba ang ganitong kalakaran? Pagpatay kapalit ng kapayapaan at kaayusan ng pamumuhay na ating minimithi? May nabasa akong text: "Worrying does not take away tomorrow's troubles, it takes away today's peace!" Kaya nga't angkop na angkop na sa pagsisimula ng bagong taon ay ipinagdarasal natin ang pagkakaroon ng kapayapaan. Ang unang araw ng bagong taon ay itinalagang "World Day of Prayer for Peace." Kapag may kapayapaan may kaayusan. Kapag may kaayusan may pag-unlad ng pamumuhay! At ito naman talaga ang ating pagbati sa pagpasok ng bagong taon: isang "manigong buhay" na punung puno ng pagpapala at biyaya! Kaya nga marami sa atin ang gumagawa ng mga ritwal upang "paalisin ang malas at papasukin ang buwenas! Nandiyan na ang naglalakasang paputok tulad ng "Aldub Forever" at "Goodbye Delima" na pinatakbo sa takot kahit ang pinakamataas na pinuno ng kapulisan. Nariyan ang pagbili ng labindalawang prutas para suwertihin. May paghahanda rin ng pagkaing malagkit para hindi magkahiwalay-hiwalay ang pamilya o ang pagkain ng pansit para sa isang mahabang buhay. Ngunit saan nga ba nakasalalay ang buwenas sa ating buhay? Ano ba ang dapat unang gawin ng isang Kristiyano? Panalangin ang dapat gawin para suwertihin! Kaya napakagandang simulan ang bagong taon sa pagsisimba na siyag pinakamataas na panalanging ating maaring gawin. At sa unang araw ng bagong taon ay ibinibigay sa ating haimbawa si Maria bilang INA NG DIYOS! Tinamaan ng suwerte ang Mahal na Birheng Maria sapagkat napili siya sa lahat ng mga babae upang maging Ina ng anak ng kataas-taasang Diyos! Walang ng suwerteng hihigit pa dito! Ngunit hindi ito ang talagang kadakilaan ni Maria. Nang may nagsabi kay Jesus habang siya ay nagtuturo: "Mapalad ang sinapupunang nagluwal sa iyo!" Ngunit agad niya itong itinama at sinabi "Mas mapalad ang mga taong sumusunod sa kalooban ng Diyos!" At sino ba sa lahat ng nilikha ang naging masunurin sa kalooban ng Diyos maliban sa Mahal na Birheng Maria? Mga kapatid, ang kapalaran natin sa bagong taong ito ay nakasalalay sa ating pagsunod sa kalooban ng Diyos kaya't nararapat lamang na katulad ni Maria ay maging masunirin tayo sa Kanya. Kaya nga kung nais nating mapuno ng biyaya ang ating bagong taon ay nararapat lang na simulan na nating tanggalin ang ating masamang pag-uugali at tapat na tupdin ang kalooban ng Diyos. Para sa atin namang paghahangad ng kapayapaan, ang Simbahan ay nagpapaalala sa atin na hindi ang karahasan kundi ang kabuthihan ang daan sa tunay na kapayapaan. Ang tema ng 50th World Day of Prayer for Peace ay "Christian non-violence as a style of politics for peace." Kaya nga't hindi kinukunsinti o pinapanigan ng Simbahan ang karahasan o anumang paraang di-makatarungan para lamang magkamit ang tao ng kapayapaan. Hindi ang paglipol sa mga kriminal o drug addicts ang sagot para sa matiwasay na lipunan. Laging pinapanindigan ng Simbahan ang paggalang sa karapatan ng bawat tao mabuti man siya o masama at pagbibigay ng pagkakataong magbago. Kaya nga ipagdasal natin na sa pagpasok ng bagong taong ito na kapayapaan ang umiral sa ating paligid. Iwaksi natin ang "kultura ng kamatayan" at sa halip ay pairalin ang "kultura ng kabutihan" bilang daan sa tunay na kapayapaan!
Linggo, Disyembre 25, 2016
CHRISTLESS CHRISTMAS: Reflection for the Solemnity of the Birth of Our Lord - Year A - December 25, 2016
Minsan ay nagpunta ako sa isang malaking shoping mall. Pagkapasok ko pa lang sa entrance gate ay binati agad ako ng security guard ng "Happy holiday sir!" Sinagot ko s'ya ng "Merry Chritmas too!" Pagpasok ko sa isang botique ay ito rin ang bungad sa akin ng isang saleslady: "Happy holiday sir!" At sinagot ko rin s'ya ng "Merry Christmas my dear!" Sa pangatlong pagkakataon ay narinig ko uli ang bating ito ng kumain ako sa isang fastfood chain, "Happy holiday po!" sabi ng cashier. Di na ako nakatiis kaya nagtanong na ako... "Bakit happy holiday at hindi Merry Christmas ang bati ninyo?" "Eh yun po kasi ang sinabi sa amin ng management eh!" Nalungkot ako sapagkat hindi natin namamalayan na kahit sa pagbati ay unti-unti ng tinatanggal si Kristo sa Pasko! Marahil ay ipaalala muli sa atin na si Kristo ang dahilan kung bakit mayroon tayong Pasko. Walang Pasko kung walang Kristo! Mag-ingat tayo sapagkat ito ngayon ang sinasabi ng mundo na maari tayong makapagdiwang ng Pasko ng walang Kristo... a CHRISTLESS CHRISTMAS! Hindi ako magtataka na darating ang panahon ang batian natin ay MERRY MAS na lang! May kuwento ng isang Russian astronout na ang pangalan ay Yuri Gagarin na pagkatapos niyang mamalagi sa kalawakan ay pinuntahan niya ang Obispo ng Moscow at sinabi: "Monsignor... nalibot ko na ang kalawakan ngunit hindi ko nakita ang Diyos!" Ang sagot ng obispo ay ito: "Bago ka naglibot sa kalawakan ay dapat hinanap mo muna si Kristo sa lupa!" Totoo nga naman, hindi natin matatagpuan ang Diyos sa kalawan sapagkat pinili niyang mamalagi at manirahan dito sa lupa. Ito ang sinabi ng ating Ebanghelyo, na "ang Salita, na Diyos, ay nagkatawang-tao at nanirahan sa atin!" Mas pinili ng Diyos ang ating abang kalagayan upang maipadama niya sa atin ang Kanyang pagmamahal kaya't nararapat lamang na panahanin natin si Kristo sa ating puso... panatilihin natin si Kristo sa Pasko. Ngunit isang malaking kabalintunaan kung maririnig mo ang ang bating "Merry Christmas!" sa mga taong sumasang-ayon sa "death penalty" o "extra-judicial killing". Bakit? Sapagkat si Jesus ay dumating upang hindi tayo bigyan ng kamatayan kundi kaligtasan. Buhay at hindi kamatayan! Magpakatotoo tayo bilang mga Kristiyano. Huwang mamangka sa dalawang ilog! Ang ating Diyos ay nagkatawang tao upang bigyang kahulugan ang ating buhay. Ang Diyos ay dumating upang bigyan tayo ng pag-asa. Hindi siya dumating upang ibaba ang ating abang kalagayan. Napakasaya ng Pasko na kasama si Kristo! Huwag nating isantabi si Kristo. Huwag tayong magbulag-bulagan at sang-ayunan ang mga karahasang nangyayari sa ating lipunan. Gawin natig tunay na MERRY ang ating pagbati sapagkat ang KRISTO ay nasa ating puso! MERRY CHRISTMAS sa inyong lahat!
Sabado, Disyembre 17, 2016
KATAPATAN SA PAG-AALINLANGAN: Reflection for 4th Sunday of Advent Year A - December 18, 2016 - YEAR OF THE PARISH
Pitong tulog na lang at Pasko na! Sa katunayan ay nasindihan na ang lahat ng kandila sa ating Korona ng Adbiyento. Tunay ngang malapit na ang Pasko at nararapat lang na maging "Merry" ang ating "Christmas!" May dahilan ipang tayo ay magsaya sapagkat una ay tinanggap natin noong unang Pasko ang pinakamahalagang "regalo" na walang iba kundi si Jesus mismo, ang Diyos na sumasaatin. Pangalawa, ang dala ni Jesus sa kanyang muling pagdating sa wakas ng panahon ay "kaligtasan" para sa mga nanatiling tapat sa kanya! Habang hinihintay natin ang pagdating na ito "sa wakas ng panahon" ay tinatawagan tayong tanggapin siya sa araw-araw na pagdating niya sa ating puso. Kung paanong naging tapat ang Diyos sa tao ay gayundin naman, inaasahan niya ang ating matiyagang katapatan. Tunay nga na ang Pasko ay pagdiriwang ng katapatan ng Diyos sa tao at ang sagot na katapatan ng tao sa Diyos. May isang Diyos na naging tapat sa atin sa kabila ng ating pagiging salawahan. Isinugo niya ang Kanyang bugtong ng Anak dala ng Kanyang malaking pagmamahal sa sangkatauhan. Ngunit paano ba natin sinasagot ito bilang mga tao? Isang mister ang malapit na sa bingit ng kamatayan. Ipinatawag niya ang kanyang asawa at sinabi: "Alam mong bilang na ang mga sandali ko. Nais ko sanang mapayapa ang aking sarili bago ako mamatay. Tapatin mo nga ako, ako ba ang ama ng ating bunso? Napansin kong magkamukha ang panganay at kasunod ngunit napakalayo ang itsura ng ating bunso. " Sumagot ang babae: "Ano ka ba naman? Pinagdududahan mo ba ako? Tunay na anak mo yan no? Pero sigurado ako... Yung dalawa, kay kumpare 'yun!" Inatake sa puso ang mister! May karapatang magduda ang lalaki kung papaanong si Jose rin ay may karapatang magduda sa kanyang asawang si Maria. Bago sila magsama ay naratnan niyang nagdadalang-tao ito. Ano ang kanyang gagawin? Sapagkat isa syang taong matuwid at ayaw niyang ipahiya at ipahamak si Maria ay nagdesisyon na lang na iwanan niya ito ng tahimik. Katulad ng sino mang tao, si Jose ay pangarap sa buhay. Pangarap niya marahil ang magtayo ng pamilya. Isa siyang taong matuwid at alam ang kanyang gusto sa buhay. Nakita ng Diyos ang kabutihan ng puso ni Jose kaya't binigyan niya ito ng mas mabigat na responsibilidad: Ang maging ama-amahan ni Jesus at tagapag-alaga ng mag-ina! Hindi nabigo ang Diyos kay Jose. Tinanggap niya ng bukal sa loob ang bagong plano ng Diyos. Ganito rin ba ang aking reaksiyon kapag hindi nangyayari ang gusto ko? May plano ang Diyos sa atin na kung minsan ay taliwas sa ating gustong mangyari: Bumagsak ka sa board exam, nawalan ka ng trabho. Nasunugan ka ng bahay. Namatayan ka ng mahal sa buhay.... Mas madali ang magduda at mag-alinlangan... Pero katulad ni San Jose ay tinatawagan tayong manalig sa Diyos at sumunod. Ito ang sukatan ng tunay na pananampalataya. Tandaan mo, ang Diyos ay lubos na nagtitiwala sa iyo tulad ng pagtitiwalang ipinamalas Niya kay Jose. Bilang isang kumunidad, ito rin ang nais ng Diyos na gawin natin. Sa kasalukuyang mga nangyayari ngayon sa ating lipunan ay mas nakikita ang pangagaliangang maging tapat tayo sa Diyos. Maraming isyung kinakaharap ang ating bayan tulad ng death penalty, divorce, same sex marriage, extra-judicial killing, drugs at kriminalidad, corruption, etc. Masasabi ba nating tapat tayo sa Diyos? Ang Simbahan ay nananatiling tinig ng propeta na nagsasabing mali ang pagpatay, mali ang ilagay sa kamay ang pagpapatupad ng batas, mali ang korupsiyon, mali ang divorce at same sex marriage. Nasaan ngayon ang ating paninindigan? Tulad ni Jose, tinatawagan tayong maging tapat sa kalooban ng Diyos. Ang pagpanig sa katotohanan kung minsan ay magdadala ng maraming pagsalungat ngunit tayo ay tinatawagang maging tapat. Ang pagiging Kristiyano ay hindi naman popularity contest. Ang sukatan ay ang ating katapatan kay Kristo!
Sabado, Disyembre 10, 2016
KAGALAKAN SA PAGHIHINTAY: Reflection for the 3rd Sunday of Advent Year A - December 11, 2016 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES
Sinindihan na natin ang pangatlong kandila ng ating Korona ng Adbiyento. Kung inyong napansin kulay "pink" ang ating sinindihan at hindi ang "violet" Ang kulay lila o violet ay simbolo ng pagsisisi at pagbabalik-loob na siyang diwa ng adbiyento. Bakit pink ang ating sinindihan kung gayon? Ang Adbiyento ay nangangahuugan ng pagdating ng Panginoon sa ating piling. At dahil diyan tayo ay naghihintay. Ngunit ito ay paghihintay na hindi tulad ng isang taong bibitayin na nasa death row. Nakakatakot na paghihintay! Hindi rin ito paghihintay na tulad ng isang taong tumaya sa lotto na walang kasiguruhan kung siya ba ay mananalo o hindi. Ang Adbiyento ay hindi nakakatakot at walang kasiguruhang paghihintay. Bagkus ito ay masayang paghihintay sapagkat ang darating ay ang Panginoon at ang kanyang dala-dala ay kaligtasan! Kaya nga't may kasamang saya at galak ang ating paghihintay sa Panginoong darating at ito ang isinasagisag ng kulay pink na kandila sa ating Korona ng Adbiyento. Ang kaligtasang dala ng Panginoon ang siyang nagbibigay sa atin ng kasiyahan at kagalakan. Katulad ng mga unang Kristiyano, ang dinarasal natin ay "MARANATHA!" Halina Jesus sa aming piling! May galak nating kinasasabikan ang muling pagdating ng Panginoon. Ang kagalakang ito ay ang ipinahayag ni Propeta Isaias: "Ang mga bulag ay makakikita, at makaririnig ang mga bingi... paghaharian sila ng kalgayahan. Lungkot at dalamhati ay mapapalitan ng tuwa at galak magpakailanman." Ito rin ang tandang ibinigay ni Jesus sa mga alagad ni Juan Bautista ng suguin sila upang itanong kung sya na nga ba ang hinihintay nilang Mesiyas. Ang pagdating ni Jesus ay nagbigay ng kagalakan sa mga taong nasa laylayan ng lipunan. Ngunit hindi lahat ay magsasaya sa kanyang pagdating sapagkat may mga taong mag-aalinlangan sa kanya katulad ng pag-aalinlangan nila kay Juan bilang propetang isinugo ng Diyos. Ang mga taong ito ay ang mga hindi makatanggap sa tunay na kahulugan ng kanyang pagliligtas, tulad ng mga Hudyo na hindi matanggap si Jesus sapagkat isang "materyal na Mesiyas" ang kanilang inaasahan. Tayo rin bilang mga Kristiyano ay maaring matulad sa kanila kapag ang ating pinahahalagahan ay ang ating "materyal na kaligtasan!" Makikita natin ito sa ating paghahanda sa pagdiriwang ng Pasko. Ano ba ang higit na mahalaga sa atin? Kalimitan ay nauuwi lamang sa panlabas ang ating paghahanda. Totoong masaya ang Paskong punong-puno ng dekorasyon, pagkain, alak, regalo at mga panlabas na pagpapakita ng ating kasiyahan. Ngunit wag sana nating kaligtaan na walang saysay ang lahat ng ito kung makakalimutan natin ang ating panloob na paghahanda. Kaya nga ang panawagan ng Adbiyento ay hind nagbabago... magsisi ka sa iyong mga kasalanan! Ito ang paghahandang may ginagawa na tinutukoy sa sulat ni Santiago Apostol, isang matiyagang paghahanda tulad ng isang magsasakang hinihintay ng buong tiyaga ang "mahalagang bunga ng kanyang bukirin." Ang pangatlong kandila ang ating sinindihan ngayon. May isa pang sisindihan sa isang linggo. Ito ay magandang paalala sa atin na nagbibigay pa ang Diyos ng pagkakataon upang suriin natin ang ating sarili kung hindi pa natin ito nagagawa. May panahon pang magbago. May pag-asa pang naghihintay sa atin upang magbalik-loob! At nararapat lang na magbigay ito sa ating ng KAGALAKAN.
Sabado, Disyembre 3, 2016
O-PLAN TOKHANG NG DIYOS: Reflection for 2nd Sunday of Advent Year A - December 4, 2016
Ang literal na ibig sabihin ng Adbiyento ay "pagdating". Dahil may darating nararapat lang na tayo ay maghintay at maghanda. Kaya nga ito rin ay nangangahukugan ng "paghahanda". Sino ang pinaghahandaan natin sa panahon ng Adbiyento? Walang iba kundi si Jesus. Si Jesus ay matagal ng dumating. Ito ay ginugunita natin taon-taon sa pagdiriwan ng kapaskuhan na kung saan ay binibigayan nating parangal ang kanyang pagkakatawang-tao. Dahil dito ang Adbiyento ay paghahanda sa pagdiriwang ng Pasko. Ngunit si Jesus ay nangako rin ng kanyang muling pagbabalik na kung saan ay dadalhin niya tayo sa buhay na walang hanggan at ito rin ay dapat nating paghandaan. Kaya nga't ang Adbiyento rin ay paghahanda sa kanyang muling pagbabalik. Sa gitna ng kanyang unang pagdating at huling pagdating ay may tinatawag tayong MAHIWAGANG PAGDATING. Kailan at saan ito nangyayari? May kuwento ng isang sikat na pintor na gumawa ng isang obra. Ang kanyang painting ay hango sa Aklat ng Pahayag na kung saan ay makikita si Jesus na kumakatok sa isang pintuan. Napakagaling ng kanyang pagkakaguhit. Nakakamangha sapagkat parang naririnig mo ang dahan-dahang pagkatok ni Jesus sa pinto. Ngunit may isang batang pumuna sa kanyang obra. "Mamang pintor.... bakit walang door knob ang pintuan? " Napangiti ang pintor at sinabing "Sinadya ko yan! Sapagkat, kakaiba ang pintuang ito. Ang door knob ay wala sa labas kundi nasa loob!" "Meganun?" laking pagtataka ng bata. "Ano ang tawag sa pintuan iyan?" Sumagot ang pintor: "Ang tawag diyan iho ay ang pintuan ng puso ng tao! Ang Diyos patuloy na kumakatok sa puso natin ngunit tayo lang ang puwedeng magbukas at magpatuloy sa kanya. Ang door knob ng puso natin ay nabubuksan lamang sa loob kung gugustuhin natin." Ito rin ang ginagawa ni Juan Bautista sa kanyang pangangaral. Kinakatok niya ang puso ng mga Hudyo na pagsisihan nila at talikdan ang kanilang mga kasalanan at ihanda nila ng tuwid na daraanan ang Panginoon. Ito ang O-PLAN TOKHANG ng Diyos! Kaya ang Adbiyento ngayon ay may pangatlong pakahulugan: Ito ay ang agarang pagtugon sa pagtawag ng Diyos na magbalik-loob at magbagong buhay. Ang pagbabagong ito ay isang METANOIA. Ibig sabihin, ito ay tuloy-tuloy na pagbabago ng isip, ng puso at ng uri ng ating pamumuhay! Ang pagtuwid ng landas ay nangangahulugan ng pagsasaayos ng ating luma at magulong pamumuhay. Ito ay pagtanggal ng ating masamang pag-uugali at pagpupuno ng ating pagkukulang sa ating kapwa. Ang metanoia ay nangangahulugan ng bagong pag-uugali! Si Jesus ay araw-araw na kumakatok sa ating puso. Ang O-Plan Tokhang ng Diyos ay dumarating sa mga sandaling hindi natin inaasahan at sa mga taong hindi natin inaakala kaya't lagi dapat tayong handa. Maaari Siyang dumating sa pagkatao ng isang kaibigan o kaaway. Maari siyang dumating sa mga mahihirap at nangangailangan. Maari siyang dumating sa tinig ng mga taong kulang sa pag-aaruga at napapabayaan. Si Jesus ay kumakatok ngayon sa ating puso... pagbubuksan mo ba siya? Ito ang panawagan ng ikalawang Linggo ng Adbiyento: Paghandaan natin ang daraanan ng Panginon! Pagbuksan natin siya at huwag saraduhan ang pintuan ng ating puso.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)